webnovel

Kasamaan (2)

Éditeur: LiberReverieGroup

Nanginig ang munting Emperor sa kaniyang kinatatayuan at wala sa sariling napaatras.

Ngunit biglang nagsalita ang Emperor ng Condor Country.

"Lumapit ka dito."

Nakaturo ito sa munting Emperor na pilit tinatago ang sarili sa likod ng mga taong naroon.

Puno ng awa ang mga tinging ibinigay sa munting Emperor.

Nanginginig man sa takot ay walang nagawa ang munting Emperor kundi pumunta sa harap.

"Anong bansa ang pinamumunuan mo?" Tanong ng Emperor ng Condor Country.

Sa kabila ng takot, pinilit pa rin ng munting Emperor na magsalita ng maayos: "Buckwheat Kingdom!"

"Ohh! Buckwheat Kingdom. Ha ha...Hindi ba't iyon ang pinanggalingan ng bobong Emperor na piniling gawing test subject ang sarili sa halip na ang kaniyang mga tauhan? Ha ha...nakakatuwa."

Puno ng insulto ang tawang iyon. Subalit narinig ng munting Emperor ang pagbanggit sa kaniyang kapatid.

"Hindi bobo ang aking Royal Brother! Wala nang papantay sa kaniya sa pagiging kapatid!" Sagot ng munting Emperor.

Naluluha-luha na ang Emperor ng Condor Country dahil sa sobrang pagtawa. "Wala nang papantay? Ha ha, kung gayon sabihin mo sakin anong bansa ang may pinunong handang isakripisyo ang kaniyang sarili para sa kaniyang mga guwardiya? Kung hindi ba naman siya tanga! Mapa-guwardiya o sundalo man iyan, sila ay kasangkapan lang ng Emperor na hawak namin sa aming mga palad. Kung gusto namin silang mamatay, mamatay sila. Kung gusto namin silang mabuhay, mabubuhay sila. Nasa kamay namin ang kanilang kapalaran. Pero ang kapatid mo, handa siyang pumasok sa urna para lang iligtas ang mga tauhan niya. Hindi ba't siya na ang pinakamalaking bobo sa lahat?"

Naninikip ang dibdib ng munting Emperor dahil sa kaniyang mga narinig. Nanlilisik ang kaniyang mga matang nakatingin sa Emperor ng Condor Country at nakakuyom ang kaniyang kamao.

"Hindi siya bobo! Siya ang pinakamabuting pinuno na magkakaroon ang isang bansa!"

Tumawa lang ang Emperor ng Condor Country at humalakhak.

Sa kabila ng galit na namuhay sa kaniyang puso, biglang naalala ng munting Emperor ang dahilan kung bakit sila nagpunta sa Condor Country. Kaya naman nilunok niya na lang ang kaniyang galit at tuminging muli sa tusong Emperor.

"Kamahalan ng Condor Country, mayroon akong ihihingi ng tulong sa inyo."

Tumingin muli ang Emperor ng Condor Country sa munting Emperor. Tingin na animo'y isang biro ang sinabi ng bata.

"Gusto mong tulungan kita?" 

Tumango naman ang munting Emperor. Bakas sa mukha nito ang kainosentehan sa pangyayari.

"Pwede mo bang tulungan ang kapatid mo dahil alam mo naman ang nangyari sa kaniya. Ibig sabihin ay alam mo kung paano siya ililigtas. Pakiusap, pwede ba?"

Biglang humagalpak ng tawa ang Emperor ng Condor Country. Yumuyugyog ang balikat nito dahil sa sobrang pagtawa. Habang ang ibang mga Emperor naman ay awang-awang nakatingin sa munting Emperor.

Hindi alam ng munting Emperor ang nangyayari. Hindi niya maintindihan kung bakit ganon na lang ang tawa ng Emperor ng Condor Country.

"Nagmamakaawa ako. Gamutin mo ang aking Royal Brother…" Nagpatuloy pa sa pagmamakaawa ang munting Emperor. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang dapat na gawin sa sitwasyon. Siya ay isang bata lang na gustong mailigtas ang kaniyang kapatid. 

Biglang nahinto sa pagtawa ang Emperor ng Condor Country at tumingin sa bata.

"Gusto mong iligtas ko ang iyong kapatid?"

"Oo." Determinadong sagot ng bata.

Ngumisi ang Emperor ng Condor Country at sinabing, "Sige, hindi mahirap na iligtas ang iyong kapatid pero...bakit ko naman ililigtas ang isang tao kung wala naman akong mapapala?"

"Anong gusto mo? Ibibigay ko sa'yo. Ibibigay ko lahat!" Sagot ng munting Emperor.

Hindi na matiis ng isang Emperor na manood lang. Magsasalita na sana siya para kausapin ang munting Emperor ng panlisikan siya ng mata ng Emperor ng Condor Country. Kaya naman muli niyang itinikom ang kaniyang bibig.

Chapitre suivant