webnovel

Saving my Sunshine (tagalog)

Auteur: xiunoxki
Général
Actuel · 159.5K Affichage
  • 39 Shc
    Contenu
  • audimat
  • NO.200+
    SOUTIEN
Synopsis

(complete) Ghost do fall in love Nararamdaman ko sila. Nakikita ko sila. Nakakausap ko sila. At iniiwasan ko sila. Mga nilalang na hindi makita ng pangkariniwang tao lang. Pero sa pag-iwas ko, dahil sadyang mapagbiro ang tadhana, napunta ako sa lugar na maraming tulad nila - mga multong hindi matahimik. At nakilala ko ang kakaibang multong nakadilaw na aking minahal, si Sunshine. Hindi ko naisip na posibleng tumibok ang puso ko sa babaeng wala nang pulso at di na tumitibok ang puso. At matagal na pala kaming talagang magkakilala, mula pa sa taong 1902, nang una kaming nabuhay at nagmahalan. Para muli siyang mabuhay, kailangan kong harapin ang kamatayan. Ako ang sinag niya. Ako ang buhay niya - at buhay ko siya. Sana'y umayon sa 'min ang tadhana. Ako si Lukas, ang magliligtas kay Sunshine. Saving my Sunshine...

Étiquettes
4 étiquettes
Chapter 1KABANATA 1

( ISANG PAALALA MULA SA AUTHOR NA PILING GUWAPO: BUKSAN ANG ISIPAN. DAMHIN ANG BAWAT SALITA. PAYAPA MO ITONG PALIPARIN SA HANGIN TULAD NG ISANG PARUPARO. AT DALHIN SA WALANG HANGGANG IMAHENASYONG NASA MUNDO MO UPANG MABUO ANG KUWENTO, NA ANIMO'Y PERSONAL NA NARANASAN MO.

PS: POSITIVE LANG!

PS PA: NGITI LANG! )

~ XIUNOXKI

~~~

HINATID AKO SA sakayan ng bus papuntang Quezon Province, sa kung saang lilib na lugar doon. May one-hundred thousand pesos akong dala sa backpack ko at maleta ng mga gamit ko. Sumakay ako ng bus na hindi alam ang lugar na pupuntahan ko. May dala akong mapa para hindi raw ako maligaw, sabi ng naghatid sa 'kin na bodyguard ng lolo kong matapobre.

Sa loob ng bus, nakaupo ako sa may bintana at yakap-yakap ko ang bag kung nasaan ang pera na budget ko sa ilang buwang pagtira ko sa lumang bahay na pupuntahan ko. Gusto akong gawing caretaker ng lolo ko sa lumang bahay nila habang wala pang nakikitang kapalit sa kakamatay lang na nagbabantay sa bahay na 'yon. Patingin-tingin ako sa loob ng kabuuan ng bus. Nagmamasid sa bawat galaw ng mga pasahero – natatakot akong manakawan. Ngayon lang kasi ako nakahawak ng ganito kalaking pera sa buong buhay ko. Napahinga ako nang malalim at nagsuot ng itim kong sombrero na lagi kong ginagawa, na siyang malimit mapuna ng mga tita ko at mga pinsan ko sa ilang linggong pagtira ko sa bahay ni lolo. Mukha raw akong masamang tao at magnanakaw. Masisisi ba nila ako, kung lagi akong nakasuot ng sombrero at nakayuko dahil sa mga hindi pangkaraniwang nakikita ko na gusto kong iwasan?

Sa twenty years akong nabubuhay sa mundo, noong isang buwan ko lang nakita at nakilala ang pamilya ng papa ko. Na 'di ko alam kung pamilya ang turing nila sa 'kin? At 'yong lolo ko, hindi man lang ako matingnan ng diretso. Siguro malaki talaga ang galit niya kay papa. Kamukha ko raw kasi si papa. At sa edad kong 'to, ang edad na umalis si papa sa poder ni lolo para piliin si mama at magsama sila. Kaninang umaga, nagulat na lang ako na ipapatapon pala ako sa isang lilib na lugar. Kaya ito, bumabiyahe ako papunta sa lugar na 'yon. Parang mas okay pa tuloy na hindi ko na lang sila nakilala. Kung sana hindi na lang ako sumunod sa bilin ni papa na hanapin ang pamilya niya, at namuhay na lang sana ako nang mag-isa.

Tumingin ako sa labas at pinagmasdan ang lugar na dinadaanan. Napayuko ako nang may makita akong mga kakaibang nilalang – mga nilalang na kasama natin sa pang-araw-araw nating buhay. Ngunit hindi nakikita ng pangkaraniwang tao lang. Sabi ni mama, regalo raw 'tong kakayahan ko. Pero para sa 'kin, sakit lang sa ulo na magkaroon ng 'third eye'. Namana ko raw marahil ang kakayahan kong 'to sa nanay ni mama – sa lola ko na albularya at nakakakita rin ng kung ano-ano.

Malaki ang paghihirap ko sa kakayahang meron ako. Isang sumpa ang tingin ko rito. Bata pa ako, nilalapitan na ako ng mga multo at iba pang uri ng mga espirito. Kinakausap ako at pilit kinukulit, at may iba pang pinaglalaruan ako at tinatakot. Pero sa paglaki ko, napaglabanan ko naman 'yon at tinuring na lang na normal sila. Kaso minsan, sobrang kulit talaga nila kaya nagpapanggap na lang ako na hindi ko sila nakikita. Madalas akong nakasombrero at naka-shades, para hindi nila makita at mapansin ang aking mga mata na nakatingin ako sa kanila.

Isang beses lang ako natuwa sa kakaibang kakayahan ko. Nang magpakita sa 'kin sina mama at papa, isang araw bago ilibing ang mga bangkay nila. Doon sinabi ni papa na hanapin ko ang pamilya niya at humingi ako ng tawad para sa ginawa niyang pagtalikod sa mga ito. At gusto rin ipaalam ni papa na naging masaya ang buhay niya at gusto niya akong makilala ng pamilya niya. Limang taon na rin mula nang iwan nila akong mag-isa.

Kinuha ko ang litrato namin nina mama at papa sa wallet ko sa loob ng bag. Elementary pa ako sa picture na hawak ko – napakasaya naming tatlo rito. Masasabi kong perpektong pamilya, kapos man minsan sa pera.

"Miss na miss ko na kayo, ma, pa... Para sa inyo, para sa pangarap n'yo para sa 'kin, hindi ako susuko. Papatunayan ko ang sarili ko sa kanila. Magtatagumpay ako..." Mahinang nasabi ko kasabay ng nagbabadyang pagpatak ng luha ko. Napasinghap ako at napatingin pa sa 'kin ang aleng katabi ko sa dalawahang upuan.

Akala ko no'n madali ko lang masasabi sa pamilya ni papa lalo na sa tatay niya ang mga bilin niya. Pero nang makaharap ko na sila, parang umurong ang dila ko at naduwag akong magsalita. Nawalan ako ng lakas ng loob. Naramdaman ko ang layo ng agwat ko sa kanila.

***

HUMINTO ANG BUS para sa stop over. Nagsibabaan ang ilang pasahero at bumaba rin ang katabi kong ale. Patayo na sana ako para bumaba rin at bumili ng makakain, kaso may pumasok na multo ng isang lalaki. Napaupo ulit ako at nagsuot ng shades.

"Hay, pambihira!" mahinang sambit ko.

Nag-astang konduktor ng bus ang multong nakauniporme pa. Sugatan ang lalaki at may malaking sugat sa noo. May mga kasunod pa itong multong pumasok na isa sigurong pamilya, duguan din at nakakikilabot ang mga hitsura. May batang lalaki at babae, at ang mag-asawang kasunod, at buntis pa ang ginang. Pinaupo ng kundoktor na multo ang pamilyang multo sa mga bakanteng upuan. Ang nakakainis lang, umupo sa tabi ko ang batang lalaki. Napalunok ako. Nakakairita! Nagtayuan ang balahibo ko sa hitsura ng bata, halos wasak ang kalahating mukha niya at nabalot ng dugo ang kanyang katawan – nakaramdam din ako ng awa.

Tinuring kong normal sila at hindi iba para maalis ang takot ko sa tuwing makakakita ako ng tulad nila, pero hindi ko pa rin naman maiwasan na 'di tayuan ng balahibo kapag nand'yan sila lalo pa't katabi ko. Kung sana lang kasi ang hitsura ng mga multo ay tulad na lang ni Casper na hindi nakakatakot o tulad sa ibang pelikula na nagliliwanag lang at transparent, at walang mga sugat – kaso hindi. Nakakikilabot sila. Dahil kung ano ang hitsura nila nang mamatay sila, 'yon din ang anyo ng multo nila. Malalaman mong multo sila dahil sa namumuting mga mata nila.

Isang pang-iwas takot na ginagawa ko sa tuwing nakakikita ako ng mga multo na ang sama ng hitsura, iniisip kong nasa loob ako ng pelikula at mga naka-prosthetic lang sila. Minsan kasi mas nakatatakot pa ang mga multo sa pelikula kaysa sa mga hitsura nila sa totoong buhay.

Diretso lang ang tingin ko at nagpatay malisya ako. Nagbayad ang mga pasaherong multo sa konduktor. Parang mga sira! Pero naisip ko na malamang nakasakay sa isang bus ang mga 'to nang nabubuhay pa at naaksidente ang bus, na ikinamatay nila. Marahil hindi pa nila alam na patay na sila o gusto nilang marating ang dapat nilang puntahan bago sila tumawid sa kabilang buhay. Sa mundo ng mga patay, kung saan man ang lugar na 'yon.

Minsan iniisip ko na baka kailangan nila ng tulong ko para makatawid sila ng kabilang buhay? O tulad sa mga palabas na ituturo ng multo kung nasaan ang bangkay niya na hindi pa natatagpuan, o naghahanap siya ng hustisya para sa pagkamatay niya at ituro ko ang killer na ituturo niya sa 'kin para matahimik siya? Mga gano'ng ideya ang pumapasok sa utak ko. Pero naisip ko rin na magpakaduwag na lang. Baka ikapahamak ko pa kapag nanghimasok ako sa problema nila. Nasa isang mundo kami, pero alam kong ang mundo nila ay iba na at hindi dapat iisa pa sa mundo ng mga buhay.

"Kuya, saan ang punta mo?" tanong sa 'kin ng batang multong katabi ko.

Hay, pambihira! Ganyan ang mga multo kahit sa mga taong hindi sila nakikita. Kinakausap talaga nila na parang buhay sila at kayang makipag-usap. Patay malisya siyempre ako at tumingin sa labas. "Woah!" nagulat ako. Paglingon ko kasi sa bintana, may ulong pugot na babae na tumambad sa 'kin na nakadikit ang mukha sa salamin at nakalabas pa ang dila, at naglalaway pa na kumapit na sa salamin ng bintana. At medyo naamoy ko ang amoy ng nabubulok na laman.

Napayuko na lang ako at hinigpitan ang pagkayakap ko sa bag. Muling nangulit ang batang multo at paulit-ulit na nagtanong kung saan ako pupunta. Naririnig ko rin sa labas ang ungol ng pugot na ulo. Pambihira naman talaga! 'Yong iba pang multo pakiramdam ko pinagtitinginan ako. Napapalunok-laway na lang ako.

Nagulat ako nang biglang hilahin ng bata ang yakap kong bag. Napatingin ako at nakaharap ko ang nakangiting batang multo, hawak pa rin ang strap ng backpack ko. Nakatingin din sa 'kin ang iba pang multo. Pambihira naman! Yumuko ako at hinila ang bag ko, at nagkunwari akong inayos ang sintas ng sapatos ko. Naupo ako nang maayos. Nakasombrero na ako pero isinuot ko pa rin sa ulo ko ang hood ng itim kong suot na jacket at sumandal ako sa upuan.

Para na ako ngayong kriminal na may pinagtataguan. Nakasombrero't naka-hood at naka-shades pa. At itim lahat ang suot ko maliban lang sa puting T-shirt kong suot sa ilalim ng hoody jacket ko. Nilagay ko sa magkabilang-tainga ko ang earphones na nakadugtong sa lumang model na cell phone ko na may keypad pa at nagtulog-tulugan ako habang nakikinig ng music.

Mayamaya lang, pumasok na ang mga bumabang pasahero. Pambihira! Hindi na tuloy ako nakabili ng pagkain ko. Sa pag-upo ng mga pasahero, nakatayo na ang mga multo sa gitna pati 'yong bata sa tabi ko. Para silang mga estatuwang walang galawan na nakayuko lang. Naisip ko na ang suwerte ng mga kasamahan kong pasahero dahil hindi nila nakikita ang mga nakikita ko.

***

NAKATULOG AKO, AT sa pagdilat ko bumababa na ang mga pasahero at wala na ang mga multo. Yakap ko pa rin ang bag ko at isinuot ko sa harap ko para bumaba.

"Boss, saan ang papuntang baryo Madulom?" tanong ko sa konduktor pagkababa ko ng bus hila ang maleta ko.

"Espiritista ka?" tanong ang naging sagot sa 'kin ng kundoktor.

"Hindi po," sagot ko. "May kamag-anak po kasi ako ro'n," pagsisinungaling ko na lang. Pero parang gano'n din naman talaga, dahil bahay ng pamilya ng lolo ko ang pupuntahan ko.

"Ah, gano'n ba? Nakapagtataka lang kasi. Wala kasing gaanong pumupunta sa lugar na 'yon na taga-ibang lugar maliban na lang sa mga espiritista o mga taong gustong makakita ng multo," pahayag ng kausap ko. Nang tanungin niya ako kung isa akong espiritista, natunugan ko nang tungkol sa multo ang tinutukoy niya kaya niya natanong sa 'kin 'yon. "Pero sabi nila, sa lumang bahay ng mga Sinag lang daw naman talaga may mga multo at sa palibot ng lugar na 'yon. Marami raw galang multo ro'n. Kaya nga wala na halos kabahayan sa dulong bahaging 'yon ng baryo Madulom at nag-iisang bahay na lang 'yong 'haunted house' na 'yon," at nagkuwento na siya.

Awkward na ngumiti na lang ako at napatango-tango sa kuwento ng konduktor. Dahil ang haunted house na sinasabi niya na 'bahay ng mga Sinag', doon ako pupunta. 'Yon ang lumang bahay ng lolo ko na babantayan ko. Mukhang napasubo ata ako? Tadhana nga naman! Kung ano pa ang iniiwasan mo, do'n ka pa talaga ibabagsak!

Nagpakuwento na rin ako sa konduktor sa kung ano pang nalalaman niya tungkol sa baryo ng Madulom at sa bahay ng mga Sinag. Wala naman kasing nabanggit sa 'kin ang alalay ng lolo ko na naghatid sa 'kin sa terminal ng bus tungkol sa lugar na 'yon. Basta lang kasi nila akong parang pinadala sa giyera na walang bala.

Nalaman kong halos fifty years nang walang nakatira sa bahay ng pamilya ng lolo ko. Kumalat ang balitang pinamugaran 'yon ng mga ligaw na kaluluwa kaya naging ilag ang mga tao ro'n. Sampung taon na ang nakakalipas, may naganap na trahedya sa baryo ng Madulom. Nasunog ang ilang bahay na malapit sa bahay ng mga Sinag. Marami ang namatay, at halos hindi na makilala ang mga bangkay, na magkakasama na lamang na inilibing sa lugar ding 'yon. Naniwala ang mga tao na may kinalaman ang mga multo sa lumang bahay ng pamilya ng lolo ko sa sunog na naganap. May mga binatang nakainom daw kasing pinagtripan ang bahay at pinagbabato ng mga bote ng alak. At nang gabing iyon, naganap ang sunog. Nagmumulto na rin daw ang mga namatay sa sunog kaya lalong natakot ang mga tao sa baryong 'yon. Lumayo ang pamilya ng mga namatayan at ibang tagaroon sa lumang bahay ng mga Sinag kaya naman mag-isa na lang ang bahay na nakatayo sa pinakadulo ng baryo na malapit na halos sa kabundukan. Itinuring nang isinumpa ang lugar na 'yon, at wala nang naglalakas loob na pumunta sa madilim na lugar na 'yon.

May katiwala ang pamilya ng lolo ko na hindi naniniwala sa mga kuwento. Lumaki kasi itong tumira sa bahay ng mga Sinag dahil naging kasambahay ng pamilya nina lolo ang mga magulang nito. Iyon na nga ang kamamatay lang na caretaker na si Mang Pedro, halos mag-iisang taon na. Ayun sa mga sabi-sabi, nagalit daw marahil ang mga multo sa matandang lalaking 'yon kaya pinatay na rin. At bago pa man namatay ang matandang nagbabantay ng lumang bahay, may trahedyang naganap din daw sa lugar na 'yon, magdadalawang taon na ang nakakaraan. Dalawang babae raw ang nakitang pumunta sa lugar na 'yon at hindi na nakabalik nang buhay. Natagpuan na lang daw ang bangkay ng isang babae sa kakahuyan malapit sa lumang bahay, at ang isang babae, hindi pa rin nakikita ang bangkay hanggang sa ngayon. At no'ng isang buwan lang, may babaeng natagpuang patay na naman sa lugar na 'yon. Ginahasa at pinatay raw ang babae. Pero iniugnay pa rin nila sa multo ang pangyayaring 'yon. Baka raw sinapian ng masamang multo ang taong hindi pa nadadakip na gumawa ng karumaldumal na krimeng iyon. Kawawang mga multo. Sa totoo lang, wala naman silang ginagawang masama talaga sa mga tao, pero kinatatakutan sila. Pero hindi rin naman masisisi na matakot ang mga tao sa kanila, dahil talagang nakakatakot nga sila.

Nagpasalamat ako sa konduktor para sa impormasyong nalaman ko tungkol sa baryo Madulom at kung paano pumaroon. Sasakay ako ng jeep papuntang bayan, at pagdating do'n, hahanapin ko ang sakayan ng mga traysikel na papunta sa baryo Madulom.

***

"SAAN KAYO SIR?" tanong sa 'kin ng tricycle driver na nilapitan ko na nasa unahan ng pila pagdating ko ng bayan.

"Boss, sa baryo Madulom po, sa bahay ng mga Sinag," sagot ko. Napansin ko ang biglaang pamumutla ng drayber na nasa trenta anyos.

"Sa iba ka na lang sumakay," nakayukong sabi ng drayber at sinipa ang kick starter ng motor niya para paandarin ang traysikel. Pero hindi ito agad umandar.

Napaatras ako nang may biglang sumulpot na babaeng multo sa likod ng lalaki. Yumakap itong nakaupo sa likod ng drayber. Natigilan ang drayber at tila nanlamig. Hindi siya nakatingin sa multo pero alam kong naramdaman niya 'yon. Masasabi kong maganda ang multo nang mapagmasdan ko ito. Walang saplot na damit ang multo at may malaki itong sugat sa noo na tumulo ang dugo sa kanyang mukha. Napalunok ako nang lingunin ako ng multo. Buti't suot ko pa rin ang sombrero at shades ko. Nanlaki kasi talaga ang mga mata ko sa pagkabigla at kabang naramdaman ko.

"Nireyp niya ako... at pinatay..." sabi ng multo na nagpatayo sa mga balahibo ko. Malamig ang tinig niya at nakakakilabot.

Nagkunwari akong walang narinig at iniwas ko ang tingin ko sa multo tulad nang nakasanayan ko nang gawin kapag nariyan ang mga uri nila. Umandar ang traysikel. Nilingon ko ito at nakatingin pa rin sa 'kin ang multo hanggang makalayo na.

"Sir, dito ka na lang!" tawag sa 'kin ng drayber ng traysikel na may katandaan na.

Pinasok ko sa loob ng traysikel ang maleta ko at naupo ako.

"Takot 'yon sa multo, sir. Isang buwan na ring parang wala sa sarili ang Nestor na 'yon. May nagpaparamdam daw sa kanyang multo mula nang may hinatid siya sa baryo Madulom. Sabi nila baka napaglaruan daw? Kaskasero kasi 'yon, eh," kuwento ng drayber. Siguro napansin niya ang pagkabahala sa mukha ko.

"Kayo, boss? Di ba kayo takot sa baryo Madulom?" tanong ko.

"Tagaroon ang napangasawa ko, at lampas tatlong taon na rin mula nang lumipat kami sa baryo Madulom. Sa tatlong taon, wala pa naman akong nakitang multo. Pero ang asawa ko, kuwento raw ng namayapang nanay at tatay niya, nakakita na raw ang mga ito. Pero mismong asawa ko, hindi pa naman. 'Laking Manila ako kaya 'di ako gaanong natatakot sa mga ganyan. Maaring totoo sila, pero hindi naman siguro sila nananakit? Sa tingin ko nga, mga kuwentong barbero lang ang tungkol sa mga multong 'yon. Nagpasalin-salin na kasi ang mga kuwento. Sa palagay ko, mas ginawa na lang nilang mas nakakatakot ang kuwento," kuwento ng drayber. "Ikaw? Naniniwala ka ba sa multo? Ano nga pala ang sadya mo sa baryo namin?" tanong niya.

"Hindi po ako naniniwala sa multo," kasinungalingang sagot ko. "At kaya po ako pupunta sa baryong 'yon, dahil ako ang bagong caretaker ng bahay ng mga Sinag. Doon po ako mismong titira."

Ngumisi ang drayber. "Matapang ka. 'Yong dati kasing nagbabantay sa bahay na 'yon, may ibang tinitirhan at dumadalaw-dalaw lang. Akala namin wala nang mahahanap na kapalit ang matandang 'yon sa pagbabantay ng bahay ng mga Sinag?"

"Ano po ang ikinamatay ng matanda?" tanong ko.

"Minulto raw. Pero 'di totoo 'yon. Isa ako sa umasekaso sa pagpapalibing ng matanda, at sabi ng nag-autopsy, atake sa puso ang ikinamatay nito. Siguro naman alam mo na ang kuwento ng bahay na 'yon, bago mo tinanggap ang trabahong 'yan?"

"Opo," sagot ko. Pero kanina ko lang naman nalaman sa konduktor ang kuwento tungkol sa nakakatakot na kuwento sa baryo Madulom.

"Ihahatid kita sa baryo namin, pero hindi kita ididiretso sa bahay ng mga Sinag. Kahit 'di ako natatakot sa mga multong 'yan, nag-iingat pa rin naman ako. Kaya sa 'Hangganan' lang kita ihahatid," sabi ng drayber.

"Hangganan?" pagtataka ko.

"Malalaman mo rin, kapag nando'n na tayo," sagot lang nito at pinaandar na ang traysikel.

Vous aimerez aussi