Napakunut-noo si Xinghe. "Pero bakit biglang aatakihin ng isang doktor ang Presidente?"
"Iniimbestigahan pa din ito at ang doktor ay kasalukuyang tinatanong." Si Tong Liang ang sumagot kay Xinghe.
Nilingon siya ni Xinghe at nagtanong, "Kung gayon, may nalaman ba kayong kahit na ano mula sa interogasyon?"
"Paumanhin, pero hindi ako sigurado; confidential na impormasyon iyan." May nakakapagtakang kayabangan sa tinig ni Tong Liang. Ibinaling na ni Xinghe palayo ang kaniyang ulo, nagkukunwaring walang napansin na kahit na ano. Dahil nga naman, hindi ito ang oras na magsagawa ng imbestigasyon; ang buhay ng Presidente ay mas mahalaga. Kailangang mailigtas ito dahil napakaraming bagay ang nakabitin sa balanse!
Ang lahat ay naghihintay, kinikimkim ang kanilang kaba; ang ere ay nakakapagpigil ng hininga.
Kahit na sa labas ng ospital, ang lahat ay kinakabahan. Marami ang hindi makatulog sa gabi, nag-aalala pa din tungkol dito. Kung may masamang mangyari sa Presidente, ang istruktura ng kapangyarihan sa Hwa Xia ay biglang magbabago. Sa malakihang pagbabago na ito, marami ang masasaktan. Kaya naman, ang atmospera ng pag-aalinlangan ay matindi ng gabing iyon.
Naupo si Xinghe sa tabi ni Elder Shen at kalmadong tinitigan ang pintuan ng surgery room. Ang mga mata niya ay madilim, kaya walang makakapagsabi kung ano ang iniisip nito.
Ang lahat ay iniisip ang kanilang mga ambisyon habang nakatuon silang lahat sa pintuan ng surgery room; tila isa itong kahon ni Pandora; walang makakapagsabi kung ano ang mangyayari kapag nabuksan ito.
Gayunpaman, hindi nakawala kay Xinghe ang kasabikan at ligaya sa mga mata ni Tong Liang. Masusi niya itong pinag-aralan ng ilang sandali bago ibinaba ang kanyang tingin.
Ilang oras ang nakalipas…
Nang tila isang siglo na ang nakalipas, biglang bumukas ang pintuan. Ang lahat ay biglang kumilos at nagmamadaling lumapit doon.
Isang pagod na Lu Qi ang lumabas ng silid at inalo ang lahat, "Huwag kayong mag-alala, nakaalpas na sa kritikal na kondisyon ang Presidente, pero mahina pa din ang katawan nito."
Ang mga salita nito ay nagbigay ng ginhawa sa lahat maliban kay Tong Liang at Tianrong.
"Talaga bang ligtas na ang Presidente?" Maingat na tanong ni Madam Presidente habang mababakas ang saya sa tinig nito.
"Oo nga, hindi ba't narinig ko na malubha ang pinsala sa kanya? Doctor Lu, sigurao ka bang ligtas na siya?" Tanong ni Tianrong ng may pakunwaring pag-aalala.
Mariing tumango si Lu Qi. "Oo, nagawa naming iligtas ang buhay niya, pero dahil sa mahina na ang kanyang katawan at nagpapagaling pa sa naunang karamdaman, ang biglaang pag-atake na ito ay mag-iiwan ng ilang seryosong problema."
Pinilit na lamang ngumiti ng Madam Presidente sa gitna ng kanyang kalungkutan. "Hanggang buhay pa siya, wala nang iba pang mahalaga, oo, hanggat nabubuhay pa din siya."
"Oo, salamat sa Diyos sa pagpapanatili sa kanyang buhay," sabi ni Elder Shen na punung-puno ng pasasalamat.
Halos hindi lahat ay pareho ng kanilang iniisip. Hindi sila tanga; nahuhulaan na nila ang mga susunod na mangyayari. Ang pisikal na kondisyon ng presidente ay sumasama na. Dahil sa mga sunud-sunod na pangyayari, sigurado na kakailanganin na nitong magretiro mula sa kanyang posisyon ng pagkapresidente. Kaya naman, magkakaroon ng malaking pagbabago sa Hwa Xia!
Ang Presidente ay dinala na sa ICU, at matapos na personal na suriin at siguraduhing buhay pa ito, unti-unti nang umalis ang lahat. Hindi pa ito ang tamang oras para manatili sa ospital dahil kailangan nilang maghanda sa mga bagay na paparating.
Umalis na si Tong Liang at Tianrong matapos na makasigurado na ang Presidente ay talagang mahina na para ipagpatuloy ang mga gawain nito sa pagkapresidente. Nang umalis ang mag-amang ito, nagkatinginan sila, ipinahihiwatig ang kanilang matagumpay na plano sa pamamamagitan ng isang ngiti.