webnovel

Dinner is Served

Ten seaters ang mahabang dining table ng mga de Vera. Sa may kabisera nakaupo si Raul. Sa may kanan nito si Helen na katabi naman si Alex. Si Bryan naman at Angel ay magkatabi sa kaliwang bahagi.

"Angel, i-try mo itong seafood paella ko. Specialty ko iyan." Iniabot ni Helen sa kanya ang platter na may paella.

"Ah... salamat po." Inabot naman iyon ni Angel at nagsalin sa kanyang plato.

"Damihan mo ang kunin mo. Masarap iyan, promise," ang sabi pa ni Helen.

Nginitian ito ni Angel. Atubili siyang dagdagan pa ang pagkaing nasa plato niya. Para kasing hindi na niya kayang ubusin pa kung dadagdagan pa niya ang paella na nasa plato niya dahil naparami na rin siya ng kain.

Mabuti na lamang at nandoon si Bryan, to save her as usual. Kinuha nito mula sa kanya ang platter ng paella. "Mom, baka naman maempatso itong girlfriend ko."

"Hay! Kayong mga lalaki talaga! Tumaba lang ng konti ang girlfriend o asawa ninyo, hindi na siya attractive para sa inyo," biglang hirit ni Helen.

"Wala naman po akong sinasabing ganoon, eh," ani Bryan. "Baka lang po maempatso itong si Angel at sumakit ang tiyan."

"Para ano pa't naging doktor ako?" tanong naman ni Helen. "Sige lang, Angel. Kumain ka lang ng kumain diyan at hayaan mo iyang boyfriend mong kill joy."

"Hay naku! Si Mommy talaga." Nailing na lamang si Bryan.

"Eh baka naman kasi busog na talaga itong si Angel?" ang sabi ni Raul sabay ngiti sa kanya.

Napangiti rin siya dito. Ang bait talaga ng parents ni Bryan, lalo na ang daddy nito na parang napaka-warm at sweet ng personality.

"Bundat na po iyan sa dami ng carbonara na kinain," ang sabi naman ni Alex.

Pinanlakihan niya ng mata ang kapatid, na napabungisngis na lamang bago muling nagpatuloy sa pagkain.

"Paborito mo ba ang pasta, Hija?" tanong ni Raul sa kanya.

"Opo," sagot niya.

"Pareho pala kayo ni Benjie." Saka nagpatuloy sa pagkain si Raul na parang wala lang iyong sinabi niya.

"Kaya pala iyon ang ni-request ni Bryan," ang sabi naman ni Helen. "Paborito mo pala kasi ang pasta."

Nginitian niya ang ginang. Hindi niya alam kung saan siya na-touch, sa katotohanang naaalala pa ni Raul ang paborito ng daddy niya na dati nitong kaibigan, o sa kaalamang natandaan ni Bryan ang paborito niyang pagkain?

Pasimple siyang tumingin sa katabi. Parang walang-anumang patuloy lamang ito sa pagkain. Saka nito kinuha ang platter na may salad.

"Try mo rin itong salad nicoise ni Mommy. Di ba mahilig ka rin sa brocolli?" Tsaka nito sinalinan ang plato niya. "At least mas magaan ito sa tiyan kaysa sa paella."

Hindi na naman mapigilan ni Angel ang kiligin dahil sa pagiging sweet ni Bryan. "Salamat..." aniya na hindi na napigilan pa ang kanyang ngiti.

Nginitian naman siya ni Bryan, na lalo niyang ikinakilig. 𝘛𝘩𝘢𝘵 𝘴𝘮𝘪𝘭𝘦... Ewan niya pero kakaiba talaga ang hatid na kilig sa kanya ng smile ni Bryan. Dahil ba sa lalo itong nagiging gwapo dahil sa ngiting iyon? Ewan niya, pero kahit nasaan yata sila, kahit unintentional ang pagngiti sa kanya ni Bryan, ay magiging consistent pa rin ang kilig na dulot ng ngiting iyon sa kanya.

"Kumusta na nga pala ang daddy ninyo?" biglang tanong ni Raul.

Na nagpabalik naman sa matinong pag-iisip ni Angel na saglit na nawala dahil sa killer smile ni Bryan. "Ahm... okay naman po. Okay naman po sila nina Mommy."

"How is MPCF? I heard halos lahat yata ng kumpanya dito sa Tarlac ay kliyente ninyo."

"Oo nga po," sagot niya. "Maliban na lang po sa TGH."

"Well, bago pa kasi naitayo ang MPCF ay may external auditor na ang TGH. Eh malaking kumpanya din naman iyon kaya sayang naman kung bibitawan din namin ang serbisyo nila."

"Tsaka sa Manila po iyon," aniya. "Siyempre kung kukuha po kayo ng ibang auditor parang nag-downgrade naman kayo. Pwera na lang kung kasing laki po noon yung magiging bago ninyong auditor."

Napangiti si Raul. "I'm glad you understand. Pero, pwede rin naman naming kunin ang serbisyo ng MPCF. Maraming ibang services pa naman silang ino-offer, di ba?"

"Opo," sagot niya.

"Naku, Tito Raul, memorized po ni Ate yung lahat ng nasa-brochure ng MPCF," ang sabi naman ni Alex.

Muli niya itong pinandilatan ng mga mata.

"May photographic memory ka rin ba kagaya ni Richard?" tanong ni Helen sa kanya.

"Ah, wala naman po. Bata pa lang po kasi kami in-expose na kami nina Mommy at Daddy sa MPCF. Kaya medyo kabisabo ko na po iyong kumpanya."

"Magaling lang po talaga si Ate," ang sabi ulit ni Alex.

"Alex!" Nahihiya na siya sa pagbibida sa kanya ng kapatid.

"Totoo naman, ah! Di ba consistent honor student ka from kindergarten 'til high school? Valedictorian ka rin nung elementary tsaka high school. Tapos ngayon consistent dean's lister ka pa, editor-in-chief ng The Echo, at EVP ng JPIA."

"Wow! Ang galing mo naman pala talaga, Angel," buong paghangang wika ni Helen.

Napangiwi siya. "Hindi naman po." Parang lalo siyang nahiya na nalaman ng mga ito ang mga achievements niya.

"Itong si Bryan, tamad mag-aral iyan," ani Raul.

"Hindi naman," pa-cute na tanggi ni Bryan.

"Anong hindi? Eh hindi ka nga mahilig magbasa ng mga libro mo," segunda naman ni Helen sa asawa. "Alam mo Angel, hindi pa namin nakitang humawak ng libro itong si Bryan. I mean, iyong text book sa school, ha?"

"Kaya nga nagtataka kami kung paanong nakakapasa iyang batang iyan," ani Raul.

Napatingin si Angel sa katabi. "Eh okay naman po ang performance niya sa school. Nasa top students pa nga po siya ng BS."

"Iyan ang tinatawag na magaling," ani Bryan. "Magaling dumiskarte," anito sabay kindat sa kanya.

Hindi siya makapaniwala sa narinig. Kung hindi pa nag-aaral si Bryan sa performance niyang iyon, paano pa kaya kung nagseryoso na talaga ito? Baka mamaya ito na talaga ang mag-top sa buong Business School. Not that she's insecure about it. She's actually amazed.

"Hoy Bryan, ha! Anong diskarte ang sinasabi mo diyan?" ani Helen sa anak. "Baka mamaya anong ginagawa mong kalokohan diyan."

"Mom, ang sabi n'yo nga, it's all in the genes. Eh ang tali-talino nitong si Daddy. Sino pa bang magmamana ng galing niya kundi ako?"

Kahit pala sa bahay nila, ganoon din si Bryan. Jolly, funny, at ginagawang biro ang pagiging mayabang niya kunwari. Oo, ngayon niya napatunayan na hindi naman pala talaga ito mayabang. Biro lang ang kunwa-kunwariang pagmamayabang nito. Though, may karapatan naman talaga itong magmayabang.

"Magaling talaga itong anak mo," ani Raul sa asawa. "Manang-mana talaga sa akin. Bukod sa kagwapuhan at charm, nakuha din niya ang katalinuhan at ang pagiging maabilidad ko."

Ngayon alam na niya kung kanino nagmana si Bryan. Naaaliw siyang panoorin ang pagbibiruan ng tatlo.

"See, Girls?" ani Helen sa kanila ni Alex. "This is what I have to live with every single day. I am really so pathetic."

Natawa silang magkapatid sa kaawa-awang reaksiyon ni Helen sa sinabi."Grabe ka naman," ani Raul sa asawa. "Paki-abot mo nga iyong salad mo, Mahal." Pinalambing pa nito ang pagkakasabi nito ng 'Mahal.'

"Naks! Si Daddy, oh! Dumidiskarte na naman kay Mommy," biro ni Bryan sa ama.

"Hmp! Bumabawi lang iyan," ang sabi naman ni Helen. "O, heto na ang salad mo. Kumain ka ng maraming lettuce at nang matunawan ka't huwag mag-constipate." Pinagsalin pa ni Helen ng salad ang asawa.

"Salamat, Mahal." Tsaka pa kinidatan ni Raul ang asawa.

"Ang sweet n'yo naman po sa isa't isa," komento naman ni Alex sa mag-asawa. "Ngayon alam ko na kung kanino nagmana si Bryan."

"Well, thank you, Alex," ang sabi naman ni Bryan.

"Kung magsalita ka, parang ikaw ang niligawan, ah," ani Angel sa kapatid. Alam niyang may pasabog na naman itong inihahanda.

"Hindi nga ako ang niligawan, pero in full detail ka naman kung magkwento." Tsaka nakakalokong ngumiti si Alex sa kapatid.

At iyon na nga. Nasabugan na ng tuluyan si Angel. Hindi na siya nakapagkomento pa at lihim niyang naihiling na sana kaya niyang batukan ang kapatid na nasa kabilang bahagi ng mesa.

"I wonder what you say about me to Alex," ang sabi naman ni Bryan.

Hindi siya makalingon man lang dahil ramdam niyang humarap sa kanya ang katabi. Mabuti na lang at sinalo siya ni Helen.

"Huwag mo nang kulitin si Angel, Bryan," anito. "It's rude to ask a lady kung ano ang tingin niya tungkol sa isang lalaki. Hayaan mo na lang siyang magkwento kay Alex since siya naman ang confidant niya."

Walang nagawa si Bryan kundi ang sundin ang gusto ng mommy niya. "Sige na nga." Nagpatuloy na ito sa pagkain.

Nakahinga naman ng maluwag si Angel. Mabuti na lang at nailigtas siya ni Helen. Though parang hindi niya nagustuhan ang pahabol na pagkindat nito sa kanya. Mukhang may hidden agenda ito sa pagtulong nito sa kanyang malusutan ang pagtatanong ni Bryan kanina.

Chapitre suivant