KATULAD ng suhestiyon ng ama, nagpasiya siyang ilibot sa kabahayan si Nazmiya. Pero bago sila nag-umpisa ay nagsalita siya. "Huwag kang masyadong mag-expect. Malaki lang ito. Period."
Tumango lang naman si Nazmiya. Sapat na iyon. Una niyang ipinakita---a, hindi wala talaga siyang maipakita kaya nagbukas na lang siya ng bawat madadaanang kuwarto. Walang laman sa loob.
"See? I told you?"
"Kita ko nga," pagsang-ayon nito nang makapasok sila sa bakanteng silid na iyon.
"Iyong sumunod dito ay kuwarto ko na."
May nang-uusisang mga mata itong napatingin sa kanya. "Siguro naman hindi na ganito, ano?"
Natawa siya. "Gusto mong makita?" at pagkatapos niyang sabihin ay nauna pa itong lumabas.
Nasa lapag na higaan. May bedside table din naman maliit na nga lang ang lampshade na nasa ibabaw niyon. Sa kabilang bahagi ay maliit na bookshelf. Kung lilinga sa bandang kanan ay naroon ang cr kaharap naman ang walk-in closet.
"Napakasimple!" komento ni Nazmiya matapos maigala ang paningin.
"At komportable ako sa ganito. Hindi ko na pinabago kahit na ipina-renovate itong bahay," pagtatapat niyang nahiga na sa kama. "Come here. It's free," aya niya pa rito nang mapansing nakatitig ito sa kanya.
"Hindi mo ba ako tatanungin tungkol sa kung ano talagang meron sa amin ni Nato?"
Napabangon siya sa tanong na iyon. "Hindi. Sapat na ang sinabi niya kanina at palagi niyang pagpaalalang kanya ka."
"Walang kami na kagaya ng isang magkarelasyon. Kagustuhan lang ito ng mga magulang namin. Nagkasundo sila. Hindi ako kumontra. Ganoon din si Nato. We're friends after all so..."
"Pero gusto ka niya hindi lang bilang isang kaibigan." Nakita niya ang pag-awang ng labi ni Nazmiya. "Imposibleng di mo alam iyon," duda niya.
"Kanina ko lang din napagtanto kaso may iba naman akong gusto at nasa harap ko siya, sa tingin mo may magagawa si Nato?"
Nag-iwas siya ng tingin. "Pero alam mo namang---" Na babae talaga ako.
"Alam ko."
Paglinga niya ay nakaupo na ito sa tabi niya. Titig na titig pa rin sa kanya.
"Hindi ka naiilang?" ang tanong na naman niya. Nakakailang tanong na ba siya nito tapos lagi niyang nakukuhang sagot ay iling mula rito.
"Talaga? Pero weird ang dad ko. Sa klase ng pagpapalaki niya sa akin. Lahat ng suot ko panlalaki. Gender ko? Kahit saan lalaki ang alam nila. Ang mga kilos ko hindi puwedeng lalambot-lambot kundi ay malalagot ako sa kanya."
"Apollo..."
"Alam mo hindi ko pa naranasan magsuot ng bestida, maging normal na babae. Kita mo pati pangalan ko panlalaki kaso nireregla ako at hindi ko iyon puwedeng itanggi. Kahit anong gawin ko, lalabas ang totoo. Hindi ko kayang magpanggap pa. Babae ako, Miya. Babae!" Hindi na niya napigil ang mga luha. Hinayaan niya iyong umagos. Matagal siyang nagkimkim. Heto, sa harap ni Nazmiya, ang tanging saksi sa mahinang siya.
"Oh, Apollo..."
Niyakap siya nito.Wala na siyang pakialam kung may makarinig man sa bawat pagtangis niya.
Hindi niya alam kung ilang minuto silang ganoon bago siya tumahan.
"Maghihilamos lang ako tapos ituloy natin ulit ang paglilibot-libot." Nakangiti na siya. Magaan na ang pakiramdam niya.
Nakabalik na sila ng sala. Naroon pa rin ang matanda. Nanonood ito ng palabas. Nang mapansin sila ay gumuhit ang kakaibang ngiti.
"Bibigyan na ba agad ninyo ako ng apo?"
"Dad!"
"Biro lang. O siya, may pina-defrost akong suahe sa kusina. Ikaw nang bahala roon."
"Bakit ako Dad? Nasaan ang cook mo?" protesta niya.
"Pina-day off ko para naman magkaroon tayo ng bonding."
"Sige na nga," pagpayag nito saka sumulyap kay Nazmiya na nakangiti pala.
"May suggest akong luto. Shrimp, Garlic and Butter Turkish Style." Nagtaas-baba pa ang kilay nito.
"Are you sure?" nag-aalangan pa niyang tanong.
"Yeah. Paborito iyon, e! Pero kaunting butter lang ha," nangningning pa ang matang sabi nito at nang makumbinsi siya ay doon lang niya ito hinila patungong kusina.
Masayang-masaya si Nazmiya. Ito na ang nagtatadtad ng bawang habang siya ay binabalatan naman ang hipon. Paminsan-minsan napapangiti siya. Nag-e-enjoy siyang kasama ito. Hindi niya iyon itatanggi. Napabuntonghininga siya. May gusto nga pala ito sa kanya at gusto niyang sisihin ang sarili. Pakiramdam niya ay kasalanan niya iyon.
"Hindi masarap ang luto kapag nakasimangot," puna nito nang malingunan siya.
"Hindi naman, a!" kaila niya at tumalikod. Naghugas siya ng kamay para ihanda naman ang bigas sa rice cooker.
Makalipas pa nang ilang minuto. Nakahain na iyon at sabay-sabay na silang kumain.
"Dad, pagkatapos nito babalik na kami sa Villa Guinto."
"Kayong bahala. Kahit dito na nga rin kayo magpalipas ng gabi ay ayos lang sa akin."
Nasamid si Nazmiya. Ipinagsalin agad siya ng tubig ng katabing si Apollo.
"So sweet..." tudyo ng matanda.
"Dad!"
Tumawa lang ang ama. Si Nazmiya naman ay sunud-sunod ang lagok ng tubig.
HINDI na sila nagtagal sa mansion. Nagmamadali na si Apollo. Walang nagawa si Nazmiya. Gusto pa sana niyang makipagkuwentuhan sa ama nito. Habang naghuhugas kasi ng pinggan si Apollo ay kinausap siya ng matanda.
"Hindi tanggap sa pamilya namin ang babaeng anak kaya pinalaki ko siya sa paraang alam ko. Naiintindihan mo naman siguro iyon?"
Tumango siya."Kung gusto niya pong ipaalam sa lahat na babae talaga siya, okay lang sa inyo?"
Ngumiti ang matanda. "Pinaghandaan ko na iyan. Isa pa malaki na siya. Ang gusto ko lang ngayon ay maging masaya siya."
"Tiyak na matutuwa po siya kapag nalaman niya ang mga ito."
Napahagikhik siya kaya naman ang kasabay sa paglalakad ay napasulyap sa kanya.
"Anong iniisip mo?"
"Ikaw!" ang mabilisan niyang sagot at nang matauhan ay napaiwas siya ng tingin. Lagi na lang siya nitong nabubuking. Babae ito. Ipinamukha na iyon sa kanya nang umiyak ito kanina. Hindi ito lalaki kagaya ng nakasanayan kaya dapat maghunos-dili siya. Ang mga paghawak nito sa kamay niya ay walang meaning. Dapat nang mahinto ang pagkagusto niya rito.
"Bakit mo naman ako iisipin, e kasama mo ako?"
Nahinto siya sa paglalakad. Napahawak siya sa tuhod. Malayo-layo na rin sila sa mansion. Wala pa ring dumaraang sasakyan.
"Hey! Pagod ka na? Kaunting tiis na lang. Sa bukana nito may traysikel na."
Hindi na lang siya sumagot baka mapamali na naman. Ayaw niyang dumating sa puntong mailang ito sa kanya. Kaya niya naman niya sigurong magkunwaring normal lang ang lahat. Sana.
"Akin na nga ang kamay mo."
Napatingala siya. Naroon sa kanya ang alinlangan. Pero bago pa man siya maka-react heto hawak na nito ang kamay niya. Paano niya magagawang iwasan ang damdamin dito?