webnovel

Ang Paghahanda sa Laban (3)

Editor: LiberReverieGroup

Pagkatapos ng ilang sandali ay naubos na ni Jun Wu Xie ang kaniyang pagkain. Ibinaba niya ang

kaniyang kubyertos at nakaupo ng tahimik nang isang pamilyar na anyo ang kinakaladkad ni

Gongcheng Lei papasok ng pintuan.

Nang makita ni Jun Wu Xie ang taong iyon ay kumabog saglit ang kaniyang puso. Ngunit ang

reaksyon na iyon ay hindi niya hinayaan na makita sa kaniyang mga mata at nanatili siyang

blanko.

Si Fan Jin ay puwersahang kinaladkad ni Gongcheng Lei papunta doon!

Ang dating matipuno at matikas na binata ngayon ay kahabag-habag, ang mukha ay maputla at

impis, ang katawan ay buto't balat. Ang damit na may bahid ng dugo ay nababalutan na ng

dumi at hindi namatukoy ang tunay na kulay nito. Ang mukha na dati ay puno ng kagalakan

ngayon ay walang makikitang emosyon. Ang pares ng mga mata na dati ay puno ng buhay

ngayon ay malamlam, blanking nakatingin sa kawalan.

Ang tuyot na labi ni Fan Jin ay medyo nakabukas, ang labis na pagkawala ng tubig ang naging

dahilan upang ang labi nito ay matuyo at magsugat. Manipis na linya ng dugo ang umagos

mula sa sulok ng kaniyang labi pababa sa kaniyang panga hanggang sa baba, ang marumi

nitong damit ay nakasuot sa kaniyang payat na katawan. Wala ng sapat na laman ang kaniyang

katawan upang mapunan ang damit na suot nito kaya kung titignan ay maluwag ito sa kaniya.

Ang kasalukuyang Fan Jin ay mas payat pa kay Fan Zhou ng ito ay may malubhang sakit pa

noon! Napakagulo ng buhok nito parang tuyot na damo at madungis ang mukha.

Ang parehong kamay at paa nito ay nakagapos at hawak ni Gongcheng Lei ang kadena sa mga

kamay nito, puwersahang kinakaladkad sa likod nito ang mahina at hindi tumutugon na si Fan

Jin papunta kay Jun Wu Xie!

Sa bawat hakbang niya, ang makapal na kadena sa mga paa nito ay humahampas sa sahig at

ang matalim at malutong na kalabog niyon ay umalingawngaw sa kanilang mga tenga.

Sinong makakapagsabi na ang taong ito na mukhang pulubi ay ang Eldest Young Master ng

pamilyang Fan na dati ay kilala sa buong Zephyr Academy?

Kundi lang dahil sa tanyag na mukha ni Fan Jin ay hindi ito makikilala ni Jun Wu Xie.

Alam niya na hindi magiging maganda ang kalagayan ni Fan Jin dahil sa mga pinagdaanan nito

ngunit hindi niya inaasahan na magiging ganito kasama iyon!

At binabantayan pa siya sa lagay na iyon ni Wen Xin Han. Kung hindi dumating si Wen Xin Han

malamang ay namatay na si Fan Jin, isang bangkay!

Dahil sa pagkamatay ni Ning Xin, si Ning Rui ay nagkaroon ng matinding poot kay Fan Jin at sa

Jun Family. Wala siyang dahilan upang kalabanin ang Lin Palace sa ngayon at patay na rin si

Fan Qi. Kaya lahat ng poot at galit niya ay itinuon niya kay Fan Jin.

Buhay pa si Fan Jin, walang duda doon.

Ngunit... ang mabuhay ng ganito ay mas mahirap kaysa ang mamatay.

Sa ngayon, mas mabuti na rin na wala sa sarili si Fan Jin. Dahil kung hindi ay hindi siya

magtatagal hanggang sa ngayon.

Iwinaksi muna ni Jun Wu Xie ang kasalukyang itsura ni Fan Jin sa kaniyang isip, ang mata niya

ay kalmado pa rin katulad ng dati, ang kaniyang utak ay sinusuri ang iba't ibang kundisyon ng

katawan nito.

Kakulangan sa tubig, pamamaga, lagnat...

Ang katotohanan na nabubuhay pa si Fan Jin hanggang sa ngayon ay isang milagro.

"Fan Jin, narito ka na pala. Halika, maupo ka." ang mukha ni Ning Rui ay nagkunwaring maamo

habang nakangiti, umarte na isang malapit , maamo at magiliw na matanda.

Ngunit si Fan Jin ay wala ng kamalayan. Hindi na niya naiintindihan ang sinasabi ni Ning Rui.

Kabaliktaran sa "malumanay" na boses at kilos ni Nig Rui, ang mukha ni Gongcheng Lei ay

madilim ang mukha habang patuloy ito sa ginagawang pagkaladkad kay Fin Jin palapit sa

lamesa. Ang malupit at nakakasakit na kilos nito ay naging dahilan upang madapa si Fan Jin sa

sarili nitong mga paa at at matumba sa lupa!

Ang sapilitan na masaksihan ang ang dating matikas na binatang bumagsak na parang isang

kaawa-awang bata at hindi man lang umiyak ni minsan ay dumurog sa puso ni Jun Wu Xie.

Wala dapat sa ganitong kalagayan si Fan Jin.

Hindi dapat niya nararanasan ang lahat ng ito!

"Paanong ikaw ay natumba? Tulungan niyo siyang tumayo." Saad ni Ning Rui na malisosyong

tumawa.

Hinawakan ni Gongcheng Lei si Fan Jin sa kaniyang balikat at isinalampak sa upuan. Nababalot

si Fan Jin ng alikabok at dumi na mula sa lupa at ang kaniyang mukha ay blanko habang ang

mata ay nakatingin sa kawalan.

Bab berikutnya