"Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa'yo" pakinig kong aniya sa akin habang patuloy lamang siya sa paglalakad.
Kusa lamang akong nakatungo habang tinitingnan ang mga paa kong yumayapak ng mahina sa palapag.
Hinahayaan ko lamang siyang maglakad sa kung saan niya gusto, kahit na maglakad pa siya sa kalagitnaan ng karagatan ay wala akong pakialam. Mas nanaisin ko pang ganito nalang kaysa sa hindi ko siya makakausap kahit na sa kaunting oras man lang.
Nasisiguro kong hindi na rin kami makakapag-usap bukas at sa mga susunod na araw, masyado na siyang tutok sa kaniyang trabaho niyan at kailangan ko iyong intindihin.
"Maniwala ka man o hindi, Khalil. Nahihiya ako sa iyo ngayon" usal niya pa habang kinakamot ang ulo.
Marahas akong napapailing habang pinagpatuloy lamang ang paglalakad.
Napatawa siya ng payak matapos ay nagsalita, "Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa iyo ang lahat!"
Napangiwi ako at inunahan na siya sa paglalakad, ang bagal niya kasing kumilos.
Parang anumang oras ay iiyak nalang siya habang pilit na hinahakbang ang parehong paa.
Papa, huwag ka ngang ganiyan.
Alam ko namang mas matanda siya sa akin pero sana naman ay maging normal pa itong paglakad niya, nanginginig na ang kaniyang mga tuhod eh.
Wala naman siguro siyang sakit na rayuma?
"Alam mo ba kung bakit gustong-gusto kong nasa ilalim lang ako palagi?" nagtataka akong napapaisip nang itanong niya sa akin iyon.
Wala akong balak na magsalita sapagkat hindi ko naman alam ang aking isasagot sa kaniya.
Alam ko namang nasa ilalim lang siya palagi dahil siya ang namamahala sa mga malalaking makinang nagpapaandar nitong barko.
Nais niya bang langhap-langhapin ang amoy ng gas doon?
"Ayaw ko kasing tinitingala ako sa itaas, parang hindi kasi patas kapag nasa itaas ka tapos ay may tumitingala sa iyo sa ibaba. Mas gugustuhin ko pang nasa ibaba ako at tinitingala ang mga kasama ko. Hindi naman ako Diyos para tingalain ng lahat hindi ba? Bakit ba natin tinitingala ang kapwa natin taong salapi lamang ang naging ambag sa mundo? Kung ganiyan lang rin naman pala ang kaisipan ng karamihan ngayon ay nagsititigan lamang pala sila habang nag-uunahang makaabot sa pinakaitaas gayong ang pinakaitaas na iyon ay ang dahilan kung bakit napaka— ah basta!" aniya pa habang naririnding kinakamot ang batok.
Ang hilig niya sigurong magkamot?
May kuto ba si Papa sa ulo?
Wala sa sariling napahalakhak na lamang ako matapos ay bumuga ng hangin.
"Mas nanaisin ko nalang na tingalain ang sarili kaysa ang ibang tao, bakit ko pa sila titingalain gayong pwede ko namang tingalain ang aking sarili hindi ba, Papa?" nagngingiting usal ko kay Papa na nakapagpangiti rin sa kaniya.
"Naaayon din naman, subalit mas mabuti siguro kapag ikaw lang ang titingala sa iyong sarili at wala ng iba pang tao. Diyan kasi nagsisimula ang matinding pagkainggit, iyan lamang ang napapansin ko sa karamihan ngayon. Masyado silang nadadala ng matinding emosyon, kung ano ang nakikita nila, nais din nilang maabot" aniya pa habang patuloy pa rin sa paglalakad.
Napapatango na lamang ako sa kaniyang mga sinasaad, ngayon ko napatunayang siya talaga ang aking tunay na ama.
Hindi kasi magkalayo ang aming pag-iisip.
Para rin siyang isang pantas kapag nagsasalita, higit pa siguro sa pantas.
Labis akong nagtataka kay Papa kung bakit siya nagsasalita na nais niyang pumalagi lamang sa ilalim nitong barko gayong naglalakad siya ngayon papunta sa pinakaitaas na palapag.
Minsan ay hindi ko rin siya naintindihan sa kung ano ang nais niyang mangyari sa kaniyang buhay.
Ang labo niyang unawain.
Ilang minuto kaming napatahimik muli bago siya nagsalita ulit. "Batid kong napaliwanag na sa iyo ng mga tiyuhin mo ang lahat hindi ba?"
Napasinghap ako matapos ay tumatango-tango.
Gayong naibulalas na nila ang mga panlilinlang na ginawa sa akin, tama na muna sigurong tanggapin ko nalang ang lahat ng iyon.
Wala namang magbabago kapag patuloy lamang akong magagalit sa kanila, hindi rin naman siguro malaking kasalanan iyong nagawa nilang panlilinlang dahil para rin naman iyon sa akin.
"Huwag kang mag-alala, pagkatapos ng magiging reunion natin sa Puerto Princesa ay pupunta agad tayong Espanya kasama ang kapatid mo pati ang Mama niyo" mahinang tugon niya sa akin.
Wala akong maisumbat nung sinabi niyang pati ang aking kapatid ay isasama namin, hindi ko pa naman nalilimutan iyong mga panghuhusgang pinagbato niya sa akin.
Magsasalita na sana ako nang bigla naming nakita si Uno na walang pakundangang tumalon sa tubig.
Napaawang ang aking labi nang gawain niya iyon.
Papaanong nakayanan niyang tumalon mula sa harapan ng bapor papunta sa kailaliman ng dagat?
Nagtatangka ba siyang magpatiwakal?
Halos bigkasin na ni Papa ang lahat ng mga murang nabubuhay sa mundong ito nang mismong siya rin ay nakasaksi sa ginawang iyon ni Uno.
Dali-dali kaming pumunta sa harap ng bapor matapos ay tiningala siya sa ibaba.
Napahinga ako ng marahas matapos mamataang lumalangoy na siya ngayon.
Laking pasasalamat ko at hindi siya natamaan nitong mga nakalabit na kung ano sa barkong ito.
Ano ba kasi ang dahilan at bigla-bigla nalang siyang tatalon?
Nang makita ko kung saan siya tumutungo ay doon ko lamang nasaksihang mayroon palang nalulunod na babae malapit sa nasirang balsa.
"Putangina naman Uno! Pwede mo namang tawagin sina Manong Karlos doon sa ibaba, bakit ka ba napatalon ng ganun-ganun nalang? Papaano kapag natamaan ang ulo mo nitong malaking elise ng barko? Anong gagawin namin sa'yo? Uno!" nag-aalingawngaw sa galit na sigaw ni Papa kay Uno.
Patuloy pa rin sa paglalangoy si Uno hanggang sa masagip niya na ang babaeng walang humpay sa paggagalaw ng kamay sa ere.
Bakit ba naman niya napag-isipang magbalsa gayong hindi naman pala siya marunong lumangoy?
Napapailing na lamang ako habang pinapanood sila sa ibaba na pareho nang humahangos.
Dali-daling dumiretso si Uno akay-akay ang babae sa malaking kahoy na parte rin ng balsa at dun niya pinakapit ang babaeng parang wala ng malay.
Nagmamadaling napatungo na sa kanila sina Manong Karlos na kasalukuyan nang nakasakay sa lifeboat habang itinatapon na ang dalawang salbabida sa direksiyon nina Uno.