NANUYO ang lalamunan ni Danny. Naalala ang kuwento ng mga tanod tungkol sa mga bakas ng paa ng kanyang kuya Lando na papunta sa gubat. Naalala rin niya ang kuwento tungkol sa kung saan ito natagpuang patay. Ilang beses ba siyang nagpalakad-lakad pabalik sa lugar na iyon nang mag-isa, humahanap ng clue kung ano ang totoong nangyari? At heto si Hannah, na malamang ay hindi tao, at pinapakita sa kaniya ang puwedeng magbigay linaw sa mga tanong nilang pamilya.
Tumitig siya sa garapon. Huminga siya ng malalim. "M-magkano 'yan?"
"Iyon lang, hindi pera ang kapalit ng mga ganitong paninda ko. Masyado kasi itong makapangyarihan."
Kumurap siya at napatitig sa mukha ni Hannah. May simpatya sa mga mata nito. "Maniwala ka sa akin, kung puwede ko lang ibigay ng libre ang mga ito ay ibibigay ko. Pero hindi ganoon ang kalakaran ng mundo. Lalo na kapag may halong mahika. Kung ano ang ibibigay dapat may kapalit na kapareho ng halaga. Kapag kasi hindi ko 'yon ginawa mapipilitan ako magsara. Magagalit kasi si Ama kapag hindi ko sinunod ang rules."
Nalaglag ang mga balikat ni Danny at sandaling napayuko. Mukhang nakaramdam si Selna kasi lumapit ito sa kaniya at pinisil ang braso niya. Sinulyapan niya ito. Nagtama ang kanilang mga paningin at narealize niya na alam nitong ang kuya niya ang naiisip niya. Pagkatapos lumingon ito kay Hannah. "Ano ang kapalit ng jar of memories?"
"Well… meron akong matagal na gusto makuha. Marami na rin ang nagtangkang ibigay iyon sa akin kapalit ang isa sa mga garapon ko kaso walang nagtatagumpay. Kailangan ko lang ang mutya."
"Mutya?" sabay na tanong nina Danny at Selna.
Tumango si Hannah. "Hindi niyo pa ba naririnig ang tungkol sa mahiwagang mutya? Sa panahong pinaalis ni Bathala ang lahat ng diyos, diyosa at mga nilalang na may taglay na kapangyarihan dito sa kalupaan, isa ang mutya sa kakaunting bagay na mayroon pa ring mahika na iniwan niya para sa mga tao. Lalo na para sa mga matindi pa rin ang pangungulila sa kapangyarihang dati ay natural na mayroon sila."
Kumunot ang noo ni Danny. "Anong ibig mong sabihin na natural na mayroon sila?"
"Sinasabi mo ba na noong unang panahon natural na may kapangyarihan ang mga tao?" mangha namang tanong ni Selna.
Mukhang nagulat si Hannah. "Hindi niyo alam? Hay naku talaga, nakalimutan niyo na ang inyong pinagmulan. Paano pa kaya sa mga susunod na taon? May makakaisip pa kayang lumingon sa kasaysayan?" Umiling-iling ito, parang nalungkot na hindi nila maintindihan. Maingat nito ibinalik sa shelf ang jar of memories.
Mayamaya huminga ito ng malalim at namaywang. "Bago nagkaroon ng mga tao, mga anito muna ang nilikha ni Bathala. Mga purong espiritu na tagabantay ng kalikasan. Pero pagkatapos ng milyong taon, naisip ng karamihan sa mga anito na gusto nilang magkaroon ng katawan. Kaya pumasok sila sa malalaking punong kawayan at nang may higanteng ibon ang tumuka niyon hanggang mabiyak, lumabas ang mga unang tao.
"Pero kasabay ng pagkakaroon ng pisikal na katawan nawala rin ang kapangyarihan at immortality ng mga anito. Oo at nagawa naman nila mabuhay ng maayos sa pamamagitan ng pangangaso, pagsasaka at kung anu-ano pa. Pero sa loob nila, nananatili ang pangungulila at pagnanasa para sa kapangyarihang nawala sa kanila. Kaya mula noon hanggang ngayon, attracted kayong mga tao sa ideya ng magic at super powers. Kasi nananatili sa dugo ninyo ang alaala ng dati ay maroon kayo. At dahil maawain si Bathala, binigyan niya ng pagkakataon ang mga tao na magkaroon uli ng kapangyarihan. Kailangan nga lang paghirapan. Isa ang mutya sa mga 'yon."
Namangha si Danny. Mukhang ganoon din si Selna. Nang sulyapan niya kasi ito nakanganga ito at nanlalaki ang mga mata. Huminga siya ng malalim at ibinalik ang atensiyon kay Hannah. "Paano ko makukuha ang mutya para maibigay sa'yo?"
"Hindi ko alam kung nasaan eksakto. Basta lumalabas ang mutya sa puso ng saging."
"Ha? Pero ang daming puno ng saging sa buong Tala!" reklamo ni Selna.
"Lumalabas lang ang mutya sa puso ng saging na nakayuko paharap sa silangan, eksaktong alas dose ng gabi. Mapapasakamay lang ang mutya ng kung sino mang makakasalo niyon gamit ang bibig nito at mapanatili 'yon doon hanggang mag umaga. Kung magagawa mo 'yon at willing ka pa ring ibigay sa akin pagkatapos, ibibigay ko sa'yo ang jar of memories."
Nagkatinginan sina Danny at Selna.
"Puwede niyo naman pag-isipang maigi. Nandito lang naman sa lugar na ito ang tindahan ko hanggang lumitaw uli ang bahaghari at malipat na naman ako sa ibang puwesto."
Lumunok siya at tumango. "Pag-iisipan ko."
Ngumiti si Hannah. "At dahil diyan, ibibigay ko sa'yo 'yang sketchpad na hawak mo sa halagang sampung piso lang. Tutal nang ibigay 'yan sa akin ni Mars sinabi niyang ibenta ko raw sa taong alam kong mamahalin at pahahalagahan 'yan. You will treasure it, yes?"
Tumango siya at niyakap sa dibdib ang sketchpad. "Salamat po." Dumukot siya ng sampung piso sa kanyang bulsa at ibinigay kay Hannah.
Lalo itong sumigla at bumaling naman kay Selna. "Okay. Miss, bibilhin mo ba ang charm na may bulong ng Diyosa ng Pag-ibig?"
"Ay, opo."
Pinisil ni Selna ang braso niya bago sumama kay Hannah papunta sa counter. Habang abala sa pagbili ng charm ang kababata niya napatitig na naman si Danny sa jar of memories. Pinagmasdan niya ang marahang paggalaw ng ulap sa loob niyon.
Hanggang makalapit na uli sa kaniya ang kanyang kababata, hinawakan siya sa braso at hinila papunta sa pinto. Nagpaalam sila kay Hannah na ngumiti at masiglang kumaway bago sila tuluyang lumabas ng Store Hours.