Toy always teasing his childhood friend, High because of his smaller height when they were young. Now that they're in high school, he can't accept the fact that the guy he teased is now taller and more famous than him and there is something worse than that... Is it a karma? But why it seems to be good?
Sa wakas! Tapos na ang klase. Humikab ako at uminat. Isa isa nang lumalabas ang mga kaklase ko sa classroom ngunit nanatili akong nakaupo.
Ilang minuto na ang lumipas ngunit wala pa ring pumapasok na tao sa classroom namin. Ako nalang mag-isa at wala rin akong nakikitang naghihintay sa labas. Nasaan na kaya iyon?
Wala tuloy mag-aayos ng gamit ko. Tinignan ko ang notebook maging ang mga libro na nagamit ko ngayon sa klase. Nakakalat sa lamesa ko.
Bakit kaya wala pa siya? Kadalasan pagkatapos ng klase ay papasok na agad siya rito para sabay kaming umuwi. Minsan nga ay nariyan na siya sa labas bago pa magdismissal ang klase namin.
Tumayo ako at lumabas. Wala ng tao sa hallway ngunit naririnig ko ang ingay ng ibang estudyante sa ibaba. Umuwi na rin kaya siya.
Papasok na sana ako ng classroom nang may narinig na mahinang nag-uusap sa una-unahan. Pinuntahan ko iyon at nakumpirma na naroon siya.
Kumunot ang noo ko ng makitang hindi lang siya nag-iisa. May kasama siyang babae at mukhang seryosong seryoso ang pinag-uusapan.
Mukhang alam ko na kung tungkol saan 'yon ah. Nakita ko ang pagyuko ng babae at pagkakamot ng ulo ni High. Uwing uwi na ako!
"Liit!" Tawag ko. Lumapit ako sa kanila.
Agad siyang lumingon. Tinignan ako ng babae at nakita ang pamumula ng kanyang mukha.
"A-ano... H-high... A-alis na 'ko..." Sabi ng babae saka pinasadahan ako ng tingin bago nagmamadaling umalis.
"S-sorry, Toy. May sasabihin daw kasi siya sa akin, e." Ani High.
Sinamaan ko siya ng tingin ngunit ngumiti lang siya.
"Tara na, Toy. Niligpit mo na gamit mo?" Tanong niya kahit alam naman na niyang hindi pa.
"Hindi." Sagot ko kahit na nauna na siyang maglakad papuntang classroom at sinimulan nang ayusin ang gamit ko.
Hindi na ako pumasok at hinintay nalang siya sa may pintuan. Nang maayos niya ay lumabas na rin siya. Kinuha ko sa kanya ang bag ko kahit siya naman madalas ang nagbubuhat noon.
"Hoy, liit!" Ani ko diretso ang tingin sa harap.
"Hmm?" Kita ko sa gilid ang pagtingin niya sa akin.
May iilang estudyante pa rin sa building nang nadadaanan namin at nakikita ko ang paghahabol ng tingin nila kay High.
Nagsisimula na talaga siyang magbinata kagaya ko. Ngayon ay kasing tangkad ko na siya. Nahabol niya na ang tangkad ko. Parang noong huling taon lang ay hanggang balikat ko lang siya.
"Tinanggihan mo?" Tukoy ko sa babaeng kausap niya kanina.
Hindi agad siya nakasagot. Gaya ng pagtangkad niya ay ganoon rin ang pagtaas ng bilang ng nagkakagusto sa kanya. Ngayong buong linggo yata ay pito na ang umaamin sa kanya. Halos araw araw. Isa sa isang araw, minsan dalawa. Kulang nalang pati iyong nasa grade 12 umamin sa kanya- kunsabagay meron nga rin. Mabuti nalang malayo ang building ng college rito kung hindi baka may dumayo rito dahil sa kanya.
"A-ayoko..." Aniya.
So tinanggihan niya. Ngumisi ako. Hindi ko rin alam kung bakit masaya ako kapag tinatanggihan niya ang mga babaeng lumalapit sa kanya.
Binato ko sa kanya ang bag ko saka tumakbo ng mabagal. Nilingon ko siya at nakita ko ang ngiti niya... O hindi? Bumalik kasi sa wala ang kanyang ekspresyon.
"Buhatin mo." Naiinis kong sinabi saka tumakbo muli.
"Antayin mo 'ko." Narinig ko ang tuwa sa boses niya.