webnovel

Chapter 3

Maingat na pinuputol ni Milo ang bawat talbos ng mga halamang gamot na kailangan niya, habang ang iba naman ay kinukuha niya pati ang ugat. Sa kaniyang pagkaabala ay hindi niya napansin ang panganib na papalapit sa kaniya, dahil likas na maliwanag sa lugar na iyon gawa ng mga alitaptap ay hindi niya namalayan ang unti-unting paglubog ng araw.

Mayamaya pa ay maging ang simoy ng hangin ang bigla na ding nag-iba, at ang kaninang komportableng presensyang yumayakap sa kabuuan ni Milo ay nawala at napalitan ng isang nakakakilabot na awra. Napahinto si Milo sa kaniyang ginagawa nang biglang nagtayuan ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Pakiramdam niya ay bigla siyang binuhusan ng nagyeyelong tubig dahil sa biglaang paglamig ng simoy ng hangin. 

Iniangat ni Milo ang kaniyang ulo at doon niya napansin ang mabilisang paglubog ng araw. Napalatak naman siya, saka mabilisang iniayos ang mga halamang gamot sa dala niyang buslo. Pagkatayo at akmang babalik na siya sa bukana ay bigla naman siyang natigilan na animo'y natigalpo.

Nanlalaki ang mga mata niya habang maiging pinakikiramdaman ang buong paligid. Isang mahinang pag-angil ang kaniyang narinig. Bigla siyang nakaramdam ng matinding takot at pagnanais na tumakbo ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi niya maigalaw ang kaniyang mga paa.

"Diyos ko, huwag naman po sana." mahinang bulong niya. Nanginginig na ang buong katawan niya sa takot nang makita niyang gumalaw ang mga talahib sa liwasan ng lugar na kinaroroonan niya.

Mayamaya pa ay dahan-dahang lumalakas ang mga pag-angil na kaniyang naririnig. Sa pagkakataong iyon ay lalong dumoble ang takot na namamayani sa dibdib niya.

Isang malakas na sigaw ang kaniyang napakawalan nang bigla siyang sunggaban ng isang nilalang dahilan upang matumba siya sa kaniyang kinatatayuan. Napapikit pa siya dahil sa bilis ng mga pangyayari at nang imulat niya ang kaniyang mga mata ay tumambad sa kaniya ang napakaitim na nilalang, namumula ang mga mata nito at walang tigil sa pagtulo ang malalapot nitong mga laway sa kaniyang dibdib.

"Aswang!!!" muli siyang napasigaw at nagwawalang itinulak ang nilalang papalayo sa kaniyan. Nang makaalpas siya ay dali-dali siyang gumapang papalayo rito, subalit napakabilis nito at agaran din siyang napigilan sa kaniyang mga paa.

Akmang sasakmalin na siya nang nilalang na iyon ay bigla naman itong natigalpo na animo'y naestatwa sa kinalalagyan nito. Nag-aangil at tila galit na galit itong pilit na kumakawala sa pwersang kumukulong sa kaniya. Walang patid sa pagtulo ang mga laway nito habang pilit itong nagwawala upang makawala sa pwersang animo'y pumipigil dito.

Mabilis na gumapang papalayo si Milo sa nilalang at mataman itong pinagmasdan, mayamaya pa ay bigla namang nasipat ni Milo ang isang nilalang na nakayapos sa aswang. Hindi ito kasinglaki ng aswang ngunit kapansin-pansin ang angking kalakasan nito dahil na din hindi magawang makagalaw ng aswang mula sa pagkakahawak ng nilalang.

Nag-uumbukan ang mga kalamnan nito sa buong katawan at animo'y sa kabayo ang mga paa nito. Nang madapo naman ang kanyang tingin sa bandang uluhan nito ay doon niya nakita ang malademonyo nitong anyo na maihahalintulad mo sa wangis ng isang kabayo.

Halos mapasigaw sa takot si Milo nang masilayan ang dalawang nilalang na iyon. Hindi niya alam kung paano siya makakatakbo dahil nanginginig sa takot ang kanyang mga tuhod. Tila natigalpo ang buo niyang katawan dahil sa mga tunog na pinapakawalan ng dalawang nilalang habang nagbubuno ang mga ito.

"Takas na Milo." Sigaw ng malakabayong nilalang na ipinanlaki ng mata niya. Napabaling naman ang mata niya sa kaaway nitong aswang at nakita niya kung paano ito magpumiglas para lang maabot siya. Nanginginig man ay pinilit niya pa rin makatayo upang makaalis na doon. Sa kaniyang pagmamalabis na makatakas ay nagawa pa niyang pulutin ang buslo ng halamang gamot niya bago siya tumakbo nang napakabilis papalayo sa lugar. 

Alam niyang nasa panig niya ang mala-kabayong nilalang na iyon subalit hindi pa rin mawala sa isip niya ang malademonyo nitong wangis. Walang patid na din sa pagtulo ang kaniyang mga luha dahil ang buong akala niya ay iyon na ang katapusan niya. Halos pumutok ang dibdib ni Milo dahil sa walang tigil na pagtakbo niya, kinakapos man ng hangin ay hindi siya nag-aksaya ng oras para huminto. Sa kaniyang pagmamadali ay hindi niya napansin ang isang nakausling bato sa lupa dahilan para mapatid siya at magpagulong-gulong doon.

"Tsk!!! Naturingan kang apo ng isang magaling na albularyo pero duwag ka!"

Wika ng isang boses at ramdam niya ang panunuya nito sa kaniya. Tumingala naman siya at nakita niya sa isang sanag ng puno ang isang babae na pasimpleng nakaupo roon. Ang mahaba at itim na itim nitong buhok ay tila sumasayaw sa bawat pag-ihip ng hangin. Kumikislap din sa bawat pagtama ng liwanag ng buwan ang mga mata nitong animo'y isang ginto.

"Sino ka? Bakit ka nandito? May aswang, umalis na tayo rito!" Sigaw ni Milo sa babae. Tumawa naman ang babae at bigla itong nawala sa ibabaw ng puno. Pagkurap ni Milo ay nasa harap na niya ito.

"Para aswang lang natatakot ka na? Dahilan lang 'yan ng mga duwag." Patuyang wika pa ng babae bago siya tinalikuran. Naglakad ito pabalik sa landas na kaniyang tinahak.

"Sandali, huwag kang pumunta diyan." Pigil ni Milo at mabilis na sinundan ang babae. 

Nang muli niyang marating ang lugar kung nasaan siya kanina ay nakita niya ang malakabayong nilalang na nakahandusay sa lupa habang ang aswang naman ay inihahanda na ang matutulis nitong kuko upang saksakin ang nilalang. 

Agad na nakaramdam ng awa si Milo sa nilalang, ngunit anong magagawa niya? Nagpaikot-ikot ang kaniyang mga mata sa lugar sa pagbabaka-sakaling makakita siya ng isang bagay na maari niyang gamitin para matulungan ang nilalang. 

Mayamaya pa ay isang bato ang kaniyang nakita, mabilis niya itong dinampot at buong lakas na inihagis sa aswang. Tumama ito sa ulo ng aswang, dahilan para makuha niya ang buong atensiyon nito. Napaatras naman si Milo nang makita niyang nag-aangil na sa kaniya ang aswang.

"Duwag na, t*nga pa!" Wika ng babae at muli siyang natingilan nang biglang may mabilis na hangin ang dumaan sa kaniyang harapan. Narinig niya ang pag-atungal ng aswang kaya naman napalingon siya rito. Sa kanyang paglingon ay doon bumungad sa kaniya ang isang babaeng nakaputi na hawak-hawak na ang ulo ng aswang. Nakatayo naman di kalayuan dito ang malakabayong nilalang habang tila alerto ito sa babae. Nakita ni Milo kung paano inumin ng babae ang dugong umaagos mula sa pugot na ulo nang nilalang bago nito itinapon ng marahas sa lupa. Bago pa man ito lumapat sa lupa ay tila abo itong tinangay ng hangin.

"Sino ka?" Narinig niyang tanong ng malakabayong nilalang. Lumingon naman ang babae rito at napangisi, hindi ito sumagot sa tanong ng tikbalang. Pinahid nito ang dugong naglandas sa kaniyang labi bago nilapitan si Milo. Kinuha nito ang isang maliit na punyal mula sa buslo na dala ni Milo at inihiwa sa kaniyang palad. Wala nang nagawa ang binata nang ipahid ng babae ang dugo nito sa kaniyang mata.

Nahintakutan naman si Milo sa ginawa ng babae at marahas na napaatras, pilit na oinapahid ang mga dugo na kumalat sa kaniyang mukha.

"Imulat mo ang iyong mata, tama na ang pagbubulagbulagan mo, hindi ka na bata." Wika ng babae at bakas sa boses nito ang pagkairita.

Pagmulat ni Milo ng kaniyang mga mata ay tila ba nagbago ang kaniyang nakikita. Naroroon pa rin ang mga naggagandahang mga halaman at ang mayayabong na kapunuan. Ngunit ang inaakala niyang mga alitaptap ay mga maliliit pala na mga nilalang na may pakpak.

Mangha niyang inilibot ang kaniyang paningin at nasipat niya ang iba pang mga nilalang na marahan nang naglalapitan sa kanila. Para siyang nakapunta sa ibang dimensyon dahil sa kaniyang mga nakikita.

Binalot siya ng mangha at kilabot dahil sa mga nilalang na naroroon. Nagbago din ang anyo ng babaeng nasa harapan niya. Ang dating itim nitong buhok ay tila isang pilak na kumikislap sa ilalim ng liwanag ng buwan. Ang kulay ginto nitong mata ay naging pula at kumikinang din ang balat nitong.

"Milo matagal na kaming naghihintay sayo." Wika ng isang malaahas na nilalang na pagapang na lumalapit sa kaniya. Naestatwa naman si Milo at tila umikot ang buong paningin niya hanggang sa tuluyan nga siyang lamunin ng kadiliman.

***

Nang muli siyang magising ay natagpuan niya ang sarili sa loob ng kaniyang silid.

"Panaginip lang ba ang lahat ng nakita ko? Salamat naman, akala ko talaga totoo na ang lahat." Sambit pa ni Milo, subalit nang ibaling niya sa bintana ang kaniyang mata at nakita niya ang tikbalang na nakaupo doon habang nakapikit ang mga mata.

"Gising ka na, mabuti naman." Sambit ng nilalang habang unti-unting nagbubukas ang mga mata nito.

"Hindi ka panaginip? Totoo ka?" Tarantang wika ni Milo at mabilis na lumayo rito.

"Matagal na akong totoo, Milo. Bata ka pa lang ay nasa tabi mo na ako." Mahinahon naman tugon ng tikbalang.

"Lo, Lolo!!!" Takot na napasigaw si Milo at mabilis an tumakbo palabas ng kwarto niya. Pagdating niya sa maliit nilang sala ay naabutan niya ang Lolo niya na kausap ang babaeng nagligtas sa kaniya.

"Lo, lumayo ka diyan, halimaw ang babaeng yan. Lo, may halimaw sa kwarto ko,itaboy niyo siya pakiusap." Paiyak na na wika ni Milo. Nasapo naman ni Lolo Ador ang noo sa nakakahiyang asal ng kaniyang apo.

"Mang Ador, hindi ko alam paano naging isang duwag ang isang taong nanggaling sa angkan niyo. Mukhang nagkamali ang mga diwata sa pgkakataong ito." Umiiling na wika ng babae.

"Diwata? Anong diwata, nakita kita, hindi ka tao at malayong isa ka ding diwata." Singhal ni Milo at napangisi naman ang babae.

"Malamang hindi ako diwata at mali ka, tao ako pero isa din akong aswang." Sagot ng babae na may halong pananakot. Pinababa nito ang kaniyang boses at namutla naman si Milo at dumampot ng isang bungkos ng bawang na nakasabit sa kanilang dingding at iminuwestra ito sa harapan ng babae.

Natawa naman ang babae at mabilis na lumapit kay Milo. Kinuha nito ang bawang sa kamay ni Milo at kumain iyon ng isang ulo. Nanlaki naman ang mga mata ni Milo sa ginawa ng babae. Ang buong akala niya ay masusunog ang mga aswang sa bawang.

Siguiente capítulo