webnovel

CHAPTER 20: ADONIS

"KAMAHALAN, ipinatatawag niyo raw ho ako…" ani Adonis matapos yumukod tanda ng paggalang. Nabungaran niya ang kanilang hari na nakaupo sa mahabang hapag na nalalatagan ng napakaraming pagkain at inumin.

Maliban sa marangya nitong kasuotan ay wala ng ibang pagkakakilanlan dito bilang hari ng Macedonia. Ang korona nito'y iniwan sa kaharian at masusuot lamang muli sa kanilang pagbalik mula sa digmaan.

"Maupo ka." Bahagya nitong ikinumpas ang kamay sa ere upang ituro ang silyang laan para sa kanya. Kahit sa simpling utos nito'y namamayagpag pa rin ang kapangyariha't mataas na awtoridad na taglay nito.

"Maraming salamat, Kamahalan! Isa po itong karangalan." Muli siyang yumukod at mabilis na tinungo ang upuan sa bandang kanan nito—ang gawing itinuro ng haring si Alexander.

"Maaari mo ba akong ipagsalin ng alak?" pakiusap nito.

Kaagad naman siyang tumalima. At maingat na kumilos. Ginaya niya kung gaano kaingat ang mga nakikita niyang taga-silbi nito sa bawat kilos sa harapan ng hari. Matapos salinan ang kupeta nito'y isinunod naman niya ang para sa kanya.

"Balita ko… isa ka sa mga kawal na naiwan dito. Wala ka bang pamilyang uuwian?" tanong nito.

Sandali siyang natigilan sa pagsalin ng alak sa kanyang kupeta at muling humarap sa hari. Wala pa man siyang sinasabi'y napangiti na ito—ngiting may halong pait at simpatya.

"H-hindi pa ho lubusang natatapos ang digmaan, Kamahalan," katwiran niya. "Kung kayo po na dapat ay bumalik na'y naririto pa rin... mas lalo po akong walang karapatang bumalik para sa aking pansariling nais."

Biglang natawa ng malakas ang haring si Alexander. Pagkuwa'y magiliw nitong nilagyan ng inihaw na karne ng ligaw na baboy ramo ang kanyang pinggan. Isang malaking hiwa na karaniwang para lamang sa hari.

Ikinagulat niya iyon. Ngunit, hindi naman niya magawang tanggihan dahil kusa nito iyong ibinigay. Wala siyang ibang nagawa kundi ang magpasalamat.

"Napakabuti niyo po, Kamahalan!"

"Kumain ka. Magpakabusog ka! Kailangan iyan ng iyong katawan kung nais mo pang sumama sa akin sa digmaan bukas pagsikat ng araw," nakangiti pa rin nitong turan. "Unti-unti nang humuhupa ang labanan. Humihina na ang puwersa ng mga kalaban at tiyak na ang ating pagkapanalo," anito.

"Ngunit, hindi pa rin ho tayo marapat na magpakakampante hanggat hindi pa ganap na tapos ang digmaan. Ayun sa aking pananaliksik at pagmamatyag sa pamumuno ni Haring Porus… hindi siya basta-bastang sumusuko," paliwanag niya.

"Isa lamang ang kaharian ng Paurava sa mga mahihinang bansang papasa-ilalim sa aking pamumuno. Nakikinita ko na ang kanilang kapalaran. At hindi pa ako nagkakamali!" Bakas sa mga mata ni Haring Alexander ang tagumpay ng bukas na abot-kamay na nito.

Bahagya na lamang siyang tumango at sinuklian ito ng tipid na ngiti. Batid niyang malakas ang kanilang puwersa at isang magaling na pinuno ang kanilang haring si Alexander. Kailanma'y hindi pa ito natatalo sa digmaan at hindi maitatangging kinatatakutan ang kanilang hukbo.

"Isa bang dagok sa iyong pagkalalaki ang naging bunga ng iyong katapatan sa akin?" mayamaya'y tanong nito sa mababang tono. Kita rin niya ang pagiging seryoso sa mukha nito.

"H-hindi, Kamahalan! Nagkakamali po kayo. Isang karangalan para sa akin ang paglingkuran kayo. Buong buhay ko iyong ipinagpapasalamat!" Totoo iyon sa puso niya. Walang ibang mahalaga sa kanya kundi ang paglingkuran ng buong katapatan ang kanilang hari.

May pagkakataong naiinggit siya sa ibang nakapagpundar ng pamilya. Ngunit, itinanim na niya sa isipang ito talaga ang kanyang kapalaran. Hindi na niya iyon mababago pa. Nabubuhay siya upang makipaglaban at mamamatay sa digmaan.

"Ang inyong hari ay hindi na rin nagkaroon pa ng pagkakataong makapagpundar ng sariling pamilya. Buong buhay ko'y nakatuon lamang sa pangangalaga at pagpapalawak ng mga nasasakupang lupain. Digmaan dito… Digmaan doon." Mapait itong napangiti. At mabilis na sinimsim ang alak sa kupeta upang pawiin ang pait sa kanyang mga labi.

"Iyan po ang tungkulin ng isang dakilang pinuno na lubos na maipagmamalaki ng kanyang mga nasasakupan," aniya't ipinagsalin muli ng alak ang kanyang hari.

"Siya nga!" natatawang sang-ayon ni Haring Alexander. "Iyan ang tungkulin ng isang hari! Hindi ng isang magbubukid, kawal o kabalyero. Kung kaya… ako lamang ang marapat na nangungulila." Tumawa ito ng malakas matapos sumubo ng isang peraso ng ubas.

"Adonis, isa ka sa mga pinagkakatiwalaan kong taga-pangasiwa ng aking hukbo. Isa sa mga mata ng bawat digmaan at paglusob. Ang iyong dugo, pawis, at paghihirap ay malaki ang nai-aambag sa bawat tagumpay na ating natatamasa. At lubos ko iyong ipinagpapasalamat!" dagdag pa nito.

Malapad siyang napangiti. Ngayon lamang siya pinuri ng hari kaya lubos iyong nagpataba ng kanyang puso ng mga sandaling iyon—na siyang nagpalis ng buong araw niyang pagod sa pakikipagdigma. Isang karangalan ang pagkilala nito na dadalhin niya hanggang sa kabilang buhay.

"Hindi niyo naman ho ako marapat na pasalamatan, Kamahalan. Ginagampanan ko lamang ang aking tungkulin. Tungkulin ng isang mandirigmang Macedonian."

Natawa ng malakas si Haring Alexander. Halos pumalakpak pa ito't iiling-iling siyang pinakatitigan.

"Iyan ang gusto ko sa iyo, Adonis! Lubos kang nagpapakababa. Kaya marapat kang itaas! Bilang sukli ng iyong katapatan sa akin at sa kaharian ng Macedonia… bibigyan kita ng gantimpala!" Malapad pa rin ang pagkakangiti nito.

At siya nama'y biglang pinanlakihan ng mga mata sa pagkagulat. Hindi niya inasahan ang ipinahayag nito. Ang isang gantimpala mula sa hari ay isang malaking karangalan na natatanggap lamang ng iilan.

"H-hindi na po kailangan, Kamahalan! Naglilingkod ako sa inyo ng walang kapalit dahil isa iyong tungkulin ng bawat lalaki ng Macedonia," katwiran niya.

"Hindi. Hindi!" Sunod-sunod itong umiling kasabay nang pagkumpas ng kamay bilang pagsalungat sa kanyang sinabi. "Karapat-dapat kang gantimpalaan, Adonis! Oras na makabalik tayo ng Macedonia… ipapakasal kita sa isa sa aking mga pinsan. Ano ba ang iyong tipo sa isang babae?"

"Kamahalan!" Bigla siyang pinanlakihan ng mga mata sa pagkagulat. Sandali siyang natigilan at walang maapuhap na sasabihin. Tila naging isang musika sa kanyang pandinig ang sinabi nitong magkakaroon na siya ng asawa sa kanilang pagbalik ng Macedonia.

Pakiramdam din niya'y mabilis na tumibok ang kanyang puso.

"Ang isa kong pinsan ay mahilig sa musika. Magaling siyang tumugtog ng harpa na tiyak na magpapalambot ng iyong puso. Ang isa nama'y mahilig mag-alaga ng mga halamang namumulaklak. Ngunit, higit pa sa mga bulaklak ang kanyang kagandahan. Wala siyang kasing ganda! Ang maamo niyang mukha, bilugang mga mata, maliit at matangos na ilong, at maalong mahabang buhok ay karapat-dapat na para sa panlasa ng isang hari. At ang huli nama'y isang matalinong dilag na mahilig gumuhit at sumulat ng mga tula. Tiyak akong may isa sa kanilang kukuha ng iyong atensyon," mahabang paliwanag ng hari.

"Kamahalan! Tiyak kong hindi po ako karapat-dapat sa isa man sa kanila. Isa lamang akong--"

"Bibigyan kita ng lupang palalaguin, bahay na sapat nang pamahayan ng sampung maliliit at malilikot na paslit, at puwesto sa korte upang hindi mo na kailangan pang mapalayo sa kanila…" Putol ng hari sa sinasabi niya.

"Ngunit…"  Wala na siyang ibang maapuhap na sasabihin.

"Sapat na ba iyon upang masabi mong karapat-dapat ka na sa isa sa kanila?"

Wala nang pagsidlan ang kanyang kaligayahan. Labis-labis na ang gantimpalang ipinagkaloob ni Haring Alexander sa isang kabalyerong katulad niya. Ngunit, ang sayang naramdama'y panandalian lamang pala.

Pinilit man niyang magpakatatag sa huling araw ng digmaan dahil may rason na siya ngayong mabuhay at umuwi sa kanilang lupain. Ngunit, siya namang lupit ng kapalaran sa kanya.

Napaslang siya bago pa man masaksihan ang tagumpay ng Macedonia sa digmaan. Ang pananabik niyang makaranas na magkaroon ng sariling pamilya'y hanggang pangarap na lamang ngayon.

Huli na ang lahat para sa kanya. At nang mag-wika siya ng isang hiling sa Kaitaasan bago pa man bawiin ang huling hibla ng kanyang hininga, wala pa rin siyang ibang inasam kundi ang katahimikan sa piling ng matatawag niyang pamilya.

***

BUONG AKALA ni Adonis ay magiging maganda ang resulta ng kanyang pag-amin. Akala niya'y sapat na ang kanilang magagandang pinagsamahan ni Celina para matanggap siya nito. Alam niyang nagkamali siya at nagsinungaling; pinalabas na siya ang totoo nitong asawa. Ngunit, hindi pa rin pala sapat na maging totoo lang. Hindi pala ganoon ang mga bagay-bagay sa panahong ito.

Wala siyang ibang nagawa kundi ang maluha na lang sa labis na pagsisisi. Kung sana'y sa una pa lang nagtapat na siya, hindi siguro ganito kasakit ang mararamdaman niya. Hindi rin sana niya ito nasaktan ng ganito.

Wala siyang ni katiting na ideya kung anong ugali mayroon ang totoong nagmamay-ari ng katawang ito. At kahit na pawang kabutihan lamang ang ipinakita niya kay Celina, hindi pa rin iyon sapat upang lokohin niya ito. Sobra siyang nagsisisi sa nagawa. Ngayon ay hindi na niya alam kung papaano sasabihin dito ang totoo sa paraang paniniwalaan siya't hahayaang pakinggan ang kanyang paliwanag.

Bumalik siya sa pagkakaupo at pilit na nilinaw ang isipan. Hindi niya hahayaang lumipas ang buong gabi ng hindi sila nagkakausap ni Celina, kaya kailangan niyang mag-isip ng paraan kung papaano ito lalapitan.

...to be continued

Chapitre suivant