webnovel

Chapter 4

Sana hindi na lang kita nakilala

Para hindi ako naging sobrang masaya.

Sana hindi na lang kita nakilala

Para hindi ko muling naramdaman ang kilig

na akala ko'y nalimot ko na.

Sana hindi na lang kita nakilala

Para hindi ako nagmahal muli pa.

Sana hindi na lang kita nakilala

Para hindi tumutulo ang aking mga luha.

Sana hindi na lang kita nakilala

Para hindi mahirap ang kalimutan ka.

Sana hindi na lang kita nakilala

Para hindi na ako nasaktan pa.

Arrete

Dahil Lunes ay maagang nagsigising ang mga lalaking Pascual dahil maaga nilang bubuksan ang Pascual Motors. Naunang lumabas ng kanyang kwarto si Logan na halos kasabay din sila Elijah at Oliver. Kumunot ang noo nila pare-pareho ng madinig mula sa kusina na may kausap si Billie at boses iyon ng isang lalake. Sabay-sabay na nagsipaglakad ang mapipinsan papuntang kusina. Tumaas ang kilay ni Logan samantalang nagsingisi naman sila Elijah at Oliver.

"Hanep ka din naman, James, may lahi ka bang Intsik?" Nakangising tanong ni Elijah habang kumukuha ng kape sa coffee maker. "Ke aga aga naman ng panliligaw mo na 'yan." Sabi naman ni Oliver na kinapula ng mukha ni Billie at hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Logan. "Maaga lang akong nagising eh wala naman akong kasama sa bahay kaya dumiretso na ko dito after mamalengke." Sagot ni James. "Dre, luma na 'yang style mo na 'yan." Sabi ni Elijah na inakbayan pa si James. "Billie, huwag kang magpapadala sa kagwapuhan ng ungas na 'to. Madami na 'yang pinaiyak sa school pati sa company natin." Dugtong naman ni Oliver. "Grabe kayong dalawa sa akin. Mabait kaya ako saka single ako ngayon noh." Sabi naman ni James na nakatingin kay Billie. Tahimik lang na nakikinig si Logan sa biruan ng tatlo habang hinihigop ang kanyang kape.

"James, magluto na tayo, huwag mo ng pansinin ang dalawang 'yan." Singit ni Billie na ikinatingin sa kanya ni Logan. "Uy, bago yata sa pandinig 'yun ah." Sabi ni Angela na kakapasok lang sa kusina. "Oo nga, ayaw na ayaw mo na pinakikialam ka pagdating sa pagluluto. Bakit ngayon eh pinapayagan mo na tulungan ka ni James?" Tanong ni Lyza na may nanunuksong ngiti sa labi. "Pwede ba, doon na lahat kayo sa sala at mag-intay kung ayaw n'yong magutom maghapon." Sabi ni Billie at isa-isa ngang nagsialisan ang mga pinsan niya. Alam kasi nila na kapag sinabi niya na magugutom sila maghapon ay hindi talaga siya magluluto. Lahat naman sila ay marunong magluto pero siya ang pinakamasarap magluto sa kanilang lahat. Kapag umuuwi siya ay laking pasasalamat ng mga pinsan niya dahil makakakain na sila ng ibang putahe ng pagkain.

"Bakit nandito ka pa? Gusto mong magutom?" Tanong ni Billie na nakatingin kay Logan na hindi natinag sa kinauupuan. "Dito lang ako." Maikling sagot ni Logan. "Mr. Logan Pascual!" Nakahalukipkip na sabi ni Billie. "Oo na!" Masama sa loob na sagot ni Logan pero bago umalis ito ay tumingin muna kay James na tila sinasabing "Mag-uusap tayo mamaya." Napalunok ng sariling laway si James dahil alam niyang lagot siya kay Logan mamaya.

"Okay ka lang?" Tanong ni Billie sa binata. "Ha? Oo naman." Sagot ni James. "Tara na at mag-umpisa na tayo. Tiyak na magwawala ang mga iyan kapag nawala na ang epekto ng kape sa kanila." Nakangiting sabi ni Billie at para namang robot si James na sumunod sa dalaga.

Araw-araw ay ganoon ang naging routine ni James. Tuwing umaga ay gumigising siya ng maaga para mamalengke at pagkatapos ay deretso sa mansion ng mga Pascual para magluto kasama ni Billie. Wala pa naman siyang sinasabi sa dalaga tungkol sa gusto niyang gawing panliligaw dito. Ang gusto niya muna ay maging at home sila sa isa't isa bago niya ito totohanang ligawan. Sa totoo lang ay first time niyang ginawa ito. Sa mga past relationships niya ay siya ang niligawan ng mga babaeng naging girlfriend niya at totoo na umiyak ang mga ito ng makipagbreak siya sa kanila. Pero iba ngayon, tinamaan talaga siya kay Billie at handa siyang gawin ang lahat mapasagot lang ito ng matamis na "Yes!".

"Matutunaw si Billie sa ginagawa mo eh." Nagulat pa si James ng magsalita si Logan. Nasa sala na silang mga lalake samantalang ang tatlong dalaga ay nasa kusina pa dahil si Angela at Lyza ang nakatoka sa pag-uurong. Si Billie naman ay nilalagay sa lalagyan ang mga left overs para mailagay sa ref. "Pasensiya na, Dre, hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko na hindi humanga kay Billie." Natawa si Logan sa kaseryosohan na nakikita niya sa mukha ni James. "Basta ipangako mo lang na hindi mo siya paiiyakin dahil kapag nakita ko na may pumatak na kahit isang butil lang ng luha mula sa mata ni Billie ay babaliin ko lahat ng buto mo sa katawan." Biglang tumingin si James ng hindi makapaniwala sa nadinig mula dito. "Payag ka na!?" Excited na tanong ni James na gusto ulit madinig ang sinabi ng kaibigan at ng tumango ito ay nagtatalon ang binata na akala mo nanalo sa lotto. Nagulat pa sila Oliver at Elijah sa inasal ng kaibigan. Pati sila Billie, Angela, at Lyza ay napatakbo sa sala dahil sa sigaw ni James.

"Wala ng bawian 'yan, Dre!?" Natatawa si Logan sa kasiyahan na nakikita sa kaibigan. Nakita naman niya na seryoso si James dahil unang pagkakataon nito na gawin ang pamamalengke at pagluluto. Mayaman ang pamilya nila James at sanay ito na pinagsisilbihan kaya ng makita niya ito na buhat buhat ang mabibigat na plastic ng mga pinamili ay humanga siya dito at alam niya na seryoso nga ito. "Basta gawin mo lang ang nag-iisang kondisyon ko." Sabi ni Logan. "Makakaasa ka, Dre." Sagot ni James na tumingin pa kay Billie.

.....

Dahil may laban sila bukas ay kailangan nilang pumunta sa location na paggaganapan ng 4x4 off road race para tingnan ang race track at kung papayag ang host ay makapagpractice sila kahit sandali bago sumabak sa laban.

"Bakit kailangan maaga tayo sa track? 'Di ba dati naman ay hapon na kayo pumupunta sa lugar ng race?" Tanong ni Angela. "Mas ok na ang maaga para hindi masyadong pagod ang mga makina ng mga sasakyan at siyempre para makapagpahinga din ang mga racer." Sagot ni Bo. "Saka iwas na din sa mga mayayabang." Dugtong ni Aidan. "Sino'ng mayayabang?" Takang tanong ni Lyza. "Sila Riggs." Sagot ni Arlo. Tumango-tango naman sila Angela at Lyza.

"Tara na." Aya ni Logan sa lahat.

"Billie, pwede bang sa akin ka na sumabay?" Nahihiyang tanong ni James sa dalaga. "Sure!" Mabilis na sagot ni Billie at hindi na binigyan ng pagkakataon ang pinsang si Logan na makasingit pa. Natatawa naman sila Elijah at Oliver sa reaksyon ni Logan. "Pumayag payag ka na ligawan tapos ganyan ka makatingin." Pang- aasar ni Elijah. "Nak ng tokwa, ang bilis ng kumag. Nung isang araw lang ako pumayag tapos arangkada na ngayon agad." Iiling-iling na sabi ni Logan. "Hayaan mo na. Kilala naman natin si James. Basta ba huwag niya lang paiiyakin si Billie, walang mangyayaring balian ng buto." Sabi ni Oliver pagkatapos ay pinaandar na ang sasakyan na sinundan na din ng iba.

Magkakasabay sila dumating sa lugar. Nauna nang bumaba sila Logan at ang iba pang Pascual at nagtaka sila kung bakit hindi pa bumababa ng sasakyan sila James at Billie. Lalapitan sana ni Logan ang sasakyan pero pinigilan siya ni Oliver. "Hayaan mo na. Matatanda na sila." Sabi ni Oliver sabay hila kay Logan.

Bababa na sana si Billie sa sasakyan ni James pero pinigil siya ng binata. "Pwede ba tayo mag-usap sandali? May sasabihin lang ako sa'yo." Bungad ng binata. "Okay." Maikling sagot ng dalaga. Halata kay James na kinakabahan siya at hindi niya alam kung paano magsisimulang itanong sa dalaga kung maari ba siyang manligaw dito. Paano kung hindi ito pumayag at sabihin na maging magkaibigan na lamang sila? Paano kung sabihin nito na pwede pero tatapusin muna nito ang pag-aaral, handa ba siyang mag-intay? "Oo naman." Sagot niya sa sarili. "James." Tawag ni Billie sa binata ng matagal ito bago magsalita. Bumalik naman sa kanyang sarili si James ng madinig ang boses ng dalaga.

''Ano yung sasabihin mo?" Tanong ni Billie sa binata. "Ha, eh..." Panimula ni James pagkatapos ay kumamot sa ulo. Natawa si Billie sa ginawa ng binata. "Sabihin mo na James kasi baka mamaya mainip sila Logan kakaintay." Sabi ng dalaga. Huminga ng malalim si James saka humarap ng seryoso sa dalaga. Pagkakataon naman ni Billie para siya naman ang kabahan dahil magmula ng makilala niya ang binata ay ngayon lang niya nakita na seryoso ito. Sanay siyang lagi itong nagbibiro at nakatawa.

"Billie, unang kita ko pa lang sa'yo ay tinamaan na talaga ako at hindi ko na palalampasin ang pagkakataon na ito na itanong sa'yo..." Hindi malaman ni Billie kung matatawa o maiinis dahil sa pagbitin ng mga salita ni James. "Pwede ba kitang ligawan?" Mabilis ng dugtong ni James na ikinapula ni Billie. Sasagot na sana ang dalaga pero napigil lang ito ng isang katok sa bintana ng kanilang sasakyan. Binaba ni Billie ang bintana sa tapat niya.

"Ano ba'ng ginagawa n'yo d'yang dalawa? Naiinip na kami sa pag-iintay sa inyo." Bungad ni Angela na kunwaring galit at pinipigil lang matawa dahil sa pamumula ni Billie at halatang pagkadismaya ni James. "Pinasusundo na kayo ni Logan para makapag-umpisa na kayo sa practice." Sabi naman ni Angela na pigil din ang pagtawa. "Oo na, eto na." Sagot ni Billie. Walang nagawa si James kungdi bumaba na din ng sasakyan. Nauuna sa paglakad ang tatlong babae habang tahimik na nakasunod si James. Pupunta na dapat si James sa grupo nila Logan na nakikipag-usap sa mga host ng 4x4 off road challenge pero tinawag siya ng dalaga.

"James! Oo, pumapayag ako." Sigaw ni Billie na pulang-pula ang mukha. Si James naman ay nawala sa sarili kaya tuloy pa din ang lakad niya at hindi naiwasang ang tuod na nakausli. Ilang sandali pa at malalakas na tawanan ang nadinig sa buong paligid ng race track.