"TALAGA? Wow, masaya ako para sa'yo!" si Jenny na masaya pa siyang niyakap kinabukasan nang ipaalam niya rito ang tungkol sa kanilang dalawa ni Daniel.
Maganda ang pagkakangiting nagsalita si Ara. "Salamat, alam mo ang saya-saya ko nga eh. Ganito pala ang pakiramdam kapag mahal ka rin ng taong lihim mong minamahal," aniyang nangalumbaba pa saka nagbuntong hininga.
"Talaga? Sana may chance din ako kay Jason ano?" sa tono ng pananalita ni Jenny ay naramdaman ni Ara ang kaseryosohan na sana nga ay pwedeng mangyari ang sinasabi nito.
"Oo naman, maganda ka at matalino, lahat nalang yata ng pwedeng magustuhan ng isang lalaki sa isang babae na sayo na. Saka mabait si Jason sa'yo at maalaga, kaya hindi malayong mangyari na mangyari din sa'yo ang nangyari sa akin," aniyang tinapik pa ng mahina ang kamay ng kaibigan niya.
Totoo naman ang lahat ng sinabi niyang iyon. Maalaga si Jason at napaka-protective kay Jenny. Kaya hindi siya naniniwala sa sinabi nito noon sa kanila ni Daniel na pagtingin bilang nakababatang kapatid lang ang mayroon ito para sa kaibigan niya.
"Sana nga. Pero alam na ba ng parents mo?" pagkuwan ay tanong muli ni Jenny.
Umiling siya. "Hindi ko pa nasasabi, kinausap ko nga si Daniel na kung pwede sana itago muna namin sa mga magulang ko ang tungkol sa amin. Nahihiya kasi ako, kasi hindi naman ako niligawan ni Daniel eh," pag-amin niya.
Noon umangat ang magagandang kilay ni Jenny. "Ganoon ba iyon? Hindi ba mas importante na nagmamahalan kayo ng totoo? Alam mo may mga kilala nga ako na ang tagal ng courtship pero naghiwalay rin. Tapos ang madalas pang dahilan ng hiwalayan nila eh third party."
"Parang ang dami mong alam sa love, eh di ba same lang tayo na hindi wala pang experience sa ganyan?" biro pa niya.
"Eh hindi ba nga may bakery kami, minsan naririnig kong iyon ang pinag-uusapan ng mga panadero namin. Tapos minsan iyong mga suki na namin, iyon mga nanay nila mismo ang nagkukwento sa akin o kaya sa nanay ko," paliwanag ni Jenny sa kaniya.
Tumango-tango si Ara. "So, ano sa tingin mo, kailangan ba sabihin ko na sa kanila?"
"Oo naman! Saka bakit ba kailangan pa ninyong ilihim eh wala naman kayong sinasaktan na tao. Pareho kayong single at hindi rin naman hadlang ang mga magulang ninyo sa pagmamahalan ninyo."
Sa narinig ay saka pa lamang lubusang naunawaan ni Ara ang lahat. Noon niya lubusan naunawaan kung ano ang dapat niyang gawin tungkol sa kanilang dalawa ni Daniel.
Tama nga naman si Jenny.
Wala silang kailangang itago dahil hindi naman against ang mga magulang niya sa binata. At hindi rin totoo na sukatan ang courtship para sa isang relasyon.
"Ano sa tingin mo?" nang manatili siyang tahimik ay iyon ang itinanong ni Jenny sa kanya.
Tumango siya. "Mamaya sasabihin ko na sa nanay at tatay ko ang tungkol sa amin ni Daniel," aniya.
Nakita niyang nagbuka ng bibig si Jenny para sagutin ang sinabi niya pero napigil ito nang makita nilang nakatayo sa may pintuan ng kanilang classroom si Jason na kinakawayan si Jenny.
"Baka may sasabihin sa'yo, lapitan mo na," aniya kay Jenny saka nginitian ng makahulugan ang kaibigan.
"Tumigil ka nga," anito sa kaniya habang namumula ang mukha.
"Anong sabi?" tanong niya nang makabalik si Jenny.
"Tinanong niya ako kung anong oras ang lunch break ko, sabay daw kaming mag-lunch," sagot nito sa kanya.
"Ganoon ba? Bakit naman kasi palagi kaming hindi nagkakasabay ng lunch break, medyo matagal narin mula nung huli tayo magkasabay na apat," aniya.
Tumango si Jenny. "Iyon nga, pero hayaan mo magtatagpo rin ang mga landas nating apat."
TAHIMIK na tinitigan lang ni Jason mula sa malayo si Jenny na nakangiting papalapit sa kinauupuan niyang concrete bench.
Sa loob ng paglipas ng buwan mula nang unang araw na nakita niya si Ara ay palaging ito na ang naging laman ng isipan niya. Hindi kasi mahirap mahalin si Ara dahil bukod sa maganda ito ay mabait pa.
Pero dahil sa inamin ni Daniel kanina sa kaniya ay ngayon lang niya na-realize kung ano ang totoong nararamdaman niya para kay Ara o mas tamang sabihing kung gaano na kalalim ang pagtingin na mayroon siya para rito.
Mahal niya si Ara. Pero hindi niya pwedeng ipaglaban ang pagmamahal niya para rito dahil hindi niya ugali ang manira ng isang masayang relasyon.
Oo, nakikita niya kung gaano kamahal ni Daniel ang dalaga at ganoon rin si Ara kay Daniel. At kung hahadlang siya, alam niyang ang babaeng minamahal niya ang pinakaunang masasaktan.
Susubukan niyang ibaling ang paningin niya sa iba. Susubukan niyang makipag-date, baka sakaling kapag ganoon ang ginawa niya ay makalimutan niya si Ara at magawa niya ang maging totoong masaya para rito.
Pero si Jenny, hindi kasama ang dalaga sa mga babaeng iyon.
Mabait si Jenny, maganda at matalino. At alam niyang kailangan siya nito, kailangan niyang protektahan ang dalaga at iyon ang nakikita niyang papel na dapat niyang gampanan sa buhay ng nito. Dahil katulad narin ng sinabi niya noon kay Ara at kay Daniel, gusto niya itong alagaan bilang nakababatang kapatid, at iyon ang tanging dahilan kaya gusto niya itong palaging nakikita at nakakasama.
"Sorry kung pinaghintay kita," si Jenny nang makalapit ito sa kaniya.
Matagal niyang tinitigan ang mukha ng pinakamagandang babaeng nakilala niya. Palagi siyang ganoon kahit kung tutuusin ay hindi naman iyon ang unang pagkakataong natitigan niya si Jenny.
"Okay lang, basta ikaw walang problema," sagot niyang kinuha ang hawak na paperbag ng dalaga na alam niyang naglalaman ng mga libro nito.
Tumawa ng mahina si Jenny. "Alam mo na ba na sina Daniel at Ara na?" tanong nito sa kanya.
Noon niya nilingon ang dalaga na nang mga sandaling iyon ay kaagapay na niya sa paglalakad palabas ng university. Nakapagtataka na parang wala siyang naramdamang sakit na gumuhit sa kaniyang dibdib sa sinabing iyon ni Jenny.
Dahil ba iyon sa magagandang kislap sa mga mata ng dalaga na nakikita niya ngayon? Siguro kasama narin ang matamis nitong ngiti. Hindi man niya aminin pero alam niya na comfort ang dala ng mga iyon sa kaniya.
"Oo, nasabi na ni Daniel sa akin kanina," aniyang binati ng lihim ang sarili dahil nagawa niyang hindi haluan ng bitterness ang sinabi niyang iyon.
"Masaya ako para sa kanila. Alam mo kasi matagal ko nang alam na may feelings si Ara kay Daniel. Ikaw ba, may nakukwento ba si Daniel sa'yo tungkol kay Ara?" tanong ulit sa kaniya ni Jenny.
"Wala, private na tao si Daniel kaya hindi na ako magtataka doon," sagot niya.
"Pero sa tingin ko mas private ka," sa sinabing iyon ni Jenny ay natigilan siya.
"Ano?" ang tanging naitanong niya sa kalaunan.
"Mas private ka kasi ako nga na madalas mo nang makasama naguguluhan pa sa'yo at minsan nahihirapan akong basahin ka," pag-amin sa kaniya ni Jenny.
Hindi alam ni Jason kung ano ang mararamdaman niya sa sinabing iyon ni Jenny. Kung tama nga ang sinasabi nito siguro nga hindi naging obvious sa iba ang totoong nararamdaman niya para kay Ara.
"Alam mo hindi ko expected na posible ka palang maging madaldal kung minsan," biro niya saka kinurot ang matangos na ilong ng dalaga.
Natawa lang ulit si Jenny sa sinabi niya. "Sorry, masyado lang akong masaya para sa bestfriend ko. Alam mo na, kagaya mo solong anak din ako," paliwanag nito na naunawaan naman niya kaagad.
Sa puntong iyon ay hindi maikakaila ni Jason ang gaan ng pakiramdam na mayroon siya. At dahil iyon kay Jenny. Kaya naman hindi na niya napigilan ang sariling akbayan ang dalaga saka kabigin palapit sa kaniya. Alam niyang nagulat ito sa ginawa nito dahil nakita niyang rumehistro iyon sa mukha ng dalaga. Pero sandali lang iyon at agad rin itong nakabawi.
"Hindi ba ako ang Kuya mo?" aniya.
"Papayag ka bang tawagin kitang kuya?" biro ni Jenny.
"Syempre hindi. Pero ang gusto ko kapag may manliligaw sa'yo sakin sa unang ipapakilala. Para makilatis, baka lokohin ka lang at paiyakin, ayoko yatang makitang umiiyak ang bunso ko," aniya rito ng ngiting-ngiti.
"Wala pa sa plano ko iyan, huwag kang mag-alala," si Jenny na sinundan pa ang sinabi ng mahinang tawa. "saka alisin mo nga iyang braso mo, ang bigat saka baka isipin nila boyfriend kita," angal ng dalaga na bahagya pang sumimangot.
Natawa lang si Jason sa sinabing iyon ng matalik na kaibigan niya. Pagkatapos, katulad ng sinabi nito ay inalis niya ang braso niya sa balikat ng dalaga at sa halip ay mahigpit nalang niyang hinawakan ang kamay nito.
"Huwag ka nang umangal, kung mapagkamalan akong boyfriend mo hayaan mo na, tutal gwapo naman ako at maganda ka, bagay tayo," ang maagap niyang sabi nang makita salubong ang mga kilay ni Jenny habang pinaglilipat ang tingin sa kamay nilang dalawa at sa mukha niya.
Magulo pa ang isip niya ngayon, pero kung may malinaw sa kaniya, iyon ay ang katotohanan na gusto niyang protektahan ang babaeng ito at willing siyang i-let go na ang nararamdaman niya para kay Ara. At magagawa lang niya iyon kung maglalagay siya ng space sa pagitan nilang dalawa ni Daniel.
Mahirap man pero kailangan. Para sa ikatatahimik ng kalooban niya.