webnovel

Chapter 35

Sa Kanilang pagsampa ng bangka ay agad namang pinaandar ni Milo ang motor nito. Madalang lamang sa mga mangingisda ang mayroong motor ang bangka at isa si Mang Kanor sa mga pinalad na magkaroon ng mga de-motor na bangka. Mas madali nga namang gamitin iyon lalo kapag malalayo ang kailangan nilang baybayin upang makapanghuli ng isda. 

Labis-labis naman ang pasasalamat ng tatlo kay Mang Kanor dahil isang de-motor na bangka ang ibinigay nito sa kanila, bukod sa hindi na sila mahihirapan at mapapagod sa pagsagwan ay mas mabilis din nilang mararating ang Ilawud. 

Hindi pa noon, sumasapit ang dilim kaya naman kitang-kita nila ang napakagandang paglubog ng araw. Tila ba nagkukulay kahel ang langit habang dahan-dahan ang paglubog ng araw. Ilang sandali pa nga ay tuluyan nang nawala ng araw at napalitan ang liwanag nito ng walang hanggang kadiliman. 

Nakalayo na rin sila sa dalampasigan at halos hindi na nila matanaw ang bayan ng Talusan. Purong karagatan na lamang ang kanilang nasisilayan kahit saan man sila tumingin. Kalaunan ay sinindihan na ni Milo ang gaserang kanilang dala, at inilagay iyon sa gitna ng kanilang bangka at maging ang mga sulo sa bawat dulo ng bangka nila ay sinindihan na rin ni Simon. Naging maliwanag ang bangka nila, nasa gitna noon si Maya, nakaupo habang nakapikit ang mga mata, habang ang dalawang binata naman ay nasa magkabilang dulo ng bangka at nagbabantay roon.

"O' bakit parang hindi ka mapakali diyan?" Tanong ni Maya nang makita ang pagkabalisa sa mukha ni Milo.

"Ha? Ah, eh, medyo naninibago kasi ako, ito ang unang beses na nakasakaya ko sa isang bangka. Ganito pala ang pakiramdam nang hindi nakaapak sa lupa ang mga paa mo, parang nakakatakot," tugon ni Milo, napapasinghap pa ito sa tuwing tatama ang kaniyang paningin sa tubig habang mabilis itong tumatakbo. 

"Kumalma ka, wala pa tayo sa gitna ng dagat, wala pa rito ang dapat mong katakutan." Umiirap na wika naman ni Maya. Pareho na silang napatahimik at nagpatuloy na lamang sa pagmamasid sa dagat. Ilang oras pa ang lumipas ay nakarating na sila sa pinakamalalim na parte ng dagat, Pinatay na ni Simon ang motor ng bangka at ibinigay ang isang sagwan kay Milo.

"Malapit na tayo kaya kailangan na nating magsagwan, ayokong makaistorbo tayo sa mga nilalang na nandito sa kalaliman ng karagatan. Tahimik lang nating baybayin ang karagatan ito, Dretso lang ang pagsagwan Milo," utos ni Simon saka naupo at nagsimula nang magsagwan. Marahan lamang ang ginagawa nilang pagsagwan, napakatahimik ng karagatan at ang tanging naririnig nila ay ang malamyos na tungo na ginagawa ng kanilang sagwan at bangka sa tubig.

Lumipas pa ang mga oras ay natanaw na nila ang isang parte ng karagatan na may namumuong makakapal at itim na ulap. Namumuo iyon sa isang parte na para bang doon lamang tatama ang bagyo.

"Nakikita mo ang parteng iyon Milo? Doon tayo pupunta." Wika ni Simon at nanlaki naman sa gulat ang mga mata ni Milo.

"Ha? Hindi ba mapanganib ang lugar na iyan? Sabi ni Lolo kapag may ganyan sa karagatan, umiwas tayo dahil panigurado maiipit tayo sa isang bagyo." Natatarantang wika ni Milo. Napangisi naman si Maya at pinandilatan ang binata.

"Doon nga tayo pupunta kasi naroon ang panganib, iyon lang din ang tanging daan natin para marating ang Ilawud." Tugon ni Maya at taimtim namang nakinig si Milo.

Habang binabaybay nila ng dahan-dahan ang karagatan ay doon na sinimulang ipaliwanag ng magkapatid ang kanilang mga gagawin.

Sa pagtapat ng kanilang bangka sa bukana ng bagyo ay nagsambit na sila ng dasal pangkaligtasan, poder at bakod ay kanila na din iniusal. Matapos iyon ay pikit-matang nagsagwan si Milo habang taimtim pa rin na nagdadasal sa kaniyang isipan. Rinig na rinig din niya ang mga katagang binibigkas ni Maya na noon lamang niya narinig. Kakaiba rin ang lenguahe nito dahil wala siyan maintindihan kahit isang salita.

Bago pa man nila tuluyang mapasok ang parteng iyon ng karagatan ay nasilayan pa ni Milo ang bilog na bilog na buwan. Napakaliwanag nito bago ito dahan-dahang nawala sa kaniyang paningin.

Nang tuluyan na silang makapasok ay doon na nagiba ang ihip ng hangin. malalaking alon ang sumalubong sa kanila, dahilan upang muli nilng paandarin ang motor ng kanilang bangka. Namatay na rin ang dalawang sulo dahil sa bugso ng hangin at maalakas na ulan. Kasabay din nito ang malalakas na tunog ng kulog at nakakasilaw na pagkidlat na animo'y umaabot hanggang sa tubig ng dagat. Mabilis na isinara ni Simon at Milo ang kanilang layag upang hindi sila maitulak ng alon papalabas ng bagyo. 

Buong lakas din silang nagsagawan kahit pa nakaandar na ang kanilang motor dahil sa laki ng alon. Walang tigil sila sa pagsagawan, kasabay ng walang tigil din na pag-uusal ni Maya. KItang-kita naman ni Milo ang pagkalapnos ng balat ng dalaga sa tuwing natatalsikan ito ng tubig dagat subalit wala siyang nakikitang pag-inda ng sakit rito. Patuloy lamang ito sa pag-uusal habang nakapikit ang mga mata.

"Simon, hindi ba nasasaktan si Maya?" Tarantang tanong ni Milo. Kitang-kita niya kasi ang pag-usok ng katawan nito dahil sa tubig-dagat.

"Nasasaktan pero, wala tayong magagawa, kakambal ng kaniyang anyo ang sumpang iyan. Huwag kang mag-alala, hindi mamamat*y si Maya riyan. Pag-ibayuhin na natin ang pagsagwan upang mabilis na tayong makalabas rito at matapos na rin ang paghihirap ng kapatid ko." Pasigaw na tugon ni Simon. Hindi na rin kasi sila makapag-usap ng mahina dahil sa sobrang ingay ng ulan. 

Dahil sa narinig ay mas lalo pang binilisan ni Milo ang pagsagwan, ginamit na rin niya ang mutya ng buhok ng tikbalang upang magkaroon siya ng bilis at lakas upang mas maging mabilis pa sila. Pasigaw na ang dalawa habang nagsasagwan at hindi nila inalintana ang sakit ng bawat pagbagsak ng ulan sa kanilang mukha at katawan.

Wala pa ang sakit na iyon sa sakit na nararamdaman ngayon ni Maya. Batid din ni Simon na hindi lamang pinapakita ni Maya ang sakit sa kaniyang mukha upang hindi sila mag-alala, lalo na si MIlo na ambilis panghinaan ng loob. Sa kanilang pakikibaka ay tuluyan na nga nilang nalampasan ang parteng iyon ng gubat. Naging mahinahon na ang mga alon at naging banayad na ang takbo ng kanilang bangka. Mabilis na binitawan ng dalawa ang sagwan at agaran sinalo ang papatumbang si Maya. Dagling nasalo ni Milo ang balikat ni Maya habang naalalayan naman ni Simon ang ulo nitong papabagsak na. Nawalan na rin ng malay si Maya at kapansin-pansin ang pamumutla ng mukha nito.

Pinahiga na nila si Maya sa bangka at tarantang kinuha ni Milo ang mga halamang gamot na dala nila. Mabilis nilang nilapatan ng gamot ang mga sugat na natamo ng dalaga at napapangiwi naman si Milo sa bawat paglalagay nila sa lapnos nito.

"Mabuti na lamang at mabilis tayong nakalabas, at kinaya ni Maya ang mga ito. Mapapahamak tayo kapag sa kalagitnaan ng bagyo siya bumagsak, may posibilidad pa na hindi tayo makakalabas roon." wika ni Simon.

"Hindi ba humihinto ang bagyo sa parteng iyon?" Tanong ni Milo na lubos ang pagtataka.

"Hindi, dahil iyon ang nagsisilbing harang sa pagitan ng mundo ng mga tawo at sa Ilawud," tugon ni Simon. Iminuwestra naman ni Simon ang kaniyang kamay at doon lamang napansin ni Milo ang kakaibang ganda ng karagatang kinaroroonan nila.

Kakaiba, dahil magkahalong asul at berde ang tubig na siyang pumapalibot sa kanila, may mga malalaking batong nakausli sa dagat na animo'y nagsisilbing daan sa kanilang paglalayag.

"Ano ang lugar na ito Simon?" Gulat at may pagkabahalang tanong ni Milo. Namamangha siya sa kaniyang mga nakikita gunit hindi rin nawawala sa dibdib niya ang takot.

"Ito ang Ilawud, ang daan patungo sa isla ng Bur'ungan kung saan tayo pupunta. Marahil ay nagtataka ka kung bakit kailangan ka naming dalhin sa lugar na ito. Marahil nagtataka ka rin kung bakit ganoon na lamang kalapit ng mga engkanto sa iyo, ang gabay mong si Karim ay nanggaling sa isla ng Bur'ungan, maging ang mga lambana at ang engkanto ng hangin na laging nakasunod sa iyo ay galing rin doon," panimulang paliwanag ni Simon habang kinukumutan ang kaniyang kapatid.

Napatuwid naman ng upo si Milo nang magsimula nang magkuwento si Simon. Sa simula pa lamang ay nais na niyang marinig ang lahat patungkol sa kaniya at sa mga kababalaghang nakapalibot sa kaniya simula pa lamang noong bata pa siya.

"Ang iyong ina ay nanggaling rin sa Islang ito, hindi naman siguro bago sa iyo na isang magaling na antinggero at manggagamot ang iyong ama, minsan na rin niyang narating ang isla at dito niya nakilala ang iyong ina. Ang iyong Lolo Ador ay pabalik-balik din sa islang ito noong kabataan niya, kaya naman hindi na tumutol ang pamilya ng iyong ina sa relasyon ng mag-irog. Inilabas ng iyong ama ang iyong ina sa isla at namuhay sila ng simple sa mundo ng mga normal na tao at doon ka na nga nabuo," kuwento pa ni Simon. 

Kunot-noong napatitig si Milo kay Simon, nagtataka paano ito nalaman lahat ni Simon gayong magkasing-edad lamang sila. 

"Simon, huwag mo sanang masamain, pero paano mo nalalaman ang lahat ng ito?" Tanong ni Milo at napangiti si Simon.

"Bago kami itinalaga ng aming ina sa misyong ito, ipinakita niya sa amin ni Maya ang mga pangyayari ng nakaraang buhay ng pamilya mo Milo. Ibig ni ina na maintindihan namin ang kahalagahan ng misyong ito kaya niya ipinakita sa amin kung saan ba ito nagsimula." Sagot naman ni Simon at saglit na napatahimik si Milo at malalim na nag-isip.

Chapitre suivant