"Oka." Nakangiting tumango si Xinghe at sa loob-loob niya ay sumumpa siya na gagawin niya ang lahat para masigurado ang kaligayahan niyang ito, ang protektahan ang lahat ng mga taong mahahalaga sa kanya!
…
Sikretong nailayo ni George ang grupo ni Xinghe. Walang nakakaalam kung saan patungo ang mga ito, maski si Chui Qian. Para protektahan ang kaligtasan ng mga ito, walang impormasyon ang nakalabas. Napakaraming tao ang naghahanap sa kanila sa labas. Ilang teroristang grupo ang nagsama-sama pa nga para lamang mahanap sila at mapatay.
Sila ang pinakamainit na paksa sa internet. Ang lahat ay nag-uusap kung papatayin sila o hindi. Ilang bansa na din ang sumusuporta sa ideya na isakripisyo silang dalawa.
Sa isang magdamagan, si Xinghe at Mubai ang napunta sa hit list ng buong mundo. Kahit ang IV Syndicate ay hindi nagkaroon ng ganitong 'karangalan' noong naroroon pa ito.
Wala namang ginawa kundi puro kabutihan sa lipunan sina XInghe at Mubai. Ang mga duwag lamang ang pinasama ang kanilang mga kontribusyon at gusto silang ipapatay para sa ganid nilang mga dahilan. Ipinapakita nito kung gaano kadaling masira ang katapatan ng tao, napakalupit at madaling mawala.
Habang pinapasadahan nila ng basa ang forum, galit na galit ang grupo ni Ali. Hindi talaga nila inaasahan na lalabas ang kapangitan ng mga ito sa internet. Si Xinghe naman, sa kabilang banda, ay ibinibigay ang lahat ng makakaya niya para makaisip ng paraan kung paano haharapin si He Lan Yuan, para masagip ang mundo. Habang nakikita ito, halos sumabog na si Ali sa inis.
"Xinghe, nagpaplano na ang buong mundo laban sa buhay mo, bakit ba gusto mo pa din silang iligtas? Hayaan na lang natin na sakupin ni He Lan Yuan ang mundo, siguro ay matuturuan ng leksiyon ang mga hampas-lupang mga ito!" Galit na sabi ni Ali kay Xinghe.
Itinigil ni Xinghe ang kanyang mga daliri na tumitipa at mahinang sinabi, "Hindi ba't sinabi ko na huwag mag-online? Ginagalit mo lamang ang sarili mo sa ginawa mo."
"Hindi ako nagagalit, naaawa lang ako sa inyong dalawa! Ginagawa na ninyo ang lahat para matalo si He Lan Yuan, pero ang mga taong ito ay gusto kayong isakripisyo. Hindi ba't karapat-dapat lamang si He Lan Yuan sa mga taong ito?"
"Xinghe, itigil mo na ang pagligtas sa mundo, hayaan mo silang lahat na mamatay!" Si Sam at ang iba pa ay sumusuporta kay Ali. Alam ni Xinghe na ang kanilang mga salita ay naiimpluwensiyahan ng kanilang galit.
Ngumiti siya at nagkibit-balikat. "Ang dahilan na ginagawa kong pabagsakin si He Lan Yuan ay walang kinalaman sa mga taong iyon. Ginagawa ko ito para sa sarili ko, para sa inyo, at para sa mabubuting tao sa mundo. Wala na akong pakialam pa sa kung ano ang iniisip o gagawin ng ibang tao."
"Maaaring tama ka pero ang mabasa ang mga ito ay nakakapagpagalit pa din sa akin ng husto."
"Kung gayon, tigilan mo na ang pagbasa. Pagtuunan mo ng pansin ang sarili mong mga responsibilidad."
"Kung ganoon, gagawin kong responsibilidad ay ang wasakin ang mga pesteng ito!" Galit na ngumuso si Ali.
Natawa si Xinghe at sinabi, "Huwag ka nang magalit para sa akin, isa lamang itong yugto ng buhay. Lahat sila ay makakahanap ng katapat nila, at hindi magtatagal, uusigin sila ng konsensiya nila ng habambuhay."
"Pero parang ang dali naman silang pinalampas nito…" bumubulong na reklamo ni Ali, pero umigi na ang pakiramdam niya matapos na makausap si Xinghe.
"Kung ganoon gusto mo bang ang publiko ang parusahan ko o gusto mo akong magtagumpay na mapabagsak si He Lan Yuan?" Tanong ni Xinghe.
Walang magawang ngumiti si Ali. "Siyempre, ang nais ko ay magtagumpay ka."
Kung hindi ay lahat sila ay mamamatay dahil hindi sila patatawarin ni He Lan Yuan pagkatapos nitong magawa na mapamunuan ang mundo.
"Iyon lang ang kailangan ko. Huwag kang mag-alala, siguradong magtatagumpay tayo," buong kumpiyansang sambit ni Xinghe.
"Xinghe, gagana ba talaga ang plano mo?" Tanong ni Ali ng may kaba.
Tumango si Xinghe. "Dapat, kung hindi naman ay kagagawan na ito ng kapalaran."
"Siguradong gagana ito!" Pagpapalakas ng loob ni Ali sa kanya, "Xinghe, naniniwala kami sa iyo, siguradong magtatagumpay ka."