"Tandaan mo Milo, Tuso ang mga berbalang. Alam nilang may laban ka sa kanila, katulad ng ibang uri ng mga aswang, kung sino ang mahina sa mga malalapit sa'yo 'yon ang kanilang gagambalain."
Napalingon si Milo nang makita si Gustavo, bitbit nito ang anak na si Gino at nakasunod naman sa likod niya si Agnes.
"Nagkamali ako, akala ko ay mababaling sa akin ang galit nila, nagkamali ako, kasalana ko ito." Sising-sisi si Milo, kung hindi niya ginalaw ang berbalana na nakamasid sa kanila, ay hindi mapupunta sa ganitong sitwasyon ang kaibigan niya.
"Nariyan na iyan, huwag mo nang pahirapan ang sarili mo, maghanda ka dahil paniguradong aatake na sila mamayang gabi. Kaya kami nandito dahil tutulong ako mamaya ngunit hindi ko maaaring iwan si Agnes at Gino sa bahay. mas ligtas rito dahil sa mga engkantong nakaharang sa kubo niyo." Wika pa ni Gustavo at tumango naman si Milo.
Saglit siyang lumabas, at nagpalipad hangin ng mensahe para sa mga kaibigan niyang nasa kabilang ibayo. Mga lambana ang naisipan niyang utusan upang maipahatid ang kaniyang mensahe. Walang pagdadalawang-isip din niyang inilahad ang mga impormasyong nakalap niya patungkol sa mga berbalang upang mas maihanda ng mga kaibigan niya ang kanilang mga sarili.
Matapos iyon ay lumuhod naman siya sa harap ng balete at doon nagsumamo.
"Mga kaibigan, maaari niyo bang ikalat ang protekyon niyo sa bawat bahay sa bayan ng Talisay? Pakiusap protektahan niyo ang bawat pamilya na maaaring madamay sa digmaang nagbabadyang maganap ngayong gabi." Matapos mailahad ang kaniyang nais ay nag-usal na siya ng mga pakaing dasal para sa mga engkantong naroroon. Inilahad niya ang kaniyang kamay at kinuha ang punyal na laging nakasukbit sa kaniyang tagiliran. Binunot niya ito mula sa taguban at mabilis na hiniwa ang kaniyang palad. Ipinatak niya ang kaniyang sariwang dugo sa lupa na kinatitirikan ng puno ng balete habang patuloy na nag-uusal ng mga pakaing dasal.
Ilang sandali pa ay nagliwanag na ang puno at agad na umihip ang malakas na hangin sa buong paligid. Yumanig ang puno at animo'y pati ang mga malalaking sanga nito ay nagyuyugyugan dahil sa lakas ng hangin na tumatama roon. Paisa-isa niyang nakitang nagsi-alisan ang mga engkanto at laman-lupang naroroon at kumalat ang mga ito sa bayan ng Talisay.
"Nawa'y magawa nilang protektahan ang mga tao. Hindi ko alam kung ilan sila ngunit batid kong kapag hindi ako nagdoble ingat ay ang mga taong-bayan ang siyang masasaktan." Wika pa ni Milo. Alam na niya ngayon tuso ang mga berbalang kaya hindi na siya papayag na maging ang ibang tao ay madamay sa laban nilang iyon. Makakalaban lang siya ng husto kung masisiguro niya ligtas ang mga tao.
"Malapit nang sumapit ang dilim, kailangan na nating maghanda." Wika ni Gustavo habang hawak-hawak ang isang balaraw.
"Manong gagamit ka niyan?" Gulat na tanong ni Milo. Ito kasi ang unang beses na nakita niyang humawak ng isang patalim si Gustavo sa oras ng labanan.
"Oo Milo, dahil isang berbalang ang ating makakalaban, kailangan ko ng sandata na mababalot ng katas ng kalamansi. Si Agnes ang naghanda nito kanina at tanging sa hawakan ko lamang ito mahahawakan. Ang talim ay nakakapinsala din para sa akin." Sagot naman ni Gustavo.
Tumango naman si Milo at napansin nga niyang namumula ang palad ni Gustavo. Saglit niyang hiniram ang balaraw dito at tinalian nito ang hawakan ng tela na siya namang magiging proteksyon ni Gustavo sa pangontra.
"Iwasan na mo na lang Manong ang masugatan ka ng talim." Paalala ni Milo at maingat na ibinalik kay Gustavo ang balaraw.
Hindi iyon ordinaryong talim dahil magkabilaan ang talim nito. Gawa din sa tanso ang balaraw na iyon na siya namang kinatatakutan ng mga aswang.
Dahan-dahang lumalalim ang gabi ay unti-unti na rin nilang nararamdaman ang presenya ng mga berbalang. Nakapalibot na sa kanilang kubo ang mga engkantong kasangga ni Milo habang nasa harap naman ng pinto ang kaibigan nitong kapre.
Sa paglalim pa ng gabi na nakaabang sila sa bakuran ni Lolo Ador ay doon lamang nakita ni Milo ang tatlong nilalang na mabilis na papalapit sa kanila. Rinig na rinig nila ang dumadagundong ngunit matitinis nitong tawa habang mabilisang lumilipad papalapit sa kanila.
Isang malakas na pag-atake ang kaagad na sumalubong sa kanila mula sa mga nilalang. Nasa tatlo ang umatake sa kanila at higit na mas malakas ang mga ito kaysa sa naunang nakalaban ni Milo. Ramdam niya ang malakas na pagtama ng mga kuko nito kahit pa nasangga iyon ng kaniyang sandata.
Maging si Karim at Gustavo at marahas na napaatras dahil sa lakas ng pag-atake ng mga ito.
"Milo, mukhang seryoso ang mga ito mgayon dahil buo silang dumating sa bayan natin." Sigaw ni Gustavo habang nakikipagbuno sa kalaban nitong nilalang.
"Ganito pala ang tunay nilang wangis. Ang papangit nila." Wika pa ni Milo at malakas na hinagupit ang nilalang ng hawak niyang makabuhay. Napaatungal sa sakit ang berbalang na halos ikabingi naman ni Milo.
Napakaitim ng balat nito, payat na may mahaba at matutulis na tainga. Nanlilisik din ang mga mata nitong namumuti. Mayro'n itong malalapad na pakpak na maihahalintulad mo ang wangis sa mga pakpak ng paniki. Nagpatuloy ang kanilang pakikipaglaban sa mga berbalang, nasusugatan naman nila ito ngunit tila ba ang mga sakit na iyon ay dumaraan lamang, patuloy pa rin ang mga ito sa pag-atake sa kanila na tila ba iyon na ang magiging huling labang kasasangkutan nila.
Hindi maiwasan ni Milo na mapaisip, kung ang mga ito ba ay sadyang manhid o malalakas lang talaga ang mga ito. Napakakunat ng kanilang balat na ang tanging nagagawa lamang nila ay maliliit na sugat. Para silang humihiwa ng isang makapal na balat ng kahoy.
"Bakit parang gasgas lang ang naidudulot natin sa kanila Manong?" Tanong ni Milo nang makalayo sa mga nilalang. Humihingal na siya sa sobrang pagod dahil na din sa patuloy na pag-atake ng mga berbalang.
"Hindi ko rin alam Milo, ang talim na may katas ng kalamansi ay mabisang pambasag sa kanilang makukunat na balat, pero mukhang napaghandaan din nila ito."Tugon ni Gustavo, nasa anyong aswang na din ito. Maging sila Karim ay hirap na hirap sa isa pang berbalang na kalaban nila.
"Nakapaghanda sila, likas na tuso at matatalino ang uri ng aswang na ito, alam nilang kahinaan nila ang mutya ng kakao at ang katas ng kalamansi sa talim ng mga itak o balaraw, sa tagal ng kanilang pananahimik ay malamang mas napatibay pa nila ang kanilang mga bakod at poder." Wika naman ni Karim.
"Kailanman ay hindi niyo magagapi ang aming angkan. Hindi lamang kayo ang biniyayaan ng katalinuhan. Napakaraming siglo na kaming nabubuhay, at sa bawat pag-unlad ng mga tao ay umuunlad din kami." saad ng nilalang na may matulis na parang kuko sa pakpak nito. Kapansin-pansin ang kaibahan nito sa mga kasamang berbalang na umatake sa kanila.
"Hindi lamang kayong mga tao ang lumalakas, kung alam niyo ang kahinaan namin, ay higit naming alam ang mga kahinaan niyo." sabi pa ng isang nilalang sabay halakhak ng malakas. Nakakaloko ang halakhak nito dahil baks doon ang panunuya na labis na nagpairita kay Milo.
Akmang magsasalita pa siya nang marinig nila ang sigawan sa loob ng kubo ni Lolo Ador. Si Agnes iyon na sinisigaw ang pangalan ng matanda.
Marahas na napalingon si Milo sa kubo ngunit akmang tatakbo siya patungo ron ay mabilis siyang naharangan ng kalaban niyang berbalang.
Napakalawak nang pagkakangisi nito na animo'y nagwagi na ito sa kanila.
"Napakalaki ng pinsalang ginawa mo sa aming kapatid kaya naman bilang kabayaran ay isang mahalaga sayo ang mawawala nang tuluyan. Hindi ko siyta papatayin ngunit siya ang magiging bago kong kapatid." Marahan at mariing wika ng nilalang. Tumahip ang kaba sa kaniyang dibdib, kaakibat nito ang matinding pag-aalala niya sa kaniyang lolo.
"Ano'ng ginawa niyo? Hindi ako papayag na magtagumpay ang anumang masamng balak ninyo sa aking itinuturing na pamilya." Sigaw ni Milo at mabilis na nagbago ang kaniyang anyo. Nasa taong wangis pa rin naman siya ngunit ang kibahan lamang ay ang kumikinang nitong balat, kulay abo nitong buhok at ang sungay nitong maihahalintulad mo sa mga usa.
"Kita mo nga naman, at ika'y hindi pala isang tao. Isang mataas na uri ng engkanto na may dugo ng mga diwata. Nakakatuwa, may natitira pa palang katulad mo sa mundong ito." Nakangising wika nito at walang patid na tumulo ang laway nitong tila natatakam sa kaniya.
"Mag-iingat ka Milo, hindi na basta-basta ang mga kalaban natin ngayon dahil mas napaghandaan na nila ang ating mga panlaban," bulong ng engkanto ng hangin sa kaniya. Marahan naman tumango si Milo at hinugot mula sa taguban ang kaniyang tabak, inusalan niya ito at pinahiran ng katas ng kalamansi.
"Wala nang silbi ang ginagawa mo bata. Hanggang dito na lang ang buhay mo, mayamaya lamang ay magiging laman ka na ng aking tiyan." Nakangising wika ng nilalang at mabilis na umatake sa kaniya.
Sinangga iyon ni Milo gamit ang kaniyang tabak at agad niyang napansing lalong kumunat ang balat ng nilalang, hindi na ito tinatablan ng talim ng kaniyang sandata. Lalong lumakas ang mga sigawan sa loob ng kubo ngunit hindi siya makaalis dahil sa walang tigil na pag-atake sa kaniya ng berbalang.
Sa paglipas pa ng mga minuto ay lalo siyang nakaramdam ng pagkabahala sa mga naririnig sa kubo. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari roon, ngunit hindi rin siya makagawa ng paraan. Aaminin niyang nangangamba at natatakot siyang madatnan nang walang buhay ang kaniyang lolo. Siya na lamang ang natitira niyang pamilya sa mundong ito, hindi siya papayag na mawawala lang ang lolo niya nang wala siyang ginagawa para mailigtas ito.
"Ganyan nga, isuko mo ang sarili mo at baka magbago pa ang isip ko at hahayaan ko pang mabuhay ang lolo mo. Mamili ka bata, buhay mo o buhay ng mga tao sa loob ng kubong iyan?" tanong nito habang walang tigil sa paghagikgik.