Nang maitayo na ng mga tauhan ni Gu Jingze si Mo Huiling, pinasakay na niya ito sa kotse niya at dumiretso sa hospital.
Sa hospital, masusing sinuri ng doctor si Mo Huiling. Wala itong tigil sa pag-iyak, panay ang sabi sa kanya na mamamatay na ito sa sobrang sakit.
Ang tanging nagagawa niya lang ay ang patahanin ito mula sa gilid.
Maya-maya lang ay dala na ng doctor ang report. Sinabi nito kay Gu Jingze, "Mr. Gu, nagtamo lang po ng maliit na pasa ang tuhod ni Miss Mo at kaunting gasgas naman po sa kanyang paa. Hindi naman po ito malala kaya kaunting araw lang ang kailangan niya para makapagpahinga; huwag lang po muna siyang magbabasa ng kanyang tuhod at iwasan niya nalang muna ang matagal na paglalakad. Kapag ginawa niya ang mga iyon, gagaling siya kaagad."
Hindi natuwa si Mo Huiling nang marinig ang doctor. Pasigaw itong nagsalita, "Anong ibig mong sabihin na hindi ito malala? Doktor ka ba talaga? Papuntahin niyo dito ang pinakamagaling na doctor sa hospital na ito ngayon din! Hindi niyo ba alam na mamamatay na ako sa sobrang sakit? Paanong nasasabi ninyo na hindi ito malala?"
Nag-aalangang tiningnan ng doctor si Mo Huiling. "Miss Mo, kung ayaw niyo pong maniwala sa akin, wala po akong magagawa. Pero base po sa X-ray na isinagawa natin kanina, makikita po na hindi naman po naapektuhan ang mga buto ninyo, kaya wala ho kayong dapat ipag-alala."
"Hmph, wala akong pakialam. Basta ang alam ko, sobrang sakit ng nararamdaman ko ngayon. Kailangan niyo akong gamutin. Hinding-hindi ko palalampasin ang gumawa nito sa akin."
Hindi na nakatiis pa si Gu Jingze habang nakikinig kay Mo Huiling. "Mo Huiling, tama na."
"Bakit? Palalampasin mo lang ba itong ginawa ni Lin che sa akin? Sinadya niya akong banggain. Hindi pa ako tapos sa kanya."
Naiinis na si Gu Jingze. "Nag-aaral pa lang si Lin Che na magdrive, kaya hindi pa siya gaanong bihasa. At kahit pa nabangga ka niya, sigurado akong hindi niya sinasadya iyon. Marahil ay hindi niya lang kaagad na nakontrol ang kotse."
"Ano?" Gulantang si Mo Huiling. "Kung talagang hindi niya kayang kontrolin ang sasakyan, paanong nabangga niya ako nang ganito? Malinaw na nakita niya ako, kaya sigurado ako na sinadya niyang gawin ito!"
Nagtagpo ang mga kilay ni Gu Jingze, "Dahil hindi niya pa rin nakontrol ang sasakyan kahit na nakita ka na niya, ibig sabihin ay hindi pa siya gaanong marunong magmaneho. Kahit nga ang mga bihasa na sa pagda-drive, may mga pagkakataon pa rin na hindi kaagad sila nakakaiwas. At isa pa, nag-aaral palang siyang magdrive. Hindi niya sasadyaing gawin ito sa'yo. Alam kong hindi siya kagaya ng iniisip mo."
"Ano…" Kinagat ni Mo Huiling ang labi. Nagsimulang tumulo ang mga luha nito at malungkot ang mga matang tumingin kay Gu Jingze. "Siya pa ang kinakampihan mo. Kahit pa totoong sinadya niya ito, sasabihin mo pa ring hindi, tama ba ako?"
"Imposible iyan," nakaramdam si Gu Jingze ng pagkadismaya habang pinagmamasdan ang mga luha nitong nag-uunahan sa pagpatak. Ang kanyang isip naman ay naglalakbay sa kung nasaan kaya ngayon si Lin Che. Nag-aalala na siya.
Gusto na niyang matapos ang pakikipag-usap kay Mo Huiling nang sa gayon ay mahanap na niya si Lin Che.
"Huiling, pupuntahan ko muna si Lin Che. Tatanungin ko siya mismo kung anong totoong nangyari pero ikaw, dito ka lang muna at magpagaling ka. Kailangan pa ring magamot iyang pasa mo. Huwag ka na munang mag-isip nang kahit ano at mag-focus ka sa pagpapagaling."
Nang marinig iyon ni Mo Huiling ay tiningnan nito ang pasa. Marahil ay nag-aalala nga sa kanya si Gu Jingze at gusto nito na gumaling siya agad. Marahil ay ayaw nitong matagalan ang sakit na tinitiis niya kaya tumango nalang siya. "Kung ganoon, sabihin mo sa mga doctor dito na ibigay sa akin ang pinakamabisa nilang gamot. Mamamatay na talaga ako sa sobrang sakit."
"Okay."
Nang lumabas siya kasama ng doctor, muli niyang tinanong ito kung seryoso ba talaga ang sugat na natamo ni Mo Huiling at para bigyan din ito ng magandang gamot.
Ganoon pa rin ang naging sagot ng doctor. Sinabi nito na wala talaga silang dapat ipag-alala dahil kaunting gasgas lang iyon. Sandali lang naman ang hapdi noon at sa katunayan nga ay hindi naman dapat ito gaanong masakit. Marahil ay dahil hindi pa ito nararanasan ni Mo Huiling dati kaya ganoon ang reaksiyon nito. Ganoon pa man, gagawin nila ang lahat para gumaling ito kaagad.
Tumatango lang si Gu Jingze habang nakikinig.
Nang tingnan niya ang kanyang relo, naisip niya na mag-iisang oras ng nagmamaneho si Lin Che. Walang nakakaalam kung nasaan na ito ngayon.
Lumingon siya at sinilip si Mo Huiling mula sa pinto. Kasalukuyan itong tinuturukan ng injection ng nurse at napatili ito, "Ano ba, ang sakit-sakit ah! Marunong ka ba talaga nito? Magdahan-dahan ka naman?"
Huminga nang malalim si Gu Jingze at naisip na talaga ngang hindi pa nito naranasang masaktan dati. Palibhasa ay ito ang tagapagmana ng mga Mo. Simula nang bata ito ay alagang-alaga ito ng lahat sa pamilya. Bigla niyang naisip si Lin Che. Naalala niya noong naaksidente ito dati pero pinipilit pa ring ipakita sa kanya na para bang walang nangyari. Ni impit na pag-aray ay wala siyang narinig mula kay Lin Che.
Marahil ay dahil sa kinalakhan nitong buhay. Nasanay ito mula nang bata pa na walang ibang taong nag-aalaga kapag nasusugatan ito't nasasaktan.
Tinawag niya ang kanyang security guard, "Tawagin ninyo ang iba ninyong kasamahan at libutin ninyo ang buong lungsod; pakiusap, hanapin ninyo ang aking asawa at iuwi niyo sa bahay."
Pinag-aalala talaga siya ng Lin Cheng ito. Basta-basta na lang itong umalis nang hindi nagsasabi sa kanya.
Nang makaalis na si Lin Che mula sa bahay ay galit pa rin siya. Talagang naghahanap na kaagad ng gulo ang Mo Huiling na iyon kahit kalilipat pa lang nito doon. Sigurado siya na hindi na magiging tahimik ang buhay niya sa mga susunod na araw. Sa tuwing naiisip niya iyon ay lalo lang siyang nawawalan ng gana. Naisip niya na marahil ay tama nga na lumayo nalang muna. Mas mainam kung aalis na lang muna siya doon. Kung hindi niya makikita ang mukha nito ay hindi rin siya maiinis kakaisip dito.
Mukhang mas nasasanay na siya sa pagmamaneho, pero kinakabahan pa rin siya. Habang nagda-drive ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Yu Minmin. Gusto niya sanang sagutin iyon, pero nagmamaneho pa siya. Sa sandalling iyon ng pag-aatubili ay kaagad namang nawala sa direksiyon ang kotse. Papunta na ito sa bandang gilid ng kalsada.
Naitapon ni Lin Che ang kanyang cellphone at mabilis na hinawakan ang steering wheel.
Pero, mas lalo lang bumilis ang kotse at dire-diretsong tinatahak ang direksiyon na iyon.
Napasigaw na si Lin Che at naramdaman niya ang pagbangga ng kotse sa mababang pader sa gilid. Ang halos buong katawan ng sasakyan ay nakatungo, nanganganib na mahulog.
Ilang segundong hindi nakagalaw si Lin Che. Noon niya lang napansin na nasa isang tulay siya, ang kotse'y parang isang duyan na umuugoy-ugoy. Isang maling kilos niya lang ay tiyak na mahuhulog ang sasakyan…
Sa isang tulay na pala ang narating niya dahil sa kaiisip ng nangyari kanina habang nagda-drive. Kasalukuyang nakasara ang bahaging iyon ng tulay dahil may inaayos doon. Ang tanging humaharang lang sa kotse ay ang isang tubo ng bakal na nasa taas. Bagama't hindi pa ito agad na mahuhulog sa ngayon dahil may nasasabitan pa, tiyak na hindi rin ito magtatagal na nakabitin lang doon.
Nakaramdam na ng takot si Lin Che nang maisip niya ang kalagayan sa loob. Mabilis ang tibok ng kanyang puso habang kinukurot ang dibdib, "Naku po, patay ako ngayon. Mamamatay na ba talaga ako dito? Marami pa akong gustong gawin…"
Sa ibaba ng tulay naman ay sinubukan na mga tao na tumawag ng mga pulis na hindi naman nagtagal ay dumating doon. Ganoon pa man, parang wala ring maitutulong ang mga ito nang makita ang kanyang sitwasyon.
"Sino ba ang sakay niyan? Paanong napunta ito diyan? Harangan ninyo ang buong tulay."
"Mukhang mamahalin ang sasakyan."
"Mukhang pambabae ang kotseng iyan."
"Mga mamamatay-tao talaga sa kalsada iyang mga babaeng drivers na iyan."
"Pag-aaksaya lang ng pera kapag hinayaan mong magdrive ang isang babae. Dapat lang na mangyari iyan sa kanya."
Ang ilan naman sa mga taong nasa baba ay panay ang pag-uusap-usap kung paano pipigilan ang posibleng pagkahulog ng sasakyan at kung paano ililigtas ang babae sa loob nito.
Pero, mabilis ang paggalaw ng kotse kaya walang nangangahas na lumapit doon. Kapag lumapit sila doon at nahulog ang sasakyan, kaninong kasalanan iyon? Halatang hindi isang pipitsuging tao ang sakay ng kotse, kaya natatakot sila na baka may gumanti sa kanila. Kapag ipahanap sila ng pamilya nito ay malaking problema ang haharapin nila.
Nang dahil sa isiping iyon ay walang may nagmamadali na mailigtas siya. Sa halip ay nagpulong-pulong pa ang mga ito kung sino ang papapuntahin doon para tulungan siya.
Mamamatay na sa sobrang takot si Lin Che nang mga sandalling iyon.
Naririnig niya ang mga ingay na nanggagaling sa mga sasakyan ng pulis at ambulansya, pero wala siyang nakikita na lumalapit para tulungan siya.
Naalala niya na naitapon niya pala ang kanyang cellphone kanina kaya hindi niya ito makita. Ang tanging nagagawa niya lang ay ang sumigaw at humingi ng tulong.
Kung talagang doon siya mamamatay, iisipin niya na lang na ito ang tadhana niya.
Pero si Gu Jingze… Kung sabagay, mababawasan na ang alalahanin nito. Kapag namatay siya ngayon, magiging malaya na ito…