"Waning Moon Chambers?!"
"Panginoon! Nagbibiro ka lang, hindi ba?" Naguguluhan si Tian Ze sa nangyayari.
[Ang papuntahin si Jun Wu sa Waning Moon Chambers, ibig sabihin noon ay...ang taong iyon ang magtuturo sa kaniya?]
Umangat ang isang kilay ng matandang lalaki. "Ano? Tingin mo ba ay hindi iyon tama?"
Hindi na maipinta ang mukha ni Tian Ze sa mga oras na iyon. [Hindi tama? Malamang hindi talaga iyon tama!]
[Ang taong iyon ang kinatatakutan ng Cloudy Brook Academy! Kung hahayaan nila si Jun Wu sa kamay nito...walang magandang mangyayari! Hindi nagpapakita ang Panginoon ng pagpabor kay Jun Wu pero tila gusto niya atang mamatay ang batang ito!]
"Pero ang ugali ng taong iyon..." Nag-aalala na si Tian Ze. Nararamdaman niyang mabait na bata si Jun Wu. Hindi ito madaldal at kalmado lang lagi. Kung alam niya lang kung paano turuan ang bata ay kinuha na sana niya iyon. Napakamasunurin nito at mabait, bakit nagmamatigas ngayon ang kaniyang Panginoon?!
Ikinumpas ng matandang lalaki ang kaniyang kamay para paalisin na si Tian Ze. "Huwag kang masyadong mag-alala, sa buong Cloudy Brook Academy, tanging siya lang ang may kakayahang turuan si Jun Wu. Sundin mo na lang ang utos ko at ipadala doon si Jun Wu."
Gusto pa sanang ipaglaban ni Tian Ze si Jun Wu Xie ngunit matigas ang matandang lalaki. Gusto nitong itulak si Jun Wu Xie sa apoy. Kahit ano pang sabihin ni Tian Ze ay hindi ito nakikinig kaya wala siyang nagawa kundi ang lumabas na bagsak ang mga balikat.
Walang ibang magawa si Tian Ze kundi ang puntahan si Jun Wu Xie at sabihin dito ang ipinag-utos ng kaniyang Panginoon.
Nang kinakausap ni Tian Ze si Jun Wu Xie, nagkataon na hinahanap din ni Gu Xin Yan si Jun Wu Xie. Nakangiti siyang naghihintay kay Tian Ze na makaalis para malapitan si Jun Wu Xie. Nang makaalis na si Tian Ze ay agad na lumapit si Gu Xin Yan kay Jun Wu Xie.
"Jun Wu, talaga bang sa Waning Moon Chambers ka mapupunta?" Tanong ni Gu Xin Yan.
Nagtatakang tumingin si Jun Wu Xie kay Gu Xin Yan. Matalino si Gu Xin Yan, hindi siya katulad ng ibang taong mahahalata agad sa mukha ang intensyon nito. Kahit na natukoy na iyon ni Jun Wu Xie, wala pa rin siyang makitang mali dito kay Gu Xin Yan hanggang ngayon. Kahit na gusto niya nang lumayo dito, hindi siya makahanap ng tiyempo.
Hindi gaanong kaduda-duda ang kabaitang pinapakita ni Gu Xin Yan kay Jun Wu Xie. Hindi rin ito madalas na lumapit kay Jun Wu Xie dahilan para makampante ang mga kabataang nakapalibot sa kanila.
Napansin ni Gu Xin Yan ang pagtataka sa mukha ni Jun Wu Xie kaya naman ilang sandali siyang nag-isip bago muling nagsalita: "Narinig ko mula saking mga senior na hindi madaling pakisamahan ang nasa Waning Moon Chambers at wala ni isa sa kanila ang nangahas na magpunta doon na walang maganndang dahilan. Kung talagang pupunta ka doon...mag-ingat ka ha?"
Tumango si Jun Wu Xie at bumalik na sa kaniyang silid.
Nang muling masaksihan ni Lin Hao Yu ang malamig na pakikitungo ni Jun Wu Xie kay Gu Xin Yan, muling nabuhay ang inis sa kaniyang puso: "Xin Yan, hanggang kailang mo papahirapan ang sarili mo? Naiintindihan ko kung anong binabalak mo pero masyado atang nagiging mayabang ang batang 'yon! Nagpapakita ka ng kabaitan sa kaniya tapos siya wala man lang pakialam. Ang mga katulad niya ay dapat na hinahayaang mamatay mag-isa eh! Kung hindi lang sa pagpipigil mo samin baka dinurog na namin siya."
Mas lalong mabait ang pakikitungo ni Gu Xin Yan kay Jun Wu Xie, mas lalong nadadagdagan ang galit ng mga disipulo ng Blood Fiend Palace dito. Habang sila ay nagpapakahirap na makipaglapit kay Gu Xin Yan ang batang ito naman ay mas lalong nagiging mayabang! Sino siya sa akala niya?
Ilang sandali munang nanahimik si Gu Xin Yan bago sumagot kay Lin Hao Yu: "Kung ayaw mong makita, huwag ka nalang tumingin. Walang pumilit sa'yong sumama dito. Kung hindi ko mapalagpas ang ganoon kaliit na bagay, paano ko masasabing anak ako ng aking ama?"