Hanggang sa matapos ang kwento ni Valerie ay wala siyang nadinig na kahit isang komento mula sa pinsan. Nakinig lang ito ng mabuti habang nagsasalita siya.
"Tama nga si Tita." Kumunot ang noo ni Valerie sa sinabi ni Iggy. "Actually...galing na ko sa Baguio." Nakangising sabi ni Iggy. "What!?" Inis na pinagpapalo ni Valerie ang pinsan. "Grabe! Wala pa ding pagbabago 'yang bigat ng kamao mo. Buti na lang at hindi nagrereklamo mga pasyente mo sa bigat ng kamay mo." Lalong nainis si Valerie. Kung wala lang benda ang paa niya ay nakatikim na din ang pinsan ng mga sipa mula sa kanya.
"Okay, okay, tama na, tama na." Taas ang kamay na sabi ni Iggy dahil kapag hindi tumigil ang pinsan ay masasapak na talaga siya nito.
"Nagsayang lang ako ng laway sa'yo!" Sabi ni Valerie sabay irap sa pinsan na tatawa-tawa pa din. "Galit ka pa?" Nakangising tanong ni Iggy pero inirapan lang ulit siya ng dalaga. "Sayang naman 'yung dala ko." Umaliwalas agad ang mukha ni Valerie at parang batang mabait na lumapit sa pinsan. Tumayo si Iggy para pumunta sa pinto. Kinuha ang box na dala niya kanina. Abot tenga naman ang ngiti ni Valerie dahil nakita niya na balot na balot ang box at iisa lang ang ibig sabihin noon.
"Hep! Hep! Hep! Mamaya mo na buksan 'yan!" Pigil ni Iggy sa pinsan pero wala na siyang nagawa ng kumalat na sa buong condo ang amoy ng duriang dala niya para sa dalaga. Nagmamadaling lumabas si Iggy at sa labas na binuga ang hangin pinigil niya.
"Pasaway talaga!" Inis na sabi ni Iggy. Tumingin ang binata ng bumukas ang pinto ng kabilang unit at ngumisi siya ng makitang si Luke ang lumabas mula dito. "Magaling ang kumag!" Sabi ni Iggy sa sarili bago umayos ng tayo at tumingin ng deretso kay Luke, ganoon din naman ang ginawa ng huli.
"Cap!" Biglang napaderetso ng tayo sila Andre, Aziz, Bowie, Ceasar, at Darwin ng makita kung sino ang katitigan ng kanilang Captain. Tahimik na nagpalipat-lipat ng tingin ang ORION sa dalawang binata. Si Iggy ang unang nagsalita.
"Salamat nga pala sa pagliligtas kay Valerie." Seryosong sabi ni Iggy. "Walang anuman." Maikling sagot ni Luke. Muling natahimik ang paligid.
"I hope you're team will be ready next week." Sabi ni Iggy matapos ang ilang sandaling katahimikan pagkatapos ay naglakad na ito palayo sa grupo nila Luke. Kumunot naman ang noo ni Luke sa sinabi ni Iggy. Nadinig niya ang mura ni Bowie ng may maalala ito.
"Cap! Sorry, nawala sa loob ko." Lalong kumunot ang noo ni Luke. "Next week, magkakaroon ng joined military training exercises ang top 3 Swat Team ng Pilipinas. Ang HAWK, PHOENIX, at ORION." Kakamot-kamot sa ulo na sabi ni Bowie. "Parang ngayon lang nangyari yun ah." Sabi ni Aziz. "Hindi, yearly na ang training na 'yun pero ngayon lang tayo sasali. Bakit kaya?" May pagtatakang tanong ni Andre. "Sabi ni Major, utos daw ng Presidente." Singit ni Bowie. "Sige, umuwi na kayo. Kita na lang tayo sa Base bukas." Sabi ni Luke. "Pero naka-leave tayo ng tatlong araw 'di ba?" Sabi ni Andre. "Gusto mo lifetime na leave mo?" Natawa ang ORION ng makita ang mabilis na pag-iling ni Andre. "Boys! Taralets!" Sabi ni Andre sabay lakad palayo kay Luke. Sumunod naman ang iba pagkatapos magpaalam sa kanilang Captain.
Papasok na sana si Luke sa kanyang unit pero mas piniling kumatok sa pinto ni Valerie.
Abala si Valerie sa pagkain ng durian ng madinig ang katok sa pinto. "Sandali lang." Sabi ni Valerie na hindi na binitawan ang hawak na kapirasong durian.
Pagbukas ng pinto ay agad na lumabas ang kakaibang amoy mula sa unit ni Valerie. Hindi na kailangan pang itanong ni Luke sa dalaga kung ano iyon dahil alam na niya. Pinigil ni Luke ang paghinga. Natawa naman si Valerie dahil nakita niya na nagsisimula nang mamula ang binata.
"Pasok ka." Aya ni Valerie sa binata pero sunud-sunod na iling ang sagot ni Luke na ikinatawa muli ng dalaga. Dahil naaawa na sa itsura ng kaharap ay sinarado na ni Valerie ang pinto ng kanyang unit. Doon lang unti-unting binuga ni Luke ang pinigil na hininga.
"Mahilig ka pala d'yan." Sabi ni Luke na nakatingin sa hawak ni Valerie. "Favorite ko kaya 'to" Sabi ni Valerie sabay alok sa binata. Lumayo naman ng konti si Luke para iwasan ang tangkang pagsubo ni Valerie sa kanya ng durian.
"Baka maging busy ako ngayon week hanggang next week kaya baka hindi kita mapagluto." Nangiti si Valerie sa sinabi ng binata, seryoso pala ito sa sinabi kanina. "Okay lang 'yun, ano ka ba? Malaki na ko, kaya ko ng ipagluto ang sarili ko. Saka pwede naman akong magpadeliver na lang." Sabi naman ni Valerie. "Huwag mong masyadong pwersahin 'yang paa mo, baka mamaga na naman 'yan." Bilin ni Luke. "Opo." Maikling sagot ng dalaga. "Kailan ka pala babalik sa ospital?" Tanong ng binata. "Bukas." Seryosong tumitig si Luke sa dalaga.
"Naghahanap ka talaga ng sakit ng katawan eh." Sabi ni Luke na ikinatawa naman ni Valerie pero bigla din naman siyang nagseryoso ng hindi nagbago ang ekspresyon mukha ng binata. "May nabili ako sa States na spray para sa mga injuries. Mapapadali niya yung paggaling ng paa ko kaya don't worry. Bukas lang ay mailalakad ko na ito ng maayos." Sabi ng dalaga. "Eh bakit hindi mo tapusin ang leave mo?" Tanong ni Luke. "Padami na ang patients ko, hindi kakayanin ni Genesis kapag nagsabay-sabay sila. Lalo akong mahihirapan kapag nagkasakit siya." Paliwanang ni Valerie. "Alam na ba ng parents mo 'yan?" Umiling lang si Valerie at saka ngumiti. "Hindi naman nila malalaman." Sabi ng dalaga. "Eh paano kung sabihin ko? Sa akin ka binilin ni Tita Emma, remember?" Bigla naman nag-alala si Valerie. Pinagsama niya ang kanyang dalawang kamay na para bang nagdadasal.
"Please, 'wag na 'wag mong sasabihin." Paki-usap ng dalaga. "Pag-iisipan ko." Sabi ni Luke. "Hala! Wala namang ganyanan." Natawa si Luke sa nadinig sa dalaga. "Okay, sige, wala akong sasabihin sa kanila pero ipangako mo na kapag nakaramdam ka ng kahit ano'ng discomfort dyan sa paa mo ay magpapahinga ka." Tinaas ni Valerie ang kamay na parang nanunumpa. "Promise!" Nagulat si Valerie ng ilagay ni Luke ang kamay sa kanyang ulo at guluhin ang buhok niya. "O siya, magpahinga na tayo. Kailangan ko din kasing pumunta ng maaga sa Base bukas." Sabi ni Luke. "Okay, good night." Sabi ng dalaga. "Sweet dreams." Sabi naman ng binata. Sabay silang nagbukas ng pinto at bago pumasok ng tuluyan ay sabay din silang tumitig sa isa't-isa na may ngiti sa mukha nila.
Nagliligpit na si Valerie ng kanyang pinagkainan ng tumunog ang kanyang phone. May text mula kay Iggy.
"Be ready next week." Sabi sa text ni Iggy na ikinakunot ng noo ni Valerie. "Ready for what?" Reply naman ng dalaga. "You'll see." Muling text ni Iggy. Sasagot pa sana si Valerie pero may text na ulit ang pinsan. "I'm driving." Hindi na itinuloy ng dalaga ang reply niya sa pinsan.
.......
Naging busy sila Luke at Valerie sa kani-kanilang trabaho. Minsan lang sila makapag-usap sa text o makapag-video call dahil hindi magkatapat ang free time nila. Lumipas ang isang linggo ng hindi man lang nila napansin.
Halos kakatapos lang ng OR nila Valerie ng may matanggap siyang text mula sa pinsan.
"Are you free tomorrow?" Text ni Iggy. "Abi, may naka-sched ba tayo bukas?" Tanong ni Valerie sa kaibigan. Tiningnan ni Abigail ang logbook kung saan niya sinusulat ang bawat schedule ng OR nila. "Yeah pero sa gabi pa naman." Sagot ni Abi. "Yap, free ako. Bakit?" Reply ni Valerie sa pinsan. "Good, I'll pick you up 5 am sharp." Tumaas ang kilay ni Valerie sa nabasang text kaya tinawagan niya si Iggy ng maliwanagan siya sa mga pinagsasabi nito.
"Alam mo ba kung anong oras na at kung pang-ilang OR na namin 'to ha, Mr. Iggy Villaflores?" Pagtataray ni Valerie sa pinsan. "Alam mo din ba na pwede ko ding tawagan sila Tito at Tita at sabihin kung ano ang ginagawa mo ngayon?" Biglang lumipad sa hangin ang katarayan ni Valerie. "Okay! I'll be ready at 5 am sharp." Mabilis na sabi ni Valerie. "Good girl! See you tomorrow my dear cuz." Yun lang at naputol na ang linya.
"Aaaaarrrrrggggg, I hate you, Iggy!" Natawa sila Genesis, Archer, Abigail, at Mia ng makita na sinasakal ni Valerie ang sariling phone. "Oi, baka madala sa ER 'yan." Pagbibiro ni Archer. "Baka imbis na huling OR na natin 'to ngayon eh madagdag pa 'yan." Dugtong naman ni Genesis. "Heh!" Sabi ni Valerie sabay irap sa dalawang binata. "Bakit, ano bang problema?" Tanong ni Mia. "Ito kasing si Iggy, dadalin na naman ako kung saan." Sagot ni Valerie. "Nung huling sinundo niya ko, maryosep, pina-akyat ako sa bundok ng wala sa oras!" Sabi ni Valerie. "Pero na-enjoy mo naman 'di ba?" Singit ni Abigail. "Buti na nga lang at na-enjoy ko yung view pagkatapos ng halos limang oras na lakad!" Natatawa na lang ang mga kasama ni Valerie sa paghihisterya niya.
.......
Maagang gumising si Valerie dahil kabisado niya ang pinsan. Kapag sinabi nito na 5 am sharp, 4 am pa lang ay nasa harap na ito ng pinto niya.Nang may kumatok sa pinto ay tiyak niyang si Iggy na ito.
"Morning!" Masiglang bati ni Iggy sa pinsan na sambakol ang mukha. Natawa siya pero kumunot ang noo niya ng makita ang suot ng dalaga. Nagulat si Valerie ng ihagis sa kanya ng pinsan ang isang paper bag. Titingnan pa sana niya ang laman nito pero nagsalita na si Iggy. "I'll give five minutes to change." Sabi ni Iggy. "Ang aga-aga pa oh." Pagmamaktol ni Valerie. "49...48..." Pagbibilang ni Iggy. "I hate you!" Sigaw ni Valerie habang nagmamadaling pumasok sa kwarto para magbihis.