Nagmamadaling umuwi ng bahay si Mika dahil sa sama ng loob niya sa aroganteng manager sa mall. Akala niya ay papanigan siya nito dahil siya ang customer pero hindi pala. Pagminamalas nga naman ang araw niya. Padabog niyang isinara ang pinto ng kotse pagbaba niya rito at naglakad papunta sa gate para pagbuksan ang sarili. Agad naman siyang tinahulan ng kanyang alagang aso na si Tootsie mula sa bintana ng kanyang bahay.
Excited na excited ito sa pagdating niya. Lalo na kapag buong araw siyang wala sa bahay ay bakas na bakas sa mukha nito ang excitement. Pagbukas na pagbukas pa lamang niya ng pintuan ng kanyang bahay ay sinalubong na siya nito. Agad niya itong kinarga at tuwang-tuwa naman ito nang paghahalikan niya ito at yakapin. Para bang isang linggo silang hindi nagkita nito.
Ito na lamang ang kaligayahan niya bukod sa pagsa-shopping. Ito rin ang madalas niyang kausap kapag pakiramdam niya ay walang makakaintindi sa kanya. Abala naman si Criselda habang relax na relax na nagbabasa ng magazine. Nakasandal pa ito sa pader ng bahay malapit sa sofa. Hindi pa ito nakuntento sa posisyon niya kaya naupo pa ito sa sofa at ipinagpatuloy ang pagbabasa na parang kinikilig pa.
Hindi na iba sa kanya si Criselda. Magkalapit lang sila ng edad nito. Anak siya ng kasambahay nila na pinagkatiwalaan ng mga magulang niya sa pag-aalaga sa kanya. Halos sabay silang lumaki. Nang maulila si Criselda ay kinupkop na ito ng pamilya Salvatore. Ito rin ang naiwan sa bahay nila noong mag-migrate sila sa US kasama ang buong pamilya hanggang makabalik siya sa pilipinas.
Naiwan naman sa states ang mga magulang ni Mika kung saan doon nakatira ang mga ito. Nang mapalingon siya rito ay eksakto namang nagsalita ito. Natatawa na lang siya sa narinig niyang sinabi ng kababata.
"Napaka-gagwapo naman nitong mga lalaking ito! Kailan kaya ako makaki-kilala ng ganitong mga mala-adonis na kagwapuhan." saad ni Criselda habang nanlalaki ang mga mata na nakatitig sa katawan ng Alfonso Brothers.
Matapos sabihin iyon ay agad nitong inilapag ang magazine sa center table. Saka naman niya napansin na nakatingin pala ang kababata niya sa kanya at nangingiti pa. Nakangiting kumaway siya rito at lumapit kay Mika.
"Dumating ka na pala. Hindi kita napansin kaagad." sabi nito.
"Mukha nga e. Mukhang busy ka sa binabasa mo." sagot naman ni Mika. Nagkatawanan ang dalawa. Matapos na saglit na mag-usap ay nagtungo na si Cris sa kusina para ituloy ang kanyang labada.
Samantala si Mika naman ay naupo sa sofa matapos makipaglaro sa alaga. Nang makaupo ay saka niya naramdaman na para bang pagod na pagod siya sa nangyari. Pagod siya sa inis sa pangyayari kanina. Mabuti na lang at may asong nagpapasaya sa kanya. Sa tuwing nakikita niya si Tootsie ay nawawala ang pagod niya. Sasandal na sana siya nang mapansin niya ang magazine na kanina lang ay binabasa ni Criselda. Napangiti siya nang makita ang cover ng magazine.
"Kaya naman pala abot-tainga ang ngiti nitong si Cris." naiiling na sambit niya sa sarili. Sino ba naman ang hindi mapapangiti sa larawan na cover ng magazine? Puro kalalakihan ang cover nito na may mga makikisig na pangangatawan. Totoo ngang mala-adonis at gwapo ang mga ito. Curious niyang dinampot ang magazine at tiningnan.
"Alfonso Brothers..." sambit niya sa sarili. Lalo pa siyang na-curious nang mabasa ang description. 'Five Bachelors of the Alfonso Family' pero napansin niyang apat lang ang nasa picture kaya naman binuklat pa niya ang mga pahina ng magazine na ito.
"Mukhang exclusive lang sa Alfonso Brothers ang content ng magazine". bulong niya sa sarili. Sinimulan niyang basahin ang nilalaman ng magazine. Talaga namang kitang-kita ang kagandahang lalaki ng mga Alfonso at ang magagandang hubog ng mga pangangatawan nito.
Ang Alfonso Brothers ay prominent bachelors sa Pilipinas. Lalo pa siyang na-curious nang mapansin niyang wala sa kahit saang pahina ng magazine ang picture ng bunsong anak ng mga Alfonso. Pero naroon ang biography ng bawat isa. Nakaagaw ng pansin sa kanya ang bunsong anak ng mga Alfonso. Malayong-malayo ang description ng mga kapatid nito sa bunso nilang kapatid na halos mga successful na at may hawak na kanya-kanyang kumpanya.
"Marcus? Nice name..." sabi niya sa sarili habang binabasa ang biography ni Marcus. Matapos basahin ang magazine ay muli niya itong inilapag sa center table. Nais niyang magpahinga muna bago maghapunan kaya naman nagtungo siya sa kanyang kwarto para magpalit ng damit.
Nang buksan niya ang kanyang closet ay muli niyang naalala ang kaganapan kanina. Lalo na ang mayabang na manager. Naiinis pa rin siyang isipin na hindi siya nito pinanigan. Padabog siyang naghanap ng maisusuot para sa conference meeting sa office. May ilan naman siyang mga damit na hindi pa nagagamit. Naisip niyang pumili na lang sa mga ito. Dahil na rin sa hilig niyang magshopping ay may mga pagkakataon na bumibili siya ng mga damit kahit na hindi naman niya kailangan.
"Nakakainis talaga.!" gigil na sambit niya.
"Kung hindi dahil sa manager na 'yon ay may nabili sana akong damit para sa conference." mabuti na lang at impulsive buyer siya kung hindi ay baka pinaglumaang damit ang isusuot niya bukas.
Agad niyang inihanda ang susuotin para bukas. Pero bawat lingon niya sa damit niya ay nagpa-flashback ang nangyari sa mall. Mas nakadagdag pa sa pagkainis niya nang makita ang cellphone niyang tadtad ng missed calls. Mga tawag na inaasahan naman niyang mangyayari pero ayaw niya pa ring makipag-usap sa mga ito. Pero talagang makulit ang mga ito na lalo niyang ikinainis. Paano ay tumatawag na naman ang mommy niya pero ayaw niya itong sagutin. Makailang ulit itong tumawag pero hindi ito nagtagumpay na makausap si Mika.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng dalaga nang tumigil na rin sa wakas ang pagtunog ng cellphone niya. Matapos niyang ihanda ang susuotin ay nagpunta na siya sa toilet para magshower. Gusto niyang presko man lang ang pakiramdam niya bago matulog. Bago maligo ay pinatugtog niya ang paborito niyang musika para naman ma-relax siya kahit papaano. Talaga namang nakakapagpaiba ng mood ang musika.
Sinabayan pa niya ito. Nang mai-on ang heater ng shower ay agad niyang dinama ang maligamgam na tubig na dumadaloy rito. Sarap na sarap ang pakiramdam niya sa bawat pagpatak ng warm water na lumalabas dito. Sabayan pa ng magandang musika. Matapos niyang magshower ay isinuot niya ang paborito niyang pajama at maluwag na tee shirt.
Naisip niyang magpahinga muna bago maghapunan. Iidlip muna siya. Nang makaupo sa gilid ng kama ay kinuha niya ang cellphone niya at nagset ng alarm para sa oras ng gising niya at pati na rin ang alarm para bukas. Kailangan ay hindi siya ma-late sa meeting bukas. Dapat ay mas maaga siya sa normal na pasok niya.
At para na rin hindi siya mapahiya sa boss niya dahil may bali-balita na ang intern na papasok sa kumpanya nila ay isang taong malapit sa boss niya. Magaling daw ito sa lahat ng bagay lalo na sa pakikisalamuha sa mga tao. At kaya naman ito ang talagang pinili ng boss niya para sa posisyong iyon.
"Well, sana hindi siya katulad ng aroganteng lalaking 'yon." Sambit niya sa sarili na ang tinutukoy ay ang manager sa shop.
"Gwapo pa naman sana. Tapos ang bango pa... Mayabang nga lang." sabi pa ng isip niya nang maalala ang mayabang na manager. Inis na inis pa rin siya sa kabila ng ilang oras na ang nakalipas. Nakatulog siya na nasa isipan ang nangyari sa mall.
Napabalikwas siyang pupungas-pungas nang marinig ang malakas na tunog ng alarm clock niya. Pakiramdam niya ay parang kakapikit pa lamang ng kanyang mga mata nang tumunog ang alarm. Agad niya itong in-off at excited na naligo. Matapos maligo ay agad siyang nagbihis at nagtungo sa kusina para kumain ng almusal na inihanda ni Criselda. Mas maagang nagigising si Criselda sa kanya para maghanda ng almusal. Sanay na naman ito sa paggising ng maaga kaya hindi na ito nahirapan pa.
"Good morning Cris!" bati niya sa kasambahay. Agad naman tumango si Criselda at saka bumati rin sa kanya.
"Good morning, Ma'am! Mukhang maganda po ang gising niyo. Handa na po ang almusal niyo." sagot nito habang inilalapag ang tasa ng mainit na kape sa mesa.
"Salamat. Siya nga pala. Sabi ko sayo 'wag na ma'am ang itawag mo sa 'kin. Mika na lang. Magkasing edad lang naman tayo." tumango naman si Cris saka ngumiti.
"Kain ka na." sabi pa nito.
"Tara sabay na tayo." aya niya kay Cris habang himas ang tiyan. Narealized niya na hindi pala siya nakapag-hapunan kaya naman gutom na siya. Agad siyang naupo para makapag-almusal.
"Nauna na akong kumain. Marami pa akong tatapusin kaya nauna 'ko." napatingin saglit ang dalaga kay Criselda pagkatapos ay nginitian niya ito.
"Okay." Sabi niya saka nagsimulang kumain. Si Cris naman ay nagpatuloy na sa gawaing bahay. Maganda talaga ang gising ni Mika. Araw-araw gusto niya na ang problema niya sa nakaraan ay hindi na niya problema kinabukasan.
Pero minsan ay hindi niya ito magawa. Dumarating din sa point na napapagod siya. Para bang ayaw na niyang gumising pa. Matapos kumain ay agad nitong dinampot ang susi ng kotse sa mesa pati ang kanyang bag at nagpaalam kay Cris pati na rin sa alaga niyang si Tootsie. Nang makasakay sa kotse ay agad niya itong in-start. Saka nagmaneho nang may positibong pag-iisip sa umagang iyon.
Maaga siya sa dati niyang alis sa bahay kaya naman naiwasan niya ang traffic na ilang minuto na lang ay magsisimula na rin naman. Nang makarating siya sa parking lot ng opisina ay tuwang-tuwa siya nang may isang bakante malapit sa elevator. Agad niyang ipinosisyon ang sasakyan para makapag-park. Pero sa kasamaang palad ay may isang mabilis na puting sasakyan na agad na nag-park dito. Napahampas na lang siya sa manibela dahil sa inis.
Sinubukan niyang maghanap ng panibagong parking space. Hindi siya papayag na dahil lang sa pagpa-park ay mali-late siya. Agad naman siyang nakakita ng pwesto at nagmadali siyang mag-park dito. Matapos ay nagtungo na siya sa elevator deretso sa conference room.