webnovel

XXVII

Pinunasan ni Mindy ang luhang kumawala sa kaniyang mga mata. Ngunit kung siya ay magiging totoo sa nararamdaman, ang tanging kaniyang nais gawin ay ang humagulgol.

Kanina pa siya nagpipigil ng iyak. At simula iyon nang kaniyang marinig ang utos ng Binibini sa Punong Katiwala na ipamigay na lamang ang mga bestido nito. At nang nalaman niyang plano rin ng Binibini na sunugin ang mga talaarawan, lalong naging mahirap para sa kaniya ang pagpipigil.

Hindi niya kasi maiwasang maisip na sa lahat ng ginagawa ng Binibini ngayon---simula sa pagnanais nito na manatili na lamang dito imbis na lumipat sa bagong palasyo, sa pagtuturo nito sa kaniya na magluto, hanggang sa pamimigay nito ng mga gamit nito---na tila ay nagpapaalam na ito.

Na tila inaayos na lamang nito ang lahat bago pa...

Bago pa...

Bumilog ang kaniyang mga mata at natatarantang pinunasan ang kaniyang luhang tumulo sa talaarawan. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang gagawin kapag---Hindi. Ni ang isipin ang bagay na iyon ay hindi pa niya lubusang matanggap.

Alam niya noon pa na may karamdaman ang Binibini. At nasaksihan niya rin kung paano ito naghihirap sa tuwing aatake ang karamdaman nito.

Tama. Madalas ay kasama siya nito. At sa mga oras na iyon, sa kabila ng kabutihan sa kaniya ng Binibini, wala siyang magawa para dito.

Tinitigan niya ang hawak na talaarawan nito na kaniyang isa-isang nilalagay sa malaking kahon. Alam niya kung paano tignan at tratuhin ng mga tao ang Binibini. At iyon ay dahil hindi ito lubos na kilala ng mga ito at dahil sa pagiging alipin nito noon, mas madali na husgahan na lamang ito.

At marahil ang talaarawang ito ay naglalaman ng mga hinaing at mga emosyon na hindi lubos na mailabas ng Binibini. Puno ito ng mga alaala at---

Napaupo siya ng tuwid at agad na tinuyo ang basa niyang pisngi nang makarinig ng mga yabag ng paa. Hindi niya akalain na mabilis babalik ang Binibini sapagkat para sa kaniya, ilang minuto pa lamang ang lumilipas. Mabilis lamang bang lutuin ang putaheng niluluto nito?

Tumayo siya at nilingon ang bukas na pinto nang may kumatok at agad rin siyang yumuko nang makita na hindi ito ang Binibini.

𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘯𝘢𝘯𝘥𝘪𝘵𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘔𝘢𝘩𝘢𝘭 𝘯𝘢 𝘓𝘢𝘬𝘢𝘯? may kaba at litong bulong ng kaniyang isip.

"M-Magandang umaga po, Mahal na Ginoo," magalang at agad niyang pagbati, habang pinipilit niyang itago ang kaniyang kaba at takot. Bihira niya itong makita at sa panahong nakikita niya ito ay sa malayo lamang. Kaya masasabi niya na ngayon lamang niya nakaharap ang ginoo ng ganito.

At sana ay wala siyang magawa o masabing hindi nito magugustuhan.

Alam rin kasi niya na hindi maganda ang relasyon nito sa Binibini at sa kaniyang mga naririnig tungkol dito, mahigpit rin ito at seryoso katulad ng Punong Lakan. Hangga't maaari, ayaw niyang gumawa ng bagay na maaaring ikapahamak o maging isipin pa ng Mahal na Binibini.

"Nasaan ang iyong Binibini?" tanong nito sa malamig na tinig.

Napalunok si Mindy. Hindi siya tiyak kung dapat ba na kaniyang sabihin na nasa kusina ang Binibini at nagluluto o hindi. Ngunit kahit isipin niya pa iyon, alam rin niyang hindi siya makapagsisinungaling dito.

Isa pa, masyado siyang natatakot upang makapagsinungaling. Tiyak siyang sa unang salita pa lamang na kaniyang sasabihin, mahuhuli na siya.

"N-Nasa kusina po, Mahal na Ginoo."

"Kusina? Bak---Tch. Di bale na."

Halos siya ay pagpawisan ng malagkit at hindi niya maiwasang hawakan ang kaniyang palda nang mahigpit nang magpalatak ito ng dila. Mukhang hindi nito nagustuhan ang narinig. Ngunit sana ay hindi mapahamak ang Binibini dahil doon.

"Nasaan ang kusina?" tanong nito na ngayon ay tila nagsisimula nang mairita.

Yumuko siya nang mas malalim upang ito ay sagutin ngunit bago pa niya maibuka ang kaniyang bibig ay narinig niya ang tunog ng mga paa nito na papaalis, at bago pa siya makahinga ay tinawag siya nito.

"Oy, sumunod ka sa akin at ituro mo ang daan."

Napatindig siya nang maayos at halos mapatili. "O-Opo, Ginoo!"

Madali siyang sumunod dito kasabay ng pangingilid ng luha sa kaniyang mga mata. Sa pagkakataong ito ay hindi dahil sa nangyayari sa Binibini.

Huminga siya ng malalim at pumikit-pikit upang tuyuin ang kaniyang mga mata. 𝘉𝘪𝘯𝘪𝘣𝘪𝘯𝘪! 𝘕𝘢𝘬𝘢𝘬𝘢𝘵𝘢𝘬𝘰𝘵 𝘱𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘎𝘪𝘯𝘰𝘰! pag-iyak niya sa kaniyang isip.

___________________________

"Tamang-tama ang iyong pagbaba," simula ni Maia nang marinig ang yabag ng paa ni Mindy. Kasalukuyan niyang inililipat sa plato ang sinangag na kaniyang niluto. "Maupo ka na at---"

Napahinto siya sa pagsasalita nang kaniyang iniangat ang kaniyang tingin at nakita na hindi lamang si Mindy ang pumasok sa kusina. Kasama nito ang tagapagmana ng Punong Lakan.

"Mahal na Ginoo, ano po ang inyong ginagawa dito?" tinatamad niyang tanong.

Sandaling kumunot ang noo nito bago nawala ang ekspresyon sa mukha at inilapag sa mesa ang dala nitong buslo. "Dinalhan kita ng makakain..." Bumaba ang tingin nito sa platong kaniyang inihanda para kay Mindy. "...ngunit tila ay hindi mo naman na kailangan."

Umatras ito at tumalikod. "Kainin mo kung iyong nais ngunit kung hindi, maaari mong itapon na lamang."

Lumabas na ito ng kusina at pareho sila ni Mindy na nagulat at nagtataka. At aaminin niya na hindi niya lubusang naunawaan kung ano ang nangyari.

Lumapit siya at binuksan ang iniwan nitong buslo. At katulad nga ng sinabi nito, pagkain ang laman nito. May mga tinapay at mga prutas...

Na masasabi niya ay maayos at sariwa ang mga itsura.

"Binibini?"

Ibinaling niya ang tingin kay Mindy na nakakunot ang noo at tila ay nag-aalala. Marahil dahil ilang sandali rin siyang nakatitig sa loob ng buslo.

Huminga siya ng malalim at isinara ito. "Kumain na tayo."

"Binibini?" Lalong lumalim ang mga guhit sa noo nito. "Hindi niyo po ba kakainin ang dinala ng Mahal na Lakan?"

"Ah." Tinitigan niyang muli ang buslo. "Kainin na lamang natin mamaya," payak niyang sagot at umupo na upang kumain.

Sa katotohanan, nagdadalawang-isip siyang kahit man lang tikman ang mga laman ng buslo. Hindi siya tiyak kung ligtas ang mga iyon o kung paano niyang malalaman na ligtas kainin ang mga pagkaing iyon. Sapagkat hindi niya maisip ang dahilan kung bakit siya dinalhan ng pagkain ng Lakan na talagang nag-abala pa at pinuntahan siya dito.

Kung iisipin ang mga nangyari at ang reaksyon nito kanina, kaniyang natitiyak na hindi ito natuwa sa kaniya. Kaya nakukumbinsi lamang siya na walang mabuting mangyayari sa katawan ni Malika kung kakainin niya ang dala nito. Hindi rin niya maiwasang maisip na maaaring pinatotohanan nito ang kaniyang sinabi na bigyan na lamang siya ng lason.

Kung tutuusin, sa kaniya naman nanggaling ang ideyang iyon. Ngunit hindi naman siya tanga upang kusang kumain ng lason lalo na kung wala namang nakatutok na baril sa kaniyang ulo.

"Naiintindihan ko po, Binibini," magalang na tugon ni Mindy at sumunod na rin sa kaniya sa pag-upo.

Tinitigan niya ito na napansin niyang namumula ang gilid ng mga mata. At tila mas tahimik. Sanay naman siya na tahimik talaga ito. Ngunit sa ilang araw na kaniya itong nakasama at tinuruang magluto, napansin niya na mas naging kumportable na ito sa kaniya at mas bukas na sa pagsasabi ng mga opinyon nito. Kung kaya alam niya na kakaiba ang katahimikan nito ngayon. Tila may malalim itong iniisip.

Na masasabi niyang hindi na rin nakapagtataka dahil sa mga nangyari at nasaksihan nito kagabi at kanina. Marahil ay nag-aalala at natatakot rin ito para sa sarili nito. At sa totoo lang, nakukunsensya siya sapagkat hindi niya naisip ito bago niya nagawa ang mga bagay na kaniyang nagawa. Alam niya na bilang tagapaglingkod ni Malika, may direktang epekto ang kaniyang mga gagawin at sasabihin dito. At alam rin niya na mahalaga ang taong ito para kay Malika kung kaya hindi niya ito dapat pabayaan na lamang.

Iyon din naman ang kaniyang plano. At iyon rin ang dahilan kung bakit niya ito tinuturuan na magluto. Umaasa siya na kapag nakaalis na siya dito ay makalaya rin ito at makapagsimula ng buhay sa isang lugar kung saan magagamit nito ang kaniyang itinuro. Maaari itong magbukas ng munting kainan upang magkaroon ito ng sariling mapagkakakitaan malayo sa mga pang-abusong maginoo.

Ang kaniyang problema ay kung tatanggapin nito ang ibang alahas ni Malika na plano niyang ibigay dito at kung paano ito magiging malaya sa katayuan nitong alipin nang hindi nito kailangang mag-asawa.

Ngunit bago pa niya problemahin iyon, mas mainam kung sasabihin niya muna dito ang mga nangyayari sapagkat malinaw ang pag-aalala nito.

"Mindy," pagkuha niya sa atensyon nito na agad inangat ang tingin sa kaniya. "Katulad sa iyong nakita at nasaksihan kanina, lilipat na tayo sa kabilang palasyo. Sa kasamaang palad, sa aking palagay ay wala na akong magagawa tungkol doon. Ngunit huwag kang mag-alala, aking titiyakin na may sarili kang silid at na hangga't maaari ay hindi mo kakailanganin na makihalubilo sa ibang tagapaglingkod."

Alam niyang iyon lamang ang kaniyang magagawa para dito upang kahit paano ay maiwasan ang pang-aapi o pang-aabuso na maaari nitong matanggap sa ibang mga tagapaglingkod. Hindi man sapat iyon lalo na na hindi naman niya kontrolado ang mga maaaring mangyari, walang takot sa kaniya ang mga tagapaglingkod, at hindi niya rin kasama si Mindy ng buong araw ngunit iyon lamang ang tangi niyang naisip na kahit paano ay makatutulong dito na magkaroon ng kaunting kapanatagan sa loob.

Bumilog ang mga mata nito sa gulat. "Binibini... H-Hindi niyo po ako kailangang alalahanin. Isa pa po, hindi po ba na magandang balita na kayo po ay lilipat na sa bagong palasyo? Iyon po ang inyong nais noon pa, hindi po ba, Binibini?"

Natigilan si Maia kasabay ng kaunting pagkunot ng kaniyang noo. Ngunit tama si Mindy. Noon pa ay iyon na ang nais ni Malika. Sapagkat para dito, iyon ang tanda na bahagi na ito ng pamilya at 'napatawad' na ito ng Punong Lakan.

Huminga siya ng malalim. Hindi niya alam kung matutuwa si Malika dahil doon kung nandito ito ngayon. Ngunit ang alam niya, siya ay hindi. Alam niyang iba ang dahilan ng Punong Lakan kaya naisipan na nitong sila ay palipatin doon. Natitiyak niya na ang kalayaang mayroon siya ngayon ay maglalaho.

"Mindy, maraming taon na rin ang lumipas. Maaaring aking ninais ang paglipat sa bagong palasyo ngunit hindi na iyon ang aking nais ngayon. Isa man itong abandonadong palasyo ngunit kung iisipin, hindi ba na naging malaya ang ating pagkilos dito? Isa pa, sa mga nangyari, katahimikan na lamang ang aking nais. At tahimik dito."

Yumuko si Mindy na tila nais nitong itago ang mukha nito at ilang sandali lamang ay narinig niya itong umiiyak.

"Eh?" Hindi alam ni Maia kung ano ang dapat maramdaman o ang tamang sabihin. Hindi niya rin maunawaan kung bakit ito umiiyak. May nasabi ba siyang hindi maganda? O nasungitan niya ito nang hindi niya napansin?

"Uh... Mindy, ayos ka lang ba?"

Sa kaniyang gulat, lalo lamang itong humagulgol kasabay ng pagpunas nito sa mga mata nito na wala ring saysay sapagkat hindi humihinto ang mga luha nito sa pagtulo. "Paumanhin po... Binibini... ngunit hindi ko po mapigilan... ang aking... sarili..." sambit nito sa pagitan ng pag-iyak, ang tinig nito ay garalgal.

"May... problema ba?" maingat niyang tanong.

Mabilis itong umiling-iling. "H-Hindi po... sa gano'n... Mahal na Binibini ngunit... ngunit... hindi ko lamang po maiwasang maisip... na tila kayo ay sumuko na... at... at tila kayo ay nagpapaalam na." Inangat nito ang mukha nitong namumula at lalong umiyak na tila wala na itong pakialam na kaharap nito ang taong pinagsisilbihan nito. "Binibini! Humingi na po tayo ng tulong sa inyong Ama! Maaaring may lunas pa po sa inyong karamdaman na hindi po natin mahahanap kung tayo lamang ang nakaaalam! Pakiusap po!"

Halos mapanganga si Maia sa kaniyang mga narinig at nasasaksihan. Alam niya na tunay ang katapatan nito sa among pinagsisilbihan ngunit ang umiyak ito para dito... Tunay na nakamamangha.

At nakalulungkot.

Ngunit marahil ay magandang pagkakataon na rin ito upang maihanda niya ito sa mga mangyayari. Hindi man niya masabi na wala na si Malika... ngunit kahit paano ay maging mas maluwag sana ang pagtanggap nito sa tuluyang pagbigay ng katawan ng amo.

"Mindy..." Huminga siya ng malalim bago nagpatuloy, ang kaniyang tinig ay maingat ngunit puno ng katiyakan. "Hindi ako sumusuko."

Tumigil ang pag-iyak ni Mindy, ang mga mata nito ay nagkaroon ng kislap ng pag-asa. Hindi man masaya si Maia na patayin ang munting pag-asang iyon, ngunit wala siyang magagawa kundi ang sabihin dito ang katotohanan. Maliit na katotohanan mula sa buong katotohanang kaniyang nalalaman.

"Tinanggap ko lamang ang aking kalagayan." Kitang-kita niya kung paano nawala ang kinang sa mga mata ni Mindy at agad napalitan ng kalungkutan. At pakiramdam niya ay wala siyang pinagkaiba sa mga kontrabida sa isang palabas. Bumuntong-hininga siya bago nagpatuloy, "Alam natin pareho na walang solusyon ang aking karamdaman. Dagdag pa doon na ako ay pinagpala sapagkat hanggang ngayon ay wala pang ibang kaluluwa ang umangkin sa aking katawan..."

Nanlaki ang mga mata nito sa pangamba at tila naintindihan rin nito ang nais pa sana niyang idugtong. Na sa kabila ng malubha at walang solusyon na karamdaman ni Malika, nandito pa rin ang katawan nito.

Tumulo muli ang mga luha nito at sa ekspresyon nito, naisip ni Maia na tama lamang ang kaniyang naging desisyon na hindi sabihin dito ang buong katotohanan...

Na ibang tao na ang kausap nito.

Siguiente capítulo