webnovel

Salamin - Chapter 40

Bumuntong hininga ako't kinulekta ang aking sarili. Isang saglit akong nag-isip kung ano ang aking sasabihin kay Alice. Nagtatalo ang aking damdamin bilang kakampi, karibal, at kapatid ni Simon. Nalilito ako kung ano ang tama at mali. Naguguluhan na rin ako kung alin ang mali na tama at mga tamang mali para sa akin, para kay Simon.

"Ano? Kalimutan mo na kasi iyang si Rodel, Jasper." ang tanong ni Alice. Hindi pa rin ako sumasagot. Nakapako sa sahig ang aking mga mata.

"Alice, naginuman kasi kami kagabi ni kuya. Nag-alitan kami dahil sa ginawa niya sa iyo. Nauntog siya ako naman nagkaroon lang ng kaunting pasa." ang kinakabahan kong pagsisinungaling sa kanya habang hindi naman ako makatitig sa kanya ng tuwid.

"So, you beat him? Don't make me laugh, tito. You're not the type na kayang patumbahin si Randy. Compare mo na lang iyang katawan mo sa laking bulas nya sa iyo no? Come on. What's the real story. I'm waiting, Jasper." ang natatawa't makulit niyang sinabi sa akin na parang ayaw maniwala. Gumugulong ang mga mata niya paitaas tanda na hindi tumatalab ang aking kasinungalingan.

"Nagkamali siya ng tapak kaya nauntog siya at naout of balance." ang depensa kong may kaunting pagdiin upang paniwalaan niya.

"Eto na lang, may natutunan ako kay Brian na magugustuhan mo." ang agad kong dagdag upang mabago na ang takbo ng aming usapan. Kahit airconditioned sa lugar ay nagsisimula na akong pawisan ng malamig.

"And what dirty trick might Brian have thought you? Sige nga?" ang hirit ng parang nag-iinarteng si Kris Aquino sa kanyang sagot sa akin. Patuloy pa rin ang pag-ikot ng itim ng mga mata niya paitaas na parang nang-aasar lang.

"Pwede natin kausapin si Simon. Mismong si Simon. Tawagin mo lang siyang Simon." ang bulaga ko sa kanya sabay ngumiti ang aking bandang kanang labi.

"Ohh.... Ohhh... Ohhhh!!! Will it work?!?! Does it really work!!?!?! How can you be so sure about that?" ang excited niyang tanong sa akin sa malakas niyang boses sa pagkabigla. Umalingawngaw sa buong corridor ang boses niya't bigla siyang napatakip ng kanyang bibig nang mapansin niya ang kanyang sarili. Tumango lang ako sa kanya habang nananatiling nakangiti.

"Alam ko na ang balak mo. Kung ano nasa lugar mo, ganyan din ang gagawin ko. Kanina pinarinig sa akin ni Brian yung recorded sessions nila. Kinilabutan ako sa mga narinig ko." ang sabi ko kay Alice sabay abot ng aking isang kamay sa kanya upang anyayahan na siyang maglakad tungo sa kwarto ni Simon.

"That's what I like about you, tito." ang malambing niyang sagot sa akin sabay hawak sa aking kamay habang abot tenga na ang kanyang ngiti.

Naglakad kaming parang magnobyo na umuugoy-ugoy pa ang aming magkahawak na mga kamay habang naglalakad. Nangingiti lang ang mga nakakasalubong naming duktor at nurse na nagtatrabaho roon. Hindi naman namin sila pinansin sa aming paglalakad pababa sa floor kung saan naroon ang silid ni Simon. Kahit sa elevator parang kami lang dalawa ang taong naroroon. Mukhang umandar na rin ang aking pagiging suplado tulad ni Alice. Nasa dugo na yata namin ang bagay na iyon.

Nakarating kami sa tapat ng silid ni Simon. Excited na excited si Alice at mukhang hindi na siya makapaghintay. Agad niyang binuksan ang pintuan habang abot tenga ang kanyang mga ngiti. Sa pagbukas ng pintuan ay agad naming nakita si Simon. Nakaupo at nakatitig sa labas ng malaking bintana ng silid. Nakasuot ng gown na pang pasyente. May patch pa rin ng gasa ang kanyang ulo. Sa kaliwang kamay naman niya ay may nakakabit na suero. Tahimik at parang ibang tao na siya dahil sa dating ng kanyang aura.

"Randy?" ang tanong ni Alice sabay ng pagkawala ng kanyang kanina'y masayang mukha na ngayon ay balot na ng pagtataka.

Lumingon sa aming dako si Simon. Napaisip siya ng kaunti na parang hindi niya kami kilala base sa ipinipinta ng kanyang mukha.

"Simon?" ang tanong ko sa kanyang nagbabaka sakali.

"Sino ka? Pano mo nalaman pangalan ko?" ang tanong niya. Lumapit kami ni Alice sa kanyang tabi. Sa aming paglalakad. Hindi mapigilan ni Alice na yumuko upang itago ang namumuo na niyang mga luha.

"A-Ako si Jasper, ang k-kapatid mo." ang sagot ko sa kanya. Sa mga sandaling iyon parang sinaksak ako sa dibdib at nakaramdam ng matinding awa para sa kanya. Marahil, dahil sa hindi siya si Andrew at si Simon na ang aming kausap. Dahil sa lumago kong pagmamahal sa kanya ay kay Andrew pala, isang katauhan lang na maaaring mawala kapag-gumaling siya.

Hinaplos ko ang likod ni Alice, naramdaman kong pareho kami ng nararamdaman ngayon. Bilang nagmamahal sa isa sa mga katauhan ni Simon. Parang nagkaroon ng amnesia ang taong kaharap namin ngayon. Parang lahat ng aming nakaraang masasaya ay nakalimutan na niya kahit ang katotohanan ay ibang katauhan ni Simon ang nakakaalala.

"Ah... ikaw pala yun... Eh sino siya? Bakit siya umiiyak?" ang tanong niya sa akin sabay turo ni Simon kay Alice na tumutulo na ang luha sa sahig habang nananatiling nakayuko at di pinupunasan ang mukha.

"Si Alice, ang best friend ko at pamangkin ko. Schoolmate mo at girlfriend mo." ang pakilala ko sa kanya sa nanginginig ko nang boses. "Hindi mo rin alam kung ano ang mayroon kayo?" ang bulong ko sa aking isipan.

"Pamilyar nga siya. May naaalala na ako." ang sagot sa akin ni Simon sabay ngiti. Para namang nabunutan ng tinik si Alice sa kanyang narinig. Nagkaroon siya ng kaunting pag-asa sa naging sagot ni Simon. Ihinarap ni Alice kay Simon ang mukha niyang namumula at basa na ng mga luha. Sumampa si Alice sa tabi ni Simon at hinalikan ito ng mariin. Nagulat si Simon sa kanya ngunit lumaban lang din ito ng halik kay Alice.

Para akong nadudurog sa aking nakikita habang nagsisimula na silang dalawa mag-init. Tila wala lang ako sa paligid nila habang pinagsasaluhan nila ang mainit nilang tagpo. Sa kabilang banda, parang nagsisisi ako sa sarili kong umibig sa isa sa katauhan ni Simon. Naniwala at umasa.

Biglang tumigil si Alice at umalis sa tabi ni Simon. Si Simon nama'y napasunod ang mukha sa paghiwalay ng mga labi nila ni Alice.

"Saan ka pupunta?" ang tanong ni Simon sa kanya na parang nabitin. Ngumiti si Alice ng abot tenga't nakaharap sa kanya habang nauuna ang katawan niyang naglalakad tungo sa pintuan palabas.

"I'll go get something sa car. Better be safe than sorry." ang maharot niyang sagot kay Simon sabay subo ng kanyang hintuturo na parang lollipop lang ito at sinipsip habang hinihila palabas ng kanyang bibig. Isang pilyong ngiti ang ibinalik ni Simon sa kanya at sinundan niya si Alice ng tingin hanggang makalabas itong naglalakad na humahampas pakaliwa't kanan ang balakang. Nasasaktan akong lubos sa mga nagaganap at pilit kong kinikimkim ang lahat.

Isinara ni Alice ang pinto sa kanyang paglabas. Pagkakataon ko nang masagot naman ang aking mga katanungan.

"Simon... kuya... mahal mo ba ako?" ang nahihiya kong tanong sa kanya habang nakatitig pa rin siya sa pintuang kakasarado laman. Tumingin si Simon sa akin na puno ng pagtataka ang kanyang mukha.

"Weird mo bro." ang sagot niya sa akin. Para akong kandilang nauupos sa mga sandaling marinig ko ang mga sagot niya sa akin. Parang ang puso ko'y nagmistulang babasaging salamin na nahulog at nadurog ng pino kasama ang aking mga pangarap kasama siya.

"Baliw. Kapatid mo ko di ba? Mahal mo ba ako bilang kapatid?" ang tanong ko sa kanyang palusot na hinaluan ng tonong pabiro.

"Hmm.. Hindi ko alam tol. Weird eh. Sabi mo kapatid kita di ba? Siguro. Ewan ko." ang sagot niya ulit sa akin matapos itong pag-isipan mabuti.

"Andrew! Lumabas ka diyan! Kausapin mo ko! Magpaliwanag ka!" ang sigaw ko bigla sa kanyang punog-puno ng galit. Pumitik na ang aking pasensiya. Nasagad na ako ng sobra.

Sa isang iglap, nanumbalik ang dating aura ni Andrew sa kanya. Hindi ko napigilang lumuha ng sobra. Napasampa ako sa kama sa kanyang tabi at niyakap siya ng mahigpit habang ang mga kamay ko na nasalikuran niya ay marahang pinupukpok siya sa inis.

Ginantihan niya ako ng yakap. Mahigpit. Mainit at puno ng pagmamahal. Tulad ng dati kong nararamdaman tuwing kasama ko siya. Tuwing inaalagaan niya ako. Tuwing buhay siya kay Simon at minamahal niya ako. Ibinubuhos ko sa mga sandaling iyon ang lahat ng kaya kong iluha. Para akong namatayan sa tindi ng aking hagulgol sa kanyang dibdib.

"I hate you!" ang paulit-ulit kong sinabi kay Simon sabay sa bawat pukpok na ginagawa ko sa likuran niya.

"Sorry, bunso." ang malungkot lang na nasabi niya. Nanatili kami sa ganoong lagay ng ilang saglit. Maya-maya, may kumatok sa pintuan at agad itong binuksan.

"Ang sweet niyo talaga magkapatid. Yang bunso mo, niloko nanaman ng boyfriend niya at kay Brian pala siya ipinalit." ang wika ni Alice habang mabagal na naglalakad siya papalapit sa kama ni Simon. Inilayo ako ni Simon sa kanya at pinagmasdan ang aking mukha ng kanyang mga naaawang mga titig.

Umalis na ako sa kama nang makalapit si Alice. Sumampa siya agad rito at tumingin sa akin ng may pilyong mga ngiti.

"Tito, you know the drill. Bantay ka muna sa pintuan sa labas ha? Fifteen minutes lang naman." ang pakiusap sa akin ni Alice at ipinakita niya sa akin ang kanyang isang kamay na may hawak na condom. Parang nagunaw na ng tuluyan ang aking mundo sa mga sandaling iyon.

Ibinaling ni Alice ang kanyang tingin kay Simon habang pilyo pa rin ang kanyang mga ngiti. Hindi niya Alam na si Andrew ang kasama niya ng mga sandaling iyon kaya't si Andrew ay medyo nagulat sa kanyang ginawa at liyad siya ng kaunti nung hawakan ni Alice ang kanyang alaga.

"Now, Simon. Where were we?" ang maharot na tanong ni Alice sa kanya. Sa isang iglap din matapos ni Alice sambitin ang pangalan ni Simon ay agad nagbalik si Simon sa kanyang katinuan. Bakas sa mukha ni Simon ang saglit na pagkabigla ngunit hindi na niya ito pinansin pa dahil parang nagusuthan niya ang lagay na inabutan niya.

"Tagal mo kasi eh. Medyo lumamig na eh. Anong nangyari kanina?" ang pilyo ring sagot ni Simon sa kanya sabay hawak sa malulusog na dibdib ni Alice habang nakangiti ito ng abot tenga.

"Eto ang mangyayari ngayon. Madali lang yan painitin. Patatayuin ko pa agad yan. Kakayanin mo kaya tulad ni Randy?" ang tukso ni Alice sa kanya sabay hawak ni Alice sa kanyang alaga sa ilalim ng suot niyang gown. Bigla ring sumulpot si Randy sa pagkabigkas ni Alice ng pangalan nito.

"Babe! I missed you so much!" ang malambing na sinabi ni Randy sa kanya sabay dive nito sa mga bundok ni Alice kahit may suot pang shirt si Alice.

"Randy?! Randy!!" ang maharot na wika ni Alice sa pagkabigla ng magpalit si Simon ng katauhan. Sinalubong niya ng kanyang mahigpit na yakap si Simon at ninamnam ang simula ng kanilang tagpo.

Hindi ko na kayang tiisin ang mga nangyayari. Nagmamadali akong lumabas ng silid at maayos na isinara ang pintuan sa aking paglabas.

Nagbantay lang ako sa labas ng pintuan tulad ng pakiusap sa akin ng aking pamangkin ngunit nawawala na ako sa aking sarili. Mas matindi ang sakit na aking nararamdaman sa mga oras na iyon kaysa sa sakit na malamang pinagtaksilan nanaman ako ni Rodel. Hindi ko na matanggap ang lahat ngunit dahil dito ay napatunayan kong mas mahal ko na nga si Andrew kaysa kay Rodel.

Umupo ako sa sahig at sumandal sa mismong pintuan ng silid ni Simon. Kinuha ko ang aking panyo sa aking bulsa at agad na itinakip ito sa aking mukha gamit ang dalawa kong kamay upang saluhin lahat ng aking mga luha. Ilang sandali akong nasa ganoong lagay, pinipilit na pinipigilan ang paghagulgol, pilit na pinipigilan ang naghuhumiyaw kong puso na dumadaing na sa matinding sakit at galit sa mundo.

"Inay, niloloko ko na ang sarili ko. Umibig nanaman ako at ang sakit sakit na ng dibdib ko. Ayoko na umasa, ayoko na umibig, ayoko na magmahal. Isama niyo na lang ako, inay. Buti ka pa, natagpuan mo tunay na pagmamahal kay itay para kalimutan mo lahat ng mayroon ka sa buhay. Ako, nakuha ko nga ang buhay na mayroon ka dati pero ngayon ganito naman kagulo ang mundo ko ngayon." ang taimtim kong pagdadasal habang impit na umiiyak dahil sa matinding awa sa sarili at masidhing kawalan na ng pag-asang lumigaya.

Nangmapagod na ako ay inayos ko na ang aking sarili. Pinagmasdan ko na lang ang aking paligid. Tipikal na corridor lang ito na dirty white ang kulay ay malamlam ang liwanag na galing sa mga ilaw. Ngunit kahit pilit ko nang nililibang ang aking sarili at sinusubukang kalimutan muna ang lahat ay hindi pa rin matigil ang aking utak sa kakaisip.

Sa mga sandaling iyon ay may nabuo akong desisyon para sa aking sarili mula sa araw na iyon.

Matapos ang halos trenta minutos kong paghihintay sa labas ay bumukas din ang pintuan. Agad akong napatayo mula sa aking pagkakasalampak sa sahig at humarap sa pinto.

Medyo maaligamgam ang init ng hangin na dumampi sa aking balat na lumabas sa bukana ng pintuan kung saan sumilip si Alice na medyo nakusot ang masikip na damit habang sinusuklay niya naman ng pababa ang kanyang kamay ang kanyang mahabang buhok. Kahit naka-aircon ay makikita mo sa mukha hanggang sa leeg niya ang kaunting butil ng mga namumuong pawis. Batid ko ang kaligayahang nakamit niya sa kanilang ginawa sa kakaibang ngiting ihinarap niya sa akin.

"Okay ba itsura ko?" ang tanong ni Alice sa akin. Napatingin ako sa loob at sinilip si Simon na inabutan ko namang itinataas na sa baywang ang nakasuot na niyang salawal sa loob ng kanyang gown.

Nakita ko na medyo nagulo ang kama at nakusot ng sobra ang suot niya. Pansin ko rin na may kahabaan na ang dugong umakyat sa tubo ng kanyang swero dahil sa ginawa nila. Nagkaabot ang tingin namin at agad kong ibinaling ito kay Alice.

"Huy! Jasper! Ano? Maayos na ba?" ang tanong sa akin ni Alice habang patuloy na sumusuklay ng buhok.

"Gawin ba akong salamin." ang bulong ko sa aking sarili sabay ngiti sa kanya at sinabing, "Oo, maayos na. Tara, puntahan natin si Don Amante. May sasabihin lang akong napaka-importante."

"Later na lang! Dito muna tayo. Tito naman eh." ang pakiusap niyang may halong pagmamaktol. Bigla siyang napatigil at nanlaki ang mga mata niya nang mapatingin siya sa aking likuran.

Tumingin ako sa aking likuran kung saan siya nakatingin at nakita kong naglalakad na papunta sa amin ang dalawa sa aming mga alalay sa bahay at kasama na nila ang mabuting babae na umampon sa akin.

Halata sa mukha niya na hindi pa siya nakapagpapahinga mula sa biyahe pauwi. Simple lang ang suot niya. Nakamaong, dilaw na shirt na medyo maluwag, at nakasandals lang. Ang buhok niyang mahaba ay nakapony tail ang ayos.

Isa sa dalawang alalay na kasama niya ay si Lupe at siya ang may dala ng bag ni Mrs. Tiongco.

Isang matamis na ngiti ang bati niya sa akin habang siya'y naglalakad. Itinaas niya ang mga kamay niya paharap sa akin habang siya'y papalapit na humihingi ng isang yakap.

Natuwa ako sa aking nakita. Nagmadali akong lumapit sa kanya bagama't matinding hiya ang aking nararamdaman na makaharap na rin siya sa unang pagkakataon.

Nang kami ay magkalapit ay napansin kong magkasing tangkad lang pala kami.

Napayuko ako. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Basta ang alam ko, gusto ko siyang pasalamatan sa lahat ng magagandang bagay na dala ng pag-ampon niya sa akin.

"Why, my baby? Ano yun? Huwag ka na mahiya, jiho. Anak kita di ba? Come, give mommy a hug." ang malambing niyang sinabi sa akin. Tumango ako sa kanya an abot tenga ang aking ngiti nang mawala ng kaunti ang aking hiya. Niyakap niya ako ng mahigpit at ganun din ang ibinalik ko sa kanya.

Nang magwalay kami ay napansin niya ang namumugto kong mga mata. Nagtaka siya kung bakit.

"Kamusta ka na? Buti nakalabas ka na agad ng hospital." ang nag-aalala niyang nasabi sa akin.

"Okay na po ako. Medyo masakit lang yung mga sugat at pasa sa likod ko". hinawakan ni mommy ang aking aking baba at tinignan ang magkabilang bahagi ng aking mukha, sinururi.

"Nakwento na sa akin ni Lupe ang nangyari. Don't worry. Did you cry pa rin ba? Why? Nag-away ba ulit kayo ng kuya mo?" ang nanlalambing niyang tanong sa akin.

"Hindi po kami nag-away ni kuya." ang nahihiya kong sagot sa kanya.

"Bakit namamaga mga mata mo?" ang nag-aalala niya sa kanyang puna sa akin.

"Hindi po. Kakasuot ko lang po ng contact lens kaninang tanghali. Bago lang po kaya medyo hindi pa po ako sanay. Unang beses pa lang po kasi ako nagsuot ng ganito." ang palusot ko sa kanya at agad naman niyang tinanggap ang aking paliwanag.

"Where's Brian? I didn't see him at home." ang tanong niya at halata sa mukha niya na medyo nakukunsumi na siya.

"Ah, kasama ko po kanina sa Makati bumili ng contact lens pero kasama niya po ngayon yung nobyo niya. Nagdate sila kaya nauna muna na ako para bantayan si kuya." ang kwento ko at lalong nakunsumi si Mrs. Tiongco sa kanyang mga narinig. Napabuntong hininga siya.

"Tsk! Talaga yang si Brian. Hindi pa rin nagbabago. Napaka carefree ng batang iyon. Hindi na nagmature." ang nasabi niya.

"Mommy, okay lang po. He's doing his best naman sa mga sessions nila ni kuya. Nanood pa nga ako minsan kahit ipinagbabawal niya kasi wala daw talaga sa practice niya na magsama ng hindi tulad niyang espesyalista." ang palusot ko para kay Brian.

"Really?" hindi siya makapaniwala ngunit tinanggap naman niya ang aking paliwanag. Napatingin ako kay Lupe sa likuran ni Mrs. Tiongco at nahuli ko siyang tumatawa ng patago. Nakita niya akong tinitira ko na siya ng masamang tingin kaya't agad niyang inayos ang kanyang sarili.

"Hi Tita Maya!" ang malambing na bati ni Alice sa kanya nang siya'y makalapit sa amin. Naibaling ni Mrs. Tiongco ang tingin niya kay Alice.

"Oh my, gumaganda ka lalo ha? How are you?" ang malambing na sinabi niya kay Alice. Nagbeso ang dalawa.

"Okay naman po. Eto, pinuntahan ko na rin si Randy dito sa room niya since nasa taas po si lolo nakaconfine." ang sagot niya. Napailing si mommy sa kanyang nalaman.

"Don't call him Randy. He's Simon." ang puna ni Mrs. Tioncgo sa tawag ni Alice kay Randy.

"Kawawa naman si Don Amante. Napakabait pa naman ng lolo mo." ang niya kay Alice. Biglang naibaling ni Mrs. Tiongo ang kanyang atensiyon niya sa akin nang may maalala siya.

"Nga pala, Jasper. Sigurado ka na ba sa decision mo? Have you informed Don Amante about this?" ang tanong niyang seryoso na ang kanyang tono.

"Opo pero mas maganda po kung tayong tatlo ang mag-uusap." ang sagot ko sa kanya.

"Good thinking. But let's keep it mellow baka matuluyan siya." ang sagot niyang may halo nang biro. Natawa kaming dalawa ng Alice sa kanya.

"Tita talaga. You're mean." ang sagot ni Alice sa kanya.

"Before anything else, I'd like to see Simon." ang sabi niya sa amin at ipinatong niya ang kanyang kamay sa aking kaliwang balikat at pumunta na kami sa silid ng aking kuya.

Nang makarating sa harap ng pinto ng silid ni Simon, pinauna na namin si mommy na magbukas at pumasok rito. Abot tenga na ang ngiti ni mommy at ang mga mata niya'y unti-unti nang namumula at pinamumuuhan ng luha ng kaligayahang makapiling ang kanyang anak.

Nakatayo ako sa likod niya. Nasilip ko ang loob ng silid at nakita kong nakaupo si Simon sa ibabaw ng kanyang kama. Nakatakip ang kanyang mga kamay sa kanyang buong mukha at kita ang mabilis na pagtaas at pagbaba ng balikat niyang humihikbi. Marahil ang batang katauhan niya na ang gising. Marahil nagulat sa kanyang kinalalagyan ngayon. Naawa ako ngunit sa isang banda ay kinutuban na ako kung bakit ngunit kailangan kong magpakatigas ng aking damdamin dahil alam kong wala rin akong pag-asa sa kanya bukod sa nakatatandang kapatid ko siya at wala siya sa kanyang sarili.

"My Simon. Why are you crying?" ang lambing ni mommy sa kanya habang siya'y papalapit na naglalakad sa kanyang anak. Niyakap niyang parang batang nagmamaktol si Simon nang ito'y kanyang nalapitan. Hinalikan niya ang ulo ni Simon habang hinihimas niya ang buhok nito. Ampon lang ako, siya ang tunay na anak kaya't di na ako dapat magtaka kung mayroon man pagkakaiba sa pikikitungo nila sa akin. Nauunawaan ko naman ang bagay na iyon ngunit dahil sa aking nakikita, hindi ko maipagkakaila sa aking sarili na lubos akong nangulila sa aking yumaong ina na kumukurot sa aking damdamin sa mga oras na iyon.

Tahmik lang kami ni Alice na pinapanood sila. Hindi sumasagot si Simon kay mommy. Patuloy lang ang pag-iyak niya nang biglang ibaba niya ang kanyang kamay na nakatakip sa kanyang mukha. Natigilan siya sa pag-iyak at bakas pa ang pagkabigla niya sa kanyang ginagawa. Napatingin siya kay mommy at bakas sa mukha niya ang magkahalong hindi pagkapaniwala at lubos na kasayahan.

"Mom?" ang tanong niya sabay kuskos ng kanyang mga mata.

"Yes, Simon. I'm here now." ang sagot ni mommy sa kanyang tonong mapag-alaga.

Nag-usap silang dalawa mabuti habang nasa ganoong lagay. Kinalabit ako ni Alice at niyayang lumabas. Marahil gusto niyang bigyan ng privacy ang mag-ina o dahil sa nakikita na niya sa aking mata ang pangungulila sa aking ina nang lingunin ko siya.

"Umm.. tita Maya, we'll just wait outside po ni tito Jasper." ang magalang niyang paalam sabay hila sa akin palabas ng pintong isinara niya kanina dahil siya ang huling pumasok sa aming tatlo.

Saktong nabuksan na ko na ang pintuan, sa mismong awang ay nasilip ko si Rodel na nakatayo sa kabila at nagkaabot pa kami ng tingin. Isasara ko na sana ito ngunit agad niya akong pinigilan. Ayaw kong makalikha ng eksena kaya't nagmadali akong lumabas kasama si Alice at agad na isinara ito.

Nang ibaling ko ang aking tingin kay Rodel ay napansin kong kasama pala niya si Brian. Siya marahil nagturo kung saan nakaconfine si Simon. Mukhang nakadaan na rin sila sa bahay dahil nakapambahay na ngayon si Brian.

"Bakit ka nandito?" ang nangigigil kong tanong sa kanya. Humawak si Alice sa aking braso nang mapansin niya ang panggigigil ng mga kamay ko habang kaharap ko si Rodel.

"Jasper, I asked him to come over. I want us to be clear on everything that had happened. Please? You should hear his reason.." ang nahihiyang sagot sa akin ni Brian sa tanong ko kay Rodel.

"Pero bakit pa?! Para saan pa? Ayoko na at tapos na. Sayong sayo na siya Brian." ang nasabi ko sa masidhig poot na magsisimula nang sumabog. Nagdilim na ng tuluyan ang aking paningin. Agad kong nilapitan si Rodel at pinadapuan ng malakas na sampal ang kanyang mukha. Umalingawngaw sa corridor ang tunog na nilikha ng aking palad sa pisngi ni Rodel.

Nanatili lang na nakabaling ang mukha niya kung saan ito dinala ng aking kamay. Mabilis na namuo ang mga luha sa kanyang mga mata kung saan nakapako ang nanlilisik kong mga titig.

"Yan yung sampal na binigay mo sa akin noon. At eto, ibabalik ko na rin sa iyo ito." ang sabi ko sa kanya sabay hugot ng singsing na ibinigay niya sa akin nung magkabalikan kami. Ang natatanging alahas na suot ko. Ang tanging alahas na nagawa kong suutin kahit di ko gustong nagsusuot ng mga ganito.

Nang mahugot ko ang singsing ay isinilid ko agad sa kaliwang bulsa sa harapan ng kanyang maong. Napatingin ako sa nakababa niyang kamay kung saan nakasuot pa rin ang kapares ng singsing na ibinigay niya. May kurot na dala sa aking damdamin ang ibig sabihin ng mga singsing na iyon at ang makitang suot pa niya ito habang kinakaliwa niya ako. Hindi ko talaga matanggap na ganon lang ang lahat sa kanya sa pangalawang beses.

"Mahal kita, Jasper. Hindi pa rin nagbabago nararamdaman ko para sa iyo. Sana pakinggan mo muna dahilan ko para maunawaan mo. Bukas na ang alis ko pabalik ng Amerika." ang malungkot na sinabi ni Rodel sabay tango.

"Lumayas ka sa harapan ko kundi ipadadampot kita sa mga security ng ospital na ito. Wala na rin saysay kung magpapaliwanag ka dahil aalis ka na at dahil niloko mo na ako." ang mariin kong utos sa kanya sabay turo sa kanyang likod kung saan ang daan palabas ng ospital. Nagkatitigan kami ni Rodel, malungkot at nagsusumamo ang kanyang mga mata sa akin. Wala na akong naramdamang awa para sa kanya. Nagmistulang tumitigas na semento ang puso ko para sa kanya. Hindi na rin ako nakaramdam ng dahilan para mag-alay ng luha para sa kanya sa mga sandaling iyon.

"Hihintayin kita, Jasper. Ikaw lang ang mahal ko. Tutuparin ko pa rin ang mga pangako ko sa iyo." ang malalim niyang mga nasabi sa akin sabay baling ng kanyang tingin kay Brian. Hinawakan niya ito sa balikat at pumisil-pisil. Tila lumalabas lahat sa kabilang tenga lahat ng sinasabi sa akin ni Rodel.

"Bry, sabi ko na sa iyo eh. Salamat sa lahat ng naitulong mo sa akin pero sa huling pagkakataon, paki sabi na lang kay Jasper ang lahat. Paalam." ang malungkot niyang paikusap sabay talikod sa amin at naglakad na palayo. Hindi ko siya sinundan ng tingin tulad nilang dalawa ni Brian at Alice. Tinitigan ko si Brian ng masama at hinintay ang pagkakataong magsasalubong ang mga mata namin ngunit nang humarap siya sa akin ay todo iwas ang kanyang paningin.

"Kung ano man iyan Brian. Hindi ko pakikinggan iyan." ang mariin kong sabi sa kanya. Inakbayan na lang ako ni Alice at isinandal ang kanyang ulo sa aking balikat upang ako'y huminahon.

"Tita Maya is inside and you're in for it." ang namimikon na sinabi ni Alice kay Brian habang abot tenga ang kanyang mga ngiti. Nakita ko ang biglang pamumutla ng mga labi ni Brian sa sinabi ng aking pamangkin.

Kita ko sa gilid ng aking mga paningin ang mukha ni Alice nang tumayo siya ng tuwid at alisin niya ang kanyang ulong nakasandal sa aking balikat. Nakataas ang isang kilay niya at tinignan niya mula ulo hanggang paa si Brian. Tumitig sa akin ang mga mata ni Brian na puno ng katanungan at takot. Marahil inakala niyang inilaglag ko siya kabila ng relasyon nila ni Rodel.

"Tito, tara na, pasok na tayo sa loob." ang malambing na yaya niya sa akin habang nananatili siyang nakatitig kay Brian at ipinapakita ang kanyang mapaghiganting mga ngiti.

Naunang pumasok si Alice sa loob at kita ko sa kanyang galaw na masaya siya. Siguro dahil sa pagkakataong ito ay makakapaghiganti na siya. Napatingin si mommy at si Simon sa kanyang pagpasok. Nangiti si mommy sa galaw niya.

Sumunod lang kami ni Brian sa kanyang paglalakad papasok. Nang lingunin ko si Brian ay kita ko sa kanya na para siyang bibitayin sa kanyang itsura.

"Bakit ka sumira sa usapan natin? Mawawala ang lisensiya ko kapag nireport ako ng mommy mo at baka makasuhan pa ako." ang wika niya sa akin matapos ko siyang talikuran. Hinarap ko siyang muli dahil hindi ako nakukunsensiya sa mga sinasabi niya bagaman may awa ako sa kanyang kalagayan ngayon.

"Wala akong sinasabi. Marunong akong tumupad sa mga pangako ko di tulad niyang BOYFRIEND mo. Ang dapat mong sisihin ay si Miguel. Siya ang nakipagbreak kay Alice at nagsabi sa amin na may relasyon daw kayo at mahal ka daw niya. Ipagdasal mo na lang na hindi susulpot yang Miguel na yan para suportahan si Alice kung magsumbong man ang pamangkin ko kay mommy. Ikaw na ang naglagay sa sarili mo sa alanganin." ang bwisit kong pagkasabi sa kanya na may kahinaan upang hindi marinig ng iba. Napailing si Brian sa kanyang nalaman. Sa hindi ko maintindihang dahilan kahit wala akong galit kay Brian ay parang nakaramdam ako ng paghihiganti kay Rodel sa inaasahan kong magaganap sa loob ng silid.

Nang makapasok kami ay nanatili sa sulok malapit sa pinto ng silid si Brian habang ako nama'y katabi ni Alice na nakatayong nakaharap kay Simon. Nakaupo si mommy sa silya sa kabilang banda ng kama ni Simon at masayang pinagmamasdan ang kanyang anak.

"Tita, may... sasabihin pala ako sa inyo. Yung tungkol dun sa..." ang nambibitin na wika ni Alice kay mommy habang halata sa kanyang mga mata na may binabalak siya. Napatingin sa kanya si mommy habang nakangiti pa rin tulad ng kanina. Napatakbo papalapit si Brian sa bandang paanan ng kama at hindi maipinta ang takot sa kanyang mukhang pinamumutilan na ng malamig na pawis. Napalingon ako kay Alice sa kanyang mga susunod na sasabihin. Kinalabit ko siya habang nakangiting aso at marahang umiiling ng kaunti.

Chapitre suivant