Dalawang oras na niyang sinusuyod ng lakad ang buong luneta. Nagugutom na siya pero ayaw niyang dukutin sa bulsa ang natitirang pera.
Hanggang napaupo siya sa bermuda sa tabi ng isang malaking puno sa gilid ng makipot ngunit sementadong daan kung saan maraming mga taong nagpaparuo't parito. Iyon na lang kasi ang may malaking espasyo ruon.
Maya-maya'y nagulat pa siya nang may tumabi sa kanya. Nang sulyapan niya ito'y napatayo siya bigla.
"Ikaw na naman?" hiyaw niya sa matandang hukluban.
Ang tamis ng ngiti nito pagkatingala sa kanya saka mahinang tumawa, noon niya lang napansing wala na itong kahit isang ngipin sa harapan, naglagas na marahil.
Pinagpag nito ng kamay ang kanina'y kinauupuan niya.
"Halika po, Nanay. Dito tayo mamalimos!" yaya nito.
"Ano?" bulalas niya at kunut-noo itong tinitigan.
Tama ba ang narinig niya, tinatawag siya nitong nanay? Aba'y baliw ata ang matandang 'to. Siya pa tatawaging ina? Dumistansya agad siya. Mamaya, kung totoo ngang baliw ito'y bigla na lang siyang pukpukin sa ulo. 'Di man siya mamatay sa gutom, mamamatay naman siya sa kamay ng isang baliw.
Lumungkot ang mukha ng matandang hukluban, pagkuwa'y dahan-dahang inilabas sa loob ng damit ang isang wala nang laman na cup noodle at inilapag sa harap nila.
Muli itong dumukot sa loob ng damit at inilabas ang dalawang kutsara.
Napadukwang tuloy siya sa loob ng damit nito, na-curious kung ano pang merun sa loob.
Ngunit umagaw ng kanyang atensyon ang kalampag ng barya sa cup noodle.
Awang ang labing nahabol niya ng tingin ang nakabestidang babaeng naglagay niyon sa loob ng cup.
"Giatay na. Napagkamalan pala talaga kaming pulubi," bulong niya sa sarili.
Pero sa isang banda, magandang pangitain 'yun. Magkakaroon na siya ng pera sa gano'ng paraan. Makakakain na siya.
Ginawang instrumento ng matanda ang gilid ng cup noodle at 'yung dalawang kutsara saka ito kumanta ng jingle bells.
Nagulat siya sa ginawa nito sabay tawa.
Marso pa lang ngayon pero namamasko na ito.
Hinila nito ang kanyang kamay at pilit na siyang pinaupo.
"Nanay, sige na po. Kayo ang tumugtog, ako ang sasayaw at kakanta," pakiusap nito na tila totoong batang nagsasalita.
"Ano?" sambulat niya uli.
Bago pa siya nakatanggi ay ibinigay na nito sa kanya ang dalawang kutsara saka ito tumayo at sumayaw habang kumakanta ng jingle bells. Tawa siya nang tawa sa ginagawa nito dahilan upang makaagaw sila ng atensyon ng karamihan. May isa pang naglaglag ng barya sa lagayan, at merun pang isa hanggang sa merun pa uling isa.
Ayos 'to ah. Gano'n lang ang gagawin, may pera na agad ang matanda.
Naengganyo siyang gawing instrumento ang dalawang kutsara at isinunod sa himig ng kanta ng matandang walang ibang alam kundi ang jingle bells, hanggang 'di na niya namamalayang napuno na pala ng barya ang cup noodle, saka lang tumigil ang matanda sa pagkanta.
"Yehey! May pera na tayo pambili ng pagkain, Nanay!" tuwang-tuwang sigaw nito sabay upo sa tabi niya.
Isang tawa lang ang kanyang itinugon.
"Nanay, 'pag nagkapera po tayo ng malaki, ipapaputol natin 'yang pangil mo para po magustuhan ka ni tatay nang 'di na siya maghanap ng iba," sambit ng matanda saka siya hinawakan sa balikat.
"Ha?" maang niyang sambit at mariing tinitigan ang nagsalita.
Baliw ba talaga ang matandang 'to o bumalik lang sa pagkabata at kaya siya nilapitan ay napagkamalan siyang ina nito dahil sa kanyang mga pangil?
Nakaramdam siya ng awa rito. Sino kaya ang kamag-anak ng matanda? Iniwan din ba ito sa lugar na 'yon tulad ng ginawa sa kanya ng kanyang tiyang Amanda? Hindi niya akalaing merun pala talagang masasama ang budhing makakagawa ng mga bagay na 'yon. Okay lang sa kanya kasi makakapaghanapbuhay pa siya. Pero ang matandang ulyaning 'tong wala nang ibang mapupuntahan at mag-aalaga, kawawa naman talaga.
"Sige, simula ngayon, ako na ang nanay mo ha? Tawagin mo akong Nanay Jols. Hindi--ahhmm, Nanay Marble. 'Yun nga. Nanay Marble ang itawag mo sakin," pagtatama niya.
Tumawa ito nang malakas.
"Nanay. Ulyanin ka na yata. 'Di ba ikaw si Minerva?" natatawang sagot nito.
Napahagikhik siya sa narinig.
"Sige na nga, Nanay Minerva na nga lang," pagsang-ayon niya.
Bumaling ang matanda sa mga barya sa lalagyan at binilang ang mga iyon isa-isa.
Naguguluhang pinagmasdan niya ang kamay nito habang nagbibilang.
Ang bilis nitong magbilang ng pera, kilalang-kilala pa ang bawat nahahawakang barya. Tama rin ang pagbibilang nito na tila sanay sa gano'ng gawain.
"Nanay, may dalawandaan na agad tayo. Dito ka lang ha? Bibili tayo'ng hapunan," anito maya-maya.
"Ha?" tila lutang pa rin niyang tugon.
Tumayo na ito at naghanap ng mabibiling pagkain.
Napapailing na lang siya habang hinahabol ito ng tingin. Nang 'di na makita ang matanda ay saka lang niya naisip na sana pala ay kumuha siya sa perang 'yon at pinambili niya ng pagkain. Segurado naman kasing 'di na ito babalik.
Sumilay ang lungkot sa kanyang mukha. Ano'ng gagawin niya ngayon? Nahihiya naman siyang umastang baliw at sumayaw habang kumakanta tulad ng ginawa ng matandang 'yon. Okay lang magka-partner silang dalawa, pero 'yong siya lang mag-isa, ayaw niya, 'di niya kaya.
Subalit laking gulat niya nang bumalik ito sa loob ng sampung minuto. May dala nang paper bag at inilapag sa kanyang harapan saka ito tumayo.
"Alam mong bumalik rito?" gulat niyang tanong.
"Opo. 'Di ba dito naman tayo nakatira?" sagot ng matanda.
Nagtatakang inilabas niya ang laman ng paper bag.
Dalawang pack lunch na styro? Kinuha niya agad ang mga 'yon at binuksan.
Parang ito 'yong kinain nila sa jollibee ah, isang pumpon ng kanin tsaka isang pirasong fried chicken at isang gravy.
Awang ang mga labing bumaling siya sa matanda.
"Saan ka bumili nito?" tanong niya.
"Duon po," humaba lang ang nguso nito para ituro ang sinasabi ngunit 'di niya alam kung saang banda 'yon.
Kinuha nito ang isang pack lunch saka lumantak ng kain na parang bata, nagkamay, walang pakialam kung marumi ang kamay o hindi.
Napahikbi siya. Buti pa ang matandang 'to, kahit hula niya'y ulyanin na pero bumalik sa kanya. Pero yung t'yang Amanda niya, iniwan na nga siya, kinuha pa ang kanyang pera.
"Nanay, umiiyak ka po?" usisa ng matanda, tumigil ito sa pagsubo.
Pinahid niya agad ang luhang namalisbis sa pisngi.
"May naalala lang ako," anya sa deretso nang tagalog.
"Sige kumain ka lang nang kumain Nanay. Bukas, hahanapin na natin ang aking mga kapatid," anito saka nagpatuloy sa pagkain. .
Kinuha niya ang natirang pack lunch at nagsimulang sumubo ng kanin habang naiisip ang mg magulang sa Cebu. Sumagi kaya sa isip ng mga itong mangyayari sa kanya ang gantong bagay dito sa Manila? Seguro tulog na ang mga ito ngayon habang iniisip ang maganda niyang kalagayan rito. Hindi alam ng mga magulang, narito siya kasama ng isang matandang hukluban imbes na ang kanyang T'yang Amanda.
Nakaramdam siya ng awa sa sarili. Ano'ng buhay ang naghihintay sa kanya sa unahan? Ngayon pa lang, kung 'di lumapit sa kanya ang matandang 'to at gumawa ng paraan para makakain sila, saan kaya siya hahanap ng makakain ngayon?
Tinitigan niya ang matanda. Blessing in disguise ito sa kanya. Dapat siyang tumanaw rito ng utang na loob lalo't tulad niya'y iniwan din ito ng pamilya.
Mula ngayon, siya na ang magiging ina nito kahit ilang doble ang tanda nito sa kanya, tutal naman ay ulyanin na ito't napagkamalan siyang ina.