webnovel

Chapter 72

Sa kanilang pagbabalik sa palasyo ay sinalubong naman sila ng mga katiwala ng mainit na inomin. Agad na dinaluhan ni Elysia sina Raion at tinungo na nila ng sabay ang bulwagan ng palasyo. 

Pagkapasok nila ay agad namang nagbigay galang ang tatlo sa hari, samantalang si Elysia ay sabik na lumapit at yumakap sa binata.

"Hindi ka ba nagkasakit, kumusta ang naging misyon niyo?" agap na tanong ni Vladimir habang hinahaplos ang pisngi ng dalaga. Pinalis nito ang kumalat na hibla ng buhok at iniipit sa likod ng tainga ng dalaga.

"Maayos namin silang iniwan doon, nagamot na rin ang mga may malubhang sakit, makatatagal na sila sa lamig. Ang nakakalungkot lang, may mga buhay nang nawala bago pa man kami dumating doon," kuwento ni Elysia.

"Hindi mo hawak ang sitwasyon kaya wala kang kasalanan. Hayaan mo at mag-aalay na lamang tayo ng dasal para sa mga kaluluwa nila. Alam kong pagod kayo, sige magpahinga muna kayo," wika naman ni Vladimir.

Tumango na si Elysia at hindi na umimik pa. Naunang umalis ang magkakapatid at naiwan namang nakaupo lang si Elysia sa tabi ni Vladimir habang binabasa ang mga ulat tungkol sa iba pang panig ng Nordovia.

"Mabuti naman at napaabot natin ang tulong nang walang naging problema," wika ni Elysia, muli niya binuklat ang iba pang pahina at napatango. Nakangiti na niyang binalingan ang binata at bahagyang tinapik ang kamay nito.

"Siguradong pagtapos ng unos na ito, magiging masigla nang muli ang mga nasasakupan mo," masayang saad ni Elysia at natawa naman si Vladimir.

"At dahil 'yon sa 'yo, paniguradong mas magiging matunog pa ang pangalan mo kaysa sa akin. Salamat at hindi ka nagdadalawang isip na gawin ang mga bagay na ito Ely, kahit mapanganib para sa 'yo ay ginagawa mo pa rin ang makakaya mo."

At hindi nga nagkamali si Vladimir, dahil sa paglipas ng mga araw, ay dahan-dahang natunaw ang mga niyebe at mulign dumating ang tagsibol. Panaka-naka na silang nakakakita ng pag-usbong ng mga damo sa lupa at muyli nang dumaloy ang mga tubig sa ilog. Ang mga hayop namang nagtago sa kung saan ay paisa-isa na rin nilang nasilayang tumatakbo sa mga kagubatan. At sumibol na rin ang mga dahon sa mga punong minsa'y naglagas dahil sa pagdating ng taglamig.

Masayang sinalubong ng mga tao ang tagsibol at nagbunyi ang mga ito habang sabay-sabay na tinatawag at pinasasalamatan ang pangalan ni Elysia bilang kanilang Reyna. Wala pa man ang koronasyon ay mas naging maugong na ang pangalan ng dalaga at halos lahat ay tinatawag na siyang Reyna Elysia.

Sapo naman ng dalaga ang noo habang nakikinig sa ulat ng mga mensahero, kasabay nito ang pamumula ng kaniyang pisngi dahil sa sunod-sunod na papuring kaniyang naririnig. Malulutong na tawa naman ang naririnig niya kay Vladimir at nang magtama ang kanilang mga mata, tila nangungusap ito at nagsasabing,

'O, tama ako 'di ba?'

Nais man niyang pigilan ang mga ito ay wala na siyang nagawa nang muli siyang paulanan ng papuri ng mga mensahero. Hanggang sa matapos ang mga ito sa kani-kanilang mga ulat ay namumula ang mukha ng dalaga.

"Kakarampot na tulong lamang ang binigay ko, mas marami pa ngang nagawa ang mga kasama ko," maya-maya ay wika ni Elysia nang makalabas na ng bulwagan ang mga mensahero.

"Hindi sila kikilos kung hindi mo pinag-utos. Ikaw ang utak at naging gabay ng lahat. Kaya malaki ang tulong mo sa unos na ito Ely." Umiiling na sagot ni Vladimir. Bahagya niyang pinitik ang noo ng dalaga at napanguso pa dahil sa pangmamaliit nito sa sarili.

"Hindi mo alam kung gaano kalaki ang epekto nito sa kaharian at sa tiwala ng mga tao sa atin. Ang ginawa mo ay napakalaking bagay at tulong sa akin. Dahil rito, mas naging matatag ang paniniwala ng mga tao sa atin at hindi na sila basta-basta maniniwala sa mga pangako ng aking kapatid," saad ni Vladimir at panamang naging seryoso ang mukha ni Elysia.

"Nagsisimula na si Vincent na kumbinsihin ang ibang nasasakupan natin na sumanib sa kanila, pero dahil sa ginawa mo, mas nging matatag ang paniniwala nila na hindi sila bibiguin ng Nordovia kahit sa oras ng kagipitan at ano mang unos na darating." Humahalukipkip na paliwanag ni Vladimir. Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ng binata at tila batang nahawa naman si Elysia.

"Talaga? Natutuwa naman ako, dahil sa ginawa ko ay nakatulong ako sa 'yo. Iyon lang naman talaga ang nais ko ang maibsan ang mga iniisip mo at makatulong ako sa kahit anong paraan at ito lang ang paraan na naiisip ko." masayang wika ni Elysia at marahas na napabuga ng hangin. Walang pagsidlan ang tuwa sa kaniyang puso at maging ang mga ngiti niya ay hindi niya maitago.

Lihim namang napangiti si Vladimir at humahangang napatitig lang sa dalaga. Sa maikling taong kanilang pinagsamahan ay napakarami na ng napatunayan nito sa kaniya. Bukod sa may mabuti itong puso, matalino at maagap rin ito sa pag-iisip ng mga solusyon sa mga problema. Kung noon ay nasa balikat niya lahat ngayon ay may Elysia na siyang nakakatuwang sa paggawa ng desisyon maging mga hakbang na nakakabuti sa kaharian.

At isa siyang ipokrito kung sasabihin niyang hindi siya natutuwa. Lubos ang kagalakan sa puso niya at lubos siyang nagpapasalamat dahil hindi siya nagkamaling paniwalaan ang propesiyang iniwan sa kaniya.

Lumipas pa ang ilang araw at muli nang nanumbalik ang sigla sa Nordovia. Ang nakaraan unos ay tila walang iniwang marka. Muling naging masagana ang buhay ng lahat.

Patuloy rin ang naging pagsasanay ng mga manunugis sa ilalim ng mga Yuri.

Maaliwalas ang araw nang maisipan ni Elysia ang libutin ang mga bayan gamit ang kaniyang kabayo. Kasama niya si Kael at isang binatang Yuri na nagkukubli sa katauhan ng isang tao.

Sa kanilang paglilibot ay napadaan sila sa isang makipot na daan sa gilid ng kabundukan kung saan tanaw ang matarik na bangin pababa.

Napakunot pa ang noo ni Elysia nang makita ang isang sirang karwahe na inabanduna sa gitna ng daan, dahilan para hindi sila makaraan. Wala silang nagawa kun'di ang bumaba sa mga kabayo nila, ngunit naging alerto naman ang dalawa. Maaaring patibong lamang ito at may nag-aabang na palang kalaban sa kanila.

Habang sinusuri ni Elysia ang karwahe ay napansin niyang tila may gumuhong sa parteng iyon, marahil sanhi ito ng niyebe noon at nagkaroon ng pagguho roon. Nagtataka niyang tinitigan ang itaas bago ibinaling ang tingin sa baba ng bangin.

"Mukhang gumuho ang niyebe sa parteng ito at aksidenteng nasalanta ang karwaheng ito habang dumadaan. Ang nakapagtataka lang, nasaan ang mga lulan nito at kung nakaligtas ba sila." Wika ni Elysia at malalim na napaisip.

"Prinsesa, may nakikita akong usok sa bandang ibaba nitong bangin. Nais mo bang puntahan iyon?" Tanong ni Yraz.

Napatingin naman si Elysia sa tinuturo nitong pinagmumulan ng usok at wala sa sarili siyang napatango.

"Puntahan natin, baka kailangan nila ng tulong." Sambit naman ng dalaga at mabilis nang sumakay sa kabayo niya. Pinagtulungan naman ni Kael at Yraz na ilagay sa gilid ng daan ang karwahe upang makadaan sila. Mabilis na nilang pinatakbo ang kani-kanilang mga kabayo at tinahak ang daan pababa ng bangin.

Nang marating nila ang lugar ay nakita nila ang isang siga kung saan may nakapatong pa na isang kuneho na nakatusok sa isang kahoy. Tila may nagluluto roon at alam nilang nasa malapit lamang ito.

"Prinsesa, mukhang tama ang hinala natin, may mga tao nga rito at marahil sila ang mga nakaligtas sa sakuna." Saad ni Yraz.

Tumango naman si Elysia at nagsimula na silang magtawag. Ilang sandali pa ay nakarinig sila ng isang kaluskos sa mayayabong na halaman.

Isang bata na may wangis ng isang leon ang kanilang nakitang lumabas mula roon. Punit-punit ang kasuotan nito at madungis rin ang balahibo nito sa buong katawan. Bagaman alam nilang isang mabangis na leon ang wangis nito, dahil isang bata ay mas nagmukha itong pusa.

Kumislap ang mata ni Elysia sa nakita at mabilis na lumapit sa bata. Ngunit bago pa man niya ito mahawakan ay isang sibat ang nagpahinto sa kaniya. Tumusok ito sa lupa ilang sentimetro lamang ang layo sa kaniyang paa.

Naging alerto naman sina Kael at Yraz at agad na nagbunot ng kanilnag mga sandata at pinrotektahan si Elysia.

Isang matangkad na lalaking may wagis ng isang leon ang lumitaw, bitbit ang isa pang sibat na gawa lamang sa pinatulis na kahoy.

"Sino kayo? Ano'ng ginagawa niyo kay Zyrran? Zyr, halika dito." Singhal ng kakarating lang at maagap na hinatak ang bata sa tabi nito.

"Huminahon ka, wala kaming balak na masama sa bata." Agap na wika ni Elysia, nakataas pa ang kamay niya upang ipakita sa kaharap na wala silang gagawing masama.

Naniningkit naman ang mata ng lalaki at hindi pa rin nito ibinababa ang hawak na sibat.

"Ibaba mo ang hawak mong sibat. Hindi mo alam kung sino ang kausap mo at wala ka sa posisyon para tutukan ang prinsesa ng sandata, gayong wala ka sa teritoryo ninyo." Sigaw ni Kael, at buong tapang na itinutok din sa kaharap ang kaniyang espada.

"Wala akong pakialam kung kaninong teritoryo ito, ang misyon ko ay panatilihing ligtas si Zyrran." Bulyaw naman nito.

"Kael, tama na, hindi matatapos ito kung pareho kayong magpapataasan. Inuulit ko wala kaming masamang gagawin sa inyo. Nakita namin mula sa itaas ang usok na sanhi ng siga ninyo rito, kaya kami bumaba. Ano ang nangyari at bakit kayo narito. Base sa wangis niyo, mga demi-beast kayo, hindi ba? Ravaryn ng Eryndar, at panauhin kayo sa palasyo ng Nordovia." Saad ni Elysia ngunit tila bingi ito. Noon lang din napansin ni Elysia na tila desperado ito at mahigpit ang pagkakahawak nito sa sibat at anumang pagkakataon ay handa itong pakawalan sa kanila.

Siguiente capítulo