"Pwede na iyon," sabi ni Mark Ashley. "Iba na lang babae ang isama nating mag-horseback riding. Humahaba na ang listahan ng mga babae na gusto kong I-date. Baka magtampo sa akin ang mga iyon."
Na-cancel ang pakikipag-date ng dalawa dahil sa pagdating niya sa riding club. Baka daw kasi ano pa ang sabihin niya sa ka-date ng mga ito at masira pa daw ang diskarte ng mga ito sa babae.
"Wait! Hindi ko pwedeng isama si Fridah Mae. Hindi ako baby sitter at wala rin sa plano kong maging tourist guide. Di ito field trip," kontra ni Johann.
"Magbe-behave naman ako habang nagra-rounds ka," sabi niya.
"Maiinip ka nga lang doon. Sa mga pinsan mo na lang ikaw sumama. Naka-focus ako ngayon sa mga quarantined horses. Delikado kung lalapit ka sa kanila. Baka mamaya magkasakit ka pa."
"Akala ko ba di nakakahawa sa tao ang equine influenza?" tanong ni Richard Don. "Well, except that human could aid in spreading the disease."
"Hindi natin alam. Virus could mutate. Katulad sa bird flu," sagot ni Johann.
"Sige. Magtrabaho ka na," sabi niya nang tapos na itong kumain. "Hindi na kita kukulitin."
Ihinatid pa niya hanggang sa labas ng Lakeside Café. "Sorry kung hindi kita masasamahang mamasyal. Babawi ako sa day off ko."
Pinisil niya ang pisngi nito. "Okay lang. Alam ko naman na para rin iyan sa future natin ang ginagwa mo."
Pinalakpakan siya ni Mark Ashley nang makabalik na siya. "Hanga na talaga ako sa lakas ng loob mo. Nakaya mo ang kasungitan ni Doc CJ."
"Walang sungit-sungit sa akin basta guwapo," katwiran niya.
"Ang tanong, type ka naman kaya ni Doc CJ? Ni di ka nga nginitian," anang si Richard Don. "Mababasted ka lang sa kanya, Fridah Mae."
"Hindi naman talaga ngumingiti si Johann. Pero kung ayaw niya sa akin, sana sinabi na niya. And besides, I know that he is glad to see me."
"Mukhang mas dapat nating kaawaan si Doc," naiiling na sabi ni Richard Don.
"Shut up! Tulungan na lang ninyo ako kung paano ko siya maliligawan nang hindi ako nababasted," sabi niya.
THE best way to a man's heart is through his stomach. Iyon ang unang leksiyong natutunan ni Fridah Mae mula sa mga pinsan. Kaya naman pinadadalhan niya lagi ng pagkain si Johann. Wala na siyang inisip maghapon kundi anong pagkain ang ipapadala kay Johann. Di man siya marunong magluto pero alam naman niya ang magugustuhan nito kaya pareho na rin iyon.
"Puspusan na talaga ang panliligaw ng dalaga natin, ah!" sabi ni Richard Don nang dumaan siya sa Lakeside Café and Restaurant.
Huminga nang malalim si Mark Ashley. "Masyado ka namang supportive. Sa palagay ko kasi himala na kapag sinagot siya ni Doc CJ."
"Naniniwala naman ako sa himala. Kaya pupunta na ako sa clinic nila at susunduin ko pa si Johann para mag-dinner kami," sabi niya at humalik sa pisngi ng dalawa. "Huwag ka nang kokontra, Kuya Ash."
Pagdating sa lobby ng equine clinic ay nasalubong siya ni Tamara, isa sa resident veterinarian ng riding club. "Fridah Mae! I heard you are on vacation."
"Pwede ring hindi bakasyon. Malay mo dito na rin ako tumira someday."
Makahulugan siya nitong tiningnan. "Sino ba ang dinadalaw mo?'
"Si Johann. Nandito ba siya o nasa stable?" tanong niya.
"Ah, si Doc CJ! Busy sa laboratory. May pinag-aaralan siyang viral strain. Napaka-dedicated kasi niya sa trabaho."
"Nakain kaya niya ang ipinadala ko sa kanya?"
"Sa iyo ba galing iyon? Oo naman. Nagulat nga ako dahil kumain siya. Pihikan siya pagdating sa pagkain. Mukhang espesyal dahil galing sa iyo," tukso nito.
Effective ang strategy ng mga pinsan niya kung ganoon. "Anong oras kaya siya lalabas? Gusto ko sana sabay na kaming mag-dinner."
"Ako mismo ang tatawag sa kanya. Sa wakas magkakaroon na rin siya ng ka-date. Wala kasi siyang social life."
Maya maya pa ay lumabas na si Johann sa laboratory. He looked wrought out. Nagulat pa ito nang makita siya. "Fridah Mae, anong ginagawa mo dito?"
"Dinadalaw ka. Sobrang busy mo daw sabi ni Doc Tamara."
"Tinututukan ko at ng research team ang virus strain ng flu sa mga kabayo. Delikado kapag nag-mutate iyon. Baka wala kaming makunan ng vaccine. Nag-dinner ka na ba?" tanong nito at tinanggal ang coat.
"Hindi pa. Hinihintay sana kita. Gusto ko nga sana manood tayo ng sunset."
Tumingin ito sa labas. "Madilim na, ah! Wala nang sunset. Tapos hindi ka pa kumakain. Halika nga!" anito at hinila siya palabas ng equine clinic.
"Saan tayo pupunta?" tanong niya nang pasakayin siya nito ng kotse.
"I have to feed you, of course. Hindi ka dapat nagpapalipas ng gutom. Baka mamaya magkasakit ka. Ako pa ang sisihin ng mga pinsan mo."
"Bago mo ako sermunan, tingnan mo muna ang sarili mo, Doctor Cristobal. You should set as an example. Ikaw nga itong mahilig magpalipas ng gutom sa sobrang pagtatrabaho."
"Sasagot ka pa, eh!" angil nito.
Maya maya pa ay dumating na sila sa Lakeside Café and Restaurant. Naaliw siyang pagmasdan ang lugar sa gabi. Bukas ang mga lanterns na gawa sa native materials at may kandila rin sa bawat mesa. And there was the lake view which looked so exquisite even during night.
"Ah! Parang nagde-date tayo. Parang boyfriend na kita. Naalala mo ba ang sinabi ko sa iyo dati? Na kapag matured na ako, liligawan na kita. Matured na ako, Johann. Pwede na kitang ligawan."
"Sigurado ka?"
"Na liligawan kita? Oo naman."
"Sigurado ka na matured ka na?"
"Alam ko na sinabi ko sa iyo na di na kita guguluhin. Akala ko kasi hindi na kita gusto. Nakakatawa nga. Sabi ko sa sarili ko, di kita papansinin kapag nakita kita ulit. Kapag binati mo ako, sasabihin ko lang "Who are you?".
"Ang natatandaan ko, hindi iyon ang nangyari kanina."
Ngumisi siya. Kulang na lang ay ikadena niya ang sarili sa baywang nito. "Kasalanan mo kasi. Guwapo ka pa rin."
"Hindi ako sigurado kung tatanggapin ko ang panliligaw mo."
Ipinadyak niya ang paa. "Bakit naman? Wala ba akong karapatan na magmahal at mahalin? Masama rin bang sabihin ang nararamdaman ko? Akala ko ba kinikilala ng Pilipinas ang Universal Declaration of Human Rights? May karapatan akong magpahayag ng sarili kong pananaw. Kailan pa naging mali iyon?"
"Don't give me that, Fridah Mae. Pakiramdam ko malaki ang kasalanan ko kapag binabanggit mo ang human rights na iyan. Pero hindi ka na teenager. I just want you to understand that this is not the right time for me to consider a relationship. Demanding ang trabaho ko. Unfair sa kahit sinong babae na mag-expect sa akin sa ngayon," paliwanag nito.
"I don't mind waiting." Kahit sinong nakikinig sa kanila ay iisipin na siya ang lalaki at ito naman ang babae. "I went through a lot, Johann. May pagkakataon na akala ko di na ako makaka-uwi nang buhay. Kaya pipilitin kong maging masaya hangga't kaya ko. And you are one of those people who makes me happy."
Mahabang sandali siya nitong tinitigan. "Ganito ka rin ba sa ibang lalaki?"
"No. I don't care about other guys, Johann. Too bad, all I care about is you."
Imahinasyon lang ba na nakita niya ang pagngiti nito bago sumimsim ng red wine? Ano ba ang sagot nito? Magpapaligaw pa ba ito sa kanya o basted agad siya?
"Kaya mo bang bumangon nang five o'clock bukas?"
"Oo. Bakit?" Di baka ipatapon na siya nito sa labas ng riding club dahil nakukulitan na ito sa kanya at ginugulo niya ang trabaho nito.
"Di ka nakanood ng sunset ngayon, pwede na siguro ang sunrise bukas."
Gusto mo bang mabasa ang iba pang Stallion Boys in print with signature? Order here:
Facebook: My Precious Treasures
Shopee: www.shopee.ph/sofiaphr