webnovel

ANDRES

"Malaking pagkakamali talaga itong gagawin ko siguradong magagalit sa akin ang supremo." Napapailing na bulong ko sa sarili habang tinatahak ang daan pauwi. "Pero hindi naman kakayanin ng konsensiya ko kung basta ko na lang siya ibababa kung saan." Napasulyap ako sa salaming nasa bandang itaas ng bintana sa harapan ko upang alamin kung ano ang ginagawa nito at doon ko nakitang nakatulog na pala ito kaya napabuntonghininga na lang ako.

"Mas maganda nang tulog siya para kung sakaling hindi makapasok ang jeep ay hindi ito mag-usisa dahil sa pagtataka."

Napahigpit ang hawak ko sa manibela nang matanaw ko na ang arko papasok sa lugar namin. Binagalan ko ang pagpapatakbo sa sasakyan para kung sakaling hindi ito makapasok ay hindi malakas ang magiging pag-alog ng sasakyan. Kahit na halos dito na ako lumaki at nagkaisip ay hindi ko pa rin maiwasang mamangha sa tuwing nakikita ko ang kakaibang disenyo niyon. Na tila kumikinang na mga sanga-sangang baging na pataas ang tubo at sa pinakaitaas ay nakasabit ang mga letrang nagpapakilala sa baryo namin. Ang Barrio Marikit. Kung hindi lang dahil sa isang pagkakasala ay siguradong mas magiging maganda pa ang lugar namin.

Napapabuntunghiningang napailing na lang ako at muling itinuon ang atensiyon sa pagmamaneho. Muli akong napasulyap sa salamin habang tinatawid ang harang upang siguruhing mahimbing pa rin ang tulog ng babae kaya halos hindi ko na namalayang nakalagpas na pala ang sasakyan ko sa arko. Wala sa sariling bigla akong napapreno nang matuklasan kong nakapasok na kami. Naisuklay ko na lang ang nanginginig kong mga kamay dahil sa pinaghalong kaba at pagkamangha.

"Pa-paanong nangyaring nakalagpas kami? Saksi ako noong bata pa ako at may sumubok pumasok na tagalabas, para silang bumangga sa pader dahil nasasaktan sila. Kaya naman iniwasan at kinatakutan na ang lugar namin." Ramdam ko ang panlalamig ng buong katawan na sinabayan pa ng pagtulo ng butil-butil na pawis sa noo habang pasulyap-sulyap ako sa salamin. At doon ko nakitang unti-unti na itong nagigising. "Anong gagawin ko? Kailangan ko ba itong ipaalam sa kanila?"

Nang marinig ko ang pag-ungol nito na tandang gising na ito ay pinilit kong kalmahin ang sarili bago muling nagpatuloy sa pagmamaneho patungo sa direksyon ng bahay ko. Ikatlong bahay mula sa arko. Pagkaparada ko sa tapat ng bahay namin ay agad na akong bumaba at muli akong nangamba dahil sa nangyari. Natauhan lang ako nang marinig ko ang tinig ng babae.

Chapitre suivant