webnovel

Rooftop

"Rooftop"

"MAGKITA TAYO SA ROOFTOP!"

Pauwi na sana si Sherly ng hapong iyon nang makatanggap siya ng text message mula sa boyfriend niyang Medical Student na si Bryan.

Ang rooftop ng Medical Building ang naging secret dating site nilang dalawa simula pa naging official ang kanilang relasyon. Madalang lang kasing may nagagawing istudyante sa parte ng gusaling iyon kaya may pagkakataon na nagagawa nila ang mga gusto nilang gawin sa isa't isa.

Hindi pa tuluyang nakakalapit si Sherly sa main entrance ng naturang gusali nang may namataan na siyang isang babaeng nakatayo sa gilid ng rooftop. At ayon sa kulay Maroon na unipormeng suot nito, alam kaagad niya na hindi ito Medical Student kungdi isa itong Accountant Student na katulad niya.

"Sophia?" nagsimulang kumabog ng malakas ang dibdib niya nang makilala ito.

Ilang saglit pa'y parang lantang-gulay itong nahulog mula sa itaas, at bumagsak sa sementadong lupa.

Nanlaki ang mga mata ni Sherly sa sobrang pagkabigla. Nakita niya ang katawan ni Sophia na humandusay sa kanyang harapan. Dilat na dilat ang mga mata nito, at diretsong nakatingin sa kanya. Lalo pang nagpadagdag sa takot niya ay ang mabilis na pagdumaloy ng sariwang dugo nito sa sahig.

"Eeeeeekkkkkk" malakas na pagtili ni Sherly. At ang tiling iyon ang bumulabog sa katahimikan ng buong eskwelahan.

----------♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥----------

NAGKAROON NG IMBESTIGASYON HINGGIL SA NANGYARI. At ayon sa mga pulis na sumuri sa lugar ng pinangyarihan ng trahedya, depression ang nagtulak kay Sophia para tumalon sa Rooftop.

Nailibing na si Sophia paglipas ng isang linggo.

Pilit nang binabaon sa limot ng pamunuan ng eskwelahan ang mga nangyari.

Pinipilit na rin ni Sherly kalimutan ang lahat. Kahit ang totoo, may takot pa rin siyang nararamdaman sa tuwing naaalala niya ang nanlilisik na mga mata ng kaibigan. At halos gabi-gabi ring umuulit-ulit sa kanyang panaginip ang eksenang iyon na wari'y nakatatak na sa kanyang isipan.

Lunch Break sa buong eakwelahan ng sandaling iyon nang yayain siya ng isa sa mga kaklase niya na kumain sa cafeteria ng school, si Pamela na isa ring Accountant Student.

Nakakapanibago. Dati-rati ay kasabay nilang kumakain si Sophia. Pero ngayong araw, silang dalawa lang ni Pamela ang magkasalo sa paborito nilang table.

"He's here!" maya-mayang bulong ni Pamela sa kanya. Bumakas rin ang pagkainis sa mukha nito nang mapadaan si Bryan malapit sa table nila, "I hate him!" dagdag nito sabay tarak ng tinidor sa kinakain nitong spaghetti, at minsan pang tinapunan ng masamang tingin ang binata.

Dalawang buwan bago ang trahedyang naganap, umiiyak na pinagtapat sa kanila ni Sophia ang tungkol sa pakikipagbreak ni Bryan rito. At pagkatapos iyon, kapansin-pansin ang malaking pinagbago ng kaibigan nila. Sunud-sunod nang naglitawan ang mga naging problema nito sa mga academic subjects nila. Maski sa financial problems. Sadyang malaki talaga ang naging epekto kay Sophia ang break-up na iyon.

Dahil naman sa guilt, nagpasya si Sherly na ilihim muna ang tungkol sa kanila ni Bryan. Alam rin kasi niya na labis na masasaktan si Sophia sa oras na matuklasan nito ang tungkol sa kanila ng ex-boyfriend nito.

"Kung umasta pa siya parang hindi pa siya apektado sa lahat. 'Ni minsan ay hindi niya naisipang dalawin si Sophia hanggang sa huling hantungan!" hinanakit na bulong pa rin ni Pamela.

Aktong magsasalita na sana si Sherly para depensahan ang binata nang may mapansin siyang pamilyar na imahen ng isang babae na mabilis na dumaan sa likuran ni Pamela. Ang buong akala niya ay namamalik-mata lang siya dahil sa ilang istudyanteng nagpapalakad-lakad din sa naturang cafeteria'ng iyon.

Pero makailang ulit na parang kidlat sa bilis na napapadaan sa sulok ng kanyang mga mata ang imahen ng naturang babae na sa tingin niya ay parang si Sophia. At nang mapatingin siya sa table na kinaroroonan nila Bryan at ng mga kapwa nitong Medical Students, saka naman nagsimulang magtaasan ang mga balahibo niya sa katawan dahil nakita niya ito sa mismong likuran ni Bryan.

Hindi nga siya nagkakamali, kawangis ito ni Sophia. Nakauniporme din ito ng katulad sa kanilang mga Accountant Students. Mahaba at tuwid na tuwid ang buhok. Namumutla ang balat, at bitak-bitak ang nanunuyo nitong mga labi. Halos hindi na rin niya makita ang mga mata nito dahil sa natatakpan nito ng bangs. Ilang segundo lang ay unti-unti itong yumuko para yakapin buhat sa likuran si Bryan.

Parang wala naman iyon sa binata, normal lang itong kumakain. 'Ni walang nakakapansin rito maski ang ilang mga istudyanteng nasa paligid nila.

Napako sa kanyang kinauupuan si Sherly sa mga sandaling iyon. Halos hindi rin siya makagalaw nang dahan-dahan lumingon ang naturang babae sa kanyang kinaroroonan, at saka gumuhit ang nakakakilabot nitong ngiti. Mabilis siyang niyakap ng lamig, at nagsimula na ring magtaasan ang mga balahibo sa kanyang buong katawan. Alam niyang napakaimposible pero hindi siya maaaring magkamali, si Sophia nga itong nakikita niya.

"A...kin...lang...siya!"

Bigla na siyang napatayo nang marinig niya ang nakakakilabot na boses nito na parang nanggaling sa pinaka-ilalim ng lupa.

"Ano'ng nangyayari sa'yo?" biglang tanong ni Pamela na siyang nagpabalik sa kanya sa realidad. At nang muli niyang tignan ang kinaroonan ni Bryan ay wala na roon ang babaeng nakayakap rito.

"S-si....S-sophia..." nauutal pa niyang sabi. Pero bigla siyang natigilan nang mapansin niya ang kulay pulang likidong tumulo sa kaliwang butas ng ilong ng kaibigan, "...N-nagdurugo ang ilong mo!"

"Ha?" gulat naman ni Pamela, at kaagad nitong pinunasan ang ilong nito.

Aktong pagdadamputan pa sana niya ito ng tissue nang bigla na lang itong nawalan ng malay-tao sa kanyang harapan.

----------♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥----------

HINDI MAIWASAN NI SHERLY ANG mag-aalala para kay Pamela. Kaya naman nang matapos ang kanyang klase ay pinuntahan niya ito sa School Clinic nila. Bahagya siyang nakahinga ng maluwag nang maabutan niya itong nakaupo sa gilid ng kama at tahimik na nakatingin lang sa bintana.

"Pam..." aniya habang unti-unti niya itong nilalapitan.

"H-hindi pa siya nakakaalis, Sherly!" sabi nito pero nanatiling nakatingin ito sa bintana, "S-si Sophia, napanaginipan ko siya."

Sa pagkakataong iyon, napabaling naman ang paningin ni Sherly sa dakong pinagmamasdan ni Pamela. Sa muling pagkakataon ay nakadama siya ng kilabot nang makita niya buhat sa bintana ang rooftop ng Medical Building.

"Matindi ang galit niya, lalo na sa'yo," ani Pamela at napatingin na ito sa kanya, "At hindi siya titigil hangga't hindi niya nababawi ang mga bagay na inagaw mo."

"W-wala akong natatandaan na inagaw sa kanya," depensa niya sa kanyang sarili.

Bumakas sa mukha ni Pamela ang pagkadisgusto sa pagdepensa niya.

"B-bakit?..." napahinto siya sa kanyang sasabihin nang inabot ni Pamela ang cellphone nito. Nagtatakang kinuha naman niya iyon. At halos nanlaki ang kanyang dalawang nang iplay niya ang video roon.

Muntik na siyang mapamura sa kanyang napanuod. Kuha ang eksanang iyon sa Rooftop habang nagsasalo sila ng mainit na halikan ni Bryan sa isa't isa. Hindi na niya napigilan ang pangangatog ng kanyang kamay. Mabilis na rin siyang pinagpawisan ng malapot.

Hindi na niya nagawa pang tapusin iyon, at dali-dali na niya itong dinilete.

"Wala ka nang magagawa kahit burahin mo 'yan," mapait ngumiti sa kanya si Pamela, "Sa totoo lang kasama ko si Sophia ng time na 'yan."

"What?!" gulat niya.

"Pasalamat ka. Pinagbawalan ako ni Sophia na ikalat ang video na iyan sa buong school!" Galit itong tumingin sa kanya, "Pinipilit kong umarte na walang alam dahil iyon ang bilin sa akin ni Sophia. Pero hindi ako plastic na katulad mo, Sherly. At kahit harap-harapan mo nang tinatraydor ang kaibigan natin, mas nangingibabaw pa rin kay Sophia ang pagkakaibigan n'yo, at pagmamahal niya sa walang kwentang lalaking iyon!"

Hindi na siya nakakibo. Halos hindi siya makapaniwala sa kanyang mga nadinig. Kusa namang pumatak ang luha sa kanyang mga mata. 'Ni hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang sabihin para depensahan ang sarili ganoong kahit saang anggolo, siya at siya pa rin ang lalabas na may kasalanan ng lahat.

----------♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥-----------

KINAGABIHAN, nagawang ikwento ni Sherly kay Bryan ang naging pag-uusap nila ni Pamela nang bisitahin siya nito sa bahay. Pero hindi niya magawang ikwento rito ang tungkol sa video nila sa Rooftop. Alam niya kasing posibleng pagsimulan iyon ng gulo sa pagitan ng dalawa.

"Masyado mong iniistress ang sarili mo," komento ni Bryan, "Huwag mong isipin na kasalanan mo kung bakit nagpakamatay ang kaibigan mo. Dahil una sa lahat, wala na kami ni Sophia bago pa man naging tayo!"

Hindi na kumibo pa si Sherly. Alam kasi niyang hindi ganoon ang paniniwala ng dalawa niyang kaibigan. Ang paniniwala ng mga ito ay isa siyang traydor.

"Pagpray na lang natin si Sophia," ngumiti ito sa kanya.

Gumanti na rin siya ng ngiti rito.

Mga ilang oras pa silang nagkwentuhan ni Bryan, hangga't nagpasya na itong umuwi na.

Kasalukuyan nang naghahanda sa pagtulog si Sherly sa mga sandaling iyon nang magring ang kanyang cellphone. At doon ay nabasa niya ang pangalan ng nobyo.

Walang pag-aalinlangan na sinagot niya ito. Nakaugalian na rin naman kasi ng binata ang tumawag sa kanya kapag nakauwi na ito ng ligtas sa bahay. Pero nakakapagtatakang wala siyang ibang naririnig sa kabilang linya kungdi kaluskus lang at mga yapak.

"B-bryan..."

Matagal bago siya makarinig ng mahinang pagsagot sa kabilang linya, "S-sa....R-roof...t-top!" anang malamig na boses ng isang babae na animo'y galing sa pinakailalim ng lupa.

"S-sherly, tulungan mo ako!"

"Bryan?!" bulaslas niya. Umakyat ang kilabot at takot sa pagkatao niya nang marinig ang boses ng binata.

"Sa rooftop, Sherly!"

"Pamela?!" gulat niya at saka nadisconnect ang line.

"Hello! Hello!" sigaw na niya.

Wala siyang ideya kung ano ang nangyayari, pero malakas ang kutob niyang may hindi tama lalo na't parang nadinig niya ang boses ni Sophia sa kabilang linya

Kahit may takot at pag-aalinlangan ay patakbo nagtungo sa kanilang iskul si Sherly nang gabi ding iyon. Ang buong akala niya ay mahihirapan siya sa pagpasok sa loob pero nagkamali siya.

Naka-open na ang gate, at walang security guard na nagbabantay doon. Parang sadyang sa kanya iyon para makapasok siya kaagad.

Nasa labas palang si Sherly ng gusali ay napansin na kaagad niya ang puting telang nakalambitin sa gilid ng rooftop.

"Bryan!" malakas na tawag niya nang makilala ito. Kitang-kita rin niya kung paanong gustong iligtas ni Bryan ang sarili nito dahil pilit itong kumakapit.

Wala na siyang inaksayang oras. Halos liparin na niya ang daan paakyat sa rooftop sa mga sandaling iyon. Hindi na niya inalintana ang hingal at takot, mailigtas lang niya ang buhay ng binata.

"Bryan!" tawag ulit niya nang marating na niya ang rooftop. Pero natigilan siya dahil nakita niyang nakahandusay si Pamela sa sahig, at wala itong malay-tao, "Pamela! Pam!" niyugyog-yugyog niya ito.

"S-sherly..." paghingi ng saklolo ni Bryan.

Saglit na iniwan ni Sherly ang walang malay-tao na si Pamela, at kaagad niyang pinuntahan si Bryan sa gilid, at mabilis niyang inabot ang mga kamay nito.

Napangiwi siya dahil naramdaman niya ang bigat ng binata nang kumapit na ito sa kanyang kamay. At halos lumabas na ang mga ugat sa leeg niya nang simulan na niyang hatakin ito paakyat.

"Kumapit kang mabuti!" kahit hirap sa pagsasalita ay nagawa pa rin niyang sabihin iyon. Malapit na sana niyang maiangat si Bryan nang maramdaman niyang biglang dumoble ang bigat nito. At muntikan pa siyang mawalan ng balanse nang makita niyang nakakapit sa likuran nito si Sophia.

"Akin lang siya, Sherly! Akin lang siya!" sigaw ni Sophia habang nanlilisik ang mga mata nito.

Napasigaw naman ng malakas si Bryan dahil sa nakitang multo ng dating nobya. Pero bigla itong natigilan, at nanlaki ang mga matang tumingin sa kanya, "Si Pamela nasa likod mo!"

Napalingon si Sherly sa kanyang likuran. At laking gulat niya nang makita niya si Pamela ngunit blangko ang mukha.

"Traydor ka!!" sigaw ni Pamela. Sobrang tining ng boses nito na parang mabibiyak ang ulo niya. Mabilis ding naglitawan ang mga itim na ugat sa mukha.

"S-sophia!" bulaslas niya nang makita niya ang katauhan nito sa katawan ni Pamela.

"Magsama kayo sa impyerno!" anito saka siya itulak.

Nawalan ng balanse si Sherly. Sa bilis ng pangyayari, nagulat na lang siya nang magkasabay na silang nahuhulog ni Bryan mula sa rooftop.

The End

Chapitre suivant