Sumapit muli ang takip-silim at muli nilang binantayan ang bahay ni Aling Rita sa huling pagkakataon. Nakakatayo na noon si Agnes at nanumbalik na rin ang lakas nitong nawala simula nang makabitan siya ng sumpa ng aswang at barang. Nasa loob lang ito ng bahay habang sina Maya naman at ang dalawang binata ay nasa labas nagmamasid. Nakaupo si Agnes sa silyang gawa sa kawayan habang himas-himas ang kaniyang tiyan na noo'y nasa limang buwan pa lamang.
"Sa tingin niyo nariyan pa ba sila?" Tanong ni Agnes habang inililibot ang mata sa labasan.
"Hindi naman sila mawawala ate, kaya nga dapat sa gabi, hindi ka na lalabas ng bahay, siguraduhin mo rin na nakasara ang mga bintana at pinto ng bahay niyo, para hindi sila agad makakapasok. At huwag mo ring ihihiwalay sa katawan mo ang binigay kong mutya sa'yo kahit sa paliligo ay huwag mo itong aalisin." Paalala pa ni Maya na tinanguan naman ni Agnes bilang pagsang-ayon dito.
Napapangiting hinaplos ni Agnes ang kamay ni Maya at marahan iyong pinisil. Natawa naman si Maya dahil sa iginawi nito. Sa paglipas pa ng mga oras ay tuluyan na ngang nagpahinga si Agnes at naiwan na sa labas ang tatlo, nakamasid sa paligid at tinititigan ang mga nilalang na walang magawa kun'di ang pagmasdan lang ang bahay ng kanilang nais biktimahin.
"Tingnan mo sila, hindi sila mapakali dahil hindi sila makalapit." Natatawang puna ni Simon. Natawa naman si Milo bago nagpalipad hangin na siyang ipinukol naman niya sa nilalang na nagkukubli sa isang puno ng niyog. Agad na napaatungal ang nilalang at dali-daling lumipad papalayo roon.
"Hindi rin sila titigil hangga't hindi nila nakukuha ang gusto nila. Gustuhin ko mang tulungan si Ate Agnes na hanapin ang kaniyang asawa upang mailigtas ito, kakapusin na tayo sa oras. Bukas na ang kabilugan ng buwan at hindi na natin ito maaaring ipagpaliban," Malungkot ang boses na sambit ni Maya. Nakatuon ang mga mata nito sa kadiliman ng gabi.
Bumuga ng malalim na hininga si Milo, bago itinuon ang pansin sa paligid.
"Wala tayong magagawa dahil una, hindi naman natin kilala ang asawa ni Ate Agnes, pangalawa, hindi rin natin alam kung saan nagpupugad ang mga bangkilan na iyon. Ipanalangin na lamang natin na hindi mapahamak ang nilalang na iyon," wika naman ni Simon habang hinuhugot ang kaniyajg punyal bago ito muling ibalik sa sisidlan nito.
Pinalipas nila ang buong gabi sa ganoong sitwasyon, tahimik na nagmamasid kasabay ng pag-iisip nila sa kanilang susunod na susuunging misyon. Nalalapit na ang oras at bawat isa sa kanila ay nilulukob ng samo't-saring isipin.
Hindi nila alam kung ano ang kanilang madadatnan sa kanilang pupuntahan, kung ano-anong mga panganib ang kaanilang kahaharapin.
Ang tanging naibahagi lamang sa kanila ng kanilang ina ay ang kanilang mga dapat gawin sa mga nakatakdang oras na masilayan nila ang mga hudyat.
"Ano'ng mga hudyat naman ang kailangan nating bantayan?" Puno ng kyuryosidad na tanong ni Milo.
"Malalaman mo kapag nandoon na tayo, sa ngayon ang kailangan nating gawin ay mag-ipon ng resistensya para tumagal tayo sa pagsapit ng kabilugan ng buwan. Hindi biro ang susuungin natin, sabi ni ina mapanganib ang dagat tuwing gabi subalit iyon lang din ang oras na kailangan nating makipagsapalaran." Sagot ni Simon at nangingiti dahil sa reaksyon ng mukha ni Milo.
"Sa ngayon naguguluhan ka pa, pero kapag nandoon na tayo ay maliliwanagan ka rin." Patapos na wika ni Simon. Tumango lang naman si Milo dahil naiintindihan din niya ang mga ito.
Mahirap nga naman para sa isang tulad niya na baguhan pa lamang na intindihin ang lahat sa isangbagsakan lamang. Nariyan pa rin sa kalooban niya ang minsan mapanghinaan ng loob, ngunit nilalabanan niya ito. Iniisip na lamang niya na kailangan pa niyang balikan si Lolo Ador at kailangan sa pagbabalik niya ay buong-buo pa siya.
Malayo na ang narating nila at marami na rin siyang natutunan sa bawat paglalakbay nila. Naguguluhan man ay kailangan niyang maging matatag para sa mga taong naghihintay sa kaniya.
Bago pa man sunapit ang bukang liwayway ay nakabalik na ang tatlo sa bahay ni Mang Isko para magpahinga. Natulog sila at halos tanghali na din nang magising sila.
Pagkagising ay agad na din silang naghanda, ibinalot na nila sa mga dahon ng saging ang mga pagkaing kanilang dadalhin sa paglalayag. Naghanda na rin sila ng mga sulo na ikakabit naman nila sa bawat dulo ng kanilang bangka uapng magsilbing tanglaw nila sa karagatan. Anim na sulo ang kanilang inihanda nang mga oras na iyon. Ibinalot nila iyon sa dahon ng saging at inilagay sa isang sisidlan na siyang magpoprotekta rito mula sa tilamsik ng tubig dagat.
Bukod pa rito, naghanda rin sila ng mga halamang gamot na maaari nilang magamit sa oras na mayro'ng masugatan sa kanila. Nagbaon na rin sila ng tubig na inilagay naman nila sa isang banga na di kalakihan. Bawat isa rin sa kanila ay naglagay ng tubig sa isang sisidlan na gawa sa kawayan na siyang ikakabit naman nila sa kanilang mga katawan.
"O' mga bata, naihanda niyo na ba ang lahat? Dalhin niyo na rin itong gasera, dalawa lang iyan pero may reserbang gas akong inilagay sa isang galon, mas maigi na rin itong may dala kayong gasera kapag masyadong malakas ang hangin hindi mabubuhay ang mga sulo niyo," masayang bungad ni Mang Isko bitbit ang dalawang gasera. Agad niya it inilapag sa mesa at napatingin naman doon ang magkapatid.
"Maraming salamat po Mang Isko, malaking tulong po iyan." Wika ni Simon.
"Ito naman, hindi niyo na kailangang magpasalamat, maliit na tulong lamang ito sa ginawa niyong tulong kay Agnes." Nakangiting wika ni Mang Isko.
"Mang Isko, kapag nakaalis na kami, huwag mong kalilimutan ang bilin namin, 'yong dalawang bata, iniwanan namin ng pangontra laban doon sa naghahanap sa kanila. Pansamantala silang hindi matutunton ng mga iyon hangga't suot nila ang mga mutyang ibinigay namin." Paalala ni Maya.
"Oo naman Maya, salamat at maging sina Klarisa at Lira ay inabutan niyo rin ng tulong. Nakakaawa ang dalawnag iyon, gabi-gabing hindi mapakali dahil sa takot. Ngayon mabubuhay na sila ng normal sa poder ko. Pagkatapos ng misyon niyo, bumalik kayo agad rito. Maghihintay kami sa muli niyong pagbabalik." Wika ni Mang Isko na noo'y nagtutubig na ang mga mata
Bahagya namang natawa si Milo nang makitang naging emosyonal na ang matanda.
"Mang Isko naman, huwag kayong iiyak, hindi bagay, papangit kayo niyan. Paano ka mag-aasawa kung ganyan ka." Pagbibiro pa ni Milo.
"Lokong bata ito, ang tanda-tanda ko na para diyan."
Humagalpak sila ng tawa dahil sa sinabi ni Mang Isko. Matagal nang byudo si Mang Isko at wala rin silang naging anak ng kaniyang asawa. Mag-isa na lang sa buhay si Mang Isko bago pa man dumating si Klarisa at Lira sa buhay niya.
"At isa pa, andiyan na naman ang mga bata, aba'y biyaya na ng Panginoon para sa akin ang pagdating nila."
Napangiti naman si Milo sa narinig. Marahil nga ay itinadhana na magtagpo ang landas ng tatlo. Para sa dalawang bata ay biyaya na din ng Diyos ang pagdating ni Mang Isko sa buhay nila at ganoon din kay Mang Isko.
Minsan napapaisip tuloy si Milo na lahat ng buhay nila ay magkakarugtong. Lahat ng taong nakakasalamuha at nakakasama nila ay matagal nang nakaugnay sa kani-kanilang mga buhay.
"O bigla yatang lumalim ang iniisip mo? Huwag mong sabihing nagdadalawang isip ka na sa misyon natin?" Tanong ni Maya habang nakakunot ang noo. Tinatali ng dalaga ang isang sisidlan sa isa pang sisidlan at nilagyan iyon ng mga damit nilang nakabalot na sa dahon ng saging.
"Hindi ah, nahihiwagaan lang ako sa mundo, biruin mo nagtagpo ang landas ni Mang Isko at nang dalawang bata sa oras ng kagipitang ng mga ito. Hindi ba't nakakamangha." Bakas ang pagkamangha ng binata habang sinasabi iyon. Natawa naman si Maya dahil napakababaw ng isiping iyon.
"Ewan ko sayo, hindi pa ba nasasabi sayo ni Lolo Ador na lahat ng buhay natin ay magkakarugtong." Umiirap na wika ni Maya at tinalikuran na ang binata. Napakamot naman sa ulo si Milo at dali-daling sinundan si Maya sa labas ng bahay.
"Wala pa siyang nababanggit, puro pangaral lang naman lagi ang naririnig ko kay Lolo Ador eh. " Tugon niya.
Umiling naman ang dalaga at hindi na pinansin ang binata. Pinagpatuloy na nila ang paghahanda ng kanilang mga dadalhin, bago iyon dalahin sa pangpang kung saan naghihintay na si Mang Kanor at ang tauhan nitong nagkumpuni ng kanilang magiging bangka.
Ang buong pag-aakala ninSimin ay maliit lamang ang bangka nila na kakasya lamang silang tatlo ngunit ganoon na lamang ang pagkamangha nila nang makitang malaki ang bangkang iyon na maaring masakyan ng sampong katao.
"Ayos na ba sa inyo ito mga bata. Pinatibay ko na ang bangkang ito, nilagyan ko na rin ng sasabitan ng inyong gasera at mga sulo. May maliit na kahon sa bangka na maari niyong sidlan ng mga gamit niyong hindi maaring mabasa." Paliwanag ni Mang Kanor at nagkatinginan silang tatlo.
Hindi nila inaasahan na ganito anag kanilng madadatnan. Napakalaking tulong ang bangkang iyon sa kanilang paglalakbay sa dagat. Labis ang pasasalamat nila kay Mang Kanor at maging kay Mang Isko.
Kinahapunan ay nagsimula na nga silang maglayag matapos nilang magpaalam sa mga taong naging malapit na sa kanila .