Hindi nakatulog nang maayos si Marble kinagabihan, sinubaybayan talaga niya ang bawat kilos ng dalawang nurse habang nakahiga uli sa ibabaw ng sofa ang matanda at siya naman ay sa baba niyon.
Nang nakakaidlip na siya nang kunti ay saka naman tumabi ang matanda sa kanya at pinagdikit ang kanilang mga likuran saka ito mahimbing na nakatulog.
Subalit nang magising ang dalawang nurse nung madaling araw o mga alas kwatro na ata yun, ay bigla nitong binuhat ang matanda at pinatayo, pinapunta agad sa banyo para maligo.
Humihikbi ang matanda ngunit walang magawa sa dalawa. Tinitiis niya rin ang nararamdamang awa para rito at galit para sa dalawa.
Labinlimang minuto marahil ang itinagal ng tatlo sa loob nang banyo na panay hiyaw ang matanda sa loob, di niya alam kung anong ginagawa ng mga ito sa huli.
Tiniis pa rin niya ang bagay na 'yon. Nag-obserba lang siya.
Pagkalabas ng tatlo ay saka ng mga ito pinainom ng gamot ang matanda.
Kunwari ay naalimpungatan siya at tumagilid ng higa paharap sa tatlo ngunit 'di alam ng mga itong bahagyang nakadilat ang kanyang isang mata at pinagmamasdan ang mga 'to.
Hindi pinakain ang matanda, basta lang pinainom ng gamot, at ang almusal sana nito ay ang dalawa ang kumain. Naikuyom niya ang dalawang kamao.
Ilang minuto lang ay pinahiga na nila yung matanda sa ibabaw ng kama.
Saka naman may kumatok.
"How's my father?" anang kanilang among lalaki.
"Kapapakain lang po namin ng almusal Senyor, maaga po kasing humingi eh. Tapos gusto na daw niyang maligo kaya pinaliguan na po namin. Kahihiga lang po niya sa kama ngayon, patulog na uli," sagot ng isang nurse, yung nanggising sa kanya kahapon.
"Parang ang aga naman yata ng pagligo niya. Bukas, umaga niyo na paliguan baka lamigin 'yong matanda," anang amo.
Tumango naman 'yong dalawa. Hindi na lumapit 'yong amo nila sa ama nito, lumabas na agad ng kwarto.
Sunod na nag-usisa 'yong madam pagkatapos ng isang oras.
"Tulog pa rin po siya," sagot naman ng isang nurse.
"'Pag nagising, sabihin mo kay Marble dalhin kamo sa labas ng bahay, paarawan," utos ng mabait na manugang ng matanda.
Tumango naman ang nurse.
Isang oras ang dumaan at saka siya ginising, iyong nurse pa ring nanggising sa kanya kahapon.
Paa nito ang ipinanggising sa kanya. Iyon din marahil ang ginawa nito kahapon.
Nanggigigil na siya sa galit sa mga to pero titiisin niya ang lahat.
Nagising siya kunwari, bumangon at tinupi ang pinaaghigaan pero 'di na inilagay sa basket, sa halip ay itinago sa loob ng kabinet, sa bakanteng drawer duon para 'yon pa rin ang gamitin niya mamaya. Kawawa naman 'yong tagalaba kung araw-araw niyang gagawin ang ginawa kahapon.
"Hoy! Bago ka pumunta sa kusina, maglinis ka muna rito ha at wala pa kaming tulog kakabantay sa Senyor," utos ng isang nurse.
Nagpupuyos na siya sa galit pero pinigilan niya ang sarili. Aantayin niyang makahanap ng ebidensya na may ipinapainom nga ang dalawa sa matanda kaya ito laging tulog.
Sumunod lang siya. Nilinis ang ibabaw ng mga gamit duon at nagwalis sa tiles na sahig. saka nilinis niya ang loob ng banyo.
Paglabas niya sa loob ng banyo ay nakita niyang nagpakadapa na ang dalawa at panay na ang dutdot sa cellphone.
Saka lang bumalikwas ng bangon ang mg ito nang may kumatok sa pinto. Binuksan iyon ng nurse.
"Oy, ate Mica. Good morning," bati ni Gab na matamis ang ngiti sa babae.
"Gab, napunta ka rito? May kailangan ka ba?"
"Gusto kong bisitahin si Lolo," anang binata saka agad na pumasok, sinulyapan lang siya habang nakatayo sa pagitan ng dalawang malalaking kabinet na nakadikit sa dingding.
Dumiretso ito sa tulog na ngang matanda.
"Tulog pa siya, Gab. Ang aga mo namang nagpunta rito," ani Mica.
"Oo kahapon pa sana ako papasok rito kaso may pinuntahan kami ni Vendrick kahapon," sagot ng binata saka lumapit sa kanya, dumiretso sa loob ng banyo ngunit lumabas din agad.
"Malinis ang banyo ate ha? Ang galing niyo talaga maglinis," papuri nito sa dalawang bumungisngis.
"Syempre. Kailangan talaga malinis dito lahat. Ayaw ni Senyor ng marumi," anang isang nurse.
"Oo naman Ate Fel," ani Gab saka dinaanan lang siya at lumapit sa divider saka hinipo 'yong tv at dinampot ang isang picture frame doon.
Pagkuwa'y dahan-dahan iyong ibinalik saka sinalat ang ibabaw ng pinaglagyan ng picture frame.
"Aba, walang alikabok kahit kunti. Ang linis talaga. Bilib na ako sa inyong dalawa." papuri na uli nito.
Tumawa na 'yong dalawa.
Nang akmang lalabas na siya sa kwarto ay saka lang siya pinansin ng binata.
"Wait! Kilala mo ba ako?" baling nito sa kanya.
Mabilis siyang umiling. 'Di naman talaga niya ito kilala nang lubusan tapos eh kung makipag-usap siya rito kahapon ay parang magclose na sila agad.
"Ako ang bestfriend ni Vendrick, 'yong apo ng matandang kasama mo sa Rizal Park," pakilala nito saka siya nilapitan.
"Saan ka pupunta?" tanong nito sa kanya.
Bumaling muna siya sa dalawang nurse na kung anu-ano nang kinakalikot sa kabinet sa tabi ng kama ng matanda.
Tumaas lang ang kilay nung si Fel, 'yong nanggising sa kanya kanina, paa ang ipinanggising.
"Lalabas po ng Kwarto, pupunta sa kusina," sagot niya.
"Alam mo ba ang kusina? Halika samahan kita baka maligaw ka rito," presenta nito saka nagpatiuna nang lumabas ng kwarto.
Sumunod naman siyang nalilito.
Pagkasara niya ng pinto ay narinig na naman niyang nagclick sa loob, nang pihitin niya ang doorknob ay sarado na iyon.
"Ssshhhhh," ani Gab na nakatitig sa kanya saka siya hinila hawak ang kanyang kamay papasok na uli sa balkunahe.
"Kumain ka na ba? Nagdala ako ng almusal. Nilagay ko sa kusina pero sinabi ko kay Manang Viola na para sa'yo 'yon," anito, hindi pa rin binibitawan ang kanyang kamay.
"Gano'n ba?"
Tumango ito.
"Pa'no mo pala ako tutulungan sa problema ko?" usisa niya rito.
Inilapit nito ang mukha sa kanyang tenga.
"Don't worry, naglagay na ako ng spy mini cam sa banyo at divider ng kwarto. Bukas tignan natin 'yon.
Napanganga siya sa sinabi nito saka ito hinampas sa braso.
"Ang galing mo palang dumiskarte! Hanga ako sayo," natatawa niyang wika rito.
"Ouch, 'tol. Sakit no'n ah," angal nito.
Lalo siyang natawa sa narinig. Napagkamalan din pala siya nitong lalaki.
Hinila niya ang isang kamay rito at nagpatiuna nang bumaba sa hagdanan.
'Pag gano'ng oras, wala sa loob ng bahay ang apo ng matanda, nasa labas ito at nagja-jogging kaya may oras siya para mamasyal sa loob ng sala.
Sumabay sa kanya si Gab bumaba sa hagdanan.
"May girlfriend ka na ba?" biglang tanong nito.
"Ano? Ano'ng girlfriend ang pinagsasabi mo?" humagikhik siya at napasulyap rito.
"I'm serious. May girlfriend ka na?" sumeryoso ang mukha nito at hinarangan siya nang akmang hahakbang siya pababa.
"Wala akong girlfriend no! Girlfriend ba eh baba--" natatawa niyang sagot rito ngunit bigla ring binawi iyon at namumutlang napatitig sa lalaking nasa baba ng hagdanan at nakatapis ng tuwalya, halatang bagong ahon lang sa swimming pool.
Hindi na niya naisara ang bibig nang makitang tigagal din itong nakatitig sa kanya, 'di seguro inaasahang makikita siya sa lugar na 'yon. Namutla siya agad lalo nang makita niya ang nagsalubong nitong mga kilay.
Natuliro siya. Pano kung palayasin siya nito ngayon? Wala pa naman dito ang mga magulang nito. Tulog rin ang matanda.
Napahawak siya sa balikat ni Gab para sana humingi ng tulong kaso para namang tila nag-apoy ang titig nito sa kanya.