Habang nakikipagdiskusyon si Fan Jin kay Jun Wu Xie, ang disipulong nagpain kay Fan Jin at sa grupo nito ay agad na nakatakas.
Sa kabilang parte ng kagubatan, isang grupo ng Zephyr Academy ang nagtagumpay na nakapangaso ng isang katamtamang uri ng Spirit Beast. Ang malaking katawan ng Spirit Beast ay nakahandusay sa lupa. Isang matangkad na disipulo ang nakaapak sa ulo ng Spirit Beast at kinukuha nito ang spirit stone sa bungo non.
Isang magandang babae ang nakatayo sa likod ng grupo. Nakatitig ito sa brutal na pangyayari at nakatakip ang manggas ng damit nito sa kaniyang ilong.
"Senior Ning, gusto niyo ng tubig?" Tumayo si Yin Yan sa tabi nito habang inaalok ang tubig na nasa kamay nito. Ang mata nito ay puno ng pagsamba bago ito lumingon sa kabilang direksyon.
Nakita niya ang paparating. Sumenyas ito kay Yin Yan at agad naman itong naintindihan ng huli. Tumalikod si Yin Yan at sinalubong ang paparating.
Umayos naman ng pwesto si Ning Xin kung saan ay malinaw niyang makikita ang bata at si Yin Yan. Tahimik siyang nag-obserba, kalmado ang kaniyang mukha. Ngunit ang kaniyang kalooban ay pinuno ng pangamba.
Ilang sandali lang ay lumapit sa kaniya si Yin Yan.
"Kumusta?" Nahirapan si Ning Xin na panatilihin ang pagiging kalmado.
"Matagumpay na naniwala si Fan Jin sa pain, wala nang magiging problema. Wala tayong nakitang ginamit na signal flare, tingin ko ay maayos na nasasagawa ang lahat ngayon." Saad ni Yin Yan na nakayuko. Pinipilit nitong itago ang malapad na ngiti sa kaniyang mukha.
Ang puntirya lang nila ay si Fan Jin at wala silang partikular na pinag-utos tungkol sa mga kasama ni Fan Jin. Ngunit naisip nilang kapag pumayag ang mga iyon, papatayin din ang mga ito at papalabasing sila ay inatake ng isang nasa mataas na antas ng Spirit Beast. At kung mayroon mang himalang mabubuhay sa grupo ni Fan Jin, ginamit na sana nito ang signal flare.
"Ayaw ng mga batang iyon na malaman kung sino sila kaya sigurado akong wala silang ititira sa grupo nina Jun Xie." Nakangiting sabi ni Ning Xin. Partikular ang kaniyang utos na si Fan Jin lang ang patayin, ngunit hindi iyon mga bobo para mag-iwan ng saksi.
Kung may itinira sila sa grupo ni Fan Jin, ang taong iyon ay makakapagpatunay sa krimeng ginawa nila. At para protektahan ang kanilang darili, mainam na patayin nila ang lahat ng maaaring maging saksi.
"Tama ka Senior Ning, kailangang bunutin lahat ng damong ligaw sa paligid ng isang pananim para hindi na ito muling tumubo at maging sagabal. Sa pamamagitan lang ng tuluyang pagpapatikom ng bibig ng mga ito, magiging sikreto iyong kailanman hindi mabubunyag. Kaya naman walang sinuman ang makakaalam kung paano namatay si Fan Jin. Lahat ng mga taong sangkot sa pagpatay ay hindi mangangahas na magsalita tungkol dito." Tumatawang saad naman ni Yin Yan. Kahit na hindi niya nakita ang pagkamatay ni Fan Jin ay nagbubunyi na siya dahil alam niya nang doon na rin papunta iyon.
Ikinumpas ni Ning Xin ang kaniyang kamay. "Ang mga bagay na tapos nang gamitin ay dapat itapon na. Sa mundong ito, tanging ang patay lang ang may kakayahang magtago ng sikreto"
Biglang nanlamig ang buong katawan ni Yin Yan, siya ay nag-angat ng tingin para tignan si Ning Xin.
"Senior Ning, ibig mo bang sabihin..."
Ibinaling ni Ning Xin ang kaniyang tingin sa ibang direksyon. Tumitig siya sa lugar kung saan nakatago ang disipulo at ginagamot ang sariling sugat bago ngumiti: "Tuwing dumarating ang Spirit Hunt, laging mayroong namamatay na disipulo ng Zephyr Academy, ang iba naman ay nawawala ng walang dahilan. Tingin ko ay mas tataas ng doble ang bilang ng mga namatay ngayong taon." Nang sinabi iyon ni Ning Xin, bakas ang tuwa sa mga mata nito saka ito lumingon para tignan si Yin Yan. Doon ay tuluyang nanlamig si Yin Yan at nanginig.