Mas lalong nawawalan naman ng pag-asa si Yan Bu Gui habang nagpapatuloy ang headmaster. Lihim namang nagsasaya si He Qiu Sheng sa isang tabi.
"Maidagdag ko lang, headmaster. Tingin ko dapat na iba na ang mamuno sa East Wing. Tignan mo kung ano ang ginawa ni Yan Bu Gui ngayon? Iilan lang ang nakuha nitong disipulo sa loob ng maraming taon. Bukod sa mga pulubing disipulo nito, sino ang tatanggap sa kaniya bilang Master? At ngayon, lumalala lang lalo ang sitwasyon sa East Wing. Nagdesisyon pa silang kumupkop ng isa pang pulubi na hindi rin magbabayad at magiging pabigat uli sa academy. Malakas pa ang loob ng pulubing iyan na saktan ang disipulo ko! Kung hahayaan mong magpatuloy ito, paniguradong malalagot ang academy!" Tusong saad ni He Qiu Sheng. Ang mga salita nito ay parang lason.
"Ito..." Marahas na nagpakawala ng hininga ang headmaster.
Tahimik lang namang nag-oobserba si Jun Wu Xie sa mga nangyayari. Mas lalo namang lumalamig ang mga tinging kaniyang ibinabato.
"Headmaster, hindi ka na dapat magdalawang-isip pa. Hihintayin mo pa bang ang mga linta sa East Wing ay tuluyang gambalain ang mga disipulo ng South Wing bago ka kumilos? Lahat ng disipulong iyon ay..." Hindi natapos sa pagsasalita si He Qiu Sheng nang...
Ihampas ni Jun Wu Xie ang kaniyang kamay sa mesa ng headmaster. Malinaw ang kaniyang boses at lahat ng mata sa silid na iyon ay nakatuon sa kaniya. Tumingin silang lahat sa maliit nitong kamay na nasa mesa at mayroong tseke sa ilalim noon.
"Sapat na ba ito?" Malamig na tanong ni Jun Wu Xie.
Sa oras na iyon, binalot ng katahimikan ang silid.
Nakapako ang tingin ng headmaster sa tseke. Hindi ito gumagalaw sa pinagkakaupuan ngunit nagniningning ang mga mata nito ng kaniya iyong makita.
Isang tseke...
Kailan ba ang huling beses na nakakita siya ng tseke?
Natigil si He Qiu Sheng sa pagsusulsol sa headmaster na paalis sina Yan Bu Gui at mga disipulo nito nang makita ang tseke. Tinakasan ng kulay ang mukha nito!
Agad itong nakabawi at pilit na kinalma ang sarili bago muling nagpatuloy: "Ilang taon nang nakabitin sa ere ang bayarin ng East Wing. Tingin mo ba ay sapat ang ilang daang tael para makabawi? Ang disipulo kong iyon ay galing sa mayaman pamilya at barya lang sa mga ito ang ilang daang tael. Hindi natin kailangang magmakaawa..."
Nanginig ang boses ni He Qiu Sheng.
Inabot ng headmaster ang cheke habang nagsasalita si He Qiu Sheng at sinuri ito. Nang kaniyang makita ang halagang nakasaad doon, napahinga siya ng malalim!
Sumilip naman si He Qiu Sheng sa papel. Nang makita nito ang nakasaad doon, nanlaki ang mga mata nito. Hindi ito makapaniwala at halos mangatog ang mga tuhod nito dahil doon.
Sa puting papel na iyon, malinaw na nakasulat ang malaking halaga doon...
Isandaang libong tael!
Nanginig ang kamay ng headmaster habang hawak nito ang tseke.
Ang kinikita kada taon ng Phoenix Academy ay nasa tatlumpu hanggang apatnapung libong tael, at ngayon balewalang nagbigay si Jun Wu Xie ng isang daang libong tael!
Halos kita na iyon ng Phoenix Academy sa tatlong taon!
Hindi nakakapagtatakang ganon na lang ang reaksyon ng headmaster.
Mukha namang kumain ng tae ang itsura ni He Qiu Sheng. Hindi ito makapagsalita.
May kakayahan ang kaniyang mga disipulo na magbigay ng ilang daang tael at ganon kadali na lang sa batang ito na maglabas ng isangdaang libong tael!
Nagsuspetya si He Qiu Sheng at inisip na niloloko lang siya ng kaniyang paningin.
"Iyang...iyang bankong yan ay maaaring peke!" Hindi makapaniwalang sigaw ni He Qiu Sheng. Imposible na ang isang kaawa-awang itsura ng disipulong ito ay kayang maglabas ng ganoong halaga.
Nagtaas naman ng isang kilay si Jun Wu Xie sa nagwawalang si He Qiu Sheng, ngunit hindi ito nagsalita.
Narinig naman ng headmaster ang sinabing iyon ni He Qiu Sheng. Kaya naman naniningkit ang mga mata nitong sinuri ang banko.
Makalipas ng ilang sandali, malapad itong ngumiti: "Tunay ang tsekeng ito! Ito ang selyo ng Soul Moon Bank! Talaga ngang totoo ito!"
Nanigas naman si He Qiu Sheng sa kaniyang kinatatayuan. Ang Soul Moon Bank ang pinakamalaking banko sa lahat at nagkalat ang mga sangay nito sa buong lungsod. Ang kanilang selyo ay inimprinta na may kasamang spiritual power kaya hindi iyon madaling magaya ninuman.