webnovel

FOUND: CHAPTER 23

Maagang gumising si Riley at naghanda. Dahan dahan siyang bumama para hindi makadisturbo. Doble ingat niyang hinahakbang ang kaniyang mga paa para hindi gumawa ng ingay.

Nang makarating siya sa baba, biglang may nagsalita sa likuran niya.

"Ang aga mo namang nagising, Direk!" halos tumalon si Riley sa sobrang gulat. Si Nana Sally iyun. Nasa sala ito at umiinom ng kape.

"Kayo po pala, Nana." Tanging nasabi niya nang nakita niya ito.

"Asan ang punta mo sa oras na ito? Alas kuwatro pa lang ng umaga." Wika nito sabay higop ng kape.

Nag-isip siya ng alibi na pwedeng gamitin. "A-aah, mag jo-jogging lang po ako! Oo, mag jo-jogging po ako!" pagsisinungaling niya.

Nagiba ang itsura ni Nana Sally sa sinabi niya. Tila hindi ito naniniwala sa kaniya. Sumilay si Nana Sally sa bintana.

"Mukhang uulan ngayon, Direk."

"Ganun po ba? Okay lang po iyan, babalik lang din ako agad kapag uulan na." sagot niya dito.

"Halika ka nga muna ditong bata ka..."

Agad siyang tumabi sa inuupuan nitong sofa. "Bakit po, Nana?"

"Bago ka umalis, titimplahan muna kita ng kape..."

"Naku, wag na po! Mamaya na lang pagbalik ko." Pagtanggi niya dito.

"Aalis ka ba talaga?" napansin niya ang pagaalala sa mukha ng matanda.

"Huwag niyo po akong aalahanin, Nana. Isa po akong Domingo, at walang makakatibag dito." Mayabang niyang pagkakasabi.

"O sige, basta kung uulan na, bumalik ka ha."

Tumayo siya mula sa pagkakaupo. At tumango bilang tugon dito. "Opo, Nana."

"Mag ingat ka, Direk."

"Maraming salamat po, Nana. Balik po ako kaagad!"

Naguguluhan si Riley kung bakit nagiging matanong si Nana Sally sa kaniya gayong hindi naman ito ganoon ka palatanong kung aalis siya. Pero sa isip isip niya, baka nag aalala lang talaga ito dahil madilim nga ang kalangitan at malakas ang hangin, mukhang may dadarating ngang ulan.

Kahit ganun, hihintayin niya si Cyan kahit anong mangyari. Sinabi niya ditong hihintayin niya ito kahit anong mangyari. Tinignan niya ang suot na relo at 4:13 AM ang nakarehistro doon. Binilisan niya ang takbo at pumunta sa board walk.

Wala siyang taong nahagilap sa board walk, malamang ay tulog pa ang mga ito o di kaya'y takot sa paparating na ulan. Umupo siya sa mismong board walk na nakaharap sa dagat. Malamig ang paligid, malakas ang alon ng dagat at nagsisimula na rin umambon.

Habang nakaupo sa board walk, nagiisip siya kung ano ang sasabihin kay Cyan oras na dumating ito. Halos matunaw ang utak niya sa kakaisip sa kung ano ang pwedeng sabihin dito.

Ano kaya kung...sabihin ko deretcho na matagal na kaming annulled ni Melania? Hindi, napaka-direkta naman.

Paano kaya kung sabihin ko sa kaniyang siya pa rin ang laman ng puso ko? Ngi. Ang corny.

What if halikan ko agad? No. Non-consensual yun!

Paano kung hindi siya dadating?

Nalungkot siya sa isiping iyun subalit may tiwala siya kay Cyan na hindi siya nito bibiguin. Tinignan ulit ni Riley ang suot na relo ay malapit na ang 5 AM. Kinakabahan siya at napakalakas ng tibok ng kaniyang puso.

Mayamaya ay nagsimula na ngang bumuhos ang ulan at eksaktong 5 AM na nga. Madilim parin ang kalangitan at tahimik ang buong paligid. Pero walang Cyan na dumating.

Lumakas ang buhos ng ulan at sampal ng hangin. Nanatiling nakaupo si Riley sa board walk at desidido siyang dadating si Cyan. Naniniwala siyang baka natagalan lang ito dahil umuulan na.

Nagisip pa siya ng mga pwedeng sabihin dito kung dadating ito. Wala siyang pakealam kung basang basa na ang suot niya ang mahalaga ay maka-usap niya si Cyan at masabi niya dito ang kaniyang nararamdam.

Niyakap niya ang sarili dahil bumababa na ang temperatura sa paligid. Tinignan niya ang kaniyang relo at 5:35 na. Mas lalong bumuhos ang ulan, naabutan na rin siya ng alon sa sobrang lakas ng hangin.

"Baka nag hanap lang ng masasakyan si Cyan..." wika niya sa sarili.

Hinigpitan niya ang yakap sa sarili dahil nanginginig na siya sa sobrang ginaw. Inilibot niya ang paningin sa paligid pero walang kahit isang tao sa paligid.

Pumasok sa isipan niyang sumilong muna sa mga tindahang sarado habang naghihintay kay Cyan subalit natatakot siyang baka hindi siya nito makita.

"Ugh! Ulan lang 'yan! Limang taon ang hinintay ko para makita si Cyan...ito lang ang tangi kong pagkakataon. Ito lang..."

Eksaktong 6 AM na. Makulimlim parin ang langit at hindi natapos ang pagbuhos ng ulan. Iniisip parin niyang dadating si Cyan. Naniniwala siya dito.

Hindi na niya mapigilan ang pangingig ng kaniyang katawan. Sinubukan niyang kontrolin iyun subalit malakas ang kalikasan.

Sino siya para magreklamo? Pinili niya ito at paninindigan niya! Gusto lang niyang masiguro hanggang saan nga talaga ang kaya niyang gawin pagdating sa pag-ibig.

"Direk, maiba tayo...ano ang kaya mong gawin para sa pag-ibig?"

Katahimikan.

"Huy, Direk! Tinatanong kita..."

"Narinig naman kita, Lorimel. Pero iinisip ko nga kung ano nga ba ang mga bagay na kaya kong isugal sa ngalan ng pag-ibig."

"Pero ano na nga ang nagawa mo sa ngalan ng pag-ibig? Kasi ako...ito. Ang alalahanin ang mga masayang nangyari sa amin Anton. Ayaw ko ng magmahal ng iba. Masaya na ako at kontento na ako. Nandiyan naman na si Red,"

"Ako naman... nagawa kong isakripisyo ang mga mahahalagang bagay para sa taong minahal ko. Nagawa kong libutin ang buong Pilipinas para hanapin siya... at gagawin ko ring libutin ang buong mundo kung iyun ang magiging daan para magsama kami,"

"Hala, grabe naman 'yan... nasan ba kasi ang bebe mo?"

"Ang baduy naman ng 'bebe',"

"Tawang tawa ka diyan, eh ikaw nga itong baduy napaka-poetic nag sagot mo eh tinanong lang kita ng simpleng tanong, napakalalim na ng sagot mo."

"Ganun talaga pag-in love."

7 AM na pero wala pa rin si Cyan. Nakaupo parin si Riley sa board walk, nakaharap sa dagat na may malakas na alon. Humihina na ang ulan pero malakas pa rin ang hangin. Kanina ay may lumapit sa kaniyang bangkero at tinanong siya kung bakit siya nakaupong mag-isa sa gitna ng ulan, sinagot niya lang ito na meron siyang hinihintay.

Dalawang oras na siyang naghihintay pero hindi pa rin dumadating si Cyan. Nakalimutan kaya nito ang usapan nila? Pero pumayag ba ito? Um-oo ba ito? Hindi. Hindi niya alam. Pero may tiwala siya dito at hindi siya nito bibiguin.

Hindi na niya maramdaman ang kaniyang pisngi. Hindi na rin niya magalaw ng maayos ang kaniyang labi. Gumagalaw ito ng kusa sa sobrang lamig.

Pumasok sa kaniya ang ideyang may mahal na nga pala itong iba—si James. Sino ba siya para puntahan nito? Sino siya para kitain sa ganitong oras? Sa ganitong panahon? Isa lang siyang parte ng nakaraan nito, sa islang silang dalawa lang nakakaalam kung anong meron sa kanila. Sino nga ba siya sa buhay nito?

Ang kastilyong itinayo nila ay natumba na ng alon. Sa mga naiwan nilang bakas sa buhangin, ang kaniyang bakas na lang ang natira. Huli na ba ang lahat para sa kanila?

"Red!"

Biglang nanigas si Riley sa narinig. Tama ba ang pagkakadinig niya? Si Cyan ang tumawag sa kaniyang pangalan?

Dahan dahan siyang tumayo at lumingon. Si Cyan nga! Hindi siya makapaniwala na si makikita niya si Cyan. Tama nga siya, dadating ito!

Sinubukan niyang ngumiti kahit nakalock ang kaniyang panga sa sobrang panginginig. Papalapit sa kaniya si Cyan, galit itong nakatingin sa kaniya. Gumalaw siya at naglakad para salubungin ito. Nahihirapan siyang igalaw ang kaniyang mga binti. Sumasakit na rin ang ulo niya.

"Ano ba ang pumasok sa kokote mo at naghintay ka diyan sa gitna ng ulan?!"

Masaya siya dahil dumating ito. Kahit pa halos tatlong oras niya itong hinintay, ang mahalaga ay dumating ito.

"Y-you came...." Tanging nasambit niya bago tuluyang bumagsak.

***

Dahan dahang nagkamalay si Riley. Mabigat ang kaniyang pakiramdam at nilalamig parin siya. Sinubukan niyang alalahanin ang huling nagyari paano siya nakarating sa kaniyang hinihigaan.

Naalala niyang dumating si Cyan.

Ibinuka niya ang kaniyang mata. Hindi siya pamilyar sa kuwarto. Hindi niya iyun kuwarto! Mas lalong hindi ito bahay ni Nana Sally dahil konkreto ang bawat sulok. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa buong kwarto.

Napansin niya agad ang larawan sa side table na naka-frame. Hindi niya masyadong mamukhaan ang nasa larawan dahil kagigising niya lang. Kinuha niya ito at tinignang mabuti. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakitang larawan.

Halos mahulog niya ito nang biglang bumukas ang pinto. "Gising ka na pala, Lover boy." Boses iyun ni James.

May dala itong pagkain at gamot. Tahimik lamang siya habang inilalapag ni James ang dala. Bigla itong tumawa at kinuha ang larawan mula sa kaniyang pagkakahawak.

"A-ah...hindi ko sinasadyang tignan. Pag gising ko, hindi ko alam kung nasan ako kaya tini—"

"Sus, wala lang 'yun!" wika nito sabay lapag ng frame sa dati nitong kinalalagyan. "Kung curious ka, oo, boyfriend ko 'yan."

Biglang sumakit ang ulo niya sa sinabi nito. "Teka, naguguluhan ako..." ang nasa larawan ay si James at isang sikat na PBA player, magkahalikan ang mga ito sa larawan. "Paanong naging kayo...at si Cyan?"

"Bago ko sagutin ang mga tanong mo, kumain ka muna tapos inumin mo ang mga gamot mo. Tulog ka mula kahapon, at sigurado akong walang laman iyang tiyan mo."

"Kakain ako, pero mag kwento ka. Naguguluhan ako. Sumasakit ako ulo ko." Hindi niya maintindihan paanong naging boyfriend ni James si Cyan kung may nobyo itong isang sikat na atleta. At isa pa, hindi siya makapaniwala, kung totoo ngang nobyo ito ni James, bukod sa sikat ito bilang basketball player, ay kilala din ito bilang isang playboy—papalit palit ng girlfriend.

"Okay, kumain ka na." inabot nito sa kaniya ang pagkaing dala nito. "Dito ka nga pala dinala ni Cyan kahapon matapos kang bumagsak kasi takot siyang pagalitan ni mama."

Nagsimulang kumain si Riley. Kahit masakit ang kaniyang lalamunan, sinubukan niyang kumain.

"Gusto ko munang humingi ng tawad. Nagsinungaling ako sa'yo na boyfriend ko si Cyan. Ang totoo niyan, naging magkasintahan talaga kami pero noon pa 'yun."

Muntik nang mailuwa ni Riley kaniyang pagkain. "Ano? Pinaniwala mo akong boyfriend mo si Cyan?! James anong problema mo?"

"Bago ka magalit. Patapusin mo muna ako." Sinubukang pakalmahin ni Riley ang sarili. Sa pagkakataong ito, natutuwa siyang malaman na hindi ito tunay na magkasintahan.

"Mula pagkabata, malaki na talaga ang pagkakagusto ko kay Cyan. Itinago ko iyun mula sa kaniya at sa mga magulang ko. Hanggang sa magkanobyo siya noong high school siya, nasaktan ako dahil hanggang doon lang talaga ako sa kaniya, isang kababata—kaibigan, at isang hamak na anak ng kasambay at driver nila.

"Lumipas ang ilang taon, gaya ng naikwento ko dati kung naalala mo pa, tumulong kami sa paghahanap kay Cyan. Akala ko wala na ang nararamdaman ko sa kaniya, pero nandoon pa rin pala. Hanggang sa bumalik na nga si Cyan at nagdesisyon siyang tumira kasama kami. Naikwento ka niya sa akin. Si RED, ang lalaking bumihag ng puso niya sa isla. Pero nasaktan siya nang malamang hindi kayo para sa isa't isa dahil nga kasal ka na pala."

Malakas ang tibok ng puso ni Riley sa mga kinekwento ni James. Wala siyang alam ano ang tunay na nangyari kay Cyan sa loob ng limang taong hindi sila nagsama.

"Hindi ko maintindihan paanong nagustuhan ka niya ng ganoon katagal samantalang isang buwan lang kayong magkasama sa isla, habang ako kasama niyang lumaki at nagkamuwang at palaging nasa tabi niya. Inamin ko sa kaniya ang tunay kong nararamdaman para sa kaniya.

"Naging kami nga. Sinubukan niya akong mahalin pero hindi niya kaya. Kaya nagdesisyon kaming manatiling magkaibigan. Masakit man para sa akin, pero kailangang tanggapin. Luckily, I met him. 2 years ago, nagkakilala kami dito sa resort, nagkamabutihan ng loob...hanggang sa naging kami." Nakangiting wika nito habang nakatingin sa larawan nilang dalawa ng PBA player.

"Hindi ba napaka-playboy ng lalaking 'yan." komento niya.

"Masaya ako, Riley dahil tanggap ako ng magulang ko at ng kapatid ko sa tunay kong pagkatao. Pero sa kaso niya, bilang sikat na personalidad at anak ng isang homophobic na senador, kailangan niyang magpanggap para hindi kwestyunin ang kaniyang pagkatao at hindi masira ang career niya at pangalan ng pamilya niya,"

Kumunot ang noo niya sa narinig. "I don't get it. Bakit kailangan pang idamay ang mga kawawang babae? May nanay at kapatid ka din, James. Hindi naman siguro patas para sa kanila parang maging cover girl 'di ba?"

Nagkibit balikat lamang si James sa sinabi ni Riley. "Hayaan mo na lang kaming harapin ang sarili naming problema. Ikaw, kumusta ka, Lover boy?" nakangisi nitong wika.

"Ang ibig sabihin, niloko mo akong nobyo mo si Cyan para makaganti ka kasi nakipaghiwalay siya sa'yo dahil mahal niya pa ako?" galit na tanong niya.

"Siguro. Pero hindi rin. Matagal na akong naka move on!" balewalang sagot nito.

"Anong dahilan mo para lokohin ako ng ganun?" Natutuwa man siya sa balitang si Cyan at James ay hindi magkasintahan subalit sa panahong naniniwala siyang magnobyo ang mga ito, labis ang sakit at selos na kaniyang nararamdaman.

"Ayaw kong masaktan ulit si Cyan!" Natigilan si Riley sa sinabi nito. Napalagok siya ng laway sa binigkas nitong kataga. "I was there when Cyan was crying... when he felt down... and that's not a good sight—ang makita siya sa ganoong ayos na bigla na lang siyang iiyak sa isang sulok. Cyan was down from his family matters but he's more devasted from his failed romance. If it weren't for baby Red, hindi babalik ang dati niyang sigla."

Natigilan si Riley sa sinabi nito. "Did he gave that name to—"

"Oo, fool of him to do that! My sister is not even aware that the name 'Red' is from his ex's name. But seeing Cyan looks happy with baby Red, who am I to argue? He even presented himself to be baby Red's adoptive father."

Napabuntong hininga si Riley sa mga narinig mula kay James. Hindi niya wari kung ano dapat maramdaman sa dami ng kaniyang natuklasan.

"Ikaw, bakit ka pa bumalik?" matalim ang tingin ni James sa kaniya.

Tinitigan niya din ito. Mata sa mata. "Hindi ako bumalik, dahil unang una, I never left. I am here because I searched for him. Narito ako dahil mahal na mahal ko siya."

Chapitre suivant