NAPAHAGULHOL si Iarah habang nakasubsob sa dibdib ni Vann Allen. May dumaklot uli sa buhok niya. Masakit pa ang anit niya mula sa pagkakasabunot kanina.
"Janis, tama na," saway ni Vann Allen dito. Inalis nito ang kamay ng kapatid niya sa buhok niya. "Kanina ka pa. Nakasabunot ka na. Tama na."
"Huwag kang makialam dahil wala kang kinalaman dito!" galit na tugon ng kapatid niya.
"Janis, tama si Vann," sabi ni Peighton. "Tumigil ka na. Huminahon ka naman. Huwag mo nang saktan `yang kapatid mo. Buntis si Iya."
"Siya pa ang kakampihan ninyo pagkatapos niyang lumandi? Nagpabuntis pa ang gaga! Hindi ka na nag-isip, Iya. Hindi mo man lang inisip sina Nanay at Tatay. Ang kapal ng mukha mo. Ang gaga-gaga mo!"
Lalo lamang siyang napahagulhol. Kanina pa nagwawala ang kapatid niya. Hinintay nila ni Vann Allen ang pag-uwi ng kapatid niya. Ayaw pa sana niyang magsabi ngunit pinilit siya ni Vann Allen. Patatagalin lang daw niya ang kalbaryo niya. Kung mas maaga niyang masasabi sa pamilya niya, mas magiging maaga ang pagtanggap ng mga ito. Nangako itong sasamahan siya at hindi iiwan.
Dahil sa pangakong iyon, nagawa niyang sabihin sa kapatid niya ang totoong kalagayan niya. Noong una ay hindi mapaniwalaan ng Ate Janis niya ang kanyang ipinagtapat. Ngunit nang makita nitong seryosung-seryoso ang mukha nila ni Vann Allen ay agad siyang sinampal nito. Hindi pa ito nakontento, dinaklot nito ang buhok niya at sinabunutan siya.
Wala siyang nagawa kundi ang umiyak. Si Peighton ang umawat sa pagsabunot sa kanya ng kanyang kapatid. Kaagad naman siyang niyakap ni Vann Allen.
"Ate, sorry," aniya sa pagitan ng pag-iyak. "Hindi ko sinasadya."
"Huwag mong sasabihin sa akin `yan!" singhal nito sa kanya. "Huwag mong sabihing hindi mo sinasadya dahil ginusto mo! Nagpabuntis ka na lang basta. Gaga! Hindi ka man lang gumawa ng paraan para hindi ka mabuntis.Gumamit sana kayo ng proteksiyon! Naturingan kang matalino pero hindi mo man lang naisip `yon! Lalandi ka na rin lang, hindi ka pa nag-isip! Gaga!"
Kung hindi siguro ito pigil-pigil ni Peighton ay nabugbog na siya ng kanyang kapatid. Umiiyak na rin ito. Galit na galit ito. Halos pumutok na ang mga ugat nito sa leeg.
"Tama na sabi!" awat ni Vann Allen sa mataas na tinig. "Kahit magalit ka pa hanggang langit, hindi na maibabalik ang lahat. Nandiyan na. Buntis na si Iya. Pananagutan ko naman, eh."
Natigilan silang lahat at natahimik.
Napatingala siya rito. Ano ang pinagsasasabi nito? Bakit siya nito pananagutan? Alam naman nilang dalawa na hindi ito ang ama ng dinadala niya. Sinasabi lang ba nito iyon upang kumalma ang kapatid niya?
Natawa nang bahaw ang kapatid niya. "Nice one, Vann. But you can't fool me. Akala mo mapapaniwala mo ako? Akala mo, kakagat ako? Hindi ikaw ang ama niyan, si Daniel. Tumigil ka sa pagsisinungaling para sa malanding `yan."
"Akin `to!" ani Vann Allen sa mariing tinig.
"Kahit ano ang sabihin mo, hindi ako maniniwala. Nagsasayang ka lang ng laway. Kilala kita, kaibigan." Matalim ang mga matang tumingin sa kanya ang kanyang kapatid. "Mandadamay ka pa ng ibang tao."
Napabuntong-hininga si Vann Allen. "Aalis muna kami. Magpalamig ka muna ng ulo. Jan, sana `pag lipas na ang galit mo, maisip mong kapatid mo `to. Hindi mo ito puwedeng itakwil. Seryoso ako. Handa akong panagutan siya. Anak ko ang dinadala niya, paniwalaan mo man iyon o hindi."
Inakay siya nito palabas ng apartment. Habang nagtutungo sila sa sakayan ng jeepney ay inabutan siya nito ng panyo.
"Tuyuin mo ang mga luha mo. Baka isipin ng mga tao, inaano kita. Kanina ka pa iyak nang iyak. Maawa ka naman sa mga mata mo. Sigurado ako, kanina pa nagrereklamo ang mga `yan sa pang-aabuso mo. Baka isipin pa ni Lorenzo, ayaw natin sa kanya," anito, sabay haplos sa tiyan niya.
"Lorenzo?" nagtatakang sambit niya habang nagpupunas ng kanyang mga luha.
Ngumiti ito nang masuyo. "Kung magiging lalaki siya, gusto ko, 'Lorenzo Allan' ang magiging pangalan niya."
Natigilan siya. Seryoso ba ito sa pag-ako ng responsibilidad? Seryoso ba ito sa pag-ako ng anak niya? "Vann..."
"Magiging tatay na ako," anito bago pumara ng jeepney. Natutulirong sumakay na siya.
Sandali lang ang naging biyahe nila. Pagbaba nila ay naglakad sila nang kaunti bago sila nakarating sa bahay ng mga ito. Iyon ang unang pagkakataong nakarating siya sa bahay ng mga Balboa. Ang bilis ng tibok ng puso niya. Ano ang naghihintay sa kanya? Ano ang kakaharapin niya sa pamilya ni Vann Allen? Magiging mabuti ba ang lahat?
IGINALA ni Iarah ang mga mata niya sa munting silid ni Vann Allen. Pagkatapos ng tahimik na hapunan na kasama ang pamilya nito ay doon na siya nito dinala. Ang sabi nito ay magpahinga na siya.
Nais niyang gawin ang sinabi nito ngunit hindi niya magawa. Hindi pa rin mapanatag ang loob niya. May bagyo pa rin doon. Alam niyang kausap ni Vann Allen ang mga magulang nito sa labas.
Simple lamang ang kuwarto. Pang-isahan ang papag na may manipis na kutson. May isang mesita at isang upuan sa isang sulok. May ilang libro sa isang maliit na shelf. May nakadikit na posters ni Michael Jackson at ng Backstreet Boys sa dingding. Malinis ang buong silid. Masinop si Vann Allen sa mga gamit.
Napabuntong-hininga siya. Nagi-guilty siya dahil pati ito ay nadamay sa gulo niya. Pati yata ang pamilya nito ay maaapektuhan kung ipipilit nito ang pag-ako sa responsibilidad na sana ay kay Daniel.
Nagulat ang mga magulang at kapatid nito pagdating nila. Ipinakilala siya ni Vann Allen sa pamilya nito. Kahit gulat ay napangiti ang mga ito sa kanya—mga ngiting kaagad na naglaho nang sabihin ni Vann Allen na buntis siya at ito ang ama.
Ang buong akala niya ay ipagtatabuyan sila ng mga ito. Ang akala niya ay magiging katulad ng reaksiyon ng ate niya ang magiging reaksiyon ng mga magulang nito. Sa mahinahong tinig ay sinabi ni Mang Wilson, ang ama ni Vann, na maghapunan muna sila bago sila mag-uusap-usap. Nagsitanguan naman sila.
Pinilit niyang kumain kahit tila ayaw tanggapin ng sikmura niya ang anumang pagkain. Asikasung-asikaso siya ni Vann Allen, halos subuan na siya nito. Nahihiya tuloy siya sa pamilya nito.
Ano ba ang gulong ginawa niya? Napakarami nang nadamay. Si Vann Allen ay nagkaroon ng instant na problema dahil sa kanya.
Napatingin siya sa pinto nang bumukas iyon pagkatapos ng isang katok. Sumungaw mula roon si Frecy, ang isa sa mga kapatid na babae ni Vann Allen.
"Puwedeng pumasok?" nakangiting tanong nito.
Sinuklian niya ang ngiti nito bago tumango. "Siyempre naman."
Sa apat na kapatid ni Vann Allen, ito ang nalalapit sa hitsura nito. Para itong female version ni Vann Allen. Mukhang katulad ng kuya nito ay masayahin din ito. Kasama nitong pumasok sa silid si Armie, ang bunso ng pamilya.
May iniabot si Frecy na ilang pirasong damit. "Napansin kong wala kang dalang kahit ano. Pamalit mo para komportable ang maging tulog mo." Umupo ito sa tabi niya sa kama, samantalang si Armie ay tahimik na umupo sa silya.
"S-salamat," nahihiyang sabi niya.
"Hindi kami naniniwalang si Kuya ang ama ng ipinagbubuntis mo," sabi ni Armie.
Hindi siya makatingin sa magkapatid. Hindi rin niya alam kung ano ang sasabihin niya sa mga ito. Hindi niya magawang magsinungaling at igiit na si Vann Allen ang ama ng dinadala niya. Paano ba nalalaman ng mga tao sa paligid nila na hindi ito ang ama kahit na pilit nitong inaako ang lahat?
"Kapatid ka ni Janis, `di ba?" tanong ni Frecy sa kanya.
Tumango siya.
"Akala namin dati, nililigawan ni Kuya si Janis," ani Armie. "Panay ang kuwento niya tungkol sa ate mo, eh. Napansin na lang naming laging naisisingit ang pangalan mo. Kakaiba ang kislap ng mga mata ni Kuya kapag binabanggit niya ang pangalan mo. Nabanggit na rin niyang may boyfriend ka na."
"Alam naming hindi gagawin ni Vann ito sa `yo," wika ni Frecy. "Hindi iyon mang-aagaw ng syota ng iba. Kahit pa sabihin niyang nakipaghiwalay ka na sa boyfriend mo, hindi pa rin kami maniniwalang nabuntis ka niya. Hindi niya gagawin ito sa `yo. Igagalang ka niya. Abot hanggang langit ang magiging respeto niya sa `yo. Hihintayin ka niyang dumating sa tamang edad. Ilang taon ka lang ba? Magkaedad lang yata tayo."
"S-sixteen," sagot niya sa mahinang tinig. Magiging seventeen na siya pagkatapos ng tatlong buwan.
"Magkaedad nga lang tayo. Mukha kang mabait, Iya. Gusto kita—kami ni Armie. Kung anuman `yang pinagdaraanan mo, malalagpasan mo rin `yan. Hindi ka naman pababayaan ni Vann."
Napatingin siya sa mga ito. Nakangiti ang dalawa. Tila siya nabunutan ng dalawang tinik. Walang panghuhusga sa mukha ng mga ito.
"Ang suwerte mo sa kuya ko," ani Armie. "Kahit ano ang mangyari, kahit ano ang mapag-usapan nila sa labas, magtiwala ka lang. Hindi ka iiwan ni Kuya."
Nag-init ang kanyang mga mata. Napagtanto niyang masuwerte pa rin siya dahil may isang Vann Allen na nagmamalasakit sa kanya. Sinalo siya nito, tinulungan, at binigyan ng liwanag at pag-asa ang kanyang madilim na mundo.
Mahal pa rin siya ng Diyos dahil binigyan siya Nito ng isang Vann Allen.
SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon ay nainis nang husto si Vann Allen sa kanyang pamilya. Bakit ayaw maniwala ng mga ito sa mga sinasabi niya? Bakit hindi siya maintindihan ng mga ito?
"Ako ang tatay n'on," giit niya sa mga ito.
Nasa labas sila ng kanilang bahay at doon nag-uusap. Naroon ang nanay at tatay niya, at ang mga ate niya. Hindi na nila isinali sa pag-uusap sina Frecy at Armie. Inutusan na lang niya ang mga ito na asikasuhin muna si Iarah.
"Tumigil ka sa pagsisinungaling, Vann," naiinis na sabi ng Ate Jhoy niya.
"Hindi ako nagsisinungaling!" Siya ang tatay ng ipinagbubuntis ni Iarah, tapos ang usapan. Hindi mahalaga kung hindi siya ang biological father. Siya ang magiging tatay niyon. Wala na si Daniel, iniwan na nito si Iarah.
Siguro ay nagpapakatanga siya. Siguro nga ay siya na ang pinakamartir na lalaki sa balat ng lupa. Pero ang pakasalan si Iarah ang pinakatamang gawin. Iyon ang isinisigaw ng puso niya. Hindi niya ito maaaring pabayaan. Hindi siya maaaring sumali sa mga taong galit dito. Sino na lang ang kakapitan nito kapag nagkataon?
Aminado siyang nakaramdam siya ng matinding galit nang malaman niyang buntis si Iarah. Hindi siya manhid upang hindi masaktan nang husto. Nainis siya nang todo sa naging sitwasyon nila.
Pero naisip niya, naroon na iyon. Wala na siyang magagawa. Naaawa siya kay Iarah at sa batang dinadala nito. Ayaw niya itong iwan tulad ng ginawa ng walanghiyang Daniel na iyon. Nais niyang maging ama ng anak nito.
Hindi baleng magmukha siyang tanga. Hindi baleng pagtawanan siya. Ang mahalaga, kasama niya si Iarah. Bubuo sila ng isang pamilya. Magpapakasal sila.
"Anak," sabi ng kanyang ama sa mahinahong paraan. "Tinuruan kitang respetuhin ang mga babae upang respetuhin din ng iba ang nanay at mga kapatid mo. Sigurado ako, hindi sa `yo ang bata. Hindi mo magagawa iyon kay Iarah."
"`Tay, lalaki ako. Ang ganda-ganda ni Iya. Hindi ako nakapagpigil."
Napabuntong-hininga ito. "Niloloko mo lang ang sarili mo."
Nais niyang matawa sa sobrang bilib ng pamilya niya sa buong pagkatao niya. Isang santo ang turing ng mga ito sa kanya.
"Hindi mo pa nagagalaw ang babaeng iyon," anang Ate Toni niya na tila siguradung-sigurado ito sa sinabi nito. "Ngayon nga lang namin `yan nakita, eh. Hindi mo gagalawin `yon kung hindi mo syota. Kung naging syota mo `yon, sa unang araw pa lang ng relasyon n'yo, ipinakilala mo na siya sa `min."
"Kilala ka namin, anak," anang nanay niya. "Naikuwento mo na rin dati na may boyfriend na si Iya kaya hindi ka makaporma. Anak, sigurado ako, hindi sa `yo ang ipinagbubuntis niya. Hindi mo `yon magagawa, lalo na kung mahal mo talaga siya. Hindi mo hahayaang mangibabaw ang pagnanasa. Naiintindihan ko ang hangarin mong makatulong. Tutulungan pa rin natin si Iya pero huwag kayong magpapakasal. Ang babata pa ninyo. Wala pa siya sa tamang edad. Hindi rin magiging legal ang kasal n'yo."
Nasabunutan niya ang buhok niya sa sobrang frustration. Kilalang-kilala siya ng pamilya niya. Tama ang mga ito. Kung siya ang naging nobyo ni Iarah, hindi sila aabot sa ganoong uri ng intimacy. Igagalang niya ito. Hihintayin niyang magkaroon sila ng basbas ng simbahan bago nila gawin ang pagtatalik. Ganoon siya pinalaki ng mga magulang niya.
"Huwag ka ngang magpakatanga," anang Ate Jhoy niya. "Sige, kunwari nagpakasal kayo. Ano ang ipapakain mo sa pamilya mo? Saan ka kukuha ng panggastos? Akala mo ganoon lang bumuo ng pamilya? Ni hindi ka pa nakakapagtapos ng pag-aaral."
"May trabaho na ako," tugon niya.
"Ay, oo nga pala!" anito sa sarkastikong tinig. "Commercial model ka na pala. Lollipop Boy ka na pala. Pumirma ka na nga pala ng kontrata sa manager mo. Kung itutuloy mo `yang pinaplano mo, hindi pa man lumalabas ang Lollipop Boys, palubog na kayo. Dahil `yon sa `yo. Mag-isip ka nga. Sino ang iidolo sa isang teenage dad? Idadamay mo pa ang grupo mo sa mga kalokohan mo. Hahayaan mong bumagsak ang mga pangarap ninyo?"
Napapikit siya nang mariin. Naalala niya ang mga kagrupo niya. Kahit ayaw niyang aminin, may punto ang Ate Jhoy niya. Hindi na nga pala siya simpleng binatilyo lamang. Sa susunod na buwan, pormal nang ilo-launch ang Lollipop Boys.
Dahil sa kasikatang tinamo nila sa lollipop commercial, inalok sila ni Angie Cancer na maging mga alaga nito. Sa music industry sila unang papasok. Magkakaroon na sila ng album. Dahil grupo ang kabibilangan niya, kinalimutan niya ang stage fright niya at pumirma ng kontrata.
Kailangan na nga pala niyang alagaan ang reputasyon niya. Pero paano si Iarah? Hindi niya ito maaaring pabayaan.
"Pag-isipan mong maigi, anak," sabi ng tatay niya. "Magpahinga na tayo. Bukas na natin ituloy ang pag-uusap na ito."
Tumango na lang silang lahat.
Siya ang huling pumasok sa bahay. Dahan-dahang binuksan niya ang pinto ng kuwarto niya. Natutulog na si Iarah. Namamaga ang mga mata nito. Awang-awa siya sa hitsura nito.
Maingat na hinagkan niya ang noo nito.
Magiging maayos ang lahat, Iya. Aayusin ko para sa `yo.