Sa gitna ng paghabol sa hininga, narinig niya ang mga sinabi ni Jun Wu Xie. Walang nagawa ang lalaki kundi ang humandusay sa sahig. Walang makakaintindi sa kaniyang nararamdaman sa oras na iyon dahil lahat ng sinabi ni Jun Wu Xie ay totoo!
Natumba siya sa sahig at hindi mailarawan ang sakit na kaniyang nararamdaman. Para na siyang mamamatay sa sobrang sakit.
Walang pumansin sa kaniya pagkatapos noon at wala rin nagtanong.
Nagpatuloy ang grupo nina Jun Wu Xie sa kanilang normal na gawain nung araw na iyon. Nakaupo sila sa lamesa at nag-aagahan. Ang waiter na nagulantang sa nangyari noong gabi ay nag-aalinlangan habang nagsisilbi ng pagkain. Hindi ito makatingin ng diretso. Hindi rin nito tinitignan ang lalaking nakahiga sa sahig at hindi gumagalaw. Animo'y isa itong bangkay.
Habang nakahiga ang lalaki sa sahig, unti-unting namamanhid ang kaniyang katawan. Hindi sa ayaw niyang gumalaw, iyon ay dahil sa tuwing susubukan niyang gumalaw ay sobrang sakit ang kaniyang nararamdaman.
Ang parusang kaniyang pinagdadaanan ay naging dahilan kung bakit nanatili itong hindi gumagalaw sa sahig. Ngunit ang malamig na sahig ay nagdadagdag pa ng sakit na kaniyang nararamdaman. Malamig iyon at tumatagos sa kaniyang kalamnan.
Habang nakahiga siya doon, masayang nag-uusap sina Jun Wu Xie habang kumakain.
Hindi siya takot na patayin ang kaniyang sarili. Ang pag-gilit sa kaniyang leeg ay masakit ngunit saglit lang kung gagawin. Ngayong hindi niya alam kung ano ang susunod na mangyayari sa kaniya, mas lalo siyang nalugmok.
"Magsasalita na ako...sasabihin ko na ang lahat..." Sa wakas ay nagsalita ang lalaki.
Agad na nag-angat ng tingin sina Qiao Chu kay Jun Wu Xie.
Wala pang isang oras at handa nang magsalita ang lalaki?
Isang lalaking hindi takot mamatay, isang lalaking mas pipiliing kagatin ang sariling dila para lang hindi isiwalat ang sikretong nalalaman niya? Isang elixir lang ang binigay dito ni Jun Wu Xie at ngayon ay handa na itong magkusang magsalita kahit na hindi ito kailangang tanungin? Isang elixir lang at ibubunyag nito ang sikretong nalalaman nito?
Napuno ng katanungan ang grupo. Gusto nilang malaman gaano ba kalala ang epekto ng elixir na iyon at ngayon ay kusa itong magsasalita?
Dahan-dahang ibinaba ni Jun Wu Xie ang kaniyang chopstick at tumingin kay Ye Sha.
Agad namang itinayo ni Ye Sha ang lalaki.
Dahil sa biglang pag-angat dito ni Ye Sha ay sumigaw ito sa sobrang sakit na naramdaman. Tinakasan ng kulay ang mga mukha ng innkeeper at ng waiter dahil doon.
"Ang Prime Minister...Ang Prime Minister ang nag-utos samin na patayin ka." Saad ng lalaki sa nanginginig na boses.
"Prime Minister?" Taas-kilay na tanong ni Jun Wu Xie.
"Ay? Ang Fire Country's Prime Minister, hindi ba't..." Biglang may naalala si Qiao Chu. Paulit-ulit nitong kinindatan si Jun Wu Xie---sinisenyasan ito.
Inignora naman ito ni Jun Wu Xie.
"Bakit niya ako gustong patayin?" Tanong ni Jun Wu Xie.
"Hindi ko alam ang rason. Ang trabaho ko lang ay patayin ang kahit na sinong gustong ipapatay ng Prime Minister. Kung tungkol sa rason kung bakit niya gustong gawin iyon, hindi ako nagtanong pa dahil hindi rin naman sakin sasabihin ng Prime Minister." Sagot ng lalaki.
Tumango si Jun Wu Xie. Alam niyang hindi ito nagsisinungaling. Tumango si Jun Wu Xie kay Ye Sha. Agad nitong binali ang leeg ng lalaki.