~ANG GABI NG KAMATAYAN NI ELSA~
DALI-DALING UMUWI si Evelyn. Naguguluhan pa rin siya at may mga katanungan pa rin sa isip niya. Nakatayo siya sa harap ng ika-pitong kuwarto, at pilit niyang nilalakasan ang kanyang loob. May kung anong puwersang tumutulak sa kanyang pasukin ang kuwarto. Alas-dos pa lang ng hapon at maliwanag pa kaya naman lumakas ang loob niyang pasukin ito. Huminga siya ng malalim at nagdasal. "Ano ba'ng iniisip ko?" 'yon na lang ang nasambit niya dahil 'di niya talaga alam kung bakit naroroon siya. Nanginginig ang kamay niya nang hawakan niya ang door knob – nanginginig niyang binuksan ito. Hindi na siya nagtaka kung bakit bukas iyon. Basta dahan-dahan niya na lang na binuksan ang pinto para makapasok. Medyo madilim sa loob, ngunit dahil sa liwanag ng araw na mula sa bintana kaya aninag pa rin ang kabuuan ng kuwarto. Nanginginig man at pinagpapawisan dahil sa takot, wala siyang alinlangang tumuloy sa kuwarto.
Pagkapasok niya biglang nagsara ang pinto. Napasigaw siya. Nang buksan niya ang pinto hindi niya na ito mabuksan pa. Biglang naging gabi at nawala ang liwanag na nagmumula sa labas. Nilakasan niya ang kanyang loob. Biglang nagbukas ang ilaw sa kuwarto at nagkaroon ng mga gamit doon na parang may nakatira na. Biglang nagbukas ang TV na muli niya na namang ikinagulat. May narinig siyang naghihiwa – paglingon niya nakita niya si Elsa. Naghahanda ito ng lulutuin – matamlay ang mukha. Lumingon ito sa kanya. Napalunok-laway siya. Nagkatitig sila sa isa't isa.
Narinig niya ang paggalaw ng door knob. Napaatras siya nang magbukas ang pinto. Pumasok ang galit na lalaki, pamilyar ito sa kanya. "Kuya Robert?" mahinang nasabi niya. Nanlilisik ang mga mata nitong tiningnan siya. Bakas sa hitsura nito na lasing at tila wala sa katinuan. Ibang-iba ang hitsura nito sa Robert na kilala niya na asawa ng ate niya. Matalim ang tingin nito sa kanya na bakas ang galit. Napaatras siya hanggang sa tumama siya sa pader.
Ibinaling ni Robert ang tingin kay Elsa. Nabitawan ni Elsa ang hawak na kutsilyo sa takot. "N-Nagu-gu-tom k-ka na ba?" nauutal na tanong ni Elsa sa asawa. "Naghahanda p-pa lang ako. M-Manood ka muna..." Bakas sa boses nito ang takot.
Napagmasdan ni Evelyn si Elsa. May mga pasa na ito sa mukha at sa mga kamay. Marahil ilang beses na itong sinaktan, kaya naman takot na takot ito. Naupo si Robert at kinuha ang remote control ng TV. Itinuloy ni Elsa ang paghahanda ng pagkain. Nagulat siya at si Elsa nang biglang ihagis ni Robert ang remote control sa pader. Nasira ito sa lakas ng pagkakahagis. Tumayo si Robert at nilapitan si Elsa. Napaatras naman si Elsa, at itinutok ang hawak na kutsilyo kay Robert.
"Papatayin mo ako? Para magsama na kayo ng lalaki mo!" sigaw ni Robert.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo! Wala akong lalaki!"
Humakbang palapit si Robert. "Ilabas mo ang lalaki mo! Papatayin ko kayo!"
"Subukan mong lumapit! Subukan mo lang!" nilakasan ni Elsa ang kanyang loob. Nanginginig man ang kamay, mas lalo nitong hinigpitan ang hawak sa kutsilyo.
"Hayop ka!" dumampot si Robert ng baso sa mesa at ibinato sa mukha ni Elsa, sapul ito at nasugatan malapit sa mata. Nagulat naman si Evelyn – napahawak siya sa kanyang bibig upang hindi magdulot ng ingay. Dinampot ni Robert ang lahat na puwedeng madampot at pinagbabato ito sa kawawang si Elsa.
Napapahiyaw si Elsa sa bawat pagtama ng mga bagay sa kanya. At ang mas ininda niya ay ang pagtama sa tiyan niya. "Tama na! tama na!" hiyaw niya. Nabitawan na niya ang hawak na kutsilyo. Napaupo si Elsa sa sahig hawak ang kanyang tiyan. "Ang baby ko! Ang baby ko! Tama naaaaa..." Iyak niya at muling pagmamakaawa.
Lumapit si Robert at dinampot ang kutsilyo. Tuluyan na itong nawala sa katinuan. Hindi nito pinakikinggan ang pagmamakaawa ng asawa. Sinipa pa nito si Elsa – sinipa ng paulit-ulit.
Dahil sa sobrang takot hindi makagalaw si Evelyn. Napaluha na lamang siya sa takot. Gusto niyang sumigaw ngunit natatakot siyang mabaling sa kanya ang tingin ni Robert. Gusto niyang lumabas ng kwarto ngunit 'di niya makuhang humakbang.
Sinabunutan ni Robert si Elsa. Pulit-ulit pa itong inuntog sa sahig. Wala ng masambit pang salita ang duguang si Elsa, tangin paghiyaw na lamang ang kaya nitong gawin at nakahandusay na ito sa sahig.
"Tama na. tama na. tama na...tama na..." mahinang sambit ni Evelyn habang nakatakip pa rin ang mga kamay sa kanyang bibig. Lalong nanlumo ang pakiramdam niya ng mapatitig siya kay Elsa dahil nakatitig din ito sa kanya. Batid niya ang pagmamakaawa sa mga mata nito.
"Tulong..." mahinang usal ni Elsa. Ngunit tanging pag-iling lamang nang paulit-ulit ang naging tugon ni Evelyn. Nanginginig niyang iniwas ang tingin niya kay Elsa at sa nangyayari dito.
"Walang hiya kaaa! Manloloko kang babae ka! Malandi kaaa! Minahal kita. Binago ko ang sarili ko para sa 'yo. Nagpakatino ako. Pero niloko mo akooo! Papatayin kitaaaa!" galit na galit na sigaw ni Robert habang sakal-sakal si Elsa.
Napatingin muli si Evelyn kina Robert at Elsa. Pamilyar sa kanya ang sigaw na iyon ni Robert. 'Yon ang parati niyang naririnig sa madaling-araw. Napatingin siya sa orasang nakasabit sa pader – saktong ala-una ang oras. Tuluyan na siyang napaiyak.
"Diyos, ko!" hindi makapaniwalang dasal niya nang makitang nasa harapan niya na sina Robert at Elsa. Bigla na lamang siyang napunta sa tabi ng mga ito. Gusto niyang humakbang paatras ngunit 'di niya magalaw ang kanyang katawan.
"Huwag, maawa ka... hindi kita niloloko. Nagkakamali ka sa hinala mo. Wala akong ibang karelasyon. Ikaw lang ang mahal ko! Maniwala ka! Pakiusap, 'wag mo akong sasaktan. Alang-alang sa magiging anak natin," umiiyak na pagmamakaawa ni Elsa nang tanggalin ni Robert ang pagkakasakal leeg nito.
"Anak natin? O anak mo sa kalaguyo mo? Huwag mo na akong paikutin pa. Kitang-kita ng dalawa kung mga mata ang panloloko mo." naging malumanay ang boses ni Robert. At panay na lamang ang iyak ni Elsa.
"Pakiusap, hindi kita niloloko. Maniwala ka... ikaw lang ang mahal ko. Anak natin ang dinadala ko, anak mo..."
"Tumigil ka naaa! Papatayin kitaaa! Mamamatay ka naaaaa!" muling sumigaw sa galit si Robert at paulit-ulit nitong sinaksak si Elsa. Nagtalsikan ang mga dugo at nagkalat sa buong kuwarto.
Napasigaw na lamang nang paulit-ulit si Evelyn habang tinatadtad ng saksak ni Robert ang kawawang si Elsa. At tumalsik ang mga dugo nito hanggang sa mukha niya. "Hindiiii! Hindiii!" ang paulit-ulit niyang hiyaw. At tuluyan nang binawian ng buhay si Elsa.
Biglang ibinaling ni Robert ang tingin kay Evelyn. Nanlaki ang mga mata niya sa takot. Doon, nagalaw na niya ang kanyang katawan at nakahakbang siya paatras. Tumayo si Robert na nakatitig pa rin sa kanya at hawak pa rin nito ang kutsiyong kumital sa buhay ni Elsa. Itinutok nito ang kutsilyo kay Evelyn. Takot na takot siyang tumalikod at tumakbo patungong pinto para lumabas. Malapit lang ang pinto kaya agad niya itong narating. Ngunit hindi niya ito mabuksan. Naglalakad palapit sa kanya si Robert. Nasisisigaw na siya para humingi ng tulong. Tinutulak-tulak niya na rin ang pinto at hinahampas para mag-ingay.
Biglang may humawak sa balikat ni Evelyn. Duguan ang kamay nito. Nilingon niya ito. Lalong lumakas ang sigaw niya nang makitang si Robert iyon at nakatutok sa kanya ang kutsilyo. Nang sasaksakin na siya nito ay bigla itong naglaho. Inikot niya ang tingin sa kabuuan ng kuwarto ngunit wala na talaga ito. Hangos na hangos na siya at naghahabol ng hininga. Hanggang sa makita niyang gumalaw si Elsa at unti-unti itong bumangon. Halos maligo ito sa sariling dugo. Muli niyang tinangkang buksan ang pinto ngunit hindi talaga ito mabuksan. Papalapit na sa kanya si Elsa. Nagmakaawa siya rito na wag siyang saktan.
Nang makalapit ito sa kanya, hinawakan nito ang kanyang mukha. Parehas silang halos naligo na ng dugo. Patuloy pa rin siyang nagmakaawa. Pero wala itong imik. Hanggang sa sumigaw ito ng napakalakas na halos ikabingi niya. At bigla sumabog ang tiyan nito at bumulwak ang dugo sa buo niyang katawan. Muli siyang nagsisisigaw at tinangkang buksan ang pinto. Nabuksan niya ito sa pagkakataong iyon at mabilis siyang lumabas ng pinto ng ika-pitong kuwarto.
Nagsisigaw pa rin siya pagkalabas niya. Duguan pa rin ang buo niyang katawan. Tumambad sa kanya ang ilang mga kapitbahay at inilibot niya ang tingin sa mga ito.
"Hija, anong nangyari?"
Nilingon niya ang nagsalita. Pamilyar ang boses na iyon sa kanya, ang matandang land lady. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala gayun din sa iba niyang mga kapitbahay. Napansin niyang maliwanag ang paligid. At nawala ang dugo sa mga kamay niya at buong katawan. Nilingon niya ang ika-pitong kuwarto. Nakabukas ang pinto nito at ang pagiging abandunado nito ang tumambad sa kanya. Nag-iiyak na lamang siya. Napaupo siya at sinalo siya ng matandang labis na nag-aalala. Nag-aalala ring nilapitan siya ng mga iba pang kapitbahay niya. Nakatingin pa rin siya sa ika-pitong kuwarto hanggang sa isara ito ng isang lalaki.