webnovel

PAMILYA NG TATLO

Éditeur: LiberReverieGroup

Sa kasamaang-palad, hindi na mapipigilan pa ni Tianxin na magsalita pa ang ibang tao sa mundo.

"Sino siya? Bakit ngayon lang natin siya nakita?"

"Mukhang pamilyar siya…"

"Alam mo… sa tingin ko siya yung dating asawa ni CEO Xi."

"Oo, tama ka! Kasi kung hindi bakit hahawakan ni Young Master Xi ang kamay niya? Nanay niya iyon…"

"So, ito nga yung dating asawa ni CEO Xi!"

"Pero narinig ko noon sa balita na isang ordinaryong maybahay lamang ang babaeng iyon? Paano nangyari na isa siyang katangi-tanging babae?"

"Dati siyang asawa ni CEO Xi, kaya hindi na nakakapagtaka na hindi siya ordinaryong babae…"

Habang naririnig ni Tianxin ang mga usapan, paputla naman ng paputla ang kanyang mukha.

Ikinuyom niya ang kanyang mga palad sa galit, halos masugatan na ng kanyang mga kuko ang kanyang palad sa sobrang diin ng kanyang pagkuyom.

Kailangan niyang tanggapin ang katotohanan. Ang babaeng mabagal na inaagapayan ni Xi Lin papasok sa ballroom ay si Xia Xinghe.

Ang Xia Xinghe na inaasam niyang ipahiya sa buong gabi na iyon. Ang Xia Xinghe na kanyang hinihintay na magpakita sa lahat.

Ngayong nandito na siya, bakit ibang-iba ito sa kanyang imahinasyon?

Xia Xinghe, ang buwisit na ito, hindi dapat niya kayang iprisinta ang sarili na glamoroso, na nakasuot ng milyong-dolyar na damit!

Mali itong lahat! Hindi ito ang pangyayaring gusto kong makita!

Sa nakalipas na dalawang araw, pinaghahandaan ni Tianxin ang lahat ng mga insulto na ipupukol niya kay Xinghe na kahit hanggang sa panaginip ay ito ang kanyang ginagawa.

At ngayon? Mas malala pa ang katotohanan kaysa sa kanyang bangungot!

Maganda si Xinghe, mahinhin, kalmado at marikit. Maliban pa doon, nasa tabi niya si Xi Lin na inaalalayan siya habang naglalakad sila papunta sa ballroom. Ang lahat ng atensiyon ay nasa kanya ngayong nasa tabi niya si Xi Lin.

Kahit si Mubai ay nakatitig sa kanya.

Sa nakikita kung paano natigagal si Mubai sa kanya, lalo pang namutla si Tianxin.

Ang lahat ng pang-aabuso at insulto na kanyang tinandaan sa kanyang utak ay nawalang parang bula…

Bigla siyang natauhan at nakadama ng pagkabahala.

Nakikini-kinita na niya na ang lahat ng kanyang plano ay guguho.

Natalo siya ni Xinghe sa oras na dumating ito ngayon.

Kapag nanatili pa si Xinghe ay maaaring mabaliktad ang sitwasyon. Siya ang magiging katatawanan imbes na si Xinghe.

Hindi, hindi niya ito maaaring hayaang mangyari. Ang palabas sa gabing ito ay ang pagkakalugmok sa kahihiyan ni Xinghe. Hindi makapapayag si Tianxin na magkaroon ng pagbabago sa kanyang plano! Gaya nga ng sinabi nila, the show must go on!

Agad na kinalma ni Tianxin ang sarili, pinilit na ngumiti at tiningnan si Xi Lin ng may pekeng kabutihan na ibinibigay ng isang ina habang inaakusahan ng pailalim ang bata. "Lin Lin, saan ka ba nagpunta? Alam mo ba na sa ginawa mo ay nag-alala ang lahat ng narito, lalo na ako at ang ama mo?"

Binasag ni Tianxin ang katahimikan, pilit na ibinabalik ang sitwasyon sa pagkakataong nawawala si Xi Lin.

Sinadya niyang sabihin ang mga salitang iyon sa tabi ni Mubai upang ipaalala sa lahat na siya ang piniling kapareha ni Mubai, ang future Mrs. Xi.

Pero nakalimutan niya na hindi siya gusto ng 4-year-old na si Xi Lin sa umpisa pa lamang.

Hindi siya pinansin ni Xi Lin.

Nilagpasan lamang siya ng bata patungo sa tabi ni Mubai at kinuha nito gamit ang kabilang kamay para kuhanin ang palad ni Mubai.

Nagulantang si Mubai at Xinghe sa ginawa niya.

Maging ang lahat ng naroroon sa loob ng silid ay nagulat.

Hawak ng bata sa isang kamay, ang kamay ng kanyang ina at sa kabilang kamay naman, ang kamay ng kanyang ama… na nagresulta sa isang perpektong larawan ng isang pamilya.

Ang mayuming kagandahan ni Xinghe ay nagpatingkad ng kagandahang lalaki ni Mubai at ang kanilang anak ay ang pinaghalong aspeto ng dalawa. Ang pamilyang binubuo ng tatlong tao na ito ay napakaperpekto na mahihirapan ang sinuman na makakita kung ano ang may mali sa larawang ito.

Na para bang sila ay pinagsadya ng kapalaran.

Tulad ng isang puzzle, silang tatlo ay walang kapintasan at buo, na kapag wala ang isa ay parang isang bahaghari na nawawalan ng isang kulay…

Ang nakakabaliw pa dito ay kahit sa isip ni Tianxin ay napaukit sa isip niya na nababagay ang tatlong ito sa isa't isa…

Ang isiping ito ay halos magpaiyak at magpabaliw sa kanya.

Chapitre suivant