webnovel

Chapter 56

Ilang sandali pa ay tuluyan na ngang natapos ang ritwal na ginagawa ni Milo. Mataman niyang tinitigan ang nilalang na nasa harapan niya at bahagyang napangiti.

"Malaya ka na sa sumpang iginawad sa 'yo, sana ay mahanap mo sa sarili mo ang kapayapaan. Subukan mong tanggapin ang mga nawala sa 'yo at magpatuloy sa buhay nang walang pangamba." Wika ni Milo sa nilalang. 

Dahan-dahang nagmulat ng mga mata ang nilalang at nanlalaki ang mga mata nito habang nakatitig sa kaniyang mga brasong nanumbalik sa sa normal. Ang dating dambuhala at kulay itim na nilalang ay naging kasing laki na lamang ng isang tao, kulay abo ang balahibo nito at naging mas kawangis na nito ang isang ordinaryong unggoy.

"S-salamat, hindi ko lubos akalain na maibabalik pa sa dati ang aking anyo." saad ng nilalang sa garalgal nitong boses. Malungkot itong napatingin sa paligid at bumuntong-hininga.

"Makakaya mo rin bang ibalik sa dati ang lugar na ito?" Tanong ng amomongo ngunit napailing si Milo. Lalong lumungkot ang mukha ng nilalang at maging si Milo ay nabalot sa din ng kalungkutan.

"Sa ngayon ay wala pa akong magagawa, dahil ang mismong kristal ang siyang kailangan naming linisin, kapag naibalik na namin sa dati ang kristal ay kusa ring manunumbalik ang buhay sa isla," tugon ni Milo. Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ay narinig niya ang pagtikhim ni Maya, napalingon naman siya rito at agad na binati ang dalaga.

"Magandang umaga Maya, kanina ka pa ba gising?" Tanong niya at napaangat naman ang kilay ni Maya.

"Kanina pa, sa sobrang abala mo ay hindi mo man lang naramdaman na kanina pa ako nakatingin sa inyo. Ang nilalang na iyan ang dambuhalang nilalang na nakalaban natin kahapon?" maang na tanong ni Maya at napatango lang si Milo. Agad namang yumukod sa lupa ang nilalang bilang paghingi ng tawad sa kalapastanganan nitong nagawa.

"Paumanhin kong napinsala ko kayo, hindi ko makontrol ang sarili ko dahil sa sumpa, wala din akong magawa nang mga oras na iyon." Wika pa ng nilalang.

"HIndi naman kita sinisisi, natutuwa akong nanumbalik ka na sa katinuan, isa kang amomongo, hindi ba at ang nag-iisang nakaligtas sa iyong uri. Wala na akong naaamoy na amomongo sa lugar na ito maliban sa 'yo." wika naman ni Maya, marahang tumango ang nilalang at napatingala sa kalangitan.

Nang sumapit na ang bukang-liwayway ay nagising na si Simon, agad nila itong pinabangon at pinainom ng maligamgam na tubig bago ito pinakain ni Maya. 

"Maayos na ang pakiramdam ko, salamat Maya." Nakangiting saad ni Simon at napasimangot naman si Maya.

"Bakit ka sa akin nagpapasalamat, wala nga akong nagawa nang makita kitang duguan kahapon. Kung magpapasalamat ka, kay MIlo dapat. Si Milo ang gumamot sa malubha mong sugat na halos ikamatay mo na. Hindi ka kasi nag-iingat, alam mo namang ako ang malalagot kay ama kapag may nangyaring masama sa 'yo." Inis na reklamo ni Maya, ngunit sa kabila nang mga sermon nito ay batid ni Simon na lihim itong natutuwa sa pag-ayos ng kalagayan niya.

"Hindi niyo naman kailangan magpasalamat, magkakasama tayo sa misyong ito, natural lang na tulungan ko kayo sa oras ng kagipitan, alam kong kapag ako naman ang nalagay sa ganoong sitwasyon ay ganoon din ang gagawin niyo sa akin." Nangingiting wika ni Milo at agad na namaywang si Maya.

"Aba, bago kita gagamutin, babatukan muna kita. Sino ba ang nagsabi sa inyo na magpakat*nga sa oras ng labanan? Bago kayo magligtas ng tao, isipin muna ninyo ang kaligtasan niyo, ikaw Simon, paano kung natuluyan ka, nakaksiguro ka bang hindi mapapahamak si Liway? Kung hindi nakasigaw si Liway ay paniguradong bangkay na ninyo ang aabutan namin. Naku, nakakapang-init kayo ng ulo. Tara na nga Liway, iwan na natin ang mga lalaking ito." Inis at padabog na hinatak ni Maya si Liway palayo sa kinaroroonan nila.

Napapakamot naman ng ulo si Simon at alanganing napatingin sa mga kasama habang nanlalaki naman ang mga mata ni Milo dahil sa gulat. IYon kasi ang unang beses na nakita niyang nagalit si Maya. Hindi tuloy niya alam kung ano ang magiging reaksiyon niya, kung matatawa ba siya o matatakot sa dalaga.

"Pasensiya na kayo sa kapatid ko, ganiyan lang talaga siya, minsan mas masahol pa siyang magalit kaysa sa aming ina." Wika pa ni Simon.

Hindi rin naman nagtagal ay nakabalik na din ang dalawang dalawa, may mga dala-dalang prutas ang mga ito at ibinigay sa mga anggitay na halatang nagugutom na. Hindi marami iyon, ngunit sapat na para makakain silang lahat ng isa. Matapos kumain ay agad nilang tinungo ang kinaroroonan ng kristal, malapit sa dalampasigan ang kinaroroonan ng kristal kaya iyon ang mas madaling nalason ng mga magindara.

Kalunos-lunos ang sinapit ng lugar na iyon, kaliwa't-kanan, saan man sila tumingin ay nahahabag sila. Napuno na ng nangingitim na lumot ang dalampasigan, maging ang kulay ng tubig ay hindi na rin malinaw. Napakarumi nito na animo'y binabalot na ng masangsang na amoy.

"Walang kapatawaran ang nangyaring ito sa isla ng mga anggitay. Nakakapanlumo ang ginawa ng mga magindara. Ano bang nasa isip nila at sinira nila ang karagatang siya rin namang kanilang tirahan. Hanggang ngayon ay napapaisip pa rin ako." Saad ni Liway habang napapailing lang sa kanilang nakikita.

"Sa tingin ko ay nasa ilalim din ng kontrol ang mga magindara, kung sino man ang nasa likod ng kaguluhan ito, siguradong hindi rin basta-basta. Kaya mag-iingat tayo." Wika ni Simon.

Agad na napatango si Milo at napatingin ng seryoso sa kaniyang mga kasama.

"Nang nasa ilalim ng ritwal ang amomongo kanina nakita ko sa alaala niya ang isang nilalang. Hindi ko maaninag ang kaniyang mukha dahil napakalabo nito at nababalot siya ng itim na usok. Pakiramdam ko, napakalakas niya dahil kahit sa alaala ng mga nilalang na nabiktima niya ay nagagawa niyang ikubli ang kaniyang tunay na pagkakakilanlan." Salaysay ni Milo.

"Huwag muna nating intindihin ang nilalang na iyon, may napapansin ba kayo? Hindi ko na nararamdaman ang mga magindara sa parteng ito. " Puna ni Maya habang inaaninag ang karagatan.

"Wala rin akong nararamdamang ibang nilalang bukod sa atin. Sa tingin ko ay lumikas na ang mga magindara nang umatake pa lamang tayo sa kabundukan." Sang-ayon naman ni Gustavo.

"Ibig sabihin, wala na tayong aalalahanin kundi ang isagawa ang ritwal." Sabad naman ni Simon.

"Oo, isagawa na ninyo ang ritwal dahil paniguradong matatagalan kayo. Kami na ni Manong Gustavo ang bahalang magbantay sa paligid." Wika pa ni Liway at sumang-ayon naman ang aswang na si Gustavo.

Sa pagkakataong iyon ay inihanda na nina Milo, Simon at Maya ang kanilang mga kakailanganin sa ritwal. Subalit tulad ng inaasahan nila, hindi naging madali ang ritwal na kanilang isinagawa. Ilang beses din silang umulit dahil sa tindi ng sira ng kristal.

Inabot na sila ng hatinggabi ay nagsasagawa pa rin sila ng ritwal. Tagaktak ang pawis ng tatlo habang sabay-sabay na nag-uusal, nakapikit din ang kanilang mga mata habang patuloy na nagdadasal. Ialng oras pa ang lumipas nang tuluyang malinis ang kristal. Halos magbagsakan na ang katawan ng tatlo sa lugar na kinauupuan nila sa sobrang pagod.

Dahil dito ay isa-isa na silang binuhat ni Gustavo upang dalhin sa isang silong na ginawa naman ng kaibigan nilang amomongo.

"Magpahinga ka na rin Liway, kami na ng kaibigan nating amomongo ang magbabantay sa paligid. Hindi pa tayo maaaring magpakampante dahil nasa paligid pa rin ang mga kalaban natin." Suhestiyon ni Gustavo at nangunot naman ang noo ni Liway.

"Paano ka manong, wala ka ding pahinga?" Tanong ng dalaga.

"Isa akong aswang, hindi ko kailangan ng pahinga sa gabi, bukas ako magpapahinga kapag gising na kayo. " Sagot naman ni Gustavo. Wala nang nagawa si Liway kun 'di ang mahiga sa tabi ni Maya. Paglapat pa lamang ng kaniyang likod sa malambot na higaang gawa sa mga damo ay agad na siyang nakatulog.

Habang himbing na himbing na sila ay naiwan namang nasa labas ng dampa si Gustavo at ang amomongo, tahimik silang nagmamasid sa paligid. Nangingislap ang mga mata ng amomongo habang nakatitig sa mga umuusbong na damo sa lupa at dinadama niya ang banayad na pagpatak ng ulan sa buong kalupaan. Ito ang kauna-unahang ulan na muli niyang naranasan matapos siyang masailalim sa isang sumpa.

Chapitre suivant