webnovel

Press that Danger Button

Editor: LiberReverieGroup

Ang tanging nais lamang nila ay bumalik sa Earth at magsimulang muli. Iiwanan nila si He Lan Yuan sa United Nations. Matapos nilang lumapag sa Earth, iiwanan na ni Xinghe ang salot na ito.

Gayunpaman, malala pala ang pagiging salot ni He Lan Yuan. Kahit na nakatali na ito at walang pisikal na panganib sa iba, nagagawa pa din nitong makaisip ng ilang panloloko. Hindi ito napagtanto nina Xinghe at ng iba pa, pero naisip ito ni Sam. Ang isa sa mga lalaki na nagbabantay kay He Lan Yuan ay biglang lumabas ng silid at dumeretso patungo sa control panel. Napakunut-noo si Sam nang mapansin ito.

Tumitig si Sam sa lalaki at nagtanong, "Hoy, Kai Li, ano ang ginagawa mo?"

Dati sa base, naging pamilyar si Sam sa mga tao doon. Kilala niya ang lahat ng nasa spaceship. Kaya naman, nagawang mapansin ni Sam ang kakaibang ikinikilos ni Kai Li.

Ang binatang tinatawag na Kai Li ay lumingon sa kanya at sumagot na tila isang robot, "Wala naman, may tinitingnan lang."

"Ano ba ang hinahanap mo?" Naalarma si Sam, pero sa sandaling ito, hindi na siya sinagot ni Kai Li. Naglakad ito patungo sa control panel, at ang tingin nito ay lumipad sa maraming button bago napako sa isang pulang danger button.

Doon napagtanto ni Sam na may mali. Agad niyang napakiramdaman ang intensiyon ni Kai Li. Nang iniuunat na ni Kai Li ang kanyang kamay, sumigaw si Sam, "Ano ang ginagawa mo?"

Ang hiyaw niya ay nakakuha ng atensiyon ng lahat maliban kay Kai Li. Patuloy na iniaabot nito ang button…

"Stop!" Mabilis na tumakbo si Sam patungo kay Kai Li. Ilang segundo bago narating ng mga daliri ni Kai Li ang button, binunggo siya ni Sam palayo sa control panel at dinaganan ito sa sahig.

Nagpupumiglas na tila isang baliw si Kai Li sa ilalim ng bigat ni Sam. Dinaganan pa siya ni Sam at galit na nagtanong, "Nababaliw ka na ba?"

"Pakawalan mo ako!" Nagpatuloy sa pagpupumiglas si Kai Li na may lakas ng isang baliw. Patuloy na inaabot ng kamay nito ang pulang button. Gayunpaman, balewala ang lahat ng kanyang pagpupumilit, dahil wala siyang panama kay Sam.

"F*ck—" nawalan na ng pasensiya si Sam at sinuntok ang lalaki sa gilid ng ulo nito. Agad na naramdaman ni Kai Li na umiikot ang kanyang mundo, at ang kamay nito ay mahinang nalugmok na sa sahig.

Nagmamadaling pinalibutan sila ni Shi Jian at ng iba pa.

"Ano ang sinubukang gawin ni Kai Li?" Hindi makapaniwalang tanong ni Shi Jian, kahit na nakita na nilang lahat gamit ang kanilang dalawang mata ang balak gawin ni Kai Li. Sinusubukan nitong… pindutin ang pulang danger button na iyon.

Kung nagtagumpay ito, ang cabin door ng spaceship ay bubukas, at ang spaceship ay sasabog. Lahat sila ay mamamatay! Sinusubukan nitong wasakin ang spaceship? Pero bakit? Si Kai Li ay hindi isang tao na kikilos ng ganoon.

"Ano ang sinusubukan niyang gawin? Sinubukan niyang patayin tayong lahat!" Galit na hiyaw ni Sam, iniisip na halos nagtagumpay si Kai Li sa gagawin nito. Nahawa ang lahat ng naroroon sa galit niya.

Hinablot ni Shi Jian ang collar ni Kai Li at nagtanong, "Bakit mo iyon gagawin?"

Unti-unting nagpokus ang mga mata ni Kai Li habang nakikita niya ang lahat na nakatingin sa kanya ng may halatang galit at hindi pagkapaniwala. Nakaramdam siya ng pagkataranta. "Ano, ano ang ginagawa ninyo?"

"Iyon ang dapat naming itanong sa iyo. Ano ang ginagawa mo? Bakit mo sinusubukang patayin kaming lahat?" Galit na tanong ni Shi Jian.

Nagulat si Kai Li. "Sinusubukan kong patayin kayong lahat? Ikaw…"

Bigla, tila nalaman niya kung ano ang nagawa niya, at namutla agad ang kanyang mukha.

Bab berikutnya