webnovel

Chapter 5

"Aba! Mukhang nagsisipag ang kapatid ko," sabi ni Jeffrey nang makitang binabasa niya ang manual para sa lecture niya sa mga batang tuturuan niya tungkol sa human rights. Kasali na kasi siya ngayon sa Amnesty International Pilipinas, isang organization na nangangalaga sa karapatang pantao.

"Marami akong kailangang matutunan sa mundo. Hindi lang pwedeng umikot ang buhay ko sa pagmo-mall at sa panonood ng sine o malaman kung ano ang latest sa Billboard charts. I have to grow up."

Na-inspire siyang sumali sa naturang organisasyon dahil na rin sa pagkakakulong sa kanya. She knew nothing about the law then. She felt so helpless.

Nang malaman niya na isang human rights lawyer si Jenevie, ang kapatid ni Jenna Rose, na-inspire siyang sundan ang yapak nito. Di siya interesadong maging abogado tulad ng kapatid niya. Gusto lang niyang maipaabot sa mga simpleng tao ang kaalamang iyon.

"Sa wakas! Nagma-mature na ang kapatid ko!" tuwang-tuwang sabi ni Jeffrey. "Siguro naman hindi na sasakit ang ulo namin sa iyo."

"Magpasalamat kayo kay Johann. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ko siguro gugustuhin na maging matured."

"SiCJ? Gusto mo si CJ?"

"Bakit naman hindi? Guwapo siya, matalino, responsible at gusto pa ninyong  lahat. Medyo suplado siya pero pwede ko na siyang pagtiisan. Saka sa palagay ko may gusto sa akin si Johann, Kuya."

Her days were rosy because of Johann. Natututunan din niyang ma-appreciate ang mga importante pero simpleng bagay sa buhay niya. Determinado siya na maging babae na magugustuhan nito.

"Fridah Mae, hindi ikaw ang babaeng magugustuhan ni Johann. Gusto niya iyong  matatangkad na mestisa. Iyong tipong beauty queen."

Di siya katangkaran. Pocket-size Venus nga daw siya. At lalong hindi siya mestisa. Madalas siyang mag-beach kaya nangingitim siya.

"Baka naman outdated na ang slum book mo, Kuya. Ang gusto na ni Johann iyong petite na mocha-skinned. Iyon ang uso ngayon. Exotic na kagandahan tulad ko. Aanhin naman niya iyong mga tipong beauty queen? Andito naman ako."

Pumalatak ito. "Hindi mo pala alam na may girlfriend na si CJ."

"Girlfriend? May girlfriend na si Johann?" Paano nangyari iyon? Di pa naman niya ito sinasagot. O mas tamang di pa sinasagot ni Johann ang panliligaw niya.

"Oo. Iyong lumaban sa Miss Nursing. Iyong mestisa na light brown ang mata. Mukhang  manika at knock out talaga sa ganda. Si Jennifer."

"Ano? Iyong babaeng hipon? Iyong walang maisagot noong question and answer kundi "Could you please repeat the question?" sabay smile. Hindi ba nilait-lait mo pa nga iyon?" Kuya niya ang nagbansag ng babaeng hipon. Didiskartehan sana iyon ng kuya niya pero na-turn off dahil butangera at eskandalosa. Mukha lang mahinhin sa una. Parang hipon. Maganda nga ang katawan pero walang utak.

"Ayoko nga din doon. Kaso wala naman akong masasabi kay Johann. After all di rin niya ako pinakikialaman sa nagiging girlfriend mo!"

Nasapo niya ang ulo. "No, Kuya! Sagipin mo si Johann! Ako dapat ang naging girlfriend niya at hindi ang sugpo na iyon!"

Di bale sana kung pumili si Johann ng babaeng may utak kahit paano. Willing siyang magpatalo. Di niya matanggap na isang babaeng hipon lang ang ipapalit ni Johann sa kanya. It can't be!

"Ikaw na lang ang magsabi niyan sa kanya kung gusto mo. Mamaya pati ako sabihan pa niyang pakialamero."

Nakuyom niya ang palad. "Talaga! Sasabihin ko iyon sa kanya!"

HINAGILAP ng mata ni Fridah Mae si Johann sa botanical garden kung saan ito madalas na maglalagi. Handang-handa na siyang komprontahin ito. Kailangang magising ito sa katotohanan na siya ang babae para dito at hindi ang babaeng hipon na iyon. Hindi talaga niya matatanggap! At hindi siya natatakot na ipamukha dito masabi lang niya ang nararamdaman niya.

Natigilan siya nang makita niyang nakahilig sa balikat nito si Jennifer. Ngiting-ngiti pa ang bruha habang nakikibasa sa libro ni Johann. Masakit mang tanggapin, the two looked good together. Paano pa niya masasabi dito ang opinion niya kung mukha masaya naman ito?

"Fridah Mae, may kailangan ka?" tanong ni Johann.

Umiling siya. "Wala. Naghahanap lang ako ng tahimik na lugar. I hope you won't mind sharing it with me. May exam kasi ako mamaya."

"Baka kailangan mo ng tulong," sabi ni Johann. "Anong subject iyan?"

Lalong yumakap si Jennifer dito. "CJ, kaya na niyang mag-isa iyan. Malaki na siya, no? Mag-concentrate na lang tayong dalawa dito."

Matabang siyang ngumiti. "She's right. Kaya ko na ito."

Umupo siya sa bench ilang metro mula sa mga ito. Sapat na iyon para mapagmasdan niya si Johann kahit sa malayo.

Dapat ay siya ang kasama nitong nagre-review. Dapat ay sila ang nagtatawanan. She wanted to be in his arms. Pero inunahan siya ng intrimitidang babaeng hipon na iyon.

"CJ, gusto mo bang mag-dinner sa bahay? Tiyak na matutuwa ang parents ko kapag ipinakilala kitang boyfriend ko," malambing na sabi ni Jennifer.

"You will cook dinner for me?" tanong ni Johann.

"Of course. Ano ba ang gusto mo?"

Marunong magluto ang babaeng hipon. Iyon marahil ang gusto ni Johann dito. Samantalang siya ay muntik nang bumagsak sa Home Economics class noong high school dahil muntik na niyang sunugin ang home economics building dahil sa kawalan niya ng alam sa pagluluto.

Pero kung gusto ni Johann, mag-aaral siyang magluto para dito.

"Kapag pumasa ako sa board exam, susunod naman ako sa iyo sa Texas." May horse farm ang kamag-anak ni Johann at gustong kunin ito para doon magtrabaho oras na maging ganap na itong veterinarian. "Doon na tayo magpakasal. I don't mind living in Texas."

Mahigpit ang hawak niya sa ballpen at tinutusok-tusok ang notebook habang nakikinig sa usapan ng mga ito. Parang tinutusok rin ang puso niya.  May plano na ang mga ito na pumunta sa America. Paano naman siya? Hindi ba siya kasama sa mga plano ni Johann? Wala ba siyang halaga dito?

Tumayo siya at binitbit ang mga gamit niya. Di na niya matatagalan pang makinig sa mga ito. Baka mamaya ay doon pa siya magpapalahaw ng iyak.

Nakayuko siyang dumaan sa mga ito. Naramdaman niyang sinundan siya ng tingin ni Johann. "Fridah Mae, aalis ka na agad?"

"Hindi ako makapag-review dito," sabi niya. Wala na siyang matinong maisip. Wala nang papasok sa utak niya. At mamamatay lang siya sa selos.

"Naiingayan ka ba sa amin?" tanong ni Johann. "Aalis na lang kami."

"Bakit tayo aalis? Tayo ang nauna dito," katwiran ni Jennifer.

"HIndi nga siya makapag-review dito," malumanay na sabi ni Johann.

Humalukipkip si Jennifer at nanatili sa kinauupuan. "Doon siya sa library! Hindi ako aalis dito."

Hinawakan ni Johann ang braso nito. "Jennifer, let's go!"

"No! I won't leave. Kilala ko itong babaeng ito. Hindi ba siya iyong kasama mo noong play?" Sinulyapan siya ni Jennifer. "Well, Miss! Huwag ka nang umasa kay Johann. Ako na ang girlfriend niya. Hindi mo siguro matagalan na kasama ko siya sa sobrang selos kaya aalis ka na lang. Go ahead! Leave!"

Ipinapahiya siya ng babaeng hipon sa harap ni Johann. Nasaan na ang pride niya kung di niya ipagtatanggol ang sarili? Wala na nga si Johann sa kanya, ipagtatabuyan pa siya ng bruhang ito. Kung umasta nga ito ay parang hindi lang si Johann ang pag-aari nito kundi maging ang botanical garden.

"Paalis naman na talaga ako. Hindi ako aalis dahil nagseselos ako sa inyo ni Johann. Hindi ako makapag-review dahil naiingayan ako. Pero tama ka. Doon ako dapat sa library. Kaya sa iyo na ang botanical garden at si Johann. Happy now?" nakataas ang kilay niyang tanong at saka tumalikod.

"Aba! At hinahamon mo ako?" narinig niyang sabi ni Jennifer sa likuran niya.

"Jennifer, stop it! Just stop it!" mariing wika ni Johann.

Di na siya nag-abala pang lumingon sa dalawa. Sa klase ng ugali ng babaeng hipon, tiyak na di ito matatagalan ni Johann. Magsaya ang babaeng hipon na iyon sa ngayon. Mangarap ito hanggang gusto nito. Sa bandang huli ay magiging sa kanya rin si Johann… sa tamang panahon.

Give gifts to Highlands Stories and you can win!!!

1 winner of Finding Carrot Man set

2 winners of Carrot Man string bag

Hanggang January 31 po ang paramihan natin ng gifts para dito.

Sofia_PHRcreators' thoughts
Chapitre suivant