Sa malawak na sementadong lupaing nakapalibot sa Bahay Pamahalaan naganap ang pagtitipon sa aming mga mamamayan. Sa gitna ng lipon ng mga tao kami tumayo nina ina at Christine. Patuloy kaming naghihintay sa kung ano ang maaring maganap. Mahigpit namang hinawakan ni ina ang aming mga kamay. Ang mga mamamayan nama'y patuloy na nagbubulungan at nag-uusap. Nagsamasama ang mga ingay at nakabuo ito ng isang alingawngaw ng kaguluhan at pagtataka.
Mas lalong umingay ang paligid nang lumabas ang heneral mula sa balkonahe ng Bahay Pamahalaan. Nakasuot siya ng uniporme, unipormeng iba sa kaniyang madalas isuot. Tanaw ko rin ang kaniyang mata na tila natatapalan, at ang kaniyang kanang kamay na balot ng puting bendahe. May bitbit din itong wari ko'y itim na supot sa kaniyang kaliwang kamay. Kasabay ng kaniyang paglabas ang pagsulpot sa balkonahe at tuktok ng gusali ng ilang mga sundalong ang uniporme'y tulad ng sa kaniya.
"Manahimik!" sigaw ng heneral na umugong at nagpatigil sa mga mamamayan. Bumigat ang aking kaba. "Narito ako ngayon sa inyong harapan," buong tindig ito habang nagpatuloy sa pagsasalita, "upang salubungin ang bagong yugto ng pagsibol ng ating bansa sa aking pamamamalakad!" Naghiyawan ang mga sundalong nasa kaniyang likuran. Humawak ang heneral sa bakod ng balkonahe, "Ang ating pinakamamahal at pinagkakatiwalaang kumandanteng si Ravan ay isang taksil!" Mas lalong humigpit ang pagkakakapit ni ina sa aming braso. Ako nama'y naguguluhan sa kung ano ang nais na iparating ng tusong heneral na ito. Patuya pa siyang sumigaw, "Matapos niyang pahirapan at gilitan ng leeg ang pinuno ay, nagpakamatay siya!" Bumagsak na lamang ang aking puso. Hindi 'yon kayang gawin ni ama.
"Hindi, ama!" sigaw ni Christine habang tumatangis.
"Mahal ko." Napaluhod na lamang si ina habang humahapis. Inalalayan ko siyang muling itayo't aking sinandal ang kaniyang ulo sa aking balikat.
Itinaas naman ng heneral ang kaniyang mga kamay habang ang supot ay nasa kaniyang kaliwa. "Samahan niyo ako sa aking layunin at matiwasay na sumama sa pagsalubong sa bagong umaga dahil kung hindi. …" Naphinto ang mga tao at ang ila'y nagsimulang magtakbuhan nang Itinutok ng militar ang kanilang mga baril sa aming mga mamamayan. Ibinunyag ng heneral ang laman ng supot — isang pugot na ulo. Napatakip na lamang ako sa aking bibig sa karimarimarim na aking nasilayan. Tanaw ko ang pumapatak pa nitong dugo, tila bago pa lang itong katay. Walang habas na lamang niyang ibinagsak sa lapag ng balkonahe ang pugot na ulo. Mapang-uyam pa siyang humalakhak, "Maligayang kasarinlan sa ating lahat!" Tumalikod na lamang ang heneral at umalis kasabay ng pagkampay ng tunika nitong pangmilitar na nakasabit sa kaniyang mga balikat.
Hinawakan ko ang mga kamay nina ina't Christine nang ibalik ng sundalong kapanalig ang pagtutok ng kanilang mga baril — anunsiyo ng pagtanggi at paghihimagsik. "Ina, Christine, umalis na tayo rito." sigaw ko. Pilit kong hinahatak si ina ngunit tila napirme na ito sa kaniyang kinatatayuan. Naging hudyat ang pagputok ng unang baril sa biglang pagpanakbuhan ng mga mamamayan sa iba't ibang direksiyon. Umugong ang kaingayan at mas umalingawngaw pa ang putukan. Tila natauhan si ina kaya't nagsimula na niyang igalaw ang kaniyang mga paa, ngunit halata ang pagkabalisa sa kaniyang mukha. Pilit naming nilalabanan ang dagsa ng mga tao. Hinatak ko pa ang kaniyang kamay. Lumingon-lingon ako sa paligid upang maghanap ng lugar na mapupuntahan ngunit wala. Tinitignan ko ang mga kamay nina ina't Christine na aking tangan bagamat kay hirap dahil sa nananaig na kaguluhan. "Ina, Christine, humawak lang kayo ng mahigpit." Ano'ng nangyayari? Marami ang napaslang at marami rin ang nasugatan; ang ilan nama'y natapakan. Tulungan niyo kami. Nabunggo ako sa ulo ng isang babae kaya't napahawak ako. Hindi. Hindi. Nabitiwan ko ang kamay ni ina. Sinusubukan kong pilit kaming magkasamasama ngunit napahiwalay na sa amin si ina. "Ina!"
Mas nilamon pa ng tumitinding kaguluhan si ina papalayo sa amin. Tinatangay siya ng dagsa ng mga tao hanggang sa kaniyang ulo na lamang ang aking natatanaw. Ina. Paki-usap. Pilit kong sinubukang sumuong habang tangan ang kamay ni Christine.
"Ina!" sigaw ni Christine. Binitiwan niya ang aking mga kamay at sinubukang habulin si ina.
"Christine!" sinubukan kong abutin ang kaniyang mga kamay. Christine, hindi ko kayang pati ikaw ay aking mabitiwan.
Nagpatuloy pa sa barilan ang mga militar ng magkabilang panig. Luminis ang paligid at kumaunti na ang mga nagpanakbuhang mga tao. Mas natanaw ko na si ina't Christine. Mas kita na rin ang mga nagkalat na bangkay. Kay bilis ng tibok ng aking puso, kay bilis ng aking paghinga. Tanaw ko ang nagkapatong-patong na mga Mangis. Tanaw ko ang kanina lang naming katabi na ngayo'y nakadapa. Tanaw ko ang parokyano naming ngayo'y hindi na humihinga. Tanaw ko ang mga Mangis na nilapastangan at ngayo'y nakahandusay. Humupa ang putukan nang magawang malipol ng mga sundalo ng bansa ang hanay ng militar ng kalaban, ngunit marami nang buhay ang naibuwis.
"Ina!" patuloy pang sinubukang humabol ni Christine.
"Sandali, Christine." Hindi pa natapos ang tumitinding suliranin nang bigla namang may dumakip sa aming ina. Hinatak siya ng lalaking nasa loob ng itim na baluti't tinakpan ng supot ang kaniyang mukha. "Hindi." Sinubukan kong sumunod ngunit hindi ko magawa sapagkat kay layo na nila sa akin.
Sumigaw sa akin si Christine, "Ako na lang ang hahabol. Umuwi ka na lamang at mag-ayos ng mga mahahalagang dadalhin sa ating paglikas."
"Pero," sinubukan ko pang mas lumapit, "mapanganib kung ikaw lamang mag-isa!"
"Magtiwala ka." pagtitiyak ni Christine, "Wala akong gagawing ikapapahamak ko. Mag-ingat ka, ate." Ngumiti't lumingon na paalis si Christine.
Ate? Napakasarap n'on sa tainga. Napahinto ako sandali at nilakasan ang aking loob. Nawa'y gabayan ka ng May Kapal. Pabulong at taimtim akong nanalangin, "Mag-ingat ka rin, mahal kong kapatid." At nagmadali na nga akong tumungo sa aming tahanan. Ipapaubaya ko na sa'yo si ina, Christine. Mahal na mahal kita at sa muli, mag-iingat ka.
* * *
Sinundan ni Christine ang nandakip patungo sa loob ng Bahay Pamahalaan. Dahan-dahan at tahimik siyang bumaba sa isang silid na ang pasukan patungo sa loob ay isang aklatang nakausog. Nang makababa, sumandal si Christine sa gilid ng pader ng hagdanan at dahan-dahang sumilip. Muli naman siyang nagtago upang palihim na makinig.
"Sino ka't ano'ng kailangan mo sa akin?!" sigaw ni Mara.
Inalis ng lalaki ang parte ng baluti na nakatakip sa mukha nito. Tumambad kay Mara ang mukha ni Magath. Lumapit siya kay Mara't mabilis na nagsalita, "Wala na si Ravan at Helen. Tayo na lang ang magsama. Nangangako ako na hindi ka na muling magdurusa pa." Nilapit ni Magath ang kaniyang labi sa pisngi ni Mara.
Agad namang tInulak papalayo ni Mara si Magath.
"Sabihin mo saan ba ako nagkamali?" pagsusumamo ni Magath.
"Marami ka nang pagkakamali." tugon ni Mara, "Itigil mo na ito."
Napayuko si Magath at umiling, tIla nasaktan sa walang ekspresiyong titig ni Mara sa kaniyang mga mata. "Ikaw na lamang ang tanging mayroon ako. Mapapasaiyo ang karangyaan, ang kapangyarihan, at ang lahat ng ito kapag ganap na akong naging pinuno. Ang lahat ng hindi kayang maibigay sa iyo ni Ravan. Lahat."
"Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo?"
Inabot ni Magath ang kamay ni Mara at ngumiti, "Alam mo bang sabik na akong muling makita ang napakaganda mong ngiti. Ang iyong ngiti na tinulungan akong muling masilayan ang ganda ng mundo matapos mawala ang aking pamilya." Iginitna niya ang palad ni Mara sa pagitan ng sa kaniya't mahigpit na hinawakan ito. Madiin naman niyang sambit, "Ang napakaganda mong ngiti na sinira lamang ni Ravan, ni Helen, at ng kaniyang anak?!"
Inalis ni Mara ang kaniyang kamay at nanatili lamang na tahimik.
"Nasaan na sila? Ako ang laging nasa iyong tabi. Inalagaan kita noong tinakwil ka ng iyong pamilya dahil nabuntis ka ni Ravan at iwan."
"Tumigil ka na."
"Ako lang ang —"
"Tumigil ka na!" bulalas ni Mara.
Lumuhod si Magath at yumuko sa harap ni Mara. "Sabihin mo ano bang kailangan kong gawin makasama ka lang muli?"
"Sa kamatayan lamang kita muling makakasama."
Malalim na bumuntong-hininga si Magath at nagsimulang lumuha. "Kung hindi ka magiging akin…" umiling siya't dahan-dahang iniangat ang kaniyang mukhang labis na tumatangis sa harapan ni Mara, "wala ng ibang makaaangkin sa'yo."
TIla alam ni Mara ang naisip ng nababaliw na si Magath. Nanlaki ang kaniyang mga mata't dahan-dahang umatras. Sinbukan niyang tumakbo ngunit nahablot ni Magath ang kaniyang mga kamay. Sinikmuraan siya ng heneral na nagdulot upang siya'y bumagsak sa malamig na silid. Tila kumakapit na lamang siya sa natitirang hininga dahil sa lakas ng suntok. Sinubukan niyang gumagapang patungo sa hagdan, ngunit sa 'di inaasahan, ay nasilayan niya ang kaniyang pinakamamahal na anak.
Binuhat ng Heneral si Mara at niyapos. "Mahal na mahal kita."
Sinusubukan ni Marang kumawala sa mahigpit na yakap ni Magath. Lumuluha siyang nakatingin kay Christine, sinusubukang magpumiglas ngunit wala na nang natitirang lakas.
Hindi kinayanan ni Christine ang nasisilayan kaya't sinubukan niyang lumapit. Umiling lamang ang kaniyang ina, senyas na muling magtago at 'wag nang lumapit pa. Pinipilit ni Christine na takpan ang kaniyang bibig upang 'di marinig ang kaniyang paghikbi. Nadudurog ang kaniyang puso habang nakikitang namimilipit at tumatangis ang kaniyang ina. Bumigkas ito gamit lamang ang kaniyang mga labi, "Tak..bo." Sa huling sulyap sa ngiti ni Mara, muling tumalikod si Christine. Hindi niya na napigilan ang pagdanak ng kaniyang luha lalo na nang marinig niya ang pagputok ng isang baril.