webnovel

C-87: THE STRANGER'S 2

Matagal na panahon na rin ng huli siyang makatuntong ng Santa Barbara, ganu'n din dito sa Barrio.

Marami na rin siyang nakalimutang mga bagay. Ngunit ngayong narito na siya ulit, unti-unti nang bumabalik ang mga alaala.

"Tatay Kanor!" Wala na itong nagawa ng bigla na lang niya itong yakapin. Habang patuloy pa rin siya sa pag-iyak.

"Sandali ineng huminahon ka, sino ka ba bakit mo ako kilala?"

Nalilitong wika nito...

"Tatay Kanor hindi n'yo na ba ako nakikilala? Ako po ito!"

Inayos niya ang pagkaalis ng pandong sa ulo at hinayaan itong  nakababa sa kanyang batok at balikat. 

Matamang pinagmasdan naman siya ni Nicanor. Napamulagat ito ng unti-unti siya nitong makilala.

"Mahabaging Diyos! Ikaw ba 'yan Amanda, anak?!" Naging alerto ang kilos nito makalipas lang ang ilang segundo matapos s'yang makilala.  

Agad nitong hinawakan ang kanyang pandong at walang paalam na itinaas nitong muli sa kanyang ulo.

Saglit na lumingon pa ito sa paligid at saka siya inakbayan matapos nitong kunin sa kanya ang dala niyang bag.

"Halika doon tayo sa loob ng bahay mag-usap. May nakakita ba sa'yo papunta dito?" Tanong nito habang iginigiya siya sa paglakad at palayo sa dati nilang bahay.

Ang buong akala niya sa loob ng bahay nila siya aakayin nito. Ngunit lumagpas sila at lumayo. Nanatili lang siyang walang kibo.

Nalaman na lang niya na sa mismong bahay nang mga ito siya dinala. Gulat man ngunit hindi na lang muna siya kumibo.

"Halika pasok ka anak, Salve pumarine ka may bisita tayo!" Tawag pa nito na, sa pagkaalala niya maaaring iyon ang asawa nito si Nanay Salve kung hindi siya nagkakamali?

"Aba'y sino ba ireng kasama mo? Mukhang hindi siya tagarito?"

Pilit siyang inaaninag nito kaya't napagtanto niyang marahil lumalabo na ang mata nito. Dala ng katandaan puti na rin kasi ang lahat ng buhok nito. Hindi tulad ni Tatay Kanor na may ilang hibla pa naman na itim ang kulay.

"Hindi mo na ba siya natatandaan Salvacion?" Tanong nito sa asawa. "P'wede mo nang alisin ang pandong mo anak." Baling naman nito sa kanya.

Inalis niya ang pandong at lumapit sa matandang babae at saka niya ito niyakap.

"Aba'y sino ga' ire?" Naguguluhan ngunit nakangiti naman nitong tanong.

"Hindi mo na nga siya natatandaan, siya si Amanda hindi mo na ba siya naaalala?"

"Amanda 'yung nawawalang anak ni Anabelle at napunta ng Maynila?" Mataman siya nitong pinagmasdan at pagkatapos ay makahulugan nitong tiningnan ang asawa na tila ba may nais itong ipahiwatig.

"Oo siya nga, kaya't maghanda ka ng makakain at siguradong gutom sa b'yahe ang batang ire, halika anak maupo tayo!" Iginiya siya nito paupo sa sopang yari sa kawayan.  

"Okay lang po ako Tay! Ang totoo po kaya ako naparito. Dahil may nais akong malaman at marami rin akong gustong itanong sa inyo. Mabuti po at nagkita tayo agad, talaga pong sasadyain ko kayo dito. Galing na rin po ako ng Cebu."

Tumango lang ito at nagbuntong hininga, sabay tapik nito sa kanyang kamay.

"Bakit ka pa nagbalik anak? Hindi ka na dapat pang bumalik, hindi dahil sa ayokong pumunta ka dito. Alam mong masaya akong makita ka ulit. Subalit lubhang mapanganib para sa'yo ang bumalik pa dito. Bakit ba lagi mo na lang inilalagay ang sarili mo sa panganib, anak? Kahit noong bata ka pa kaya lagi mo na lang pinag-aalala ang iyong ama."

Nakangiti subalit may bakas ng lungkot nitong saad.

Bigla tuloy niyang naalala ang insidenteng iyon. Ang araw kung kailan namatay ang kanilang ama. Kung hindi sana naging matigas ang kanyang ulo, siguro hindi mahuhuli ang kanyang ama. Hindi ito makikita ng mga tauhan ni Anselmo.

Kung tutuusin pala kasalanan niya ang lahat, kasalanan niya kung bakit namatay ang kanilang Papang. Maaaring hanggang sa ngayon hindi ito alam ng ina at kapatid niya.

Kung kaya't hindi siya sinisi ng mga ito sa mahabang panahon. Ngunit ngayon gusto niyang sisihin ang kanyang sarili.

Kusa nang nalaglag ang mga luha sa kanyang mga mata. Hindi na niya ito nagawang pigilan. Dahil sa muli niyang pagkaalala sa lahat ng pangyayari.

"Tahan na anak, h'wag ka nang umiyak! Pagpasensyahan mo na lang sana ang sinabi ko at ang pagtaboy ko sa'yo." Naipagkamali nito ang naging reaksyon niya.

"Okay lang po ako naaalala ko lang po ang Papang. Tama po kayo masyado po akong naging padalos dalos noon. Dapat sana sumunod na lang ako sa inyo at hindi naging matigas ang ulo ko."

"Anak, hindi ko gustong ipaalala pa sa'yo ang lahat. Dahil tapos na iyon nangyari na ang lahat at hindi na natin maibabalik pa. Kaya't h'wag mo sanang sisihin ang sarili mo. Dahil hindi mo naman ito kasalanan!" Wika nito.

"Hindi nga ba? Alam n'yo po bang kahit ang pagpunta ko dito ay sarili ko pa ring desisyon, na hindi ko na pinag-isipan. Kahit alam ko na marami akong nasaktan at tinalikuran. Dahil walang ibang mahalaga sa akin ngayon kun'di ang maki....."

"Sandali, anak maalala ko nagkita na ba kayo?" Putol nito sa dapat na sasabihin niya.

"Sino pong tinutukoy n'yo?" Curious niyang tanong.

"Si Amara nagkita na ba kayo ng kapatid mo? Noong huli kaming magkita ang sabi niya nagkita na kayo at magkasama daw kayo sa bahay. Ayoko sanang mag-away kayong magkapatid anak. Pero sa tingin ko masama ang loob niya sa'yo. Ang sabi niya hindi mo na daw siya kilala at nakatira ka na sa ibang pamilya at kinalimutan mo na sila. Totoo ba iyon anak?"

"Totoo pong hindi ko siya nakilala at totoo rin po na nakalimutan ko siya at ang Mamang! Pero hindi ko po 'yun sinasadya at hindi ko rin ginusto na iparamdam sa kanya na wala na siyang halaga sa akin. Kaya nga po ako bumalik dahil kong makabawi!"

"Anong ibig mong sabihin?" Naguguluhang tanong nito.

"Nagkasakit po ako marami pong nangyari at hindi ko po ginusto na makalimutan sila. Kaya nga po ako narito ngayon dahil gusto ko silang makita. Hinahanap ko po sila, una ko po silang hinanap sa Cebu sa dati naming tinirhan pero wala na sila at iba na ang nakatira. Kaya po ako bumalik dito para magbakasakali na baka narito sila?"

"Pero bakit mo sila dito hinahanap? Matagal nang wala dito si Amara. Kung kailan lang din, bumalik siya dito pero agad din siyang umalis. Dahil hindi rin naman siya maaaring magtagal dito tulad mo! Saka hindi ba nagkita na kayo? Matagal na rin siya sa Maynila tulad mo."

"Ang ibig n'yo po bang sabihin hindi siya bumalik dito?"

"Hindi siya babalik dito dahil sa Maynila na rin siya nakatira. Pero ang alam ko sinundan ka niya sa lugar kung saan ka nakatira."

"Pero umalis siya at hindi na siya nagpakita sa'kin. Nagpanggap pa siya gamit ang pangalan ko! Galit siya sa akin at ngayon ko lang din kasi naintindihan kung bakit?"

"Ano ba kasi ang nangyari sa iyo anak at bakit naman hindi mo siya nakilala?"

"Mahabang kwento Tatay Kanor, noong nakakausap ko pa sa cellphone ang Mamang maayos pa ang kalagayan ko. Pero dahil nahirapan akong hanapin ang kaanak ng Papang sa Maynila. Kaya hindi agad ako nakabalik agad. Kasi wala na daw sila doon matagal na. Pero naghintay pa rin ako at umasa na babalik sila kaya't nagpabalik balik ako. Ayaw rin kasi akong pauwiin ng Mamang. Gusto niya sa Maynila na rin ako magtuloy ng pag-aaral habang naghahanap kaya naman nanatili pa rin ako sa Maynila. Hanggang sa nangyari na nga iyon!" Saglit siyang huminto, hindi na kasi niya napigilan ang mapasigok ng maalala ang mga pangyayari.

"Anak kung nahihirapan ka hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo!" Naaawang wika ni Nicanor sabay tapik sa kanyang balikat.

"Hindi po, sinasabi ko po ito dahil malaki ang tiwala ko sa inyo. Kung hindi naman po siguro nangyari sa akin iyon. Hindi rin mangyayari sa'kin ang lahat ng ito. Nahold-up po kasi ang Bus na sinakyan ko noon a-at isa po ako sa minalas na tinangay ng mga holdaper. Para gawin nilang pananggalang sa mga pulis na humahabol. Pero hindi po nagtagumpay ang mga pulis na abutan kami. Ang layo po ng narating namin, hindi ko na po alam. Basta dinala nila kami sa isang lugar na walang katao-tao at parang gubat. Doon sinubukan nila kaming halayin bago patayin pero hindi natuloy. Dahil sa pagwawala ng isa sa kasama ko pero napadali naman ang desisyon nila na patayin na lang kami..." Muli siyang sumigok at nagpahid ng luha bago muling nagpatuloy.

Habang matamang nakikinig si Nicanor.

"Kitang-kita ko kung paano nila pinatay ang mga kasama kong babae. Siguro mapalad ako dahil nakakita pa ako ng pagkakataon na makatakas. Kaya wala akong ginawa kun'di tumakbo para lang matakasan ko sila. Pero sa huli hindi pa rin ako naging ganu'n kaswerte upang matakasan sila. Hindi ko na namalayan na bangin na pala ang tinatahak ko noon. Kaya naabutan pa rin nila ako at hindi nakaligtas sa bala ng baril nila. Wala na rin akong pagpipilian tuloy tuloy akong nahulog sa bangin. Pero hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa. Dahil sa tubig ang binagsakan ko, ang akala ko makakaligtas ako kaya sinikap kong lumangoy ng lumangoy. Pero totoong pa lang may hangganan ang lahat. Kahit ginawa ko naman ang lahat. Dahil ang buong akala ko magaling na akong lumangoy pero hindi pala. Tama kayo lagi kong inilalagay ang buhay ko sa panganib. Kahit alam ko na hindi ko na pala kaya! Tapos hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari. Nawalan na ako ng alaala at ng bumalik ang alaala ko. Marami nang nangyari na hindi ko alam at marami na ring taon ang nakalipas. Alam kong hindi ko na mababago pa ang mga nangyari na. Isang bagay lang naman ang pumasok sa isip ko pagkatapos ng lahat ng nangyari at iyon ang ginagawa ko ngayon. Ang hanapin si Amara at ang Mamang kaya't tinakasan ko muna ang lahat maging ang mga taong tumulong at kumupkop sa akin."

Saglit na napailing si Nicanor sa kanyang tinuran. Dahil nasa mukha nito ang pag-aalangan at pagkalito.

"Kung wala po dito si Amara, kahit ang Mamang ko na lang po. Alam n'yo po ba kung nasaan ang Mamang?" Napatingin pa si Nicanor sa asawa na nakatayo na sa pintuan ng kusina. Bago pa ito nakapagsalita.

"Kung ganu'n pala h-hindi mo pa alam ang nangyari sa iyong ina?"

"A-ano pong ibig n'yong sabihin, ano pong nangyari sa Mamang?"

Hindi na naman niya napigilan ang pag-uunahan ng mga luha sa kanyang mga mata. Dahil sa hindi magandang pakiramdam.

"Hindi ko alam kung dapat bang ako ang magsabi nito sa'yo, anak! Pero batid kong marami ka ngang hindi nalalaman sa mga nangyari sa pam...."

"P'wede po bang sabihin n'yo na kung nasaan ngayon ang aking Mamang? H'wag n'yo na po akong pahirapang mag-isip pa. Dahil pagod na pagod na'ko ayoko na, nahihirapan na'ko!" Tuluyan na siyang napahagulgol.

"Anak huminahon ka kailangan lakasan mo ang loob mo!" Wika nito at hinawakan siya sa kamay.

"Makikinig po ako sabihin n'yo na sa akin kung nasaan ang Mamang ko!"

Pakiusap niya habang patuloy na bumabalong ang kanyang luha.

"W-wala na siya anak..." Tila nag-aalangan at malungkot na wika nito. Daig pa niya ang nabingi sa narinig at tila ba hindi pa kayang i-absorbed ng kanyang utak ang kahulugan niyon.

"A-anong wala na? Saan naman po pupunta ang Mamang, hindi ba dapat magkasama sila ni Amara nasaan na po kaya sila?"

Muli na naman itong napatingin sa asawa at napailing.

"Anak, wala na ang Mamang mo tatlong buwan pa lamang ang nakalipas mula ng umalis ka at lumuwas ng Maynila. Nap... Ah, patay na siya!" Malungkot na wika nito at sinikap hulihin ang kanyang mga kamay na nagsisimula na namang manginig.

"H-HINDI! HINDI PO TOTOO ANG SINASABI N'YO! NARITO NA AKO, BUMALIK AKO PARA SA KANILA KAYA HINDI P'WEDE!"

"Huminahon ka anak!"

Hindi matanggap ng isip niya ang katotohanan na wala na ang kanyang ina. Iniwan niya ito na buhay na buhay sa isip niya malakas at kahit pa halos ipagtabuyan siya nito noon.

Dahil gusto nitong matakasan niya ang magulo nilang buhay. Pero nabigo siya at hindi na nakabalik agad. Kasalanan na naman ba niya ang lahat?

Kung maibabalik lang niya ang panahon, mas gugustuhin niyang maging matigas ulit ang kanyang ulo at h'wag na lang sundin ang kanyang ina kahit magalit pa ito.

Basta manatili lang ito sa tabi niya at hindi mawala sa paningin niya. Magkakasama pa rin sila kahit ano pa ang mangyari pero hindi! Bakit, bakit nahuli na siya ng dating? Sana bumalik na lang siya agad, sana sinunod na lang niya ang gusto ni Amara. Pero hindi niya ito ginawa...

Dahil mahal na mahal niya ang kanyang Mamang at ayaw niyang magalit ito.

"Bakit, bakit nangyari ang ganu'n sabihin n'yo ano ang nangyari sa Mamang? Gusto kong malaman!"

Matatag ang loob niyang tanong kahit pa naiisip na niya ang isang bagay.

"Ipina-cremated na rin namin ang Mamang mo para makasama na siya ng Papang n'yo sa isang tagong lugar." Saad nito imbes na sagutin ang kanyang tanong.

"Ang gusto kong malaman kung paano namatay ang Mamang ko. Si Anselmo ba, sagutin n'yo ako siya rin ba ang pumatay sa Mamang ko?"

Wika niya sa mariin at malakas na ring tono.

"Anak, h'wag mo sanang punuin ng galit ang puso mo. Yan din ang nakikita ko sa kapatid mo. H'wag n'yo naman sanang hayaan na magtagumpay si Anselmo na sirain pati ang buhay n'yong magkapatid. Dahil hindi 'yan ang gustong mangyari sa inyo ng Mamang at Papang n'yo."

"Ang tanong ko ang sagutin n'yo, paano niya pinatay ang Mamang? Pinahirapan din ba niya tulad ng ginawa niya sa Papang!" Ulit pa niya.

"Anak tama na, mabuti pa magpahinga ka na muna sige na sasamahan ka ng Nanay Salve mo!" Sinisikap pa rin nitong pakalmahin siya.

Ngunit hindi ito naging sapat upang manahimik lang siya at tanggapin na lang ang sitwasyon.

"Bakit ba ayaw n'yo akong sagutin? Hindi na ako bata Tatay Kanor sa tingin n'yo ba magagawa kong magpahinga. Habang iniisip ko kung paano namatay ang Mamang ko. Lalo n'yo lang akong pinahihirapan, kaya nakikiusap ako sabihin n'yo na sa akin ang nangyari sa Mamang!" Pakiusap na niya dito.

"Hangga't maaari ayoko sanang masaktan ka pa kaya sana lakasan mo ang loob mo, anak!"

"Marami na akong napagdaanan, kaya hindi na bago sa akin ang masaktan. Alam ko naman kung bakit patuloy kaming ginugulo ng hayup na iyon. Dahil gusto niyang masiguro na wala na kaming habol pa sa lahat ng kinuha niya sa amin. Dahil habang buhay ang isa man sa amin, hindi siya mapapanatag. Dahil may posibilidad pa rin na makapaghabol kami, hindi ba? Ngayon alam ko na ang dahilan, kung bakit pinatay niya ang mga Lolo at Lola noong una ko siyang makita. Iyon din ang eksaktong ginawa niya sa Papang. Sapilitan niyang pinapipirma sa papel at dahil tumanggi sila kaya naman pinatay sila! Sabihin n'yo ganu'n din ba ang ginawa niya sa Mamang?!" 

"Ang alam ko lang gusto niyang magpakasal sa kanya ang Mamang mo. Kaya sapilitang iniuwi ulit ni Anselmo ang Mamang mo at si Amara dito sa Sta. Barbara. Subalit hanggang sa huli nagpakatanggi-tanggi pa rin ang inyong Mamang. Hanggang isang araw nalaman na lang namin na pinagtangkaan ng Mamang mo na patayin si Anselmo ng malingat ito. Ngunit hindi ito nagtagumpay, nakipag-agawan daw ang Mamang mo sa baril at aksidenteng nakalabit nito ang gatilyo. Pero sa kasamaang palad ang Mamang n'yo ang tinamaan ng bala nito. Tumama ang bala sa masamang parte ng katawan ng iyong ina. Kaya ng araw ding iyon agad rin itong binawian ng buhay."

"Hayup siya isa siyang dem***yo, wala siyang kasing sama! Isang araw sisiguraduhin ko rin na pagbabayaran niya ang lahat ng ginawa niya sa pamilya ko. Hindi ko siya mapapatawad, hangga't nabubuhay siya hinding-hindi ko siya titigilan!" Punong puno ng galit ang kanyang salita.

"Kaya nga ba ayaw ko nang palawigin pa ang iyong galit. Dahil hindi magandang maisipan mo ang maghiganti. Baka ito pa ang ikapahamak mo! Para sa akin mas gusto kong bumalik ka na ng Maynila at lumayo sa lugar na ito. Hanapin mo na lamang ang kapatid mo."

"Para ano, magtago at muling tumakbo. Pagod na akong tumakbo iyon ang huling narinig ko na sinabi ng Mamang. Pagod na rin ako, kaya hindi na ako tatakbo at hihintayin na isa sa amin ni Amara ang susunod niyang magiging biktima. Ako na lang ang haharap kay Anselmo, h'wag na si Amara. Alam n'yo bang may anak na si Amara? Nitong huli nalaman ko na may anak na siya. Kaya't kailangan niyang manatiling buhay para sa kanyang anak. Kaya dapat lang na siguraduhin ko na magiging ligtas sila. Kahit pa isakripisyo ko ang sarili kong buhay. Nang sa ganu'n kahit paano mapunuan ko ang mga pagkukulang ko at ang pag-iwan ko sa kanila noon. Alam ko mapapatawad na rin ako ni Amara at mawawala na ang lahat ng galit niya sa akin sa hindi ko pagtupad sa pangako ko sa kanya noon."

"Hindi mo alam ang sinasabi mo anak, mas mabuti kung kausapin mo muna si Amara. Bago ka pa gumawa ng ano mang hakbang laban kay Anselmo. Mas mabuti kung pagbayarin n'yo si Anselmo sa tamang proseso. May batas na dapat umusig sa kanya. Mas mabuti na gawin n'yo pa rin ito sa tamang paraan. Naiintindihan mo ba ako anak?"

"Batas, tamang proseso, tamang paraan? Dito sa lungga niya hindi siya takot sa batas. Kaya nga ganu'n lang kadali sa kanya na pumatay ng tao. Dahil dito walang masama at mabuti kay Anselmo siya lang may sariling batas. Isa lang naman ang paraan para matahimik na kami at para hindi na niya kami magawang guluhin pa..... Kapag wala na siyang buhay!" May talim ang mata at puno siya ng galit ng mga oras na iyon. Kaya't wala na siyang lakas para mag-isip pa ng tama.

Pagod na pagod na siya na palagi na lang.....

Magising man, o makatulog siya palaging si Anselmo ang dahilan ng lahat. Ang pinaka masamang bangungot sa buhay nila.

Ang nag-iisang dahilan kung bakit siya nasasaktan ngayon. Kung bakit nawala isa-isa ang mga mahal niya at dahilan ng pagkasira ng kanyang pamilya.

"Natatakot ako sa mga sinasabi mo anak, sana'y nagkakamali lang ako ng iniisip."

"H'wag kayong mag-alala, ano man ang gawin ko? Siguradong hindi ko ito pagsisihan!" Matatag at may diin ang kanyang mga salita.

"H'wag mo sanang kalimutan ang mga salita ng iyong ama. Lagi mo sana iyang isaisip, anak. Mabuti pa magpahinga ka na muna o kaya ay kumain ka muna bago magpahinga."

"Okay lang po ako hindi po ako nagugutom, magpapahinga na lang po siguro ako."

"Mabuti pa nga anak, gigisingin na lang kita. Kapag oras na nang pananghalian."  Mungkahi pa nito sa kanya.

_____

Ilang araw ang lumipas kahit pa  anong pilit nila na pabalikin na siya ng Maynila hindi pa rin siya nagpatinag.

Buo na sa loob niya na harapin si Anselmo kahit ano pa man ang mangyari? Hindi siya babalik ng Maynila hangga't hindi niya ito nakakaharap ulit.

Kahit pa magdulot ito sa kanya ng labis na kapahamakan.

Basta masiguro lang niya na hindi nito magagawang guluhin si Amara. Handa na siya sa kahit ano pa mang mangyari.

Kaya sa bawat araw ng pagsubok niyang makapasok ng Hacienda. Nagagawa niyang pasimpleng magmanman sa paligid nito sa paraang walang nakakapansin sa kanya.

Malaking bagay na kahit paano kabisado niya ang paligid nito.

Kahit siya ay nagtataka sa sarili, dahil unti-unti naalala niya ang paligid sa oras na makita na niya ito.

Naisip rin niya na siguro nagawa na niyang libutin ang Hacienda noong bata pa siya kaya naman pamilyar na sa kanya ang bawat lugar dito.

Mapalad na sa bawat pag-aligid niya walang nakakapansin sa kanya. Para lang siyang isang estranghero na lang sa paligid.

Madalang lang naman kasi ang dumaraan sa lugar na iyon. Siguro dahil takot din ang lahat kay Anselmo?

Pero hindi siya, hindi na siya p'wedeng matakot ayaw na niyang matakot pa.....

Kung habang buhay silang matatakot ano na lang ang mangyayari sa kanila. Hindi siya papayag na buong buhay nila matatakot na lang sila. Kaya't hindi na niya hihintayin na sila ang hanapin ni Anselmo. Dahil siya na mismo ang haharap dito.

Kung hindi man nagtagumpay ang kanyang Mamang noon. Siya ang maniningil para sa kanilang lahat at sisiguraduhin niyang sa pagkakataon ito magtatagumpay na siya. Para sa kaligtasan ni Amara at ng pamangkin niya.

Tila sarado na rin ang isip niya sa ibang bagay. Dahil sa lahat ba naman ng napagdaanan niya wala ng halaga sa kanya kahit pa muli niyang ilagay ang sarili sa panganib.

Kaya nang makasagap siya ng balita tungkol sa pagdating ni Anselmo sa Hacienda ng araw na iyon. Agad na niyang inihanda ang sarili.

Dahil ito na ang pagkakataon niya at hindi na niya ito gustong palagpasin pa at wala na ring makakapigil pa sa kanya.

Kahit si Nicanor ay nagtaka ng araw na iyon. Dahil hapon na ng gumayak s'ya sa pag-alis. Ang akala nga nito tumigil na s'ya sa pagbalik sa Hacienda.

"Anak ano bang plano mo, ang akala ko pa naman titigil ka na sa pagpunta sa Hacienda. Sinabi ko naman mapapahamak ka lang doon. Baka makita ka ng mga tao ni Anselmo, nagpapagud ka lang hindi na madalas umuwi dito si Anselmo. Sana naman tumigil ka na, ipapahamak mo lang ang sarili mo!" Ngunit wala s'yang balak makinig dito.

"Pabayaan n'yo na po ako kaya ko po ang sarili ko. H'wag kayong mag-alala!"

Sa isip niya wala ng ibang paraan pa para sila matahimik. Isa na lang ang alam niyang paraan ang pagkawala ni Anselmo.

Kapag wala na ito matatahimik na si Amara. Matatahimik na rin ang kalooban niya. Hindi na niya hihintayin pa ang maayos na proseso. Bakit pa?

Alam naman niya na pagdating kay Anselmo, walang batas. Ang dali nga lang nitong pinatay ang pamilya niya.

Pero wala man lang umusig dito at hanggang ngayon hindi pa nito pinagbabayaran ang ginawa sa kanyang pamilya.

Kaya nasaan ang hustisya dito?

Isang kalokohan ang umasa pa at sa tagal ng panahon na lumipas, imposible na mahabol pa ito ng batas o may batas nga ba na uusig dito?

Kaya talagang hinihintay niya ang araw na ito. Naghanda na siya sa pag-alis kahit ano pang sabihin at pakiusap ang gawin ng mag-asawang Nicanor at Salve.

Nagsuot siya ng t-shirt at maong pants na pinatungan ng hoodie jacket at suot pa rin niya ang sneaker shoes na palagi niyang suot para mas komportable siyang makapaglakad.

Kahit naman handa na siya sa mangyayari, hindi naman niya hahayaan na maunahan siya ng kalaban. Kaya't kailangan niyang pansamantalang ikubli ang sarili.

Dala rin niya ang isang bagay na alam niyang magagamit niya at siya ring tatapos sa buhay ni Anselmo.

Nakita niya ito sa dati nilang bahay. Isang swiss army knife na gamit ng kanyang ama. Hindi ito kalakihan kaya madaling itago. Ngunit sigurado nmn ang talim at talas nito.

____

Makalipas nga lang ang ilang sandali nasa labas na siya ng Hacienda.

May nakausap s'ya na tutulong sa kanya na makapasok sa Farm nang Hacienda. Kung saan sinabi rin nito na mamalagi si Anselmo ngayong hapon. 

Ilang sandali pa nga ang lumipas tuluyan na siyang nakapasok ng Hacienda. Deretso siya sa Farm kasabay ng mga tauhan sa Farm sa tulong ng mga taong nakausap niya.

Binigyan pa siya ng pandong at sombrero tulad din ng mga suot ng mga ito. May magaganap daw kasing pagpupulong sa Hacienda ng araw na iyon. Kaya darating si Anselmo.

Hanggang sa dumating na ang kanyang pinaka-hihintay. Kaya't wala na itong atrasan, bulong pa niya sa sarili.

Habang palapit ng palapit ang imahe ni Anselmo sa kanyang paningin...

Si Anselmo nga, hindi siya maaaring magkamali....

Ang hayup dumating na rin ang dem***yo!

Lumalakad ito palapit sa mga tao sa mismong kanilang direksyon, kasama ng mga tauhan nito.

Pero sandali anong? Isa sa mga kasama nito ang bigla na lang umagaw ng kanyang atensyon.

"Huh'!"

Ngunit bigla ring ibinaling niya ang mukha sa ibang direksyon at pilit nagkubli sa karamihan ng mga tao.

Nang tuluyan ng makalapit sa kanilang harapan ang hanay nila Anselmo.  

Hindi siya maaaring magkamali, siya 'yun! Eksaheradong bulong niya sa sarili.

Pero a-anong ginagawa niya dito, bakit siya narito? Hindi maaari!

Ang estrangherong iyon, mukhang naisahan ako ah'?

Tauhan siya ni Anselmo kaya siya narito, ang walanghiya niloko niya ako!

Buwisit!

"Hindi niya dapat malaman na narito ako. Baka makilala niya ako? Hindi p'wede!" Bulong niya sa isip.

Siya, si... si Gavin...

ANG ESTRANGHERO!

*****

By: LadyGem25

        (12-26-20)

Hello guys,

Dahil Christmas season mabait ako! HAHAHAHa...charot!

Kaya ito na po ang pinakamahaba nating updated. Sana magustuhan n'yo! Medyo na late lang ang pagpost.

Alam n'yo na tayo rin po ang incharged sa kusina. Pero naglaan pa rin ng oras sa pagsusulat. S'yempre love ko 'to eh'.

Kaya sana mahalin n'yo rin ang story natin!hehe. Kaya naman sana...

VOTES, COMMENTS, REVIEWS AND RATES THE STORY GUYS, PLEASE!

MERRY CHRISTMAS EVERYONE AND GOD BLESS SA ATING LAHAT!

MG'25 (12-27-20)

LadyGem25creators' thoughts
Chapitre suivant