webnovel

Chapter 9: Sumpa

Lubos ang kagalakan ng matanda nang muling ng magkamalay ang anak nito. Pinainom naman nila ito ng maligamgam na tubig para maibsan ang nararamdaman nitong pagkauhaw.

"Inang, ano po ang nangyari?" Buong pagtatakang tanong nito na tila gulong-gulo sa kanyang dinatnan nang muli niyang imulat ang kanyang mga mata.

"Dan, anak, wala ka bang natatandaan?" Balik na tanong ng ina nito. Napakunot naman ang noo ng binata na animo'y pilit na binabalikan ang mga nangyari sa kanya.

"Wala naman Inang, normal naman ang mga nangyari kahapon. Siyanga pala nakasalubong ko si Manay Salome kinukumusta ka." Sambit nito na lubhang ikinabahala ng matanda.

"Si Salome? Ang mangkukulam na si Salome." Bulalas nito at napahagulgol ito.  Ang nabanggit kasi nito ay ang dating kasintahan ng kanyang yumaong asawa. Ang buong akala niya ay nagpakalayo-layo na ito bungad nang ikasal silang dalawa ni Simon. Simula noon ay hindi na ito muling nagpakita o nagparamdam man lang. Hanggang sa isang araw ay muli niya itong nakasalubong sa daan. Ang buong akala niya ay namamalikmata lamang siya. Hindi niya ito pinansin dahil baka pinaglalaruan lamang siya ng kanyang imahinasyon, hanggang sa nagkasakit na nga ang kanyang asawa at namatay ito kinalaunan.

Halos isang taon lamang ang lumipas ay sumunod naman dito ang kanyang panganay. Hindi niya mawari kung bakit at paano nagkakasakit ang mga ito dahil malulusog at malalakas ang asawa at anak niya .

Wala siyang maintindihan hanggang sa ngayong araw nang mabanggit ni Dan si Salome. Ayaw man niyang isipin ay ito ang pilit na itinuturo ng kanyang utak. Si Salome ang dahilan ng lahat. Si Salome at ang inggit nito sa kanya.

"Inang bakit ho? Bakit kayo umiiyak?" Pag-aamo ng binata sa ina nitong halos mamatay-matay na sa kakaiyak.

"Ayon sa iyong Ina, mag-iisang linggo ka nang hindi nagigising. Nagkasakit ka matapos mong makipag-usap sa Salome'ng iyon." Sabat ng isang Antinggero sa kanila.

"Wala ka bang natatandaang kinuha niya sayo o ibinigay niya sayo?" Tanong ni Sinag sa binata.

"Wala naman, nakipag-usap lang siya sa akin." Sagot naman nito habang napapakamot sa ulo.

"Meron siyang kinuha ngunit hindi mo ito nahalata. " Wika ni Mina na noo'y kanina pang pinagmamasdan ang lalaki. Nakatuon ang mata nito sa paanan ng binata.

"Tingnan niyo ang anino niya." Dagdag pa nito habang itinuturo ang bandang paanan nito. Doon lamang nila napansin ang punit na anino nito. Wala naman ibang bagay na nakaharang sa bandang ulo nito ngunit kapansin-pansin ang partenh tila napunit na anino nito.

"Pwede ba yun?" Bulalas ni Obet na halatang nagulat sa kanyang nakita. Ito ang unang beses nilang makakita ng ganitong sitwasyon.

"Napakalalim ng aral ng mangkukulam na iyon kung kaya niyang punitin ang anino ng isang tao nang hindi nito namamalayan. " Bungad ni Tandang Ipo habang malalim na nag-iisip.

"Sa tingin po ninyo tandang Ipo, maibabalik pa ba ang napunit na anino ng binata?"Tanong ni Sinag. 

"Maaari pero hindi ako sigurado. Wala akong aral na alam patungkol s agnitong sitwasyon. Kung ang tinutukoy nilang Salome ay isa talagang mangkukulam, paniguradong and diablo na mismo ang gabay nito." tugon ng matanda

Patuloy pa din sila sa paguusap hanggang sa sumapit ang dapit-hapon. Pansin ni Mina ang unti-unting pagbabago sa bakuran ng bahay. Animo'y may mga presensyang umiikot doon na hindi nagugustuhan ni Mina at nang mga gabay niya. Nasa kubo na noon ang mga antinggero, hindi kalayuan sa mismong bahay ng matanda. Mga ilang hakbang lamang ay mararating mo na ang kubong iyon. Si Mina naman ay nasa labas lamang ng mismong bahay ng matanda. Nakatayo siya sa bandang entrada nito.

Alam niyang magbabalik ito noong gabing iyon kaya maaga pa lamang ay pinaikot na niya ang kanyang mga gabay sa buong bakuran nito upang maglagay ng proteksiyon habang siya naman ay naiwang  nagbabantay sa entrada ng bakuran.

May kakaibang tunog na rin siyang naririnig na panaka-nakang nagsisitunugan habang papalapit ang paglubog ng araw. Sari-saring tunog ang naririnig niya na ikinapukaw naman ng atensyon ng mga antinggero. Nagsilabasan ang mga ito sa  kubo at mabilis na lumapit kay Mina.

"Mga aswang, ano naman ang pakay nila dito?" naitanong ni Obet habang napapamura. Animoy nanggigigil ito habang iniikot ang paningin sa buong paligid.

"Mukhang hindi basta-basta ang mangkukulam na iyon, nagtawag pa talaga ng mga aswang." natatawang wika ni Tandang Ipo na animoy hindi nababahala sa mga aswang. Tumingin ito kay Mina at inabutang niya ang dalaga ng isang latigo na gawa sa buntot ng pagi. Kakaiba din ang buntot na iyon dahil meron itong tatlong dulo na nagsisitalasan. may mga tinik din ang katawan ng buntot habang ang hawakan naman ay nababalutan ng tila balat ng kung anong hayop na may mga orasyon.

"Gamitin mo, makakatulong iyan." tatawa-tawang wika pa ng matanda. Napangiti lamang si Mina nang bumulong ang tikbalang sa kanya patungkol sa latigong iyon.

Ayon sa tikbalang ang latigong iyon ay pagmamay-ari ng isang reyna ng mga pagi sa karagatan.Buhay na buhay din ang gamit na iyon dahil sa magpasa-hanggang ngayon ay patuloy na nabubuhay ang nagmamay-ari ng buntot na iyon. Ang balat namang nakabalot sa hawakan ay galing sa isang buwaya. Ang mga orasyon naman ay iniukit pa ng mga sinaunang babaylan na nabuhay noong unang panahon.

At tuluyan na ngang lumubog ang araw sa kalupaan at bigla-bigla namang tumahimik sa buong paligid. Maging ang mga huni ng mga kulisap ay nawala. Lumipas pa ang mga minuto na ganun ang kanilang sitwasyon hanggang sa magsimulang umalulong ang mga aso sa mga bahay bahay.

Naging alerto naman sila dahil alam nilang iyon na ang hudyat na papalapit na ang mga nilalang. Nagsimula na silang magtaas ng kanilang bakod upang mapaghandaan ang mga di inaasahang pag atake ng mga ito. Lumipas pa ang ilang minuto ay may napansin na silang mga kalalakihang papalapit sa bahay ng matanda. Sa wari nila ay nasa higit sampo ang bilang ng mga ito at dihado sila kung bilang ang pag-uusapan. Nasa walo lang kasi ang bilang nila kasama na doon si Mina at Sinag. Ngunit hindi naman nababahala si Tandang Ipo dahil alam niyang malalakas ang tangan nila at sapat na ang kanilang pananampalataya upang lupigin ang mga ito.

Siguiente capítulo