webnovel

Chapter 15: Dalawang Uri ng Lagusan

Hindi nila namalayan ang oras habang nakikidigma sila sa mga aswang, halos malapit na palang sumapit ang alas dos ng madaling araw nang tuluyang nilisan ng mga aswang ang kanilang baryo. Hindi na nila pinagkaabalahang linisin ang mga bangkay ng mga aswang dahil alam nilang nakabantay na ang mga balbal at naghihintay na lamang na lisanin nila ang lugar upang makuha na nila ang mga bangkay upang kanilang maging pagkain.

Iyon kasi ang naging kasunduan ng mga balbal at mga antinggero sa lugar na iyon. Kung hindi man mga balbal ang maglilinis ay nariyan pa ang mga engkantong nagmamagandang loob na ilibing ang mga bangkay sa pamamagitan nag paglamon ng lipa dito.

Pagkabalik nila sa kanilang bahay ay agad na nagpahinga ang iba sa kanila habang ang mga albularyo naman ay ginagamot ang mga sugatan. Sa kabutihang palad ay wala namang nasawi sa kanilang pangkat. May mangilan-ngilan ang may malubhang sugat ngunit hindi naman ito delikado.

"Sa susunod huwag kang magpadalos-dalos sa iyong pasya. Isipin mong naghihintay pa si Tyong Lando sa pagbabalik mo. Mina, hindi ko alam kung papaano haharapin ang tatay mo kapag may nangyaring masama sa iyo. " Patuloy na sermon ni Sinag sa kanya. Nanggigigil ito sa inis dahil sa ginawa ng dalaga. Naiintindihan naman niya ito ngunit ayaw niyang nasasaktan ito kahit kakaunti. Hindi man sila tunay na magkapatid ay hindi na iba sa kanya ang dalaga. Simula sanggol pa lamang ito ay katuwang na siya ni Loring sa pagpapalaki dito. Ni madapuan ito ng kahit anong insekto noon ay ayaw niya, kaya naman ng makita niyang duguan at puro sugat ito ay tila ba nandilim ang paningin niya.

"Alam ko naman ang ginagawa ko Kuya at isa pa hindi ako mamamatay sa ganitong mga sugat." Wika naman ni Mina, tinitigan lamang siya ng masama ni Sinag.

"Hindi mo nga ikamamatay pero nasaktan ka pa din." Sambit naman ng binata at natahimik lang ang dalaga. Nagpatuloy pa sa pag sesermon si Sinag hanggang sa tuluyan na itong mapagod at pinagpahinga na ang dalaga. Umupo naman ito sa bangko upang bantayan ito.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nagsimula na naman silang maghanda, panigurado kasing magbabalik ang mga ito dahil hindi natuloy ang pag-aani nila kahapon. Anim sa mga antinggero ang hindi na nakasali sa paghahanda nila dahil na din sa lubha ng mga pinsalang natamo ng mga ito.

Pagsapit ng dilim ay muli silang nagbantay sa bukana ng baryo. Gaya ng inaasahan nila ay muling umatake ang mga maranhig at mga aswang. Sa pagkakataong iyon ay mas naging mapagmatyag sila at maingat sa lahat ng kanilang ginagawang aksyon. Habang nakikipaglaban si Sinag at ang iba ay nakatanaw naman si MIna sa di kalayuan habang nagbibigay uto sa mga engkantong kasangga nila. Halos inabot lamang sila ng dalawang oras hanggan sa mapuksa nila ang lahat ng umataking mga aswang. Hindi din kasi nagpakita ang pinuno ng mga ito sa labanan.  

"Ang susunod na anihan ay magaganap sa isang baryo. May kalayuan ito dito ngunit maari mong gamitin ang lagusang ginagamit ng mga engkanto upang mabilis niyong mararating ang baryong iyon. " bulong sa kanya ng tikbalang habang patuloy siyang nakamasid sa labanan. Hindi naman nakaimik si Mina dahil nakatuon ang pansin nito sa kalaban ni Sinag. "Aabutin ng dalawang linggo ang inyong paglalakbay kung sa lupa kayo dadaan, pero dalawang araw lang ang inyong gugugulin kapag sa lagusan kayo dadaan." dagdag pa ng tikbalang. 

"Kung iyon ang nararapat gagawin namin. Isasangguni ko ito sa mga nakatatanda. Maraming salamat kaibigan." wika ni Mina at napangiti nang masilayang tapos na ang labanan. Agad na lumapit sa kinaroroonan niya si Sinag at Isagani na noo'y puro dugo ang buong katawan.

"Hindi na muling aatake sa lugar na ito ang mga aswang dahil nakakita na sila ng panibagong baryong bibiktimahin. Maligo muna kayo at isasalaysay ko sa lahat ang akingmga nalaman." wika ni Mina bago tinalikuran ang dalawa. Nagkatinginan lamang ang mga ito at nagkibit balikat.

Muli silang nagtipon-tipon sa loob ng bahay at agad na isiniwalat ni MIna ang kanyang mga nalaman. Sumang-ayon naman ang dalawang ermetanyo dahil iyon ang pinakamabisa nilang solusyon para makarating ng mas maaga sa susunod na baryo. Hindi din naman sila nag-aalalang maliligaw dahil kasama nila ang mga gabay na engkanto ni Mina.

"Lahat ng sandatang gawa ng mga likas na tao ay hindi natin maaring ipasok sa lagusan dahil mahigpit iyong ipinagbabawal ng mga engkanto, Mina may solusyon ka ba dito?" Tanong ni Tandang Karyo. Ayon kasi dito, ang anumang bagay, kahit mga pagkain galing sa mundo ng mga tao ay malulusaw kapag ipinasok sa lagusan ng mga engkanto. Hindi din sila maaring magdala ng kahit ano na ikakagalit ng mga madadaanan nilang engkanto. Bilang respeto na din iyon sa mga nilalang  sa ibang dimensyon.

"Nakausap ko na ang Pinuno ng mga Garuda, sila ang magdadala ng ating mga gamit patungo sa baryong iyon. Mabilis lamang iyon dahil sa himpapawid sila dadaan. Sasama sa kanila ang gabay kong tikbalang upang ligtas na makarating sa baryo ang atin mga kailangan. Huwag kayong mag-alala, lahat ng ating kasangga ay handang tumulong upang marating natin agad ang baryong iyon." sambit ni Mina at tumango naman sila bilang pagsang-ayon. Napatingin naman agad si Mina ka Isagani na noo'y tahimik lamang sa isang tabi.

"Isagani, batid kong alam mo na hindi ka maaring dumaan sa lagusan ng mga mabubuting engkanto, nakausap mo na ba ang tagapaslang? Nais mo bang tawagin ko siya?" tanong ni Mina sa binata.

"Hindi na Mina, mamaya maya lang ay darating na ang tagapaslang." tugon ni Isagani sa dalaga.

"Mabuti iyan at may magbubukas ng lagusan para sa iyo. Hikayatin mo na din ang tagapaslang na makisali sa digmaan, paniguradong matutuwa iyon sa mga ulong makukuha niya sa magaganap na laban." natatawang wika ni Tandang Karyo at napangiti naman si Isagani dito. Minsan na din kasi nilang naging kasangga ang tagapaslang sa mga laban nila at bawat laban ay nangunguha ito ng mga ulo ng kanilang kaaway.

Matapos ang kanilang pag-uusap ay nasipaghanda na sila. Napagdesisyunan kasi nila na mamayang gabi na sila maglalakbay dahil sa bilog ang buwan. Mas mabilis nilang mabubuksan ang lagusan kapag maliwanag ang buwan at iyon din ang pinakaligtas na oras para sa kanila.

Lahat ng mga agimat na gawa ng tao, punyal, espada, balaraw, gulok na knilang mga sandata ay isinilid nila sa isang malaking sisidlan na siyang dadalahin naman ng tikbalang na kasangga ni Mina. Habang ang mga pagkain, halamang gamot at iba pa nilang gagamitin ay nasa ibang sisidlan naman na siyang bibitbitin ng mga garuda.

Kinahapunan ay kasalukuyan na nilang tinatahak ang daan patungo sa kagubatan. Nais kasi nilang makarating doon bago pa man lumubog ang araw. Doon kasi bubuksan ni Mina ang lagusan kasama ang kanyang mga kaibigang engkanto at doon na din makikipagtagpo sa kanila ang tikbalang at mga garuda. 

Nang marating na nila ang puso ng kagubatan ay agad nilang nasipat ang malaibong nilalang na nagkukumpulan doon. Napakahiwag ng anyo ng mga ito. Meron itong malalapad na pakpak na animo'y sa isang agila. Mahahaba ang buhok ng mga ito na napapalibutan ng mga balahibo ng kung anog klaseng ibon. Matitikas din ang mga pangangatawan nito at nagsisitangkadan din ito. Ang taas ng mga ito ay halos nasa pito hanggang walong talampakan, higit na matas kesa sa mga ordinaryong tao. Malatao naman ang wangis ng mga ito, kalahati ng kanilang mukha ay natatakpan ng malaibong maskara.

Nang makalapit na sila sa kinaroroonan ng mga ito ay nakita nilang lumuhod ang mga ito sa harapan ni Mina. Agad naman itong pinatayo ni Mina at humingi ng pasensiya sa kanilang ginawang pang-iistorbo sa mga ito.

"Isang karangalan para sa lahi ng mga Garuda ang mapagsilbihan ang itinakda ng mahal na bathala." wika ng isang malaking nilalang sa wari nila ay siyang pinuno ng uri nito. Malaginto ang suot nitong maskara habang ang pakpak nito ay tila ba isang anghel sa sobrang kaputian.

"Maraming salamat sa inyong pagtugon sa aking pagtawag Haring Garuda."

"Ismid itinakda, tawagin mo ako sa aking pangalng Ismid. Ako, sampo ng aking mga uri ay natutuwa sa iyong pagtawag. Sabihin mo lng ang iyong hangad at agad namin itong gagawin nang walang  pag-aalinlangan. Mapadigmaan man o pisikal na gawain." wika nito.

"Haring Ismid, salamat. Kasalukuyan na namang nananantala ang mga aswang sa mundo ng mga tao. Nais naming marating agad ang susunod na baryo upang mapigilan ang mga ito. Ngunit alam ninyo na hindi makakatawid sa kaharian ng mga engkanto ang kahit anong bagay na gawa ng likas na tao, kaya kailangan namin ang inyong tulong upang maihatid doon ang aming mga kagamitan."

Tumango-tango naman si Ismid sa tinuran ng dalaga. Ngumiti ito at agad na nilingon ang kanyang mga kasam upag magbigay ng utos. Narinig nila itong magsalita ng lenguaheng hindi nila maintindihan. Nang matapos na itong magsalita ay isa-isa nang kinuha ng mga tauhan nito ang kanilang mag bitbit na sisidlan.

"Huwag kang mag-alala itinakda, ligtas na makakararing sa sususnod na baryo ang inyong mga gamit. Humayo na kayo at mag-iingat, batid kong nalalapit na ang pagdudugtong ng mundo ng mga tao sa mundo ng mga engkanto. Magmadali ka at buksan mo na ang lagusan upang kayo ay makatawid na." wika ni Ismid at muli silang nagpasalamat sa mga ito.

Sa paglalim pa ng gabi ay sinimulan na ni Mina ang kanyang orasyon upang mabuksan ang lagusan habang nakamasid lang ang ibang mga antinggero dito. Wala din kasi silang maitutulong dahil hindi nila alam ang mga orasyong iyon.

Si Sinag naman ay nakatanaw lang sa dalaga habang nagmamasid sa paligid nito habang si Isagani naman ay nakaupo lamang sa isang malaking bato, sa tabi nito ay ang kasangga nitong tagapaslang na noo'y nakayuko lang sa lupa dahil hindi nito magawang titigan ang dalaga dahil nasisilaw ito. Habang papalalim pa ang gabi ay tuluyan namang nagbukas ang lagusan nila na agad-gad din nilang pinasok matapos magpaalam kay Isagani. Nang tuluyang nang magsar uli ang lagusan nila Mina ay nagdesisyon na si Isagani na buksan ang kanilang magiging daan patungo sa kinaroroonan ng mga ito.

Hatak-hatak noon ng tagapaslang ang kanyang kariton, huminto ito sa harapan ng binata at hinugot ang isang malaking palakol mula dito at kumuha ng tatlong ulo ng taong kanyang pinaslang. Iyon kasi ang magiging alay nila upang buksan ang kanilang lagusan. Nakamasid lamang si Isagani habang may kung anong inuukit ang tagapaslang sa lupa gamit ang dugo sa mga pugot na ulo at nag-uusal. Paglipas pa ng ilang minuto ay nakaramdam si Isagani ng bahagyang pagyanig sa kinatatayuan niyang lupa kasabay nun ay ang pagliwanag ng mga simbolong ginawa ng tagpaslang at ang unti-unting pag biyak ng lupa doon. Iland sandali pa ay tuluyan na na ngang nagbukas ang lagusan na agad din naman nilang pinasok.