webnovel

Chapter Thirty-Four

Nagising si Tammy sa malambot na higaan. Nagulat siya sa kulay pink na bulaklakin na kumot. Nang tignan niya ang kwarto kung saan siya nandoon, nalaman niya na nasa silid siya ni Willow.

"Wammy..."

Naptingin siya sa gilid niya at nakita ang isang bulto na natatakluban ng kumot. Inalis niya ang itaas na bahagi at nakita ang naghihilik niyang kaibigan.

'Ano'ng ginagawa ko rito? Paano ako napunta rito?'

Tumayo siya mula sa kama at napatingin sa mga litrato na nakasabit sa pader ng kwarto. Karamihan ay larawan nilang dalawa ni Willow noong chubby pa ito. Nagulat siya sa dami ng mga ito.

"Hwaaa~" Hikab ni Willow habang kinukusot ang mga mata. "Gising ka na, Tammy."

"Ano'ng nangyari? Bakit ako nandito?"

Sa tanong na 'yon biglang nawala ang antok sa mukha ni Willow.

"Hmp! Kasalanan nung kaibigan mo! Kinidnap ka niya, alam mo ba?"

"Sino?"

"Si Nix! Bigla kang nawala sa tabi ko tapos nakita ko na buhat ka niya sa security room! Hmp! Wala talaga akong tiwala sa lalaking 'yon. Hwag ka na masyado lalapit sa kanya, Tammy. Mukha palang niya, mukhang hindi na gagawa ng maganda."

Natahimik si Tammy sandali. Mukhang nakalimutan ni Willow na kasama niya si Nix noong sumugod sila sa bar para iligtas ito. Hindi alam ni Tammy kung ano ang magiging reaksyon ni Nix kung sakaling marinig nito na ang mukha nito ay mukhang hindi gagawa ng maganda.

Pero biglang naalala ni Tammy na may mga ipinagawa nga siya kay Nix na hindi maganda.

"Si Mama."

"Tinawagan ko na kagabi. Sabi ko dito ka muna. Tawagan mo nalang ulit mamaya."

"Mm."

"Mauna ka nang maligo, Tammy. May mga extra undies ako na bago at hindi pa nagagamit. Mabuti nalang magkasing size na tayo ng katawan, kung hindi..." sabi ni Willow habang nagkakalkal sa walk in closet nito.

Lumabas ito nang may set ng undies at mga damit.

"Sa kabilang room ako maliligo," sabi ni Willow bago i-abot ang mga damit kay Tammy.

Tumango si Tammy at pumasok sa bathroom. Mabilis siyang naligo at nag-toothbrush. Nang lumabas siya sa bathroom na nakabihis na, may napansin siyang mali.

Inabot niya sa likod niya ang hook ng bra. Gusto niya itong i-adjust pero nasa pinaka-mahigpit na ito. Kumunot ang noo niya.

Pumasok si Willow sa kwarto na mukhang tapos na rin maligo.

"Tammy, blower natin ang buhok mo."

"Pillow..."

"Bakit?"

Lumapit si Tammy sa kaibigan at mabilis na itinaas hanggang dibdib ang tshirt nito.

"KYAAAAA!!! TAMMY!!!" gulat na sigaw ni Willow. Kaagad nitong ibinaba ang damit.

"Pumayat ka pero bakit hindi lumiit?" nagtatakang tanong ni Tammy. Nakakunot ang noo niya at matiim na nakatingin sa dibdib ng kaibigan. "How weird..."

"A-Ang alin?" namumula ang mukha na tanong pabalik ni Willow.

Hindi sumagot si Tammy at lumapit na lang sa salamin. Kinuha nito ang suklay at blower at inayos ang basang buhok.

"Ang alin, Tammy?!"

***

Shot through the heart

And you're to blame

Darling, you give love a bad name

Patuloy sa pagtakbo si Banri sa treadmill. Sa magkabila niyang tenga nakapasak ang dalawang earphones at nakikinig sa mga kanta. Ngunit wala sa naririnig o ginagawa ang kanyang isip. Patuloy itong naglalakbay sa nangyari kahapon.

Parang isang walang katapusan na replay ang nakikita niya sa kanyang alaala. Si Tammy na naka-suot ng gothic dress. Si Tammy na naglalakad palapit sa kanya. Sila ni Tammy na magkatabi. Sila ni Tammy habang kinukuhanan ng picture.

Kahit ilang beses niyang ipilig ang kanyang ulo, patuloy parin na bumabalik ang isip niya sa nangyari kahapon.

"AHHHH!!!" frustrated niyang sigaw. Pinindot niya ang control sa treadmill at binilisan ang takbo nito.

Hindi niya maintindihan ang nangyayari sa kanya. Nahihiya siya sa kanyang naiisip. Pakiramdam niya ay malaking krimen ang isipin si Tammy Pendleton pero hindi niya magawang pigilan ang sarili. Bukod pa roon ay nag-iinit ang mukha niya at bumibilis ang tibok ng puso niya. Ano ba ang nangyayari sa katawan niya? May sakit ba siya? Kailangan siguro niyang sabihin ito sa kanyang Mama. Pero paano? Gusto niya itong i-sikreto. Walang pwedeng makaalam na iniisip niya si Tammy!

Muling nag-init ang mukha niya nang sumulpot muli ang mukha ni Tammy sa isip niya. Muli niyang pinakialamanan ang kontrol ng treadmill at muli itong bumilis sa pag-andar.

Sa likod ni Banri, nakamasid ang kanyang Tatang. Hinihimas nito ang pinapatubo nitong balbas at patuloy sa pag-tango. Natutuwa itong makita ang anak na ganado sa pag-excercise. Mukha itong motivated! Dahil kaya ito sa babaeng dinala nito sa restaurant ng kapatid nito? Napaka-ganda ng kanyang magiging daughter-in-law! Wala siyang tutol sa magiging relasyon ng dalawa.

"Isko, tignan mo ang anak ko. Ano sa tingin mo ang dahilan kung bakit siya ganado?"

Napatigil sa pag-mop ng sahig si Isko at tumingin sa direksyon ni Banri. Napaka-bilis ng pagtakbo nito sa treadmill.

"Hindi ko alam, boss. May nangyari ba?"

"Kwakhakhakhakhak! May nagpapatibok sa puso ng anak ko! Napaka-ganda!"

"Talaga, boss? Binata na pala si Banri."

"Hindi na ako makapaghintay na mayakap ang mga magiging apo ko. Kwakhakhakahak!"

"ACHOO!" Bahing ni Banri habang tumatakbo. Bigla siyang nanlamig sa hindi malaman na dahilan.

Napatingin siya sa papadilim na langit. Mukhang uulan.

***

Kinabukasan, bumalik na sa normal na ayos ang Pendleton High. Mabilis na nalinis ang mga props noong school festival. Sa mga booths na naitayo, ang nanalo ay ang class 1-D. Ang Maze of Death ng section ni Banri.

Sa pasilyo ng eskwelahan, naglalakad si Tammy habang hawak ilang papel na may nakasulat na impormasyon at isang registration form. Galing siya sa faculty at kinausap ang adviser ng kanilang section.

'Matagal nang hindi sumasali ang Pendleton High sa kahit na ano'ng national contest. Pero dahil gumaganda na ang imahe ng school, napagdesisyunan na magpadala ng representatives para sa contest. Ang isa sa mga napiling estudyante ay ikaw, Tammy.'

'Dahil sa maganda mo'ng academic records, napili ka para sumali sa National Quiz Bee kasama ang dalawa pang freshmen.'

'Ang coverage ng Quiz Bee ay mga subjects na: English, Filipino, Science, Mathematics, Literature and Social Sciences. Ito ang registration form, i-fill up mo lang 'yan at ipasa sa akin sa friday. Kailangan ng pirma ng guardian mo dahil gaganapin sa kabilang city ang contest.'

'Gaganapin ang elimination round ng contest next month.'

Para kay Tammy hindi naman ganoon ka-big deal ang pagsali sa isang quiz bee. Wala itong ipinagkaiba sa pagrereview sa kanya ng kanyang Mama tuwing summer. Noong nasa elementary siya, sumali na rin siya sa ilang contest kaya naman normal nalang sa kanya ito ngayon. Pero dahil pangalan ng Pendleton High ang dala niya, nakaramdam siya ng kakaibang excitement.

Isang tipid na ngiti ang sumilay sa mga labi ni Tammy habang naglalakad. Napansin ito ng mga estudyante na nasa corridor.

"Mukhang nasa good mood si King ngayon."

"Oo nga, iba ang aura niya."

"Nakuhanan mo ba ng picture si King nung festival?"

"Oi, Banri ano'ng ginagawa mo? Bakit ka nagtatago sa likod ko?"

"S-Sino'ng nagtatago?! May dumi sa likod mo, pinagpagan ko lang!"

"Ganon ba? Thanks, dude!"

***

"T*****a nito talaga si Martin, mga pinapasang link!"

"Baboy mo Martin, magbagong buhay ka na!"

"Dude, alam ng girlfriend ko ang password ko sa cellphone. Sa personal email ko nalang mo ipasa ang link."

"Hoy Martin, may bago ka ba? Pasahan mo nga ako!"

"Easy nga kayo. Baka ikamatay nyo 'yan. Hahahaha!"

"Nakaka-ilang beses ba kayo sa isang araw?"

"May bago akong DVD, punta kayo sa bahay mamaya, panoorin natin."

"Yun oh!"

Habang naririnig ang usapan ng mga lalaki, hindi maiwasan ng grupo nina Helga na dumilim ang mukha. Bulgar din kasi minsan ang kwentuhan ng mga lalaking classmates nila. Minsan nga pati hotel number at ilang beses na ginawa ay alam na nila. Pati tatak ng condom at kung ano'ng klase ang magandang gamitin ay naririnig nila.

Nagkukunwari nalang silang walang naririnig.

Bumukas ang pinto ng classroom at pumasok si Tammy. Lumapit ito sa silya nito at umupo.

"May homework na ba kayo? Sino'ng gustong kumopya? Nagawa ko na sa'kin."

"Grabe, napuyat ako kagabi para mag-advance reading."

"Guys, nakapag-donate na ba kayo sa Sagip Kabataan?"

"Yung meeting mamaya sa church hwag ninyong kakalimutan, ah."

"Naghahanap ng volunteer sa feeding program si Mayor. Nakapagpalista na ba kayo?"

Sinamaan ng tingin nina Helga ang mga lalaki. Kapag talaga dumadating si Tammy parang mga tinutubuan ng puting pakpak ang mga kaklase nila! Mga mapagpanggap!

"Tammy, saan ka galing?" tanong ni Fatima.

"Sa faculty."

"Ano yang hawak mo?" tanong ni Cami.

"National Quiz Bee? Sasali ka ba, Tammy?" Tanong ni Lizel.

"Oh? After so many years, may ipapadalang representative ang school natin?" tanong ni Helga.

"Mm."

"Galingan mo, Tammy para hindi na nila tayo matawag na Zero."

Nagulat si Tammy sa narinig na term. Minsan na niyang narinig ang 'Zero' na tawag sa mga pumapasok sa Pendleton High pero hindi niya alam ang dahilan.

"Bakit Zero?" tanong niya.

"Hahaha! Insulto 'yon sa school at sa mga students."

"Tama. Zero kasi Zero Achievements!"

"Wala naman kasing estudyante na galing dito ang gustong ibabad ang buong time sa pag-aaral. High School level lang din tayo kaya easy easy lang muna."

"True. Sa college ko pa balak na mag-seryoso!"

"Totoo? Hahaha! Diba balak mong maghanap ng college boyfriend?"

"Hehehe! Para may motivation ako syempre."

"Sumali rin sa National Sports Tournament dati ang school natin kaso palaging nadi-disqualified. Masyado raw hotblooded ang mga athletes natin. Palaging napapaaway."

"Sobrang bias nga, e. Kapag may away, palaging school natin ang may kasalanan. Sayang, malalakas pa naman ang teams natin."

"Kaya mababa ang tingin sa school natin. Wala pa kasi talagang napapatunayan ang school natin, eh. So tinatawag nila tayong zero."

"Kaya Tammy, galingan mo!"

"Itayo mo ang bandera ng school!"

"Sa talino mo Tammy, sure na makakapasok tayo sa top three!"

Tumango si Tammy. Naiintindihan na niya. Tinitigan niya ang form na hawak. Mas lalong gusto niyang sumali sa contest.

***

Sa St Celestine High, naka-upo sa loob ng library si Willow Rosendale. Sinasagutan niya ang registration form para sa National Quiz Bee. Sa totoo lang, hindi talaga siya interesado na sumali sa mga ganitong contest. Siguradong kakainin ang free time niya ng mga intensive training. Paano na ang time nila ni Tammy?

Hindi siya ang original na napili para sumali pero dahil nagkaroon ng problema sa estudyante na dapat ay sasali, siya ang napili na pumalit.

Napabuntong hininga nalang siya. Hayaan na, sandali lang naman ito. At kapag nalaman ito ng Lolo niya, siguradong matutuwa ito para sa kanya. Pero sana hwag siyang masyadong ikwento ng Lolo niya sa mga golf buddies nito.

"Are you participating, Willow?" malambing na tanong ng babaeng lumapit sa table ni Willow. May kasama itong dalawang babae na palaging nakasunod dito.

Si Jasmine Fontanilla, ang number one beauty ng school. Maganda, matalino, mayaman. Almost perfect. Ito ang una nilang pag-uusap. Pero may kung ano kay Jasmine na hindi gusto ni Willow. Hindi dahil may masama itong ugali na ipinakita sa kanya. May aura lang ito na hindi niya gusto.

May maliit itong katawan, maputi ang balat nito na parang ibinabad sa gatas. Maamo ang mukha nito at... parang isang lost creature. Para itong kuting na nagpapaawa sa mga tao. At ang bawat nakakakita rito, babae man o lalaki, ay nahuhulog sa kakaibang 'charm' nito.

Hindi komportable si Willow kay Jasmine kaya naman nilalayuan niya ito. Pero dahil pareho silang kasali sa contest, hindi maiiwasan na mag-usap sila.

Muli siyang napabuntong hininga. Sana lang ay mabilis na matapos ang contest para naman malayuan na niya si Jasmine.

Pinagmasdan ni Jasmine si Willow. Hindi nawala ang maliit na ngiti sa mga labi niya kahit na hindi siya sinagot ni Willow. Parte ito ng pamilyang Rosendale. Apo ng isang dating politician na hanggang ngayon ay hindi nawawala ang impluwensya sa mga tao. Hindi ganoon kayaman ang mga Rosendale, pero napapaligiran sila ng mga makakapangyarihang pamilya.

Kailangan ni Jasmine si Willow. Kapag nakuha niya ang tiwala nito, mapalapit sa pamilya nito, siguradong matutuwa ang kanyang Papa sa kanya. Hindi alam ng karamihan na nalulugi na ang ibang negosyo ng pamilya Fontanilla, kailangan nila ng investors.

"From now on, magka-teammates na tayo. Let's get along, Willow."

Chapitre suivant