webnovel

CHAPTER 3 (Prinsipe ng Halleña)

HALLEÑAN EMPIRE

MABILIS ang ginagawang paglalakad ni Prinsipe Cyrus papunta sa bulwagan kung saan siya ipinatatawag ng Emperador ng Halleña—ang kanyang amang si Alexander Fox. Ang sabi ng kawal ng palasyo na tumawag sa kanya ay may mahalaga raw silang pag-uusapan at kailangan na niyang magmadali.

Kaya heto siya ngayon, halos takbuhin na ang pasilyo ng palasyo papunta sa bulwagan kung saan ang butihing emperador, at ang iba pang mga opisyal at may matataas na katungkulan sa palasyo ay naghihintay na.

Pagtapat niya sa malaking pintuan ng bulwagan ay kaagad iyong binuksan ng mga naka-unipormeng kawal na nagbabantay.

Nadatnan niya sa loob ang lahat na mga naka-upo na sa tatlong helera ng mahahabang lamesa na nalalatagan ng napakaraming pagkain at alak. Halos lahat ay naroroon na. Tila siya na lamang ang kulang upang simulan na ang pagpupulong.

Pinagmasdan niya ang lahat. Naroon na ang kanyang tiyuhin na si Arnold Fox. Kapatid ito ng kanyang ama at ito ang kasalukuyang punong ministro ng imperyo ng Halleña. Napakabait nito at malapit sila rito ng kanyang nakatatandang kapatid na si Marcus.

Naroon na rin ang Gobernador Heneral na namumuno sa pangkat ng mga sundalo. Maging ang mga Nobles, ilang Feudal Lords, Vassals, at piling mga kabalyero na nagsisilbi ring lupong taga-hatol sa hukuman ng palasyo ay mataman ng naghihintay. 

Hindi rin nakaligtas sa kanyang paningin ang ilang mga embahador ng dalawang kahariang nasa ilalim ng kanilang pamumuno. Bibihira lamang magkaroon ng isang pagpupulong na dinadaluhan ng ganito karaming representante ng iba't ibang lalawigan at kahariang bumubuo sa imperyo ng Halleña. Kung kaya, natitiyak niyang isa itong napakahalagang talakayin.

Naroon din ang paring si Elisar na palaging nakabuntot sa kanyang ama. Ang pari ay malaya ring nakakapasok sa hukuman ng mga nakatataas at maging sa pribadong tanggapan ng emperador ng Halleña. Siya ay nagsisilbing Father Confessor sa monarkiya ng mga nakatataas(Lords), Kabalyero(Knights), Eskudero(Squire), at mga magsasaka. At mahigpit nitong sinasanay ang bawat eskudero na naghahangad maging isang magiting na kabalyero—hindi lamang sa mga kasabihan ng simbahan. Kundi maging sa mga panlipunang giliw upang sanayin silang maging maginoo. Nagsisilbi rin itong taga-payo at tagapag-patibay ng kanilang pananampalataya sa Diyos.

MATAMAN niyang pinagmasdan ang ama na noo'y umiinom ng alak sa kupeta habang naka-upo sa trono nito—na siyang sentro ng bulwagang iyon. Matanda na ito ngunit mababakas pa rin ang kakisigan sa hulma ng katawan. Suot nito ang gawa sa gintong korona na bumagay sa mahaba nitong kulay gintong buhok na ngayon ay marami-rami na rin ang mga hindi maitagong puting buhok sanhi ng katandaan.

Nilapitan niya ang ama at humalik sa mga kamay nito bilang tanda ng paggalang at pagmamahal.

"Kumusta ka, Mahal kong Ama? Ipagpaumanhin niyo po kung nahuli ako," aniya.

"Mabuti naman ako, Prinsipe Cyrus," nakangiting sagot ng emperador. "Maupo ka na." At ikinumpas nito ang kamay upang ituro ang gawi ng isang maliit na lamesa sa may paanan ng trono nito kung saan nakapuwesto ang punong ministro at si Prinsipe Marcus.

Agad naman siyang tumalima.

Wala ang kanyang ina sa tabi ng emperador dahil namayapa na ito tatlong taon na ang nakararaan. Dalawampu't isang taong gulang pa lamang siya noon at dalawampu't tatlo naman ang kanyang nakatatandang kapatid na si Prinsipe Marcus.

Namatay ang kanilang ina dahil sa isang malubhang karamdaman at hindi na naagapan. Dinala nila ito sa imperyo ng Higerra upang doon ipagamot ngunit huli na ang lahat. Wala ng nagawa pa ang imperyong iyon kahit naroon ang mga tanyag na manggagamot sa buong Atlanta.

AGAD niyang tinungo ang nag-iisang bakanteng silya sa tabi ng kanyang kapatid na laan talaga para sa kanya.

"Bakit ngayon ka lamang, Prinsipe Cyrus? Saan ka na naman ba nagtungo?" pabulong na bungad na tanong ni Prinsipe Marcus sa kanya bago pa man siya makapagbigay ng pagbati sa mga ito.

"Haist! Mahal kong kapatid... may mga bagay talaga na sadyang hindi ko na kailangan pang sabihin sa iyo," natatawa niyang sagot. Pabulong din iyon habang abala sa pag-aayos ng espadang nakasukbit sa kanyang baywang.

Mataman muna siyang pinagmasdan ng kapatid na tila ba sinusuri siya nito. Pagkuwa'y nagwika, "Ah, alam ko na! Nagtungo ka na naman sa bahay-aliwan." Iiling-iling ito habang may pilyong mga ngiting naglalaro sa mga labi nito't tila tiyak sa hinala.

"Ano? H-hindi ah! Hindi ako nanggaling doon. Sadya pang maaga para magtungo ako roon," mariin niyang tanggi. Ngunit, sa mahinang tono upang silang dalawa lamang ang makarinig.

"O 'di kaya naman... inumaga ka na ng uwi?" muling pambubuska nito.

"Haist! Nakipagkita nga ako kay Simon nitong umaga at nag-insayo kami sa paggamit ng espada. Iyon ang totoo!" pagpupumilit niya. Kahit na ang totoo'y tama nga ang hinala ng kanyang kapatid. 

"Ah, siya nga ba?" mapanuksong muling tanong ni Prinsipe Marcus. 

"Oo! At dapat kang maniwala dahil iyon ang katotohanan." At inabala niya ang sarili sa pamamagitan ng manaka-nakang pagkain ng ubas na nakalatag sa kanilang harapan upang umiwas lamang ng tingin sa kapatid.

"Kaya pala may mga marka ka pa ng halik diyan sa leeg mo," natatawang pambubuska ng kanyang kapatid. 

Sandali siyang natigilan sa sinabi nito. Inihinto niya rin maging ang pag-nguya. Bistado na siya! 

"Tinamaan ba iyan ng espada ni Simon?" pangungutya pa nito't pigil ang sariling matawa ng malakas.

Nang makabawi sa pagkabigla ay agad niyang nasapo ang leeg sa bahagi kung saan nakapagkit ang mga mata ng kanyang kapatid at namumulang humarap dito. Hindi rin niya magawang makapag-isip ng palusot dahil huling-huli na siya. 

Napakababaero talaga kasi ni Prinsipe Cyrus. Nakahiligan na niya ang pagpunta-punta sa bahay-aliwan upang uminom ng alak at para na rin aliwin ang sarili.

"Ah... E... k-kasi..." tinangka pa niyang muling magdahilan ngunit wala siyang maapuhap na sasabihin.

"Hay naku! Kilala kita, Cyrus. Kaya huwag ka nang magkaila pa." Bahagya nitong tinapik ang kanyang kanang balikat at naiiling na ngumiti. 

Napayuko siya ngunit natatawa na rin. Bakit nga ba niya nakaligtaang lalaki rin ang kanyang kapatid? At ang mga ganitong bagay, kailan ma'y hindi niya maitatago rito.

"Hindi maganda ang palagi kang nahuhuli sa mga pagpupulong nang dahil lamang sa pagliliwaliw mo, Prinsipe Cyrus. Kahit pa sabihing narito ka lamang upang makinig... huwag mo pa ring kaliligtaang isa kang prinsipe ng imperyong ito," pangaral nito.

"Kayong dalawa... tama na iyang bulungan. Magsisimula na ang usapin," marahang saway sa kanila ng tiyuhing si Punong Ministro Arnold.

"Paumanhin po, Punong Ministro," sabay nilang sagot habang palihim na tinatawanan ang mga sarili.

Nagkakasundo talaga silang magkapatid sa maraming bagay. Nagtatakipan ng mga kalokohan at kasalanan. At madalas ding pareho sila ng gusto.

Ang kaibahan lang nila ay namana ni Prinsipe Marcus ang puso ng isang pagiging magaling na pinuno ng kanilang ama. Kaya naman, wala siyang naging anumang pagtutol nang magpasya ang kanilang ama na sa kapatid ipagkatiwala ang trono oras na bumaba na ito sa puwesto. Samantalang siya ay likas na isang tamad at walang ibang alam kundi ang mga kalokohan at kapilyuhan ng isang binatang mahilig lamang magpakasaya.

Para kasi sa kanya, nakakasakal lamang ang mga responsibilidad na kaakibat ng trono at batid niyang hindi siya magiging malaya. Ayaw niyang matali sa loob ng palasyo dahil mas gusto niya ang maglakbay sa iba't ibang lugar upang mas mapalawak pa ang kanyang kaalaman pagdating sa iskultura't pag-aralan kung paano mapapalago ang kanilang sining. 

...itutuloy

Chapitre suivant