Malaki ang naging epekto sa Palace of Flame Demons ang magkasunod na pagkawala ng dalawang Elder. Kaya naman ang mga taong mula sa palasyong ito ay naparito sa Mount Fu Yao upang gampanan ang isang misyon.
Gayong nasusubukan ang kanilang pasensya dahil sa kanilang pinapanood, tiniis iyon ng tatlong lalaki. Hindi naman nalalayo ang kanilang sitwasyon sa iba pang mga palasyo. Ang Innate Gift Competition ay hindi rin nila gustong panoorin.
Matapos ng matagal na paghihintay, sa wakas ay narinig ni Jun Wu Xie na tinatawag ang kaniyang numero. Marahan siyang naglakad paakyat ng entablado.
Sinipat ng taong nakatayo sa entablado ang numero ni Jun Wu Xie at sinigurong siya ay pasok sa age limit bago siya tuluyang pinaakyat para magtanghal.
Ang mga kabataang naroon ay isa-isang napaangat ng tingin sa payat na binatilyong nakatayo sa entablado.
"Napakabata? Mukhang hindi naman siya nagmula sa Witch Doctor Tribe." Puna ng isang nanonood. Kadalasan, kapag masyado pang bata ang isang tao, hindi pa gaanong na-develop ang kaniyang kakayahan.
Ang mga kabataang halos kaedaran lang ni Jun Wu Xie at nauna nang magtanghal ay na-eliminate. Kaunti lang mula sa Witch Doctor Tribe ang pinalad na makapasok sa susunod na round.
Tumayo si Jun Wu Xie sa entablado at tinawag ang itim na pusa para tumayo rin doon sa entablado.
Nagtaka naman ang kabataang nanonood sa kaniya.
"Alam ba ng batang ito kung anong nangyayari? Hindi ito ang Ring Spirit Competition kaya bakit niya tatawagin dito ang kaniyang Ring Spirit? Sasayaw ba siya?"
"Nagbibiro ka ba?! Sa liit ng pusang 'yan, saglit lang 'yang dudurugin sa Ring Spirit Competition."
Dahil sa pagtawag ni Jun Wu Xie sa itim na pusa, sunod-sunod ang pangungutyang ibinato sa kaniya. Nakikita nila kung gaano kaliit si Jun Wu Xie at ang hula nila ay hindi ito nabibilang sa pangkat na may pambihirang katangian. Tumayo lang ito sa entablado at tinawag ang kaniyang pusa, ginawang katawa-tawa ang sarili.
Ang lahat ng naroon ay iniisip na baka mayroong sira sa utak si Jun Wu Xie para gawin iyon.
Umabot sa tenga ni Jun Wu Xie ang mga pangungutyang iyon ngunit walang nagbago sa ekspresyon sa kaniyang mukha. Tahimik lang siyang nakatayo doon, maya-maya ay inilabas nito ang isang water bag at paintbrush na kaniyang inihanda bago siya naparito.
Sa loob naman ng pribadong silid, ang tatlong lalaking mula sa Palace of the Flame Demons ay napansin din ang kaguluhan sa baba.
"Ha! Ano tong nakikita ko? May isang tangang tumawag ng kaniyang Ring Spirit dito sa Innate Gift Competition? Haha! Baka nagkamali talaga siya ng pinuntahan?"
"Nananaginip pa siguro ang isang 'to! Anong gagawin niya sa paintbrush at water bag? Ipapakita niya ba satin na ang kaniyang Ring Spirit ay marunong ng calligraphy?"
Hindi matigil sa pagtawa ang tatlong kalalakihan. Isang malaking biro ang tingin nila sa batang nasa entablado ngayon.
Sa entablado, dahan-dahang nagsalin si Jun Wu Xie ng tubig sa takip. Isinawsaw ni Jun Wu Xie ang paintbrush doon. Pagkatapos ay inangat niya ang kaniyang kamay, gamit ang paintbrush, dahan-dahan niyang isinulat ang isang foreign rune…