webnovel

Chapter 42

Halos isang linggo na ang nakalipas ng mangyari ang pagkahimatay nila Lexi At Rhian dahil sa chloroform. Isang linggo na din na bantay sarado ang dalawang dalaga kay Jake at Anthony, dagdag pa ang mga guards na nagkalat sa loob at labas ng ospital. Lahat din ng packages na walang pangalan ay hindi na binubuksan at deretso na agad sa basurahan. Ang mga pulis ay patuloy pa din sa surveillance nila kay Brix at sa grupo nito pero bigo sila na makakuha ng sapat na ebidensiya para mapatunayan na may balak itong masama kay Lexi. Pinaalam na din ni Jake sa kanyang mga magulang at pati sa mga magulang ni Lexi ang nangyari kaya lubos ang pag-aalala ng mga ito para sa mga anak kaya uuwi sila Daniel at Mila mula sa States. Pinaalam din ni Ronnie ang nangyari kay Lexi sa kanilang barangay na halos lahat ng nagtatrabaho dito ay kilala niya. Pati sa kaibigan niya na nasa NBI ay nabanggit niya ang nangyari. Para kay Lexi ay OA na pero wala siyang magagawa.

"Saan kayo pupunta?" Tanong ni Jake kila Lexi at Rhian na sabay tumayo at lumalakad palabas ng opisina nilang apat. Oo, nilang apat. Pinagkasya nila ang apat na lamesa sa loob ng opisina ni Jake. Inilabas ang ibang furnitures na hindi naman nila ginagamit. Noong una ay ayaw pumayag ng dalawang dalaga dahil magiging masikip sila sa loob pero sabi nga, kung gusto may paraan, kung ayaw, maraming dahilan.

"Sa CR, sama kayo?" Naiiritang tanong ni Rhian. "Pwede?" Nakangising tanong ni Anthony. "Heh!" Sabay sabi ng dalawang dalaga na kinatawa nila Jake at Anthony. Kahit hindi sumama ang dalawang lalaki sa kanila ay nakasunod naman ang mga mata ng mga guard sa kanila.

"Ate Lexi, 'di ka ba nasasakal sa kuya ko?" Tanong ni Rhian habang nasa loob sila ng CR. "Minsan pero iniintindi ko na lang. Actually, mas nasasakal ako sa bahay. Kung dati malayang-malaya ako, ngayon, hindi na. Sobrang higpit ni Tatay, kahit sumilip sa bintana ay hindi pwede." Kwento ni Lexi. "Grabe naman si Tito. Buti na lang ako sa bahay na lang ni kuya nag-stay pero baka bumalik din ako sa bahay pag-uwi nila mommy." Sabi ni Rhian. "Bakit 'di ka na lang sa bahay ni kuya tumira?" Nakangiting sabi ni Rhian. "Nako, 'wag na 'wag mong bibigyan ng idea ang kuya mo. Hindi ko alam kung ano ang ginawa niya kay Tatay at lahat ng sabihin niya ay oo lang ng oo si Tatay." Sabi ni Lexi. "Magkavibes na magkavibes nga sila. Parang sila ang mag-ama." Sabi ni Rhian. "Sinabi mo pa." Sang-ayon ni Lexi.

Pabalik na sila ng opisina ng harangin sila ni Bella. "Lexi, patulong naman ulit. Mayroon na naman kasing pasyente na 'di makuhanan nung medtech na duty. Medyo manas kasi kaya kahit blind shot wala kami makuha. STAT pa naman ang request ni Dr. Batonbacal, medyo naiinis na nga mga relatives eh." Sabi ni Bella. "Okay, una ka na Rhian, kuhanan ko lang yung pasyente." Sabi ni Lexi. "Samahan na kita. Tiyak na kukulitin lang ako nung dalawa." Sabi ni Rhian.

"Hi, Dr. Richie!" Sabay na sabi nila Lexi at Rhian na may mga nang-iinis na ngiti sa kanilang magagandang mukha. "Hello." Sabi ni Richie na boses lalake na nagpatawa sa dalawa. Kung hindi lang madaming tao sa loob ng ER ay kinurot na niya sila Lexi at Rhian. Naupo si Rhian sa tabi ni Richie samantalang si Lexi ay lumapit sa hospital bed kung saan nakahiga ang pasyente.

"Medtech ka din 'di ba? Bakit hindi ikaw ang kumuha?" Tanong ni Rhian kay Richie. "Nag-try na ko ng isa. Kaya ni beks 'yan." Sabi ni Richie na biglang natakpan ang bibig sa sinabi. Buti na lang at busy ang lahat kaya si Rhian lang ang nakadinig na halos maiiyak sa kapipigil ng tawa.

"Nako, isa ka pa! Nakakailan tusok na sila. Masakit na ang mga braso at kamay ko. Dadagdagan mo pa." Galit ng sabi ng matanda. "Promise Tay, last na 'to." Nakangiting sabi ni Lexi. "Sigurado ka?" Tanong ng matanda. "Opo." Sagot ni Lexi. "Anong pangalan mo?" Tanong ng matanda. "Lexi po." Sagot ng dalaga. "Imelda? Wala pa ba si Carlo?" Sigaw ng matanda. Pumasok naman ang Imelda na tinawag ng matanda na palagay ni Lexi ay anak nito. "Wala pa po pero sabi niya ay malapit na siya." Sagot ni Imelda. Bigla naman sumilip ang mukha ng isang gwapong lalaki na nakasuot ng puting t-shirt at fatigue na pantalon at tingin ni Lexi ay isang sundalo. "Lo, nandito na 'ko." Sabi ni Carlo. "Bakit ba ang tagal-tagal mo? Mamatay na ko pero inuuna mo pa ang iba." Inis na sabi ng matanda. "Lo naman, parang hindi ka din nagsundalo dati." Kakamot-kamot sa ulo na sabi ni Carlo. "Siya si Lexi, tandaan mo pangalan niya. Pag hindi niya ako nakunan ng dugo, pahuli mo sa mga tauhan mo." Sabi ng matanda. Natawa naman si Lexi sa nadinig. "Tay naman, huli agad? Hindi ba pwedeng sorry lang?" Sabi ni Lexi na ikinangiti ni Carlo. "Ah basta, kapag hindi mo ko nakuhanan ng dugo ipapahouse arrest kita." Sabi ng matanda. "Eh paano kapag nakuhanan kita?" Tanong ni Lexi. "May libre kang kiss sa apo ko." Sabi ng matanda. Nagkatinginan ang dalawa at gusto sanang itago ni Lexi ang syringe na may laman ng dugo pero nakita na ito ni Carlo. "Nakakuha na siya, Lo." Sabi ni Carlo. Tumingin ang matanda kay Lexi at itinaas niya ang syringe. Tumingin ito sa braso niya at nakita ang bulak dito. "Paanong? Bakit 'di ko naramdaman?" Gulat na tanong ng matanda. "Daldal ka kasi ng daldal, Lo." Sabi ni Carlo. "Aba 'tong batang 'to!" Aktong papaluin sana ng matanda si Carlo pero nakaiwas agad ito. "Oh, paano, Tay. Maiwan ko na kayo." Sabi ni Lexi. "Sandali, wala pa 'yung kiss ng apo ko." Sabi ng matanda. "Tay, hindi pwede, magagalit boyfriend ko." Sabi ni Lexi at pareho siyang tiningnan ng maglolo. Hinawi na niya ang kurtina na tumatakip sa pwesto ng matanda at sinenyasan si Rhian na tapos na siya. Nagpasalamat si Richie at Bella sa dalaga bago tuluyang makaalis ang dalaga.

"Sayang! Ang tagal mo kasi." Sabi ng matanda. "Lo, kahit maaga akong dumating, may boyfriend pa din siya." Sagot ni Carlo. "Sabagay, boyfriend pa lang naman, may pag-asa ka pa." Sabi ng matanda. "Lolo!" Sabi ni Carlo. "Oo na pero ang ganda noh?" Tanong ng matanda at ngumiti si Carlo. "Ipatumba mo na lang kaya yung boyfriend." Sabi ng matanda. "Lolo Clemente!" Kunyaring galit na sabi ni Carlo. "Grabe, makakumpleto ng pangalan wagas." Sabi ni Clemente na nagpangiti kay Carlo.

"Maiba ako, ano'ng balita doon sa negosyanteng sinisubaybayan n'yo?" Tanong ni Clemente. Nasa loob na sila ng suite room kaya malaya na silang pag-usapan ang tungkol sa trabaho. "Madulas pa sa palos, Lo." Sagot ni Carlo. "Kaya sa'yo binigay 'yan, 'di na kaya ng mga pulis." Sabi ni Clemente. "Mabuti pa ay magpahinga na kayo. Babalik na lang ako bukas. 'Wag kayong pasaway!" Bilin ni Carlo. "Oo na, oo na." Sabi ng matanda. "Kung kailangan mo ng tulong para kay Lexi..." Hindi na natapos ng matanda ang sasabihin dahil sinara na agad ni Carlo ang pinto. "Bastos na bata!" Sabi nito sa sarili.

Chapitre suivant