Hello nga pala boss, matagal na akong nakikinig sa channel mo at gustong gusto ko yong aswang sa maynila na kwento ng isang subscriber din ninyo, sana mabigyan mo ng pansin itong kwento ko tungkol sa pinuntahan kong tribo sa isa sa mga Isla sa Indonesia ang Kalimantan Island, Ako nga pala si Jokan mula sa San fernado la Union po boss, sadyang binago ko ang mga pangalan ng mga karakter sa kwento sa kadahilanang gusto kong protectahan sila sa kanilang trabaho at pamilya. Mahilig kaming magkakaibigan sa mga paranormal events at naniniwala kami dito kase minsan ay napatunayan na namin ang kanilang presensiya at naranasan na naming makipaglaban sa isang aswang na nagbalat kayong isang malaking aso.
Nagtatrabaho kami noon sa Singapore at dahil malapit lang, napagpasyahan namin ng mga kaibigan na puntahan ang tribo ng mga katutubong Indo sa isla ng Kalimantan noong December 23, 1987. Mayroong nakapagwento kase na maganda ang isla at magandang magbakasyon doon, mayroon din daw itong kakaibang kwento tungkol sa mga elementong gaya ng aswang sa atin at ang tawag nila ay kumokodong ito ay isang uri ng aswang na ang kinakain ay yong bata sa sinapupunan o bagong silang na sanggol.
Ang aswang na ito ay may mahaba at itim na bohok, at gaya nang manananggal meron itong mahabang dila na syang ginagamit sa pagdukot sa sanggol sa sinapupunan nang biktima. Wala itong katawan, tanging lamanloob lang na nakadugtong sa kanyang ulo, di gaya nang manananggal na putol ang kalahati nang katawan. Wala itong pakpak at nakalutang lang ito sa hangin habang nakabitin ang mga lamang loob. Makikita mong humihinga ang mga baga nito at tumitibok ang puso. Ang sabi nang iba, tao daw ito na nagpapahid nang langis upang humiwalay ang ulo at lamang loob nito sa kanyang katawan, sabi naman nang iba ito'y isang masamang espiritu na lumalabas sa kadiliman nang gabi at nag lalaho pagsikat nang araw. Magkaiba mang ang paniniwala nang mga tao tungkol sa kumokodong, iisa ang kanilang nararamdaman kapag naririnig ang pangalan nito. TAKOT!
Mayroon ding pontianak o mantianak yong multo ng babaing buntis na namatay na di pa nakakapagsilang, maaarinng pinatay siya kaya siya naghihiganti.
Nagtungo kami sa isang Resort na malapit sa kalimantang island, napansin kong maraming puno ang lugar na yun, presko ang hangin at napapagitna sa gubat at dagat. Mayroon akong napansin na tila usok sa may gitna nang gubat ,naisip ko na mayroong mga tao rin sa dako roon
na nangangahoy din at nagsisiga nang kahoy.
Noong 1987 tahimik pa ang lugar di pa masyadong dinadayo ng turista di tulad ngayon. Isang umaga napag pasyahan kong kumain sa isang restaurant na malapit sa resort, napansin kong kahit malayo sa palengke yong lugar na pinuntahan namin sagana sila sa karne gulay at prutas ,binuksan ko isa-isa ang mga takip ng kaldero at namangha ako sa mga putahe, ang sasarap sa paningin ko, umurder ako ng isang putahe na itsurang adobo masarap siya, pininyahan ito at lasang adobo maalat alat at manamis namis, napakain ako ng madami. Wala akong masabe, pati yong ibang luto masasarap din.Pagkatapos kong kumain napagpasyahan kong mag ikot sa isla para maghanap ng pwedeng mai uwi pagbalik ng Singapore.
Sa paglalakad ko mayroon akong nakitang babae na karga-karga ang anak nya at mayroong dalang kaing sa ulo nya, sa tingin ko noon nasa edad 25 ang babae at parang sanggol pa ang anak. Naawa ako sa kanya, sinundan ko sya para tulongan ngunit mabilis syang nakapasok sa gubat at nawala ito sa paningin ko kaya nagpàtuloy na lang ako sa aking pag iikot.
Sa islang iyon ay mayroon akong napansing malaking bahay sabi ko sa sarili ko na ang yaman siguro ng may ari ng bahay na to, nakapagtataka kase sa layo ng isla ay nakapagpatayo ang may ari ng ganoon kalaking bahay. Walang masyadong sasakyan ang nagpupunta doon, at paghinatid ang mga materyales kailangang umarkila nang truck at barko para makarating sa isla na yun dahil ang centro na bilihan ng materyales ay sa Bali Indonesia mismo, ibig sabihin mayaman talaga ang may ari. Sadya rin ang mataas nitong mga pader na tila mayroong kababalaghang itinatago sa loob.
Nakatingin ako sa malaking bahay ng may isang batang nagsalita sa likod ko, mag ingat daw ako sa matandang nakatira doon kase may alagang komokodong daw ito at ito raw ay kumakain ng mga sanggol. Nawirduhan ako kayat nagtanong ako kung ano ang komokodong. Nahihirapan man sa pag sasalita nang ingles ay pinaliwanag niya ito. Ang sabi nya isa daw itong halimaw na may ulo nang babae na may mahaba at itim na buhok, pulang mata at nakabitin rito ang mga lamang loob nya, wala itong katawan nakalutang lang ito at gumagala sa gabi para maghanap nang mabibiktimang buntis. At ayun sa bata yong komokodong daw ay nakakulong sa loob ng bahay at pinapakain nang may ari dahil nagbibigay raw ito ng swerte sa negosyo. Kung ano ang ipinapakain nang may ari nang bahay sa kumokodong ay walang nakakaalam.
Bumalik ako sa resort na nag iisip kung ano nga ba ang kumukodong, weird sabi ko sa sarili ko, pero inaamin kong kinikilabutan ako sa sinabi nang bata. Nasa ganung pag iisip ako ng dumating ang mga kasama ko pinaguusapan nila yong mga kinain nila sa restaurant kung saan ako kumain. Pinakamasarap na recipe daw ng karne ang natikman nila, napangiti ako kase akala ko ako lang ang nakapansin, lasang adobo na me pinya ang recipe at nagmamantika pa ang sauce.
Pangalawang araw namin sa isla noon nang mag yaya ng inuman ang isa sa mga kasama ko na si Janver, ayon sa kanya pangatlong beses na niya sa lugar na iyon at mayroon siyang alam na night bar at doon nga kami nagpunta. Mga ala una na ng gabi ng yayain ni Janver ang kasintahang si Winnie para umuwi na, napansin nya kasing nabo-bored na ito kasi hindi ito nakakasali sa inuman pagkat nagdadalang tao si Winnie. May mga nakasayaw kaming mga babae kaya pinauna na namin ang magkasintahan.
"Ingat kayo, may kumokodong na gumagala sa lugar na ito, ahahahaha!" Bilin ko sa magkasintahan.
"Kumo ko dong!!!" Sagot ni Janver na ang ibig sabihin sa bisaya ay "Ang kamao ko" at silay umalis na.
Nawala ang ngiti nang mga babaeng kasayaw namin nang marinig ang sinabi ko. Hinila ako nang isang babae at bumulong.
"Did you say Kumokodong?" bulong nang babae na napakalapit sa aking tenga.
Kinilig ako sa ginawa nang babae, nawala sa isip ko ang kanyang sinabi kaya pinaulit ko ito sa kanya. Muling bumulong ang babae.
"I though i heard you say kumokodong, you should not speak of its name because it will come to you." Muling bulong nang babae.
Sa mga oras na iyon ay lasing na ako, hindi na ako natatakot sa kung anong halimaw na hindi ko alam kung totoo ba oh hindi. Sumigaw ako nang malakas "KUMOKODONG!!" natigilan ang mga tao at napatingin sa akin nang masama, ang iba'y dali-daling umuwi. Inakbayan ako ni Jefrox na kasama ko at nag yaya na itong umuwi. Umuwi na rin ang mga kasayaw naming babae kaya pumayag na akong umuwi narin. Alas tres na nang madaling araw ng makarating kami sa resort na tinutuluyan namin, napadaan kami sa kwarto ng magkasintahan ngunit patay na ang ilaw ng kwarto nito kaya inisip naming tulog na sila, tumuloy na rin kami sa aming mga kwarto.
Kinaumagahan nalaman naming wala sa kanilang kwarto si Janver at Winnie, hindi naman kami nag alala kasi baka may pinuntahan lang. Nagtanong ako sa staff kung napansin ba nila sina Janver na dumating nang madaling araw ngunit walang nakapansin sa mga ito kaya kinabahan na kami.
Gumabi na ngunit wala pa rin sila kaya napagpasyahan namin na magreport na sa mga pulis. Sabi nang mga pulis na kailangan munang dumaan ang 24hrs para madeklarang missing ang isang tao kaya kinaumagahan na nagkaroon nang search and rescue. Pinuntahan namin lahat nang pwede nilang puntahan. (wala pang selpon sa panahong yun incase hindi nyo alam 😂) Ala una nang tanghali nang natanggap namin ang balitang natagpuan nang mga pulis ang sa tingin nila ay mga gamit ni Janver. Agad kaming pumunta sa lugar at nakompirma namin na kay Janver yun dahil sa pitaka ni Janver.
"Ano kayang nangyari kay Janver?" Tanong ni Jefrox sakin.
Hindi ako nakasagot, naglalaro sa isip ko ang sinabi nang babae sa bar. Palingon-lingon ako sa paligid, maraming nakikiusyoso na mga lokal na taga ron. Naisipan kong sabihin ang salitang kinatatakutan nang lahat nang tao dun.
"Kumokodong"
Nagtinginan ang mga tao at ang iba'y nagtakip nang bibig, nagulat sila sa narinig nila mula sa isang turista na dayo lang sa kanilang lugar. Inulit kong banggitin ang ang salitang yun.
"Kumokodong"
Nagsiatrasan ang mga tao, lumayo at nagbulonggan. Hanggang sa sinigaw ko ang kinatatakutan nilang salita.
"KUMOKODONG!!!"
Nagulantang ako nang mula sa gubat ay narinig ko ang makapanindig balahibong sigaw nang isang babae. Nagsitakbuhan ang mga tao, bumunot nang baril ang mga pulis at kaming lahat ay sa gubat nakatuon ang atensyon.
"Tulong!!! Tulungan nyo ako!!" Sigaw nang babae.
Boses iyon ni Winnie, dali-dali naming hinanap ang pinanggalingan nang sigaw. Napakasukal nang gubat at maraming mga halaman na matitinik, ang ibang pulis ay hindi na pumasok pa sa gubat. Tinawag ako ni Jefrox para bumalik na pagkat hindi na rin sumusunod ang mga pulis ngunit kailangan kong makita si Winnie.
Mag isa nalang akong naghahanap sa gubat, sa totoo lang ay naligaw na ako sa mga panahon na yun, di ko na ma wari kung saan ako lalabas nang gubat. Sa isip ko lang ay kailangan kong makita si Janver at Winnie.
Nagsimula nang dumilim, napadpad ako sa isang batis at nakita ko ang babaeng nakita ko noong isang araw, karga-karga nya ang kanyang anak at may kaing sa ulo. Tinawag ko ang kanyang pansin at ito'y napatingin sakin. Ngumiti ito sakin, napakaganda nang ngiti nito. Tumawid ito sa batis at sinundan ko xa, gusto ko syang tanungin kung nakita ba nya ang mga kaibigan ko ngunit hindi niya ako naiintindihan. Sumenyas lang ito na sumunod ako sa kanya, kaya sinundan ko sya.
Kahit may anak na ito'y parang dalaga pa rin ang hubog nang kanyang katawan, nababakat sa manipis nitong damit ang malulusog at punong-puno nang gatas na mga dibdib nito. Kung ano-ano na ang naglalaro sa isip ko habang sumusunod sa babae.
Nakarating kami sa isang lumang kubo, sa tingin ko'y duon nakatira ang babae. Nakakapagtaka lang dahil napaka rumi na nang bahay, puno ito nang alikabok at sapot nang gagamba. Pumasok ang babae sa loob, lumingon ito sa akin at muling ngumiti sabay senyas na pumasok rin daw ako. Nag init ang katawan ko sa mga oras na yun, agad akong pumasok sa kubo.
Inilapag nang babae ang kanyang sanggol sa higaan, nilingon ko kung may ibang tao ba sa loob nang kubo ngunit wala akong nakita. Tumalikod ang babae at nagulat ako nang maghubad ito nang damit. Napakakinis nang likod nito at balingkinitan ang katawan, parang hindi ito nanganak. Habang nakatalikod lumingon ito sa akin at ngumiti nanaman, lalo akong ginanahan kaya naghubad narin ako nang damit. Tiningnan ko sya mula ulo hanggang sa nakalutang nyang paa, napaka ganda talaga nang katawan nito.... teka... nakalutang ang paa?!!! Mabilis pa sa alas kwatro akong tumakbo palabas nang kubo, mula sa likod ko'y narinig kong tumili ang babae. Paglingon ko'y nakita ko itong lumulutang habang humahabol sakin at sa likod nito nakasabit ang kanyang anak na may matatalas na pangil at mapupulang mata, manang-mana sa ina.
Nagsisigaw ako habang tumatakbo hanggang sa makarating ako sa likod ng malaking bahay na nakita ko noong akoy naglakad-lakad. Nasa pampang ako sa itaas nang bakod nang bahay, palapit na nang palapit ang babaeng nakalutang at ang kanyang anak kaya pikit mata akong tumalon papasok sa bakod nang malaking bahay. Masama ang pagkakabagsak ko, napilayan ang kaliwang paa ko kaya gumapang ako at nagsisigaw, humihingi nang tulong sa may ari nang malaking bahay. Nilingon ko ang babaeng lumulutang ngunit hindi na ito sumunod sa akin.
Hindi naka ka lock ang pinto sa likod nang bahay kaya pumasok na ako habang humihingi nang tulong. Sa loob ay narinig ko ang boses ni Winnie.
"Jokan, tulungan mo ko." Nanghihina na ang boses nito.
"Nasaan ka Winnie? nasaan si Janver?" Tanong ko sa kanya.
"Nandito ako sa basement, bilisan mo tulungan mo ako."
Agad kong hinanap ang daan papuntang basement at napadaan ako sa kusina. Nagulantang ako nang makita ang bangkay ni Janver na nakahiga sa ibabaw nang malaking mesa at wakwak ang tiyan nito. Nakalabas ang mga lamang loob at may mga organs na kulang, wala na rin ang mga mata nito na parang hinigop.
"Dios ko! Ano itong napasukan ko?!
Nagpatuloy ako sa paghahanap sa basement, sinundan ko ang boses ni Winnie hanggang sa makarating ako sa pinto nang basement, may gate ito at nakakandado. Napakadilim sa loob dahil gabi na nang mga oras na iyon at walang ilaw sa basement.
"Winnie nakakandado ang gate papasok dyan, alam mo ba kung saan ang susi?" Pagbabakasakali kong tanong kay Winnie.
"Sa kwarto nang matanda, sa loob nang drawer." Sagot nito na namamaos na ang boses.
Pa ika-ika ma'y agad kong pinuntahan ang kwarto nang matanda at hinanap ko sa drawer ang susi, may nakita rin akong flashlight kaya dinala ko na rin. Habang pilit na tumatakbo ako pabalik nang basement naisip ko ang sinabi nang bata tungkol sa kumokodong na nakakulong daw sa loob nang mansyon. Sa panahon na yun ay wala na akong hindi pinapaniwalaan, kaya pagdating ko sa basement ay naniguro ako.
"Winnie? Ikaw ba talaga yan"
"Oo ako ito, bilisan mo, buksan mo na ang kandado." Namamaos ang boses nito.
Hindi naman siguro marunong mag tagalog ang kumokodong, sa pagkakaalam ko'y Javanese ang lingwahe nang mga lokal doon. Kaya binuksan ko ang kandado ngunit bago ko buksan ang gate ay naalala kong may flashlight pala ako. Tinutok ko ang flashlight sa loob at laking gulat ko nang makita ang isang ulo nang babae na nakalutang habang nakabitin ang mga lamang loob nito. Humaba ang dila nito at muntik na akong maabot. Hindi ko na nagawang muling ikandado ang gate sa takot ko. Tumakbo na ako palabas nang bahay, napansin kong may bangkay sa loob nang kotse na nakaparada sa labas nang bahay.
"Siya kaya ang may ari nang bahay?" Natanong ko sa sarili ko.
Mabuti nalang at walang kandado ang gate sa harap nang bahay at ako'y agad na nakalabas. Naririnig ko pa rin ang boses nang Kumokodong sa malayo kaya patuloy ako sa pagtakbo, hindi ko na ininda ang pilay ko. May nakita akong mga bahay sa malayo kaya doon ako nagtungo.
Dahil sa pagod humina ang takbo ko, malayo na ang boses nang kumokodong kaya medyo kumampante na ako hanggang sa naglakad nalang ako habang humihingal.
Muli kong narinig ang kumokodong, napakalayo na nito sa akin, nilingon ko ito sa aking likuran at nakita ko ito na nasa isang dipa nalang ang layo sa akin. Humaba ang dila nito at pumulupot sa aking leeg. Kahit pagod na pagod na tumakbo ako at nag sisigaw nang tulong ngunit biglang pinasok nang kumokodong ang kanyang dila sa bibig ko kaya ako'y nabilaokan. Sa kagustohan kong mabuhay ay kinagat ko ang kanyang dila at hinarap ko siya. Sinuntok ko ang ulo nito ngunit parang lobo lang ito na lumulutang pabalik. Hinablot ako ang kanyang puso at ningatngat, pinagbuhol-buhol ko ang kanyang bituka at pinaghihila ang kanyang lungs. Lalong humigpit ang pagpulupot nang dila nito sa leeg ko at ako'y tuluyang nawalan nang malay.
Nagising ako nang maapakan nang nagtatakbuhang mga tao ang katawan ko. May nadapa pa at tumama ang dala nitong solo sa leeg ko, naglupasay ako dahil napaso ako. Tinulungan akong itayo nang mga tao at nakita ko ang kumokodong na hinahabol nang mga kalalakihan. Pinagbabato nila ito nang bato at sibat, sinasabuyan nang asin at bawang hanggang sa pumasok ito sa kagubatan.
Hanggang ngayon ay maririnig parin ang sigaw nang kumokodong sa kagubatan. Tila may hinahanap ito.
Malungkot kaming bumalik nang Singapore sa pagkawala nang dalawa naming kaibigan at ang magiging anak sana nila. Pero kahit malungkot ang pagbabalik namin hindi ko nakalimutan magdala nang pasabubong sa Singapore. May mga kwintas at bracelet na pinamigay ko sa mga kaibigan ko, at syempre meron din akong itinabi para sa sarili ko, isang napaka espesyal na bagay mula sa Indonesia. Sa loob nang garapon na may langis na nakatago sa aking vault ay ang dulo ng dila nang kumokodong.....
--wakas--