webnovel

Sa Puso ni Kapatid

April, 1983

Alas quarto y media ng hapon.

Maulan sa siyudad.

Matao ang daan.

Papunta ng eskwelahan.

Walang payong.

Tumatakbo akong walang payong patungo kay kapatid. Di alintana kung sino man ang mabangga ko o kung sino man ang humarang sa akin. Di ko na pinapansin kung kakilala ko ba ang nadaan o madadaanan. Wala ako sa sarili para makipagbatian pa sa bawat masalubong ko o makinig sa hinaing ng bawat daliri ng paa na maputikan ko. Ang gusto ko lang ay makita si kapatid. Mahaba pa ang tatakbuhin ko dahil malayo ang eskwelahan niya sa bahay namin na puro bulok na gulong ang nasa bubong. Sa bawat hakbang ng paa ko sa maputik na daan, humahakbang din ang aking kaba- kaba na nagmula sa isang kapitbahay na duguan ang damit na nagsabi sa akin na nakita nila si kapatid. Nakita nila si kapatid na nakahandusay sa bahang harapan ng kanilang silid- aralan. Nang madinig ko iyon, di na ako nag-atubili. At heto ako, tumatakbo dala ang kaba na nagmula sa isang kapitbahay na duguan ang damit. Ano na'ng nangyari kay kapatid?

Nasa eskwelahan.

Nakatayo sa harap ng gate.

Wala nang estudyante.

Tahimik ang quadrangle.

Bukas ang ilaw.

Habang ako ay nanginginig sa lamig at basang- basa ng tubig-ulan, pumasok ako sa kuwartong bukas ang ilaw. May tatlong estudyante na nakaupo sa sofa ng kuwarto. Mga kamay nila'y nagdarasal, pikit ang mga mata at mga bibig nila'y bumubulong. Sa pagpasok ko, nabasag ng hingal ko ang kanilang pananalig. Napatingin sila sa akin, gulat- dilat ang mga mata. Nagkatitigan kami ng isang estudyanteng alam kong sobrang malapit kay kapatid. Sa sandaling iyon alam ko. Basang- basa ng mga mata ko ang mga mata niya na puno ng luha. Malala na si kapatid. Bakit pa umabot sa ganito? Umiling si estudyanteng alam kong malapit kay kapatid at tumuro ang daliri niya sa isa pang kuwartong nababalot ng nakasabit na supot. Bumibilis ang takbo ng pulso ko habang inihahanda ang sarili ko sa makikita sa loob ng nakasabit na supot na iyon. Hinawi ko ang supot at pumasok ako.

Malaking ilaw.

Mga taong nakaputi

May makina sa tabi ng kama.

May nakasabit na tubig.

Nakahiga.

Dahan- dahan akong lumapit sa nakahiga kong kapatid. Napaluhod ako at napaiyak. Mga mata ko'y bukas, pinagmamasdan ang sinapit ni kapatid. Damdamin ko'y lubog sa inis at galit sa sarili. Nilapitan ako ng isang babaeng nakaputi. Inawat niya ako at pinaginhawaan. May sinabi siya sa akin. Mukhang malala na raw si kapatid. Di na halos kaya ng puso niya. Nahimatay daw si kapatid habang nag-aayos ng basura. Buti nalang daw basa na ng ulan ang lupa. Di gaanong nasaktan si kapatid sa pagbagsak niya dahil wala naman napuruhan sa ulo niya. Pero mas mabuti nang sigurado. Sa ngayon, mas mabuting ilipat sya sa mas kumpletong ospital. Dahil dito sa kung nasaan sya, salat at pawang sugat lang ang magagamot. Pagkatapos mailipat sa mas magandang pagamutan, manatili sya doon hanggang magkamalay.

Maingay ang wang-wang.

Tumigil na ang ulan.

Kabado.

Pinagmamasdan.

Napaluha.

Napaluha nalang ako at natatawa. Di ko kasi gawain ang mapadrama. Pero heto, umiiyak, napapaisip. Napapaisip ng mga bagay- bagay na di ko naman madalas maisip. Mukhang malala na nga si kapatid. Di ko maalis sa isip ko kung anong pwedeng mangyari. Nahihilo si kapatid pagkatapos tumakbo. Sumasakit ang dibdib niya pagkatapos maglako ng patupat. Pero lagi siyang nakakauwi ng bahay ng buhay. Lagi siyang dilat ang mata pag- umuuwi. Pero ngayon, di ko lubos maisip na nahimatay siya dahil lang sa pag-aayos ng isang lata ng basura. Ito ang unang beses. Marahil pahiwatig na malala na nga si kapatid. Sana hindi.

"Intensive care".

Mga doktor.

Pila ng pasyente.

Stethoscope.

Black and white na larawan ng puso.

Tinawag ako ng doktor para tignan ang mga lawaran ng puso na nakatapal sa malaking ilaw. Di ko malaman kung paano naging puso iyon dahil sa halip na puso ang mapunta sa isipan, bituka ang inilalabas ng utak ko. Matigas na raw ang ibang ugat. Papatigas ang iba. Humihina na ang daloy ng dugo. Hirap nang huminga. Bawal ang trabaho. Opera. Donor. May kamahalan. Buhay. Mamatay. Ito ang mga salitang binitiwan ng doktor na bumaon sa sarili kong puso. Nahihirapan nang huminga si kapatid. Pag napagod siya, mas lalo siyang mahihirapang huminga. Kaya bawal ang trabaho. Kailangan niya ng opera sa lalong madaling panahon pero kailangan niya muna ng donor. May kamahalan ang opera. Sa akin daw nakasalalay ang buhay ni kapatid… at kung kalian siya mamatay. Letseng congenital heart disease! Letseng doktor yan! Ilan ba sa kanila ang mananamantala at nangongonsensiya pa?

Sa bahay.

Tawag sa cellphone.

Dalawa.

Kasama si kapatid.

Offer.

Pinagmamasdan ko ang tulog ni kapatid habang iniisip ang offer ni boss. Gulat si boss nung tinawagan ko siya. Bihira lang naman daw kasi akong tumawag. Pero di na bale iyon. Ang importante ay si kapatid. Pinili kong buhayin si kapatid at pipiliin ko iyon kahit ikamatay ko pa. Kailangan ko ng madaliang pera sa lalong madaling panahon. Gusto kong buhayin si kapatid hangga't may paraan. Di ako nag-dalawang isip umoo sa offer ni boss. Kailangan ko ng madaliang pera. Kailangan kong maipaopera si kapatid. Gusto kong umahon siya, magliwanag, magpunyagi, maabot ang mga pangrap niya. Gusto kong lumaban siyang muli gaya ng dati niyang ginagawa. Kahit ikamatay ko pa- makita lang ng kaluluwa ko na masaya siya. Kaya eto nakapag desisyon na ko.