webnovel

Chapter 46

CHAPTER 46: Neck Tie

Ayradel's Side

Naging maayos na nga ulit ang pakikitungo sa akin ni Mama nitong mga sumunod na araw. Hindi kami nakapagusap tungkol sa tampuhan namin, kundi bigla na lang niya akong kinausap at pinaramdam na okay na sa kanya ang lahat. Sigurado rin ako na malaking epekto sa pagbabati namin 'yong pagkapanalo ko sa Quiz Bee nitong araw.

Kinabukasan, 6:45 nang marating ko ang school. Hindi katulad dati, medyo nabawasan na yung mga matang tumitingin sa akin kapag naglalakad sa hallways.

Medyo may mga estudyanteng nginingitian na akoㅡna hindi rin naman ako sanay, pero mas maigi na iyon kaysa naman dati na puro death glares.

Napansin ko ring hindi na ako masiyadong pinapansin ng grupo ni Jully. Hindi ko na rin sila madalas makita o makasalubong, siguro natakot na rin sila kay Richard dahil sa ginawa nito sa kanila noon.

It's October, 21 days before my birthday.

Ilang buwan ko na rin palang kasama si Richard Lee. Hindi pa rin ako makapaniwala.

Dati akala ko imposibleng magkalapit man lang kami ng lalaking 'yon, pero sobrang di ko inexpect kung ano man kami ngayon.

Napasimangot ako... ano na nga ba kami ngayon?

Ipinilig ko na lang ang ulo ko para kalimutan ang last na inisip ko.

Dapat maging masaya na lang ako. It's my birthday month!

Lumiko ako ng daan upang magshort cut sa Science Garden papuntang room namin, nang may makakasalubong akong guro na sobrang daming dalang mga papeles.

May bag pa siyang bitbit sa kaliwa niyang braso, at bukod pa r'on ay may edad na siya. Mukha itong hirap na hirap, kaya naman lumapit na ako upang tulungan siya.

''Ma'am, ako na po!'' Sambit ko sabay kuha ng mga bundle ng papel. Medyo may kabigatan ito.

''Nako, iha, maraming salamat! Kanina pa nga sumasakit ang balakang ko, jusko!'' anito, habang nakahawak sa bewang. Nagpatuloy kami sa paglalakad.

''Walang anuman po!'' Sagot ko. Chineck ko 'yong wrist watch ko. ''Ahm, saan po ito dadalhin?''

''Sa Imelda building, iha.''

Lumaki ang mga mata ko.

Paktay, mukhang napasubo ako ah.

Imelda building. Building ng Tirona High na maraming pasikot-sikot at nakakapagod akyatin. Wala naman kasing elevator doon, kaya madalas walang pumunta para tumambay bukod sa mga estudyante na d'on talaga nagru-room.

Bukod pa r'on ay malayo-layo rin iyon mula sa building ng room namin, sa library at sa canteen.

Naglakad na nga kami ni Mam at dinatnan ko na lang ang sarili kong umaakyat sa walang katapusang hagdanan ng Imelda. Halos maubusan talaga ako ng tubig sa katawan, at laking pasasalamat ko na lang talaga marating na namin ang fourth floor nang buhay.

Inilapag ko kaagad ang paper bundle sa table nang makarating kami sa room nito.

''Lapag mo na lamang diyan, iha. Ayan, salamat ha!''

Tumango ako at ngumiti.

''Sige ho, Ma'am.'' sambit ko at tatalikod sana nang tawagin niya ulit ako.

''Sandali, iha, pabor lamang.'' Lumingon ulit ako at pinagmasdan ang pagkuha niya ng isang folder. ''Pakibigay naman ito kay Mrs. Fonte, sa first floor. Matanda na ako, ang hirap umakyat-panaog.''

Naawa naman ako dahil talagang matanda na ito. Mukhang nasa 50 or 60 na yata ito.

''Ahh... sige po,''

''Salamat. Ito ang folder ha, iha. Pakibigay na lamang kay Mrs. Fonte, pakisabing galing kamo kay Mrs. Sonia.''

''Okay po, Ma'am.''

Lumabas na nga ako ng room at mula 4th floor ay bumaba ako pa-1st floor. Nilibot ko pa ang floor na iyon para hanapin ang English department. Nang marating ko e, kumatok ako at hinanap si Ma'am Fonte.

''Ma'am, excuse me po.'' sabi ko sa nagkikilay na si Ma'am Fonte. Nakaupo siya habang nakaharap sa maliit niyang salamin. Nadako ang tingin niya sa akin saglit.

''Yes?'' Aniya.

''Pinabibigay po ni Mrs. Sonia,'' nilapag ko yung folder sa harapan niya.

''Nasaan si Mrs. Sonia? Kanina ko pa siya hinahanap.'' aniya, saka bumalik sa pagkikilay. ''Ay, salamat pala diyan.''

''Nasa room niya po sa 4th floor.''

''Ah gan'on ba? Pwede bang pakibigay din to sa kanya?'' Sinabi niya iyan habang parang walang pakialam sa mundo, basta nagmemake up siya. Nilabas niya ang isa pang folder at agad na bumagsak ang balikat ko sa panlulumo. ''Grades ng estudyante niya yan sa English e.''

Napatulala lang ako sa bote ng tubig malapit sa kanya. Jusko, nauuhaw na ako.

''May kailangan ka pa?'' Tanong ni mam kaya naman natauhan ako.

''W-wala na po.''

''You can go now,'' maarte niyang sabi.

''O-opo,'' huhuhuhu.

Aakyatin ko na naman ang 4th floor, kaiyak.

Wala naman na akong choice kundi ang sundin ang utos niya. Umakyat na lang ulit ako sa parang walang katapusang hagdan ng Imelda. Talagang aabutin ka ng taon kapag umakyat ka dito.

UGH!

Nasa hallway na ako ng 4th floor nang magvibrate ang phone ko. Agad kong tinignan iyon.

Richard❤

Where are you?

Napapikit ako, wala naman akong load kaya naman, binalik ko na ang phone sa bulsa at pumunta na sa room ni Mrs. Sonia.

May kausap na itong isa pang guro nang dumating ako roon. Kilala ko ito, si Mrs. Esconde, teacher na madalas sa Library.

Ngumiti sa akin ito nang makita ako.

''Oh, Ms. Bicol!'' Anito kaya ngumiti ako.

''Hello, Ma'am!'' Pagbati ko naman.

''Congratulation nga pala for being the Science Quiz Bee Champion!''

''Thank you, Ma'am!'' Sagot ko. ''At saka excuse me po pala, Ma'am Sonia. Pinabibigay din po pala ni Mrs. Fonte ito.''

"Ay, oo, nga pala. Mabuti inihatid mo dito! Maraming salamat!"

"Sige ho, Ma'am Sonia, Ma'am Esconde," balak ko na sanang magmadali para makaiwas sa utos pero agad akong napakagat ng labi nang tawagin ako ni Mam Esconde.

Patay tayo niyan.

"P-po?"

"Mabuti pala't andito ka. Tutal, dadaan ka lang rin naman sa Library, pakilagay naman nito sa table ko para hindi na ako pumunta pa doon." Pagkatapos ay iniabot niya sa akin ang isang box na halos mayakap ko na. "Mga libro ang laman niyan. Salamat, hija!"

Ngumiti ako na parang natatae. Bakit ba ang lapitin ko ng favor ngayon? Huhu

"S-sige po, M-Ma'am."

''Alam mo Mrs. Sonia, kahit kailan ay napakabait na batang iyan--''

Naku, nagawa pa akong bolahin ni Mam Esconde!

Ngumiwi ako't saka tuluyang lumabas ng silid aralan. Hindi magaan, at hindi rin mabigat 'yong box pero malaki ito para masakop ang buong braso ko, kaya naman sobrang nakakangawit.

Paminsan-minsan pa akong tumitigil at inaangat ang box gamit ang tuhod ko dahil unti-unti itong dumudulas mula sa pagkakahawak ko.

Dama ko na rin sa noo ko yung mga butil ng pawis, lalo na n'ong makababa ako sa 1st floor. Humugot ako ng mahabang hininga nang marealize na medyo mahaba pa ang lakaran, at sobrang tirik ang araw kahit alas-syete pa lang ng umaga.

Nakailang metro na yata ang nalakad ko mula sa Imelda nang biglang may sumigaw sa gilid ko.

''AISH!!! YAH BAICHI!!!'' Agad akong napalingon sa pinanggalingan nito.

Natanaw ko si Richard na kunot ang noo habang naglalakad papunta sa akin. Agad akong nataranta habang papalapit siya.

Ghad, anong itsura ko?!

Muntik ko pang makalimutang may hawak nga pala akong box para lang punasan ang mga pawis ko sa mukha. NAKAKAHIYA!

''Kanina pa kita hinahanap! Ang aga-aga, sinong nagpabitbit sa 'yo niyan?" Aniya pagkalapit, saka niya inagaw sa akin 'yong kahon.

''A-ako na--''

"AISH." hindi ko sana ibibigay 'yong kahon, pero parang nakuryente ako nang magpatong ang mga kamay naming dalawa.

Pareho kaming natigilan pero ngiting-ngiti siya.

''What?'' Aniya. ''You want to hold my hand? Papayagan naman kita mamaya e, ako na'ng magdadala nito.''

"Sira."

Humalakhak siya nang bumitaw ako sa box. Mabuti na lang at maaraw, may dahilan para mamula ang mukha ko.

"Tsk, doon nga tayo sa lilim. Ang init." aniya, saka kami naglakad sa may lilim ng puno. Inabot niya rin sa 'kin yung hawak niyang water bottle. ''Oh. Tubig.''

Agad na nanlaki ang mata ko pero pinigilan ko yung sarili kong magmukhang uhaw na uhaw.

''S-salamat,''

May bawas na yung tubig pero wala na akong pakialam, ininom ko na agad-agad dahil sa uhaw. Pinunasan ko 'yung bibig at noo ko pagkatapos.

''WOO!'' sigaw ko, ngunit agad rin akong naconcious dahil nakatingin lang pala sa akin si Richard. Kunot pa rin ang noo niya, siguro dahil din sa sikat ng araw, habang bahagyang nakaawang ang bibig.

Uminit na naman ang mukha ko sa kahihiyan.

''B-bakit?"

Dahil para niya na akong babalatan ng buhay sa tingin niya.

''Yah.'' page-alien niya. ''Sinong nagutos sa 'yo na bitbitin 'to? Teacher ba? Dapat pala sinabihan ko na lahat ng teachers sa school na 'to na 'wag kang papagurin, uutusan at pagdalahin ng mabibigat dahil ang payat payat mo tapos---''

"Huy, payat lang ako pero hindi ako baldado no!" sagot ko sa mahaba niyang sinabi.

"Kahit pa. Bakit ka ba pinahahawak ng ganitong bagay!"

Napangiwi ako. "Hindi ako mayamang katulad mo no! Okay lang sa aking humawak ng ganyan!" uminom ulit ako sa water bottle na hawak ko.

"Ngayon hindi na pwede," aniya. "Ang dapat sa kamay mo, ang hinahawakan lang ay kamay ko."

Muntik ko nang maibuga yung ininom ko. Mukha siyang seryoso na nagloloko, kasi may ngisi at irap pa siyang nalalaman.

"O kaya ikaw bahala, kung anong gusto mong hawakan bukod sa kamay ko."

Hinampas ko na siya habang halakhak lang siya ng halakhak!

"Joke lang! Hahahaha!"

"Ikaw kung anu-ano talaga pinagsasabi mo! Tss! Tara na, dalhin na natin 'yang box sa library."

Tatalikod na sa ako nang pigilan niya ako ulit.

''Teka,'' pinagmasdan ko kung pano siya tumagilid mula sa direksyon ko. ''Panyo. Nasa bulsa ko, kunin mo, pinagpapawisan ka e.''

Natigilan ako saglit, pero agad ko ring ginawa yung sinabi niya. Halos pinaglalaruan na ng bulate ang tiyan ko habang kinukuha sa bulsa niya yung panyo. Naamoy ko rin agad 'yong pabango niya.

Nahiya pa akong idampi yon sa noo ko.

''Sige na,'' aniya.

''Ah, talagang tititigan mo lang ako habang nagpupunas ako ng pawis?''

Bahagyang nanlaki ang mata niya at napaiwas ng tingin. Pansin ko na rin ang pagpula ng tenga niya.

''Hindi ah!! T-Tara na nga. Saan ba 'to dadalhin?''

Natawa naman ako ng palihim sa naging reaksyon niya.

''Sa desk ni Ma'am Esconde sa library.'' Tumango lang siya at nagsimula na kaming maglakad. Pinunasan ko na rin ang pawis ko sa mukha gamit ang panyo niya.

''Wala pa ba si Ma'am?" Tanong ko.

"Nand'on na. Pero walang klase. Inannounce lang na next week, bigayan ng card. Tapos next next week bago magsembreak, Leisure time ng Science Camp."

Tumango lang ako at hindi ko maiwasang malungkot. Patapos na ang 2nd grading. Isang grading lang ang itatagal dito ni Richard, kaya after sembreak, maaaring di na namin siya maging kaklase.

Babalik na siya sa totoong buhay niya.

Malamang kapag nagtagal, makakalimutan niya na rin ako.

"Why?"

Napaangat ako ng tingin.

''Ba't ka malungkot?"

''H-hindi ah,''

''Sabihin mo na, Baichi. I'd like to know your thoughts.''

Naglalakad pa rin kami at medyo tanaw ko na yung Library.

''D-diba sabi mo dati... isang grading ka lang dito mags-stay?''

Humalakhak siya at napa-pout naman ako inside.

"Diba 'yun yung gusto mo?" Sabi niya pero parang kilig na kilig pa siya't ngiting-ngiti.

Mas lalo akong napa-pout dahil ganyang-ganyan din ang sinabi niya sa akin, isang gabi matapos niyang sabihin sa tatay niya na girlfriend niya ako.

''Kapag sinabi ko bang hindi ko gusto 'yon, hindi ka na... aalis?" di ko na pinagpatuloy ang sasabihin ko kasi hindi ako sanay iexpress ang nararamdaman ko.

Humalakhak ulit siya, pero medyo mahina na.

"Kahit hindi mo pa gusto. Kahit itulak mo ako palayo. Kahit may gusto ka mang iba, hindi ako aalis. Dito lang ako sa tabi mo.''

ilang segundo kaming nagkatitigan, at hindi ko alam kung bakit parang ang lungkot na niya.

Siya ang unang bumitaw sa titigan. Napatingin ako sa harapan at nasa tapat na pala kami ng Lib.

''Hintayin mo na lang ako dito sa baba,'' aniya, saka na siya naglakad papuntang library.

Naghintay na nga lamang ako doon sa ibaba ng Library building. Kita mula rito ang building ng room namin. Tahimik lamang akong nakatayo roon nang biglang may bumangga sa akin na nanggaling sa likod ko.

Agad akong napahawak sa balikat at tinignan ko agad kung sino iyong bumangga sa akin.

Si Jae Anne.

Pero ni hindi siya nagsorry. Nilingon niya lang ako ng parang wala lang, saka siya naglakad-takbong pumunta sa building ng room namin.

Siguro nagmamadali lang.

Nabura naman agad sa isip ko si Jae nang matanaw ko na si Richard na naglalakad pabalik sa akin.

Napailing ako sa naisip kong 'pabalik sa akin'. Gah! Ayra!

Tatalikod na sana ako para sumunod na lang sa akin nang magsalita siya.

"Saan na pala panyo ko?" Aniya agad pagkalapit. Kumunot ang noo ko.

"Ha? Puro pawis, e. Lalabhan ko muna."

"Aish!!!!'' Para siyang bata na nakalahad ang kamay, tas hindi binigyan ng piso pambili ng lolipap. ''Di naman sa'yo yan e, bakit mo lalabhan?"

Siraulo talaga 'to. Siya pa galit, ako na nga maglalaba ng panyo niya.

"Ginamit ko e? Saka puro pawis ko na to!!"

"Psh, wag na. Akin na." Sabay lahad ulit ng kamay. Seryoso talaga siya?

"O-kay," binalik ko sa kanya yung panyo, at bahagya pang namula ang pisngi ko sa hiya.

''Good,'' aniya at ibinulsa yung panyo. Nagtama ang mga mata namin kaya naghuramento nanaman ang dibdib ko..

Ghad, kailangan kong gumawa ng paraan!

''T-Tara na sa room.'' Sabi ko na lang ulit, pero bago pa ako makalagpas sa kanya ay hinila niya na ako sa braso.

''Sandali lang,''

Bago pa ako makareact ay napatitig na ako sa mukha niya na ang lapit na ngayon. Bahagya akong napaatras, at natuod nang pinalibot niya yung braso niya sa leeg ko.

Parang nagyayakapan ang posisyon namin ngayon na hindi. Halos hindi naman ako makahinga ng mga sandaling iyon dahil sobrang lapit niya at halos maduling na rin ako sa adams apple niya, kaya mas pinili kong sa gilid na lang tumingin.

''A-anong ginagawa mo?'' napalunok ako. Naramdaman ko ang kamay niya sa ilalim ng kwelyo ko.

''Magulo yung neck tie mo.''

Naramdaman ko nga ang pag-untie niya sa tali at hinila paitaas ang neck tie ko para umayos.

''Ayan, maayos na.''

Tinignan niya ako habang malapit pa rin kami sa isa't isa kaya mas lalo akong natuod. Inayos niya pa ang buhok sa tuktok ng ulo ko, at parang wala lang sa kanya ang ginagawa niya samantalang para na akong aatakihin sa puso dahil sa kanya.

'' Kanina kasi para kang binagyo e.'' Dagdag niya saka pa siya humalakhak.

"Nanay na pala kita?" sambit ko kahit mamamatay na ako dahil sa sobrang lapit niya.

Hinaplos niya ulit yung tuktok ng buhok ko habang titig na titig siya sa akin.

"Okay lang rin, para ako na magaalaga sa 'yo."

Napaubo-ubo ako para matakasan ang nakakabaliw niyang titig. Narinig ko ang mahina niyang halakhak.

Mula sa gilid e, binalik ko sa kanya ang tingin. At ang awkward dahil nakangiti lang siya habang nakatingin sakin.

"Ayradel."

LUB DUB LUB DUB. Halos nagwawala na ang puso ko.

"Hmm?"

hinapit niya ako palapit at sabay dampi ng mabilis na halik sa saking labi.

Literal na nanlaki ang mata ko.

"RICHARD LEEEEEEEEEEE!!!!"

Tatawa-tawang tumakbo siya palayo.

Uminit ng sobra ang pisngi ko at tinignan ang paligid kung may tao ba. Napatakip pa ako sa mukha ko sa sobrang kahihiyan.

"AISH LUMAPIT KA DITO!" banta ko.

Tumigil lang siya sa pagtakbo nang medyo nakalayu-layo na siya.

"HA? TAYO NA?!" sigaw niya.

"ANO?"

"SABI KO TAYO NA? AKIN KA NA?!"

"EWAN SAYO!"

"HAHAHAHA."

Lumapit na siya at sinamantala ko iyon para hampasin siya.

"Hahaha! Sabi nga tayo na sa room,"

Bumalik na kaming room pagkatapos.

Science Camp ang naabutan kong inaannounce ni Ma'am.

Nadako ang tingin sa amin ng mga kaklase ko, pero hindi katulad noon, agad rin naman silang bumalik sa pakikinig. Mukhang sanay na sila sa akin... na kasama ang isang Richard Lee.

''O dahil nandito na ang sponsor natin,'' kumunot ang noo ko sa sinabi ni Ma'am, ''Inuulit ko... dahil sa mga parangal na nakuha ng ating section sa Science Camp, nakapagpaalam na ako sa lahat ng teachers at principal, na hindi muna kayo magkaklase ngayon dahil...."

Nagpabitin pa si Ma'am kaya naman hindi na kami makahingang lahat.

"MAGCECELEBRATE TAYO!!!!!"

At saka umingay ang buong paligid.

Chapitre suivant